Umalis Ka Na!

2103 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 Taranta kong pinabilisan pa ang aming takbo. Dahil mataas ang speed ng aking motor at halos kasing laki ng kotse ang mga gulong nito, hindi hamak na nakalamang kami sa bilis. "Bang! Bang! Bang!" ang narinig ko pang mga putok na nanggaling sa mga kalaban. Ngunit malayong-malayo na kami. "D-dalhin kita sa ospital Meg..." "Huwag... matutunton nila ako roon. B-bumalik na lang tayo sa kubo, may daan sa kabila... Doon sa kubo gusto kong mamatay. Doon mo ako ilibing, sa tabi ng puntod ng aking inay..." Ang narinig kong sabi niya. At hindi na siya nagsalita pa. "Shitttt! Huwag ka ngang magsalita ng ganyan! Mabubuhay ka Meg! Mabubuhay ka!" ang sagot kong nataranta na rin sa tono ng kanyang pananalita. At doon ko naramdaman ang kanyang bisig na inilingkis sa aking beywang. Napatingin ako sa bisig niyang inilingkis doon. May kakaiba akong naramdaman. Maya-maya, napansin kong isinandal na rin niya ang kanyang ulo sa aking likod. Lumihis ako ng daan upang maligaw ang mga tumutugis sa amin. Noong hindi na nila kami nasundan, pinaharurot ko na ang motorsiklo patungo sa gubat, sa ibang daan na sinabi ni Meg. Dali-dali kong itinago ang motorsiklo nang nakarating na kami sa paanan ng gubat. Pagkatapos, si Meg naman na tila mawawalan na ng malay ay inalalayan ko. Maraming dugo ang dumaloy sa kanyang sugat. Kaya nagtatakbo kaming bumalik sa kubo. Nand'yan iyong madapa siya, matapilok. Nanghina siya dahil sa kanyang tama. Hanggang sa kinarga ko na siya sa aking mga bisig nang malapit na kami sa kubo. Nang nasa loob na kami ng kubo, agad kong hinubad ang nababad sa dugo niyang t-shirt at pinataob siya sa higaan. Patuloy pa rin sa pag-agos ang dugo galing sa kanyang sugat. Pinahid ko ito. Doon ko nakitang nasa kanang bahagi ng kanyang likod ang tama, malapit sa joint na nagdugtong ng kanyang braso at balikat. "Meg... nasa loob pa yata ang bala. Kaya mo ba kung tanggalin natin? Baka delikado para sa iyo kung hindi ito matanggal?" "H-huwag na Tob, huwag na." Ang sagot niyang halatang nahirapan at nasaktan. "Magpahinga lang ako at kaya ko na uli ito. At ikaw... umuwi ka na. Hinintay ka ng mga magulang mo, ng kasintahan mo. Ayaw kong madamay rin sila." "Meg... hindi kita puwedeng iwanan. Mamamatay ka!" Ang sabi ko habang pinupunit ang aking t-shirt at ginawa itong bendahe upang mahinto ang pagdurugo ng kanyang sugat. "Ok lang ako. Kailangan ko lang ng pahinga." "S-sige. Magpahinga ka lang, Meg..." "G-gusto kong sa paggising ko ay wala ka na..." ang sambit niya noong natapos ko nang malagyan ng bendahe ang kanyang sugat. "Meg, hindi ko puwedeng gawin iyan. Mamatay ka kapag nag-iisa ka na lang dito! Sino ang tutulong sa iyo rito?" "Umalis ka na sabiiiii!!!" ang galit na galit na niyang sigaw. "O-oo... s-sige. Aalis ako. Basta magpahinga ka lang ha? Huwag ka nang magalit, please. Aalis ako, Meg..." Ang naisagot ko na lang. Ayaw kong magkipag-argumento sa kanya habang nasa ganyan siyang kalagayan. Ngunit sa isip ko ay talagang luluwas ako ng bayan upang bumili ng gamot, alcohol, pagkain, at iba pang mga gamit na maaaring magamit sa kubo. At babalikan ko siya upang tulungan. Inakyat ko ang tulugan niya sa may bubong at noong nakita ko ang kumot, isinaklob ko ito sa kanyang katawan. "Meg... aalis na ako. Magpahinga ka lang." Pagpapaalam ko at tinumbok ang pinto ng kubo. Hindi na siya sumagot. Una kong pinuntahan ang aming bahay. Tuwang-tuwa ang aking ina nang makita akong ligtas at nasa mabuting kalagayan. Ipinaliwanag ko sa kanya na hindi likas na masama si Meg; na nagawa lang niya ang pangho-hold up nang dahil sa pangangailangan ng pera para sa ina. Naintindihan naman ito ng aking ina. Pinatawad na raw nila si Meg at lalo na nang ibinalik pa niya ang pera. Tinawagan ko rin si Weng. Nanghingi ako ng paumanhin sa nangyari. Naintindihan din niya ang lahat. Gusto pa sana niyang magkita kami sa oras na iyon ngunit sinabihan ko siyang saka na lang dahil may mahalaga akong lakad at nagmamadali ako. Nagtanong siya kung ano ang lakad kong iyon ngunit sinagot ko na lang siyang saka ko na sasabihin. Lahat nang bagay na puwede naming magamit ni Meg sa kubo ay binili ko, kasama na ang mga pagkain, kumot, iilang t-shirt, short, brief, sabon, toothbrush, shampoo, anti-biotic, pain reliever, gamot sa lagnat, alcohol, at iba pa. Pati lotion kontra sa lamok ay bumili rin ako. Dinala ko rin ang aking credit cards, nagbakasakaling magagamit ko iyon sa tamang panahon. Pati cp ay nagdala rin ako ng extra, at may extra ring battery. Kahit walang signal sa gubat, maaaring magamit din naming pang-ilaw iyon, o kahit sa pagpapatugtog ng music. Mag aalas sais na ng gabi noong nakabalik ako sa kubo. Marami akong bitbit. Hindi ko lubos maintindihan ang aking sarili. May excitement akong nadarama na muli ko siyang makita. Ngunit laking pagkagulat ko nang hindi ko mahagilap si Meg sa kubo. Dali-dali kong inilatag sa sahig ang aking mga dala at lumabas. "Meg! Meggggg!!!" ang pagsisigaw ko. Ngunit walang sumagot sa aking tawag. Ang tanging narinig kong ingay ay ang mga tawag ng kuliglig at mga panggabing hayop na nagsimula nang mag-ingay sa oras na iyon. Inikot ko ang paligid ng kubo hanggang sa natumbok ko ang likurang bahagi kung saan naroon ang puntod ng kanyang ina at kapatid. Sa tabi ng puntod ng kanyang inay ay may bagong hukay. At bagamat mababaw lang ito at hindi natapos, naroon si Meg, nakahiga sa loob at nakapikit ang mga mata! "Meeegggg!!!!" ang sigaw ko sabay lundag sa loob ng hukay. Pinilit kong itaas ang kanyang pang-itaas na katawan at ipinatong ito sa aking hita habang naupo ako sa lupa. "Meg! Anong ginawa mo???" Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Halatang pagod at mapupungay. Pilit niya akong tinitigan. Ngunit imbes na sagutin ang aking tanong, isang tanong din ang kanyang binitiwan. "B-bakit ka pa bumalik???" "H-hindi ko kayang iwan ka rito, Meg." "Umalis ka na." "Meg please... hayaan mong tulungan kita. Kailangan mo ako, Meg!" "Umalis ka na!" ang sigaw niya. "G-gabi na Meg. Hindi ako puwedeng umalis... B-baka may mangyari sa akin sa daan." ang palusot ko na lang. Natahimik siya. "Tara sa loob ng kubo..." sambit ko sabay hila ko sa kanyang katawan upang makatayo at makalabas siya sa hukay. Hinayaan naman niya ako. Ramdam kong mas lalo pa siyang nanghihina kung kaya ay kinarga ko na siyang muli sa aking mga bisig. Noong nasa loob na kami at nakahiga na siya sa papag, inilabas ko ang mga pagkaing dala-dala ko. "K-kumain ka muna Meg... para manumbalik ang lakas mo." Hindi siya kumibo. Inilatag ko sa gilid ng kanyang higaan ang mga pagkain. "Susubuan kita Meg..." sambit ko sabay sandok ng pagkain sa kutsara at inilapit ito sa kanyang bibig. Ibinuka niya ang kanyang bibig at hinayaan niya akong subuan siya. Binitiwan ko ang isang ngiti para sa kanya. Sinuklian din niya ito, bagamat pilit. Doon pa lang, sobrang tuwa na ang naramdaman ko. At sinubuan ko pa siyang muli, hanggang sa siya na mismo ang nagsabing ayaw na niya. "Uminum ka muna ng gamot Meg. Isang anti-biotic laban sa impeksyon at ang isa naman ay pampatanggal sa sakit." Isinubo ko sa kanyang bibig ang mga gamot. Ibinuka niya muli ang kanyang bibig. Pati sa pag-inum niya ng tubig ay ako rin ang humawak sa bottled water at nagpainum sa kanya. Iyon ang simula ng aming pag-uusap. Doon ko napag-alaman ang kuwento ng kanyang buhay. Ang namayapa niyang inay ay isa palang single mother. Ang kanyang ama ay isang anak mayamang mayroong ibang babae, na pinakasalan. Nalaman ito ng kanyang ina noong palaging may nagpupuntang babae sa bahay nila at nag-iskandalo. Kabit lang daw ang kanyang ina dahil kasal nga raw ang ama nila sa kanya, at na-insecure dahil hindi siya nagkaanak samantalang ang kanyang ina ay nagkaroon ng dalawang lalaki, sina Meg at Mark. Pinagbantaan ng babae ang kanyang ina. At upang makalayo, lumipat sila ng tirahan, sa squatter's area. Doon nag-apply si Meg ng trabaho, bilang isang delivery boy. Akala ni Meg ay isang matinong trabaho ang napasukan niya. Ngunit ang mga idinideliver pala niyang bagay ay droga. Nalaman niya ito nang nahuli siya ng mga pulis at nakumpiska ang dala niya. Inimbistigahan siya at itinuro ang kompanyang nag-hire sa kanya, pati na ang mga kasamahan at mga opisyal. Ngunit sa loob ng organisasyon ng mga pulis ay may kasabwat din ang mga sindikato. May isang pulis na lihim na nagbantang patayin siya. At doon na siya natakot nang narinig ang usapan ng dalawang pulis na nagplanong ipapatay siya sa mga preso kapag nasa loob na ng kulungan. Tumakas siya. Noong nakatakas, may nagtangkang bumaril sa kanya. Nahabol niya ang taong iyon at naagaw ang baril. Napatay niya. Iyon na ang simula ng kanyang kalbaryo. Kinabukasan, pinatay rin ng sindikato ang kapatid niya. Sa araw na iyon, agad silang lumisan patungo sa gubat, dala-dala ang bangkay ng kanyang kapatid na isinilid nila sa isang malaking maleta. "Iyan ang dahilan kung bakit ako tinutugis ng mga pulis at sindikato... Iyan din ang dahilan kung bakit kami nanirahan sa masulok na gubat na ito." "Bakit hindi ka magsumbong sa mga awtoridad?" "Hindi mo alam kung sino ang mapagkatiwalaan. Kapag nagkamali ka, papatayin ka rin nila. Kagaya rin sa kaibigan iyan, hindi mo alam kung sino sa kanila ang mapagkakatiwalaan." Natahimik ako. Napaisip sa kanyang sinabi. Parang may kung anong matulis na bagay ang tumusok sa aking puso. Iyon marahil ang dahilan kung bakit gusto niyang umalis ako. "H-hindi ka ba nagtitiwala sa akin Meg?" ang tanong ko. "Hindi ko alam... Wala pa akong taong pinagkakatiwalaan maliban sa aking inay at kapatid." Natahimik ako. Sa isip ko lang ay hindi ko siya masisisi. Sa dami ba namang pinagdaanan niya sa buhay. "B-bakit ka pala doon nahiga sa hukay kanina? At bakit ka naghukay? P-para kanino?" ang paglihis ko sa usapan. "Wala ka na roon..." ang maiksi niyang sagot. Hindi na ako nagpumilit makipag-usap. "M-magpahinga ka na Meg. Kakain lang ako at magpahinga na rin." sambit ko na lang. Hindi na siya sumagot. Noong tiningnan ko siya, nakapikit na ang kanyang mga mata. Habang kumakain ako, pinagmasdan ko ang kanyang anyo. Nakahiga siyang patihaya sa papag na kawayan, banig lang ang sapin at walang unan. Ang faded na maong na siyang suot-suot niya sa panghold-up ay siya pa ring suot niya sa oras na iyon. Wala siyang damit pang-itaas. At kapansin-pansin ang ganda ng hugis ng kanyang katawan. Nakapikit ang mga mata, ang isang braso ay nakapatong sa kanyang noo. Napaka-inosente niyang tingnan. Nakakaawa. Isang taong pinagkaitan ng kaligayahan at mistulang nawalan na ng pag-asang mabuhay. Ngunit pilit pa ring lumaban. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. Habang nasa ganoon akong pagmumuni-muni, napansin ko ang malaking bilog at stainless na pendant sa kanyang dibdib. Nakita kong suot-suot din niya ito nang hinold-up niya ang aming shop. Dahan-dahan kong inangat ito sa aking kamay at saka binuklat. Sa loob nito ay isang relo at sa kanyang takip ay may litrato ng isang babaeng teenager. "Siguro ito ang kanyang inay." Sa isip ko lang. Kahawig kasi ang mukha sa litrato sa nakita kong bangkay ng kanyang ina. "Napakaganda pala niya noong bata pa siya!" bulong ko sa sarili. "Kaya pala may hitsura din si Meg. Sigurado, napaka-guwapo rin ng kanyang itay..." Muli kong ibinalik ang pendant sa ibabaw ng kanyang dibdib. Nang matapos akong kumain, humiga na rin ako sa gilid ng banig na kanya ring hinigaan. Mag aalas-dose na ng hating gabi noong nagising ako sa mahihinang daing ni Meg. Nang ilapat ko ang aking palad sa kanyang noo, dama ko ang init. May lagnat siya, at nanginginig sa sobrang taas ng temperatura. Tumayo ako at kinuha ang gamot. Kumuha rin ako ng tubig; ang sobrang bottled water namin sa hapunan at pinainum ko siya. Kinuha ko rin ang mga nabili kong t-shirt, at kung anu-anong bagay na maaaring ibalot sa kanyang katawan. Ngunit patuloy pa rin siyang nanginginig. Patagilid ko syang niyakap. Tiniis ko ang init sa kanyang katawan na lumapat sa aking balat, maibsan lamang ang kanyang panggiginaw. Sa ginawa kong iyon, ramdam ko ang tila nakakakiliting kuryenteng dumaloy sa aking kalamnan sa paglapat ng aming mga katawan. Sa pagdikit ng aming mga mukha, nalalanghap ko ang hangin na nanggaling sa kanyang hininga. Sa lapit ng aking mga bibig sa kanyang mukha, halos halikan ko na lang siya sa labi. Hinaplos-haplos ko na lang ang kanyang noo at buhok. Unti-unti, siyang natahimik. Hanggang sa namalayan kong nakatulog din siya. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD