By Michael Juha
getmybox@h*********m
fb: Michael Juha Full
----------------------------------
"Si Meg At Ang Tawag Ng Mga Ibon"
(Sa panunulat ni Tob, para sa pinakamamahal niyang si Meg)
Ako si Tob. Isinulat ko ang kuwento kong ito dahil sa labis na pagmamahal ko sa isang tao... si Meg.
Hindi pangkaraniwang insidente ang naging tulay upang mag-krus ang landas namin ni Meg. Kasama ko noon ang aking girlfriend na si Weng, tinungo namin ang aming jewelry shop. Nabuo na kasi sa aking isip na pakakasalan ko na siya at doon ko gagawin ang pag-propose sa kanya.
Maganda si Weng. Matangkad, makinis ang balat, anak mayaman at higit sa lahat, mabait. Sabi nga nila, perfect match daw kami; ang lahat ay nasa amin na. Kumbaga, made in heaven.
Walang kaalam-alam si Weng na sa lugar na iyon ay magaganap ang isa sa pinakamemorableng pangyayari sa aming buhay. Wala ring ibang taong nakaalam sa aking plano maliban sa driver ng bus na siya kong inarkila. Ang alam lang ni Weng ay may ireregalo akong singsing sa aking ninang at ninong para sa nalalapit nilang silver wedding anniversary at siya ang gusto kong pumili.
Pagdating namin sa shop, ibinigay ko kay Weng ang limang pares ng singsing na sadyang ipina-custom-made ko upang pagpipilian niya. Namangha si Weng sa ganda ng mga singsing. At nang nakapili na, lihim na akong nag-misscall sa bus driver. Iyon kasi ang hinihintay niyang hudyat upang pumarada sa harap ng shop. Nang nakaparada na siya, lumantad ang malaking tarpaulin sa gilid ng bus, may litrato naming dalawa ni Weng at ang nakasulat ay, "Weng... I've made the most important decision of my life. I will marry you. –Tob".
Bumusina nang napakalakas ang driver. Nang lumingon si Weng sa bus, nanlaki ang kanyang mga mata sa matinding pagkagulat sa nakita at nabasa. Pati ang mga tindera namin ay nabigla rin at nagpalakpakan. Lumuhod ako sa harap ni Weng sabay abot sa kanya sa singsing na napili, "Weng, will you marry me?"
Nagsigawan ang aming mga tindera. Nagpalakpakan. Kinilig. At pati na si Weng ay namula, bakas sa mukha ang matinding saya. "Yes!" ang sagot niya. Isinuot ko sa kanyang daliri ang singsing. At ang pares noon ay ibinigay ko sa kanya upang siya naman ang magsukbit nito sa aking daliri.
Ngunit naputol ang masayang eksenang iyon nang biglang sumulpot ang isang lalaking naka-bonnet. Hinablot niya sa leeg si Weng sabay deklara ng "Hold-up ito!!! Ilabas ang pera!!!"
Napalitan ng takot ang saya at excitement naming lahat. Hindi kami halos makakilos o makagalaw dahil sa pagtutok ng baril ng hold-upper sa ulo ni Weng. Pati ang aming guwardiya ay walang nagawa kundi ang dumapa at i-surrender sa hold-upper ang baril na dala niya.
"Alam kong may vault kayo... buksan iyon kung ayaw ninyong patayin ko itong babaeng ito! Daliiii!" ang utos nito noong nakitang walang laman ang aming kaha dahilan nang kabubukas pa lamang ng aming shop. Tinungo ko ang silid kung saan nakalagay ang vault. Sumunod siya, hatak-hatak si Weng. Noong nabuksan na ang vault, iniutos niya uli sa akin na ilagay ang pera sa bag. Nang napuno na ito ng pera, iniabot ko ito sa hold-upper.
Hawak-hawak na ng isa niyang kamay ang bag na naglalaman ng pera nang biglang binitiwan niya si Weng at sa akin itinutok ang kanyang baril. Gulat na gulat ako. Akala ko ay ipuputok niya iyon sa aking ulo.
"Diretso sa motorsiklo mo at paandarin ito! Bilisan mo lang!" ang utos niya. Marahil ay nakita niya ang pagdating namin ni Weng sa shop na naka-motorsiklo lang. Motorsiklo kasi ang kinahihiligan kong sport, kung kaya ay ito rin ang aking gustong service. Noon ko naisip na gagamitin niya ako para sa kanyang pag-takas. Agad akong tumalima. Sa isip ko, mas mabuting ako ang iho-hostage niya. Naka-buntot siya sa aking likuran, tinumbok ko ang aking motorsiklo na nakaparada sa labas ng shop at pinaandar iyon. Mabilis din siyang umangkas sa aking likuran, nakatutok pa rin sa ulo ko ang baril habang hawak-hawak naman ng isa niyang kamay ang bag ng pera.
"Huwag kang pumalag! Nasa tagiliran mo lang ang baril. At bilisan mo pa! Ambagal eh!" Sambit niya sabay diin ng dulo ng baril sa aking tagiliran. Itinago na pala niya ito upang hindi mapansin. "Diretso lang. Sasabihin ko sa iyo kung kailan liliko o hihinto!"
May isang oras din kaming naglakbay hanggang sa natumbok namin ang isang makipot na daan at sa dulo nito ay huminto kami, sa paanan ng isang bundok.
Masukal ang lugar at napaliligiran ito ng mga malalaking kahoy, malalaking kawayan at mga puno ng niyog. Walang katao-tao.
"Itago mo lang ang motor mo diyan sa gilid, takpan mo ng mga dahon upang hindi makita!" utos niya uli at nang naitago ko na ang motorsiklo, inangat niya ang baril, puntirya sa aking ulo. "Lakad!"
Naglakad kami ng halos isa pang oras, nakabuntot siya akin at nag-uutos kung saan ang tutumbuking daan. Sa pakiwari ko ay walang ibang taong dumadayo roon. Purong matatayog na kahoy, kawayan, niyog... at nakaharang pa ang mga makakapal at matataas na damo sa aming ruta. Tumawid rin kami ng dalawang maliliit na ilog. Hanggang sa narating namin ang kanyang kubo. Sa gitna ng masukal na lugar, hindi ko akalaing may nakatagong barong-barong doon.
Noong nalingat siya, dali-dali akong tumakbo upang makatakas. Ngunit isang malakas na "Bang!" ang aking narinig kasabay sa pagbagsak sa isang naputol na sanga sa aking harapan.
Bigla akong nag-freeze sa takot.
"Ang sunod na bala ay sa ulo mo tatama kapag itinuloy mo pa ang pagtakas!" ang pagbanta niyang nakatingin sa akin, ang mga mata ay nanlilisik sa galit at nakatutok sa ulo ko ang kanyang baril.
Hindi ako gumalaw. Tinitigan ko lang siya. Ngunit noong narinig ko ang pagkasa pa niya sa kanyang baril, napilitan na akong dumiretso sa pinto ng kubo atsaka pumasok.
"Talian mo ang iyong mga paa!" utos niya noong nasa loob na kami ng kubo, inihagis sa akin ang isang nakarolyong lubid.
Tinanggal niya ang kanyang bonnet. Doon ko na siya napagmasdang maigi. Tinandaan ko sa aking isip ang kanyang anyo upang kapag nagsumbong ako sa mga pulis, alam ko kung paano siya i-detalye. Sa tingin ko ay mas matanda siya sa akin ng dalawa o tatlong taon. Nasa 22 o 23 ang edad, halos anim na talampakan ang taas, medium built, may mahabang straight na buhok ngunit halatang pinabayaan. Matangos din ang ilong niya, makinis ang balat, may makakapal na kilay, may pagka singkit ang mga mata, ang kanyang suot ay faded na straight-cut na maong at t-shirt na itim. May hitsura siya. Ang tindig at porma ay parang sa isang modelo.
"Ang sabi ko ay talian mo ang iyong mga paa! Huwag ako ang titigan!!!" ang sigaw niya.
Agad akong tumalima. Dinampot ko ang lubid sabay upo sa papag at sinimulan ko ang pagtali sa aking mga paa. Tinangka kong luwagan ang tali ngunit matinik ang kanyang mga mata. "Oppss! Bawal iyan!" sigaw uli niya sabay tutok ng baril sa aking noo.
Noong natapos ko na ang pagtali sa aking dalawang paa, inutusan naman niya akong tumayo at i-position ang aking dalawang kamay sa aking likod. Habang nakatalikod ako, tinalian niya ang mga ito. Napagtanto ko na nag-iisa lang siya sa kanyang ginawang krimen. Wala akong napansing ibang tao sa kubo. "Talagang sagad sa buto ang kasamaan mo! Magsuntukan na lang tayo! Matapang ka lang dahil sa baril mo! P***ng ina mo!" Sigaw ko sa sobrang galit, napakalutong pa ng aking pagkakasabi.
"Ayaw kong marinig ang pagmumura na yan! Magmura ka ng ibang bagay ngunit huwag ang ina ko!" ang galit niyang sabi.
Ngunit lalo ko pang nilakasan ang aking pagmumura. Malutong. "PU**** INA MOOOO!!!"
Doon na niya muling itinutok sa aking ulo ang baril. At ikinasa pa ito. Kitang-kita ko sa kanyang mukha ang matinding galit. "Kung mahal mo ang buhay mo at ang kasintahan mo, manahimik ka! Nakapatay na ako ng tao, gusto mo bang idagdag kita sa listahan?!"
Natahimik ako. Bagamat natakot, pinilit kong huwag magpahalata. Pakiramdam ko ay tototohanin niya ang kanyang banta.
Maya-maya pa, bigla siyang nahinto, mistulang nakiramdam sa paligid. At nagulat na lang ako nang bigla niyang inilingkis ang isa niyang braso sa aking dibdib at hinila niya ako nang patayo, patalikod, pakaladkad. "Saan mo ba ako dadalhin?!!!" sigaw ko, kinabahan na baka iyon na ang puntong papatayin nya ako.
"Papatayin na kapag isang ingay mo pa!" At naramdaman ko ang pagdampi ng dulo ng kanyang baril sa aking ulo.
Natahimik uli ako.
"Hindi ka dapat mag-ingay hanggang hindi ko sinasabi na maaari ka nang magsalita!" sambit niya habang binuksan ang isang lihim na taguan sa ilalim ng sahig na tinakpan ng papag. Isang butas na kasya ang dalawang taong nakatayo.
Itunulak niya ako sa butas. Nalaglag ako. Muntik pang mauntog ang aking ulo sa takip na papag. Ang buong akala ko ay doon na niya ako barilin. Ngunit bigla rin siyang lumundag pagkatapos maihagis ang bag ng pera sa loob at tinakpan ang bunganga ng taguan. At halos kasabay sa pagsara ng taguan, narinig ko ang mga yabag ng tao na nakapasok sa loob ng kubo. Doon ko napagtanto kung bakit. "Huwag kang sumigaw kung ayaw mong magkamatayan tayong lahat dito!" ang pabulong niyang banta sa akin.
"Boss... wala naman dito eh!" Ang narinig kong sambit ng isa sa mga taong pumasok.
"Tangina! Ang ilap talaga ng taong iyon! May sa palos yata eh!" sagot naman ng isa.
"Hayaan na nga lang natin iyon boss! Hindi naman siguro tayo ikanta noon sa mga awtoridad."
"Anong hayaan? Gago ka ba? Pinatay niya nga si Batik! Ang pinakamatinik nating tauhan!"
"Pinatay rin naman natin ang kapatid niya boss eh. Patas na!"
"Um! Gago ka!" ang narinig kong ingay nang pagbatok. "Hindi mo ba alam na dahil sa ginawa niya, malaking halaga ng droga ang nawala sa atin! Milyones! Naintidihan mo, tanga?! At nasa panganib pa ang sindikato natin? Ikinanta na niya ang iba nating mga tauhan! Pati ang ating big boss! Paano kung biglang sumulpot iyon at tumistigo? E, di malaking eskandalo? Maluluklok pa kaya si big boss sa puwesto sa susunod na eleksyon kapag napatunayang siya ang ulo ng sindikato? Maraming alam iyon! Kaya hindi tayo titigil hanggang hindi natin napatay ang gagong iyon. Order iyan ni big boss!!!" ang sigaw na ng kausap na halatang galit na galit.
"Yes boss!" ang sagot naman ng kasama.
Tahimik.
"Wala na bang ibang kamag-anak ang taong iyon na maaari nating kidnapin at pahirapan upang ang tao na iyan ang siya na mismong kusang maghanap sa atin?"
"Balita ko boss ay may inay pa siya..."
Natahimik sila sandali.
"Hmmmm. Magaling. May naisip ako. "Tara na!" ang sagot ng nasabing boses ng boss sabay sa pagkarinig ko sa mga yapak na papalabas ng kubo.
Sa narining kong usapan ay may naglalarong mga tanong sa aking isipan. Napatingin ako sa kanya. Hindi ko akalain na sa likod ng kanyang ginawang krimen, may iba pa pala siyang issues. "Masama pa rin ang ginawa niya. Hold-upper pa rin siya..." bulong ko sa sarili.
Kitang-kita ko sa kanyang panga ang tila paggiling ng mga ngipin sa galit. Hindi ko alam kung ano ang laman ng kanyang isip.
"Aalis ako. Iiwan muna kita rito..." ang sambit niya noong wala na ang mga tao at nakalabas na kami sa aming taguan. Nakatayo kaming pareho. Pinulot niya ang bag ng pera atsaka ipinasok ang kanyang kaliwang kamay sa loob ng aking harap na kanang bulsa.
"Ano ba ang kinapa mo!!!" sigaw ko. Naaasiwa kasi ako dahil nakakalabit ng kanyang kamay ang aking p*********i. At dahil malalim ang bulsa, at fit pa ang aking maong na pantalon, nahirapan siyang ipasok ang kanyang kamay. "Ano baaaaaa!" sigaw kong muli.
Ngunit hindi siya kumibo. Patuloy lang ang pagkapa ng kanyang kamay sa loob ng aking bulsa hanggang sa nahugot niya ang susi ng motorsiklo. Naalala kong doon ko pala ito inilagay.
"Kalagan mo muna ako, tarantado! Paano kung babalik ang mga taong iyon at iniwan mo ako rito?!"
"E, di magpasalamat ka..." ang kalmante niyang sagot.
"Ano ba ang kailangan mo? Nasa iyo na ang pera! Bakit kailangan mo pa akong i-hostage? Ano pa ba ang gusto mo?"
"Wala ka na roon..." sabay tumbok sa pinto, nagmadali, at walang lingon-lingon na lumabas.
"Hoyyyy!!! Kalagan mo ako tarantado!!!"
Ngunit hindi na niya ako pinansin.
Noong ako na lang mag-isa, tinangka kong makaalpas. Ngunit mahigpit ang pagkatali sa aking mga kamay kung kaya ay kahit anong pilit kong kumawala ay hindi ko magawa.
Sumigaw ako nang sumigaw sa tuktok ng aking boses. Ngunit ang awit ng mga ibon at ingay ng mga dahon na nagkikiskisan sa bawat pag-ihip ng hangin ay ang tanging ang naririnig ko.
Nakatulog ako sa pagod...
(Itutuloy)