Rest In Peace

2288 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 GABI NA noong nagising ako sa ingay na nanggaling sa marahang pagbukas ng kawayang pinto ng kubo. Hindi ko alam kung anong oras na. Madilim, disoriented ang utak ko, at hindi ko nakikita ang taong pumasok. At dahil nakatali ang aking mga paa at kamay, ang tanging nagawa ko na lamang ay ang maghintay at makiramdam. Naramdaman kong may tila mabigat na bagay na inilatag sa sahig. Naglakad siya, at... "Kumusta." Ang pagbati na narinig ko noong sinindihan na niya ang lampara. Doon ko nakitang siya pala. Napansin ko rin ang kanyang dala na inilatag sa papag ng kubo. Isang malaking sako na hindi ko mawari kung ano ang laman. Hindi ko sinagot ang kanyang pagbati. Pinagmasdan ko na lang siya habang abala siya sa pagtanggal sa tali ng sako at sa pagpapalabas sa laman nito. At doon na kumawala ang matinding pagkagulat at takot ko noong umusli ang laman ng nasa loob ng sako. Dalawang paa ng tao! "Shitttt! Shittttttt!!!" ang pagsisigaw kong nanlaki ang mga mata at biglang napaigtad sa matinding pagkagulat. "Pumatay ka ng tao?!!! Shitttt!!!" sigaw ko. Matindi ang takot na naramdaman ko sa aking nakita, sumagi sa isip na ako na ang isunod niyang paslangin. Hindi pa rin siya kumibo sa pagsisigaw ko. Parang wala lang siyang narinig. Abala siya sa pagpapalabas sa bangkay habang ako naman ay nanginig, hindi magkamayaw sa pagsisigaw sa sarili ng "Shittt! Shitttt! Mamamatay-tao pala talaga ang hayop na 'to! Shitt!!!" Noong nakalabas na nang buo mula sa sako ang katawan ng tao, naaninag kong isa itong babaeng nasa mahigit kuwarenta ang edad. Mahaba ang buhok, nakapikit ang mga mata. Inayos niya ang pagkalatag nito sa sahig. Kumuha siya ng isang mahabang kawayang may hati sa gitna at inilatag niya ito sa gilid ng bangkay. Hinugot naman niya mula sa plastic bag na dala rin niya ang isang bigkis ng kandila. Itinirik niya ang mga ito sa ibabaw ng hating kawayang nakatihaya. Sinindihan. Pagkatapos, tumayo siya sa harap ng bangkay, nag-antada at yumuko na tila taimtim na nalangin. Doon na tila humupa ang aking takot. Hindi ko alam kung bakit niya dinala ang bangkay na iyon sa kubo niya, kung sino ang bangkay na iyon, kung bakit namatay iyon, at kung ano ang relasyon nito sa buhay niya. Maraming katanungan ang pumasok sa aking isip. Maya-maya pa, nakita kong umupo siya sa isang gilid, nakaharap pa rin sa bangkay. Tila umiiyak. Nakiramdam lang ako. Ayokong sirain ang eksena kung ano mang mayroon siya. May takot pa rin kasi ako. Sa katitingin ko sa kanyang ginawa, may unti-unti akong naramdamang kakaiba sa sarili. Hindi ko lang alam kung awa iyon o matinding pagkamangha. Parang may isang malalim at masakit na kuwentong nakatago sa likod ng aking nasaksihan. May 30 minutos pa ang lumipas at hindi pa rin siya natinag sa tila isang pagdadalamhati. Nakatutok pa rin ang paningin niya sa bangkay. Mistulang may mga ala-alang sinasariwa. Maya-maya ay tumayo siya, dinampot ang isa pang plastic bag na nakalatag sa sahig atsaka lumapit sa akin. Umupo siya sa tabi ko, hinugot ang laman noon. Pagkaing pansit at adobo, nakalagay sa isang styrofoam na halatang binili lamang sa isang turo-turo. "Kumain ka. Pasensya na..." ang sambit lang niya sabay hugot din sa plastic na kutsara na nasa loob ng plastic bag at kinutsara ang pagkain sa styrofoam. Iniabot niya iyon sa aking bibig, akmang susubuan ako. "Ibuka mo ang bibig mo." Sambit niya. Ngunit hindi ko ibinuka ang aking bibig. Inilayo ko ito at, "Bakit hindi mo na lang ako kalagan upang ako na mismo ang magsubo ng pagkain sa sarili kong bibig? May mga kamay naman ako eh!" ang matigas kong sabi. Hindi siya umimik. Mistulang isang tupang sinunod ang aking sinabi. Tahimik niyang inilatag sa styrofoam ang kutsarang may laman na pagkain at saka inabot at kinapa ang tali sa aking mga kamay na nasa aking likod. "Bukas... pagkatapos kong ilibing ang inay, ihahatid na kita sa inyo. Pasensya ka na, idinamay pa kita. Kailangan lang ng inay ang pera dahil sana sa kanyang operasyon upang mapalitan ang pumalpak niyang mga kidney. Hindi na siya nakaabot pa." Sambit niya habang kinalagan ako, halata sa boses ang matinding lungkot. Pakiramdam ko ay may isang matigas na bagay na humataw sa aking ulo at ako ay natauhan. Bigla kong naramdam ang pagka-awa sa kanya dahil sa nakumpirmang inay pala niya nag nakaburol. At nang-hold up siya dahil sa pagnanais na masagip ang buhay nito. Noong nakalagan na niya ang aking mga kamay, nag-aalangang dinampot ko ang pagkain. Hindi ko siya sinagot. "Naisauli ko na rin pala sa shop ninyo ang pera." Sambit uli niya. Nakaupo na uli siya sa isang gilid. "At huwag kang mag-alala dahil ipinaalam ko sa kanila, sa mga tauhan ninyo sa shop, na bukas na bukas din ay ibabalik kitang nasa mabuting kalagayan... at ako mismo ang maghahatid sa iyo." dugtong pa niya. Nahinto ako sa aking pagsubo at napatingin sa kanya. Naramdaman kong lumambot ang aking kalooban sa kanyang sinabi ngunit gusto kong magmatigas. Sa isip ko, masama pa rin ang kanyang ginawa. Ang perwisyo na idinulot niya sa aking pamilya at sa kasintahan kong si Weng ay hindi matatawaran. Tahimik kong itinuloy ang aking pagkain. "May tubig din d'yan sa loob ng plastic na bag. Pagkatapos mong kumain, maaari ka nang matulog. May tulugan sa itaas" sabay turo sa bubong ng kubo. May kisame pala ito na gawa sa kawayan at sinadya upang magsilbi ring tulugan. "Gigisingin kita ng alas singko bukas ng umaga pagkatapos kong mailibing ang inay. Mas mabuti kapag ganoon kaaga tayong aalis dahil delikado para sa akin ang lumalabas... alam mo na." hindi na niya itinuloy pa. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Ang sindikato. Sa buong gabi na iyon ay halos hindi na ako nakatulog. Naiidlip, nagigising, sisilipin siya, iidlip muli, tapos nagigising, sisilipin uli siya... At napansin kong hindi siya natutulog. Hindi siya lumalayo sa bangkay. Nagdadalamhati siya. Naglamay, pinapalitan ang kandilang naupos, at tila kinakausap pa ang bangkay. Mistulang piniga ang aking puso sa aking nasaksihan. Kung galit at takot ang naramdaman ko sa kanya noong una, sa puntong iyon ay unti-unti ko na siyang naintindihan. Nakaramdam ako ng hiya sa aking sarili. Iyon bang pakiramdam na hinuhusgahan ko na iyong tao na masama, ngunit mali pala. Napilitan lang na gawin ang isang bagay nang dahil sa labis na pagmamahal; dahil wala na siyang iba pang puwedeng gawin kundi ang masamang bagay na iyon... Alas tres sa aking relo noong nagising ako. Napansin kong wala siya sa loob ng barong-barong. Nang may narinig akong kaluskos sa likuran ng kubo, sinilip ko ito sa maliit na guwang. Mula sa isang maliit na lamparang nakalatag sa lupa at nagsilbing ilaw, naaninag ko ang isang taong puspusang gumagawa ng hukay. Alam ko, siya iyon. Hindi rin ako nakatiis. Lumabas ako, naupo sa isang gilid at pinagmasdan siyang naghuhukay. Ang straight-cut faded na maong na suot-suot niya sa pangho-hold up ay siya pa ring suot niya. Wala siyang damit na pang-itaas. Sa matipuno niyang dibdib pababa sa kanyang abs ay makikita ang mga butil ng pawis na nagsidaluyan sa kabila ng malamig na simoy ng hanging dala ng madaling araw. Hindi niya ako pinansin kahit alam kong alam niyang nakatutok ang paningin ko sa kanya. Tahimik siyang naghuhukay, naka-focus sa kanyang ginagawa, bakas sa mukha ang ibayong lungkot na alam kong pilit niyang nilabanan. Mistulang sinaksak ang aking puso sa tanawing iyon. At sino ba ang hindi? Kahit siguro ang isang taong may pusong-manhid ay makakaramdam ng pagkaawa kapag nakakita ng isang taong nagpighati, lalo na kapag ito ay isang anak na nawalan ng magulang. Tumayo ako at nilapitan siya. "T-tutulungan kita..." Hindi siya kumibo. Parang wala lang siyang narinig. Patuloy lang siya sa paghuhukay. "K-kaninong puntod iyang nasa tabi?" ang tanong ko noong napansin ang puntod sa tabi ng kanyang ginawang hukay. May nakahigang krus na kahoy sa ibabaw nito ngunit hindi ko na nababasa ang nakasulat dito. "Si Mark... kapatid ko. Siya ang pinatay ng sindikato." Tumango-tango na lang ako, hindi na nagtanong pa. Lalo lang kasing nagpabigat iyon sa awa na aking nadarama para sa kanya. Kaya naghanap na lang ako ng isang matulis na kahoy upang makatulong sa kanyang paghuhukay. Alas kuwatro sa aking relo noong natapos na ang hukay. Bumalik uli siya sa loob ng kubo, nakabuntot ako. Tinumbok niya ang bangkay at binalot ito sa banig. Pagkatapos ay kinarga niya ito sa kanyang braso, dinala palabas ng kubo. Noong nasa labas na kami, inilatag niya ang bangkay sa gilid ng hukay. Tumayo siya, nag-antada, nagdasal. Naki-antada na rin ako at nagdasal. Pagkatapos, tinulungan ko na siyang dahan-dahang ibaba ang bangkay sa loob ng hukay. Kitang-kita ko sa kanyang pisngi ang pagdaloy ng mga luha habang pinapala niya ang lupang itinambak. Mistulang tinadtad sa sakit ang aking puso sa nasaksihang eksena. Kung na-capture lamang ang nakita ng aking mga mata sa isang litrato, ito na marahil ang isa sa pinakamasaklap na larawang makikita ng tao: isang anak, nagpapala ng libingan para sa bangkay ng kanyang minamahal na ina. Sobrang naantig ang aking damdamin sa tanawing iyon. Hindi ko akalaing masaksihan ang isang masaklap na pangyayari sa buhay na sa isang pelikula lamang maaaring mangyari. "Ang saklap siguro kapag ikaw ang nagpapala ng libingan para sa iyong mahal..." bulong ko. Hindi ko namalayang tumulo na pala ang aking mga luha. "Sabi ng inay kapag nasa bingit raw ng kamatayan ang isang tao, susunduin siya ng mga nauna nang pumanaw na mahal sa buhay. Bago binawian ng buhay ang inay, nabigkas daw niya ang salitang 'Mark...' Tatlong beses. Alam ko, sinundo siya ng kapatid ko. Saan man sila naroon ngayon, siguradong masaya na silang nagsama." Ang sambit niya habang patuloy pa rin sa pagpapala. Hindi ko alam kung bakit niya ikinuwento sa akin iyon. Hindi naman ako nagtanong. Kahit naniniwala akong may espirito ang tao, hindi naman sumagi sa isip ko na may mga sundo-sundo rin pala silang nalalaman. Tumango na lang ako. Pagkatapos niyang takpan ang hukay inihiga niya sa ibabaw ng puntod ang isang krus na yari sa kaboy na may nakaukit na "CORAZON. REST IN PEACE". Pinagmasdan niya ito sa huling pagkakataon at saka tinakpan ang dalawang libingan ng mga dahon at sanga. Pumasok kami sa barong-barong at nilinis rin niya ang mga kalat. Ang plastic bag, ang kawayang nilagyan ng mga kandila, ang pinagkakainan namin...lahat ay inilibing niya sa lupa. Sa paglinis niya sa paligid, nagmukhang walang taong tumira sa lugar. Kinuha niya ang kanyang itim na t-shirt na nakasampay sa isang gilid at isinuot iyon. "Tara na... iuuwi na kita." Ang casual niyang pagkakasabi sabay dukot sa susi ng motorsiklo na nasa loob ng bulsa niya at bigla itong inihagis sa akin. "Ikaw ang mag-drive!" Bagamat nagulat, nasalo ko ang susi na hinagis niya. Hindi ko lubos maipaliwanag ang aking naramdaman nang napasakamay ko na ang susi. Parang gusto kong ihagis iyon pabalik sa kanya. May isang bahagi ng aking isip na nagnanais na manatili pa sa kubo kasama siya bagamat may isang bahagi rin na nagnanais na makapiling ang aking kasintahang si Weng. Wala kaming imikan habang naglakad sa masulok at makipot na daan pabalik sa kabihasnan. Sa isip ko ay naglalaro ang mga katanungan tungkol sa magiging kalagayan niya kapag nag-iisa na lang siya; kung saan siya kukuha ng pagkain, kung hanggang kailan siya magtatago sa mga sindikato, kung sino ang dadamay sa kanya sa sakit na dala-dala ng kanyang damdamin. Hindi ako makapaniwalang ganoon na siya kalapit sa akin. Sa isang gabing nagsama kami, maraming nangyaring halos hindi pa rin ma-absorb ng aking utak. Kahit hindi kami nag-usap nang mahaba-haba, ang eksena ng paglamay at paglibing niya sa kanyang inay ay tumatak sa aking isip, pati na ang mga katanungan kung bakit siya tinutugis siya ng mga miyembro ng sindikato, kung bakit nila pinatay ang walang kamalay-malay niyang kapatid... at ang kakaibang pagkaawa ko sa kanya. Parang kilala ko na siya nang napakatagal. Nang natumbok ko na ang pinagtaguan ko ng motorsiklo, pinatayo ko ito at saka umangkas. Walang imik na umangkas din siya sa aking likuran. "Ikaw... paano ka pala babalik dito?" ang tanong ko, ang boses ay may bahid na pag-alala. "Ako na ang bahala roon..." ang sagot din niya. "Tara na. Kailangan nating makaalis agad..." dugtong niya, halatang gusto na niyang putulin ang aming pag-uusap. Pinaandar ko ang motorsiklo. Wala kaming imikan habang binabaybay ng aking motorsiklo ang kahabaan ng kalsada patungo sa bayan. Tanging ang ingay lamang ng makina at umaandar na motor ang naririnig ng aking tainga. Tila nakabibingi ang pagwawalang-kibong namagitan sa amin. "A-ano pala ang pangalan mo?" Hindi rin ako nakatiis. "Meg..." ang matipid niyang sagot. "Tob." Ang sagot kong lumingon nang bahagya sa kanya. Natahimik na siya. Tila ayaw niyang makipag-usap. "Meg, g-gusto kong tulungan kita..." "H-hindi na kailangan." "Hindi Meg... makakatulong ako. May maitutulong ako." "Hindi ganyan kadali..." "P-paanong hindi ganyan kadali?" Hindi siya sumagot. Nasa ganoon akong paghihintay sa kanyang sasabihin nang bigla kong narinig ang, "Bang! Bang! Bang!" "Shitttttt!!!" Sigaw ko habang lumingon sa aming likuran. Nakita ko ang tatlong motor na nakabuntot, ang nagdala ay mga nakasibilyan na sa porma pa lamang ay masasabi mong mga myembro ng isang sindikato. "Bang! Bang! Bang!" ang narinig ko ring putok na nanggaling sa baril ni Meg. "Bilisan mo Tob!" ang sigaw niya. Narinig ko naman ang ingay ng tila pagbangga. Noong nilingon ko, natamaan pala ni Meg ang driver ng isang motor. Sumalpok sila sa isang concrete barrier. Narinig ko uli ang mga putok. At muli, narinig ko rin ang ganting pagpapaputok ni Meg. "Bang! Bang! Bang!" "Tob!!! M-may tama ako. Bilisan mo pa, Tob! Arrgggghh!" Ang narinig kong sambit niya. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD