Masama Ang Loob Ko Sa Iyo!

999 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 NAGISING AKO nang maaga kinabukasan. Habang tulog pa si Meg, inikot ko ang looban ng kubo, nagbakasakaling may lutuan upang makapag init ako ng tubig. Wala kasing kusina ang kubo. Marahil ay sinadya iyon upang hindi mahalatang doon nagtatago si Meg. Doon ko nahanap ang mga ito sa katabing butas ng butas kung saan kami nagtago nang dumayo ang mga miyembro ng sindikato. May dalawang kaldero at may lighter. Mayroon ding tatlong pirasong plato at mug na yari sa lata. Sinubukan kong lumabas ng kubo upang maghanap ng mapagkukunan ng tubig. Dala-dala ang isang kaldero, inikot ko ang lugar. At swerte namang natumbok ko ang isang maliit na talon. Marahil, ang talon din na iyon ang pinagkukuhanan nila ng maiinum. Gamit ang kalderong dala, nagsalok ako ng tubig. Mag-aalas 6 na sa aking relo nang kumulo na ang tubig. Nagtimpla ako ng isang gatas at isang kape. Tulog pa rin si Meg nang pumasok ako sa kubo. Inilagay ko ang dalawang mug sa gilid ng kanyang higaan. Inilapat ko ang aking palad sa kanyang noo. Medyo bumaba na ang init ng kanyang katawan. Nagising siya sa aking ginawa. "Meg... uminum ka muna ng gatas." Ang sambit ko. "Anong gusto mong lutuin ko? May itlog akong binili, may delata rin." Ngunit hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatingin sa akin. "Bakit mo sinagip ang buhay ko?" ang pabulong niyang tanong. Mistula akong nabusalan sa tanong niyang iyon. Hindi kasi iyon ang inaasahan kong sasabihin niya. "S-yempre, kailangan mo ng tulong..." Ang sagot ko na lang. "Hindi. Kung sana ay pinabayaan mo na lang ako, wala na sanang problema. Tahimik na sana ang lahat." Hindi ako nakasagot sa kanyang sinabi. Para bang kinokonsyensya pa niya ako sa aking ginawa. "Masama ang loob ko sa iyo." Dugtong niya, sabay pikit sa kanyang mga mata. Hindi na lang ako nagsalita. Bumalik ako sa labas ng kubo at ipinagpatuloy ang aking paghahanda ng pagkain. Sa isip ko ay hindi ko siya masisisi. Depressed lang siya at nalito sa kanyang kalagayan. Bumalik muli ako sa loob ng kubo dala-dala ang aking mga niluto. At laking tuwa ko sa aking nakita. Nakaupo na si Meg at ininum ang kape na na aking iniwan. Inilatag ko ang mga pagkain sa papag, sa tabi niya. "K-kumusta ang pakiramdam mo?" Binitiwan niya ang isang buntong-hininga. Tiningnan ako; isang blangkong tingin ang itinugon niya sa aking tanong. "K-kumain ka Meg para manumbalik ang lakas mo. Marami-raming dugo rin ang nawala sa iyo." Ibinaba niya ang kape at tiningnan ang pagkain na inihanda ko. Sumandok siya ng kanin, kumuha ng piniritong itlog, hindi pinansin ang hotdog. At dahil sa sugat niya, nakita kong nahirapan siyang kumain. "Susubuan na kita Meg..." ang sambit ko sabay kuha rin sa plato niya at sandok ng pagkain. Hinayaan naman niya akong subuan siya. Nakailang subo lang ako sa kanya at humiga na siyang muli, ipinikit ang kanyang mga mata. Kumain na rin ako at noong natapos, iniligpit ang lahat ng kalat, kagaya ng ginawa niya upang walang bahid ng dumi na mapaghinalaang may taong tumira sa lugar. Dahil may natira pang mainit na tubig, iyon ang dinala ko sa loob. "Meg, pupunasan ko ang katawan mo..." Hindi siya umimik. Binasa ko sa mainit-init pang tubig ang face towel. At dahil sinadya kong huwag damitan ang pang-itaas niyang katawan gawa ng kanyang sugat, ang dibdib niya ang aking unang pinunasan. Nakapikit siya habang pinupunasan ko ang kanyang dibdib. Ngunit alam kong gising ang kanyang diwa at nakiramdam lang sa paglapat ng maligamgam na towel sa kanyang balat. "Meg... hubarin ko ang pantalon mo ha?" ang pagpapaalam ko nang natapos ko na ang pagpunas sa kanyang dibdib at tiyan. Hindi siya umimik. Kusa kong tinanggal ang butones ng kanyang pantalon at ibinaba ang kanyang zipper. Hindi rin siya nagreact. Hinayaan pa rin niya ako. Noong nakabukas na ang kanyang zipper, lumantad sa aking paningin ang kanyang kulay itim na brief. Hinila ko pababa ang kanyang suot na jeans. Bahagya pa niyang inangat ang kanyang beywang upang mahila ko ito. Pagkatapos, ang kanyang brief. Nang natanggal na ang lahat ng kanyang saplot, hindi ko naiwasan ang hindi mapahanga sa angking ganda ng hugis ng kanyang katawan. Nagmistula siyang isang Adan sa aking paningin. Nakahiga, nakapikit lang ang mga mata, ngunit lantad ang nakabibighaning anyo. Bigla kong naramdaman ang pagkalampag ng aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ngunit may excitement akong nadarama sa nakitang hubad niyang katawan. Noong nasa bahagi na ng kanyang p*********i ang aking pinunasan, tila may malakas na kuryenteng biglang dumaloy sa aking kaugatan. Hindi ko maintindihan kung bakit. Sa tanang buhay ko, noon lang ako nakahawak at nakapunas ng ari ng ibang lalaki. Tiningnan ko ang mukha ni Meg. Nakamulat na ang kanyang mga mata at tinitigan ang mukha ko. Bagamat halos blangko ang kanyang tingin, alam ko, pinakiramdaman niya ang aking ginawa. Tinitigan ko rin siya. Ngunit ako na rin ang pumutol sa pagtitigan naming iyon. May naramdaman akong hiya o hindi maipaliwanag na takot. Para akong nalulusaw habang tinitigan niya ang aking mukha. Itinuloy ko na lang ang pagpunas sa kanyang katawan hanggang sa natapos ko ito. "Meg, isuot mo itong shorts. Binili ko ito para sa iyo" sambit ko nang natapos na ang pagpunas ko sa kanyang katawan. Hinayaan pa rin niya ako na isuot iyon sa kanya. Pinasuot ko muna siya ng bagong brief na bili ko rin at pagkatapos ay ang short. Iyon ang role ko. Ako ang tagaluto, tagapunas ng kanyang katawan, tagapainum ng gamot, tagaligpit sa mga kinainan at nilutuan, tagalaba, at tagapamalengke. Ang masaklap nga lang ay halos hindi siya nakikipag-usap sa akin. Kapag nagtanong ako, hindi siya sumasagot. At kung sasagot man, isa o iilang salita lang. At palagi siyang nakasimangot, malungkot ang mukha, malayo ang tingin. Ngunit naintindihan ko iyon. Maaaring ganyan lang talaga siya, o maaaring hindi pa rin siya nagtiwala sa akin. O maaari ring hindi pa niya lubusang natanggap ang mga pangyayari. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD