Ako si Tob. Isinulat ko ang kuwento kong ito dahil sa labis na pagmamahal ko sa isang tao... si Meg.
Hindi pangkaraniwang insidente ang naging tulay upang mag-krus ang landas namin ni Meg. Kasama ko noon ang aking girlfriend na si Weng, tinungo namin ang aming jewelry shop. Nabuo na kasi sa aking isip na pakakasalan ko na siya at doon ko gagawin ang pag-propose sa kanya.
Maganda si Weng. Matangkad, makinis ang balat, anak mayaman at higit sa lahat, mabait. Sabi nga nila, perfect match daw kami; ang lahat ay nasa amin na. Kumbaga, made in heaven.
Walang kaalam-alam si Weng na sa lugar na iyon ay magaganap ang isa sa pinakamemorableng pangyayari sa aming buhay. Wala ring ibang taong nakaalam sa aking plano maliban sa driver ng bus na siya kong inarkila. Ang alam lang ni Weng ay may ireregalo akong singsing sa aking ninang at ninong para sa nalalapit nilang silver wedding anniversary at siya ang gusto kong pumili.
Pagdating namin sa shop, ibinigay ko kay Weng ang limang pares ng singsing na sadyang ipina-custom-made ko upang pagpipilian niya. Namangha si Weng sa ganda ng mga singsing. At nang nakapili na, lihim na akong nag-misscall sa bus driver. Lumantad ang malaking tarpaulin sa gilid ng bus, may nakasulat, "Weng... I've made the most important decision. I will marry you. –Tob".
Bumusina nang napakalakas ang driver. Nang lumingon si Weng sa bus, nanlaki ang kanyang mga mata sa matinding pagkagulat. Lumuhod ako sa harap ni Weng sabay abot sa kanya sa singsing na napili, "Weng, will you marry me?"
Nagsigawan ang aming mga tindera. Nagpalakpakan. Kinilig.
"Yes!" ang sagot niya. Isinuot ko sa kanyang daliri ang singsing. At ang pares noon ay ibinigay ko sa kanya upang siya naman ang magsukbit nito sa aking daliri.
Ngunit naputol ang masayang eksenang iyon nang biglang sumulpot ang isang lalaking naka-bonnet. Hinablot niya sa leeg si Weng sabay deklara ng "Hold-up ito!!! Ilabas ang pera!!!"