CHAPTER 1
NAGSISIMULA NA kumain ang pamilya Guevarra nang makababa sa dining area ang pinakabata sa kanila, si Celestine. Umupo siya sa tabi ng kaniyang Kuya Carl na nagsasalin ng kanin sa sarili nitong plato.
"Celest, kailangan namin ng muse sa darating na liga. Kuhanin ka namin, ha?" tanong nito sa kaniya.
Kunot-noo niya itong nilingon habang siya ay kumukuha ng ulam na adobong baboy. "Bakit na naman ako, kuya? Lubayan mo na ako r'yan."
"Bakit hindi ikaw, 'nak? Ang ganda-ganda mo kaya!" masayang turan naman ng ina nila.
"Ma!" Kahit sa ina ay nahihiya siya.
"Tama ang mama mo, anak. Ang ganda-ganda mo saka ang taas ng height mo. Dapat at ginagamit ang mga iyan," sabat ng ama nila habang pinipiraso-piraso ang baboy sa plato nito.
Kinuha niya ang kanin sa puswelo saka nagsalin sa sarili niyang pinggan. "Marami naman pong p'wede. Why me? Hindi lang po ako ang maganda at matangkad na kilala ni Kuya Carl. Give chance to other, sabi nga nila."
"Lalayo pa ba ako, sis?" Halata sa mukha ng kapatid niya na sobrang proud ito sa kaniya.
Inamoy muna ni Celest ang kanin at maliit na laman ng baboy na nasa kutsara bago isubo. Umiling-iling siya habang nakatingin sa kapatid.
Hindi na lang siya nagsalita pa kahit panay ang pangungumbinsi ng pamilya niya. Wala siyang hilig sa mga pageant kahit pa sabihin na maganda talaga siya at model figure ang katawan. Hindi niya nakikita ang sariling rarampa sa harap ng mga tao. Kung hindi lang dahil sa kuya niya, never siya papayag na maging muse nito sa mga nakaraang laro sa mga liga.
Elementary pa lamang siya ay palagi na siyang kinukuhang muse ng kanilang section at magpahanggang ngayong nasa senior year na siya ay siya pa rin ang muse. Kahit anong pagtutol ang kaniyang gawin ay wala siyang nagagawa. Nakukuha pa rin kahit labag sa kaniyang kalooban.
Maganda si Celestine Guevarra. Ang height niyang 5'4 ay sadyang bagay sa kaniyang payat at sexy na katawan. Maputi at makinis din ang kaniyang balat. Maamo ang mukha at mala-anghel pa ito. Ang balat niya ay maputi at tila walang kagat ng lamok, kahit isa.
Ang kagandahang ito ay malaking asset niya kaya naman siya ligawin ng mga kapwa niya mag-aaral. May gwapo, mayaman, galante, MVP player at kung ano-anong bagay na gugustuhin ng isang babae para sa isang lalaki.
Ngunit hindi para kay Celestine.
"SO, KUKUHANIN ka talagang muse ng kuya mo, Tine?" tanong ng kaniyang kaibigan na si Aliyah. Prente itong nakaupo sa kaniyang tabi habang nagsusulat siya ng assignment sa kanilang Math garden.
Tinigil niya ang pagsusulat at tumingin sa katabi. "Oo. Wala na akong nagawa dahil pati parents namin, pinilit ako."
Bahagyang ngumiti si Aliyah sa kaniya saka tinapik sa balikat. "H'wag ka na malungkot. Alam ko naman na mananalo ka ro'n. Ang ganda mo kaya!" Pagpapalakas nito ng loob sa kaniya.
Biglang nakaramdam ng kakaibang pagbilis ng t***k ng puso si Celestine nang sabihin iyon ng kaibigan. Napayuko siya dahil natatakot siya na baka mapansin nito iyon.
'Heart naman, ayan ka na naman.'
"G-gaga! Mas maganda ka pa nga sa'kin," aniya saka tinuloy ang pagsusulat. Pilit tinatago ang labis na kaba at pamumula ng mukha.
Ganoon na lamang ang kaniyang pagkagulat nang bigla itong humilig sa balikat niya. Lalong dumoble ang kaba sa kaniyang dibdib. Sa labis na takot na baka mahalata siya ni Aliyah, kaagad siyang tumayo dahilan upang magulat at mapatingin ito sa kaniya.
"S-sorry, Iyah. M-may naalala kasi ako. May kukuhanin nga pala ako sa library ngayon."
"Akala ko naman napaano ka na. Sige, tara. Samahan na kita."
"Hindi, 'wag na. Kaya ko naman. Una na ako," aniya at dali-daling tinalikuran ang kaibigan. Tinawag pa siya nito pero hindi na lang niya binigyan pa ng pansin.
'I am sorry, Aliyah.'
UMUWI SI CELESTINE ng bahay matapos ang pangyayaring iyon. Nagsinungaling lang siya kay Aliyah na may iba siyang sadya sa library pero dahilan lang niya iyon.
Ang totoo, natatakot siyang baka mahalata nito ang tunay niyang pagkatao at ang nararamdaman para dito.
Limang taon na silang magkaibigan ni Aliyah. Noong una ay okay naman siya rito. Masaya kasama at kalog. Ngunit may ugali rin kasi itong sweet at caring. Hindi niya aakalain na ito pa pala ang makapagpapalabas ng tunay na siya.
She is a lesbian. Two years ago nang makumpirma niya na ito talaga siya. Na kapwa babae ang tipo at gusto niya at iyon ay si Aliyah.
Noong una, sinubukan niyang iwasan o ikaila kahit sa mismo niyang sarili na lesbian siya. Tinimbang ang mga gusto at nalaman niyang may mga bagay na pambabae pa rin ang kaniyang nais gaya sa paraan ng pananamit. Dress, short, crop top, lace sando and blouse. Maalaga rin siya sa sarili. She always put some make-ups on her face. Ang mahaba, unat at itim na buhok hanggang likod ay alagang-alaga rin niya.
Minsan pa siyang napatanong sa sarili.
'Abnormal ba ang puso ko?'
'Ayos naman ako sa panlabas na anyo, pero bakit iba ang t***k ng puso ko kapag nandyan si Aliyah?'
Mga tanong na nasagot din niya mismo.
'Dahil isa akong lesbian.'
'Gusto ko si Aliyah kaya ganito ako.'
She felt happiness when she accepted that fact. Masaya siya kahit may halong takot at pangamba. Ang mundo na kinagagalawan niya ay puno ng panghuhusga na aakalaing krimen ang pagkagusto sa kapwa babae o may sakit na labis na nakahahawa at nakamamatay.
Ngunit, paano nga ba ang gagawin niya kung ito talaga siya. Wala siyang intensyon na manggulo o manira, lalo na ang friendship nila ni Aliyah. Masaya na siya na mag-bestfriend sila at palagi itong nasa tabi niya. Hindi niya gugustuhin na mawala ito sa kaniya.
Masaya na siya kahit na sa simpleng pagkakaibigan mayroon sa kanila ngunit paano mananatili iyon kung araw-araw, mas lalong lumalalim ang nararamdaman niya para sa matalik na kaibigan.
'Subukan ko na lang ulit umiwas dahil mas makabubuti iyon. Kaysa naman malaman niya kung ano talaga ako at layuan.' Iyan ang pumasok sa isip niya dahil palaging naduduwag ang kaniyang puso.