PANAY ANG linga ni Aliyah sa paligid niya habang nakaupo siya sa bench kung saan sila nakapwesto kanina nila Celestine at Felicity. Hindi pa kasi bumabalik ang mga ito.
"Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?" tanong ni Thomas habang nasa tabi niya.
"O-oo naman. Pasensya na. Ang tagal kasi nila Tine. Ano nga ulit iyon?" Tinuon niya ang atensyon sa kaibigan.
Napangiti lang ito saka napahawak sa sariling dibdib. "Ang sabi ko, kinakabahan ako. Baka kasi hindi ako makapasa sa try out."
Natawa siya dahil doon. "Seryoso ka? Alam mo, makakapasa ka niyan dahil dati ka naman talagang varsity player mula sa pinaggalingan mong university. Pinakita mo rin ang best mo kanina kaya alam kong makakapasok sa team nila rito." Tinapik niya ang kanang braso nito. "Tiwala lang."
Matamis na ngumiti si Thomas sa kaniya saka tumango. "Salamat, Aliyah."
"Wala iyon. basta huwag ka na kabahan, okay?" Gumanti pa siya ng ngiti dito saka muling tumingin sa paligid at mas lumapad ang ngiti niya sa mga labi nang matanawan sila Celestine na papasok na ulit ng basketball gym. "Ayan na sila."
Lumingon din si Thomas sa gawi kung saan siya nakatingin. "Mabuti naman."
Nakiraan ang mga ito at maingat na humakbang upang makarating sa kanila. Ilang sandali pa ay nasa harapan na nila ang dalawa. Umusog siya palapit kay Thomas upang mabigyan ng pwesto si Celestine na agad namang naupo. Sa tabi naman nito si Felicity.
"May resulta na ba?" tanong ni Celestine.
"Wala pa nga, e," ani Thomas na sumulyap sa mga ito. "Kabado ako."
Napangisi si Celestine. "Kabado ka? Seryoso?"
"Oo naman! HIndi naman yata maiaalis na kabahan kapag ganitong magta-try out lalo at transferee lang din ako."
Tumango si Celestine. "May point ka naman." Lumingon ito kay Felicity saka sa sinabi pero hindi narinig ni Aliyah dahil maingay ang buong lugar dahil sa mga taong nandoon.
Pinilit niyang pakinggan ang mga pinag-uusapan ng dalawa ngunit nabigo siya. napanguso na lang siya saka wala sa sariling naisandal ang ulo sa braso ni Celestine. Naramdaman niyang nagulat ito at nilingon siya. Hindi siya kumibo at pinikit na lang ang mga mata pero ramdama niya ang paninitig ng bestfriend niya.
Maya-maya pa ay nagsalita ito, "Thomas, matagal pa ba ang resulta?"
Dinilat niya ang mga mata. HIndi siya gumalaw sa pwesto niya pero tiningnan niya si Thomas, naghihintay din ng sagot nito.
"Teka, titingnan ko lang muna. Babalik ako," anito saka tumayo.
Noon siya umayos ng upo saka lumingon kay Celestine na nakatingin sa kaniya. "Bakit?"
"Naiinip ka na ba? Gusto mo bang lumabas muna tayo?" tanong nito.
"Paano si Thomas?" tanong niya. Sa totoo lang ay gusto na niyang lumabas. Lumingon siya kay Felicity na napangiti sa kaniya. Ginantihan naman niya ito. "Kayo ba?"
"Maiintindihan naman siguro ni Thomas kung gusto mo muna lumabas," ani Tine na kumunot pa ang noo.
"Oo nga, Aliyah pero kung sa akin lang ay ayos lang naman kung manatili pa tayo rito. Don't worry," sabi naman ni Felicity.
Lumingon siya kung nasaan si Thomas. Kausap pa rin nito ang ibang players habang ang mga commitee naman ay abala pa rin sa pag-didiscuss kung ano ang resulta. "Hintayin na lang siguro natin." Lumingon siya kay Celestine.
Ilang sandali siyang tiningnan ng kaniyang bestfriend na animo sinusukat kung okay lang ba talaga sa kaniya ang manatili roon.
"Sige. Ikaw ang bahala." Bahagya itong ngumiti sa kaniya bago muling nilingon si Felicity sa kabilang gilid nito.
Napayuko na lang siya. May kung ano kasi siyang nararamdaman sa isang sulok ng kaniyang puso. Hindi niya iyon sigurado kaya naman pinagsawalang bahala na lang niya. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan niya.
Lihim siyang nanalangin na sana ay lumabas na ang resulta ng try out ni Thomas. Pwede naman sila lumabas na kaso nahihiya siya kung iiwanan nila ang kaibigan. Kabado nga ito kaya dapat hindi sila umalis sa tabi nito.
Naramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya kaya naman kaagad niyang kinuha iyon sa kaniyang bag. Kumunot ang noo niya nang makita ang numero ng lola niya. Kaagad niyang sinagot iyon. "Hello?"
"Apo, may klase ka ba?"
"Opo," aniya na nilakasan ang boses. Naisara niya ang kabilang tainga gamit ang isang kamay. May sinabi kasi ang lola niya ngunit hindi niya marinig. " T-teka lang po, lola. Lalabas lang ako." Tumayo siya at lumingon kay Celestine na nakikipag-usap kay Felicity. "Tine, labas lang ako. Tumawag si Lola." TInuro niya ang cellphone.
"Sige." Tumango pa ito.
Naglakad siya pababa at palabas ng basketball gym. Nang sa wakas ay malabas siya, nagsimula na siyang kausapin ang lola niya sa kanilang linya. "Lola, okay na. Bakit po?"
"Aliyah, may susi ka naman ng bahay, di ba?"
"Opo, bakit?"
"Baka kasi maluwas ako ng Manlla pagkasara ko ng shop natin. May kukuhanin akong mga bagong tela sa kakilala ko."
Nakaramdam siya ng lungkot bigla. Huminga siya nang malalim. "S-sige po, lola. Saan po kayo kakain ng dinner?" tanong niya rito.
"Baka doon na rin. magkita na lang tayo sa bahay mamaya, ha? I love you, apo."
"Sige po. Love you, too." Iyon lang at natapos na ang tawag. Binalot na naman ng kakaibang lungkot ang puso niya.
Wala na kasi sila halos oras para magkita at magkausap ng lola niya. Tanging sa cellphone na lamang sila nagkakausap nito dahil sa sobrang abala at tutok nito sa negosyo nilang patahian. Iyon ang naiwang negosyo ng mga magulang niya sa kanila na pinatatakbo na ngayon nito.
Sa sobrang tutok nito sa hanapbuhay ng kanilang pamilya ay wala na itong oras upang magkita sila kahit nasa iisang bubong lang sila nakatira. Kapag uuwi kasi siya ng bahay mula sa eskwelahan ay wala pa ito hanggang sa gabi na makakatulog na lang siya. Sa pagdilat naman niya kinabukasana ay wala na ito ulit dahil maaga rin itong nagtutungo sa shop nila sa palengke.
Naiintindihan naman niya kung bakit sobrang tutok nito sa negosyo nila. ito lang kasi ang inaasahan nila na siyang magtataguyod sa kaniyang pag-aaral. Mula nang mamatay ang mga magulang niya noon, nawalan na ng oras ito sa kaniya. Namimiss na niya itong makasabay sa hapagkainan o makausap tungkol sa mga bagay-bagay na tipong nag-rerelax lang silang maglola.
Isang malalim na paghinga ang pinakawalan niya bago binalik ang cellphone sa loob ng bag. Sa pagharap niya sa gawing entrada ng basketball gym ay nakita niyang nakatayo roon si Celestine. Nakatingin ito sa kaniya at hindi niya mabas ang emosyon nito sa mga mata. Lumapit siya rito.
"Bakit ka nandito? Si Felicity, iniwanan mo roon?" natawa siya sa ideyang iyon.
Nanantiling seryoso ang ang mukha nito habang nakatingin sa kaniya. "Anong sbai ng lola mo?"
"Ah, wala naman. Nagpaalam lang siya sa akin na baka gabihin siya ng uwi."
"Bakit daw?"
"Luluwas daw siya. Tara na at walang kasama si Felicity roon." Aya niya rito pero hindi tuminag si Celestine. "Tine?"
"Ayos ka lang ba?" tanong nito.
"Oo naman. Huwag ka na mag-isip dahil ako nga e, ayos lang ako. Sanay na ako," aniya saka hinawakan ang kamay nito at hinila papasok. Wala na nga itong nagawa kung hindi magpatianod na lang sa kaniya.