Ang Diary Ni Tob

2901 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ---------------------------------- May 13, 2012: Dear Meg, tatlong linggo na simula nang iniwan mo ako. Naisipan kong isulat ang ating kuwento. Gusto kong kahit wala na tayo sa mundong ito... may makapulot sa aking isinulat. At kung sino man siya, malalaman niya kung gaano kita kamahal; na kahit sa gitna ng kasukalang ito, may isang tagong pagmamahalan na pilit lumaban at manindigan hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kanilang buhay. Ang hirap kasi na wala ka na. Wala akong makausap. Kaya naisipan kong gumawa na lang ng diary, upang dito ko isusulat ang mga mensahe ng aking paghinagpis at pananabik sa iyo. Kanina pala lumuwas ako ng bayan, bumili ng kaunting mga gamit at supply. Bumili rin ako ng maraming papel para pagsusulatan ko sa kuwento natin at hayun, nasimulan ko na ang pagsulat. Alam mo, sa pagbaba ko kanina may narinig akong usap-usapan tungkol sa pagkadakip sa mga myembro ng sindikato sa lugar natin. At heto pa, hinahanap ka ngayon ng mga tauhan ng Department of Justice. Bibigyan ka raw nila ng pabuya at witness protection dahil sa matapang mong pagbunyag sa mga malalaking tao sa sindikato. Medyo sumama lang ng kaunti ang loob ko at nadagdagan ang aking nadaramang lungkot. Kasi ba naman, nadakip nga ang mga myembro ng sindikato, ngunit sa mismong araw pa matapos ka nilang mabaril. Kung nagkataong nauna lang sana ang pagkahuli sa kanila bago ka nabaril, buhay ka pa sana hanggang ngayon. Huli na ang kanilang pabuya. Wala nang silbi ang kanilang sinsabing witness protection. Kaya hindi na lang ako nagsalita. Umuwi akong mas lalo pang bumigat ang aking kalooban. Anong klaseng witness protection ba ang ibibigay nila sa taong nasa ilalim na ng hukay? Paano pa matatanggap ang kanilang sinabing pabuya kung wala na ang taong bibigyan nila nito? Ang saklap lang. Naitanong ko tuloy kung bakit pati ang pagkakataon, ipinagkait din niya ang ating kaligayahan... May 14, 2012: Dear Meg, nasa pang walong pahina na ako sa pagsusulat sa ating kuwento. Sana matapos ko ito sa loob ng isang linggo. Kapag natapos ko na ito, ilagay ko ito sa isang plastic upang hindi mabasa sa ulan, upang hindi masira. At sana... kung sino man ang makakakita nito, alagaan niya ang kuwento natin at itatago. May 15, 2012: Dear Meg, sobrang pagkainip ko ngayon. Hindi ko alam kung ano ang gagawin, kung sino ang kausapin. Palagi kitang naiisip. Palagi kong naaalala ang mga araw natin dito sa bukid. Mabuti na lang, tinuruan mo akong tumugtog ng plawta. Ito na lang ang aking ginagawa kapag ganyang inaatake ako ng matinding pangungulila sa iyo. Natuto na pala akong tumawag sa mga ibon. At alam mo ba kung kailan lang ako natuto? Noong inilibing kita. Ang saklap... kung kailan wala ka na, saka pa ako natuto. Pero ok lang. Kahit papaano, lumalapit na ang mga ibon kapag tinatawag ko. May mga kasama na rin ako kapag ako ay nalulungkot. Oo nga pala, kanina, sinimulan ko ang paggawa ng hukay. Pasensya ka na... hindi ko sinabi sa iyo. May cancer ako Meg. Gumaling ako nitong taon bago pa man nagkrus ang ating landas. Tinanggal ang aking isang kidney kung saan dumapo ang cancer. Nitong nakaraan, nalaman kong bumalik ang cancer, sa kabilang kidney naman at gumapang na ang cancer cells sa iba ko pang internal organs. Ayon sa resulta, malala na ang kalagayan ko. Halos lahat ng internal organs ko ay naapektuhan na, pati na ang aking baga. Kaya iyong pag-uubo ko dati, tumindi na siya ngayon. At minsan, nagsusuka ako ng dugo. Noong araw na inilibing ang mommy ko at ibinigay sa akin ni Weng ang kanyang credit card, nagpatingin ako sa duktor. Namamayat kasi ako, nanghihina, at ubo nang ubo. Alam kong nagduda si Weng sa kalusugan ko kung kaya niya naisipang ibigay ang isang credit card niya. Noong binalikan ko ang ang resulta ng medical... iyan ang nakumpirma ng mga duktor. Noong araw na aalis na sana tayo patungong Leyte, ramdam ko na ang panghihina ko noon Meg. Kung napansin mo, nag-uubo na ako noon. Pasensya ka na, hindi ko ito ipinaalam sa iyo. Ayoko kasing mag-alala ka. Meg, gusto ko ring magpasalamat kay Weng sa sobrang kabaitan niya. Nagsinungaling kasi ako. Noong nagpaalam ako sa kanya na sundan kita sa Malaysia, sinabi niyang magpatingin muna ako sa duktor at kung nanumbalik ang aking cancer, hindi na ako tutuloy. Hindi ko sinabi sa kanya ang totoo. Kasi... noong sinabi ng duktor na may taning na ang buhay ko, mamamatay rin naman ako kung kaya ay lalo pang nagpursige akong mahanap ka at makapiling bago man lang ako bawian ng buhay. May 16, 2012: Dear Meg, malapit na malapit ko nang matapos ang kuwento natin... At ang ginawa kong hukay katabi nang sa iyo, malalim na rin. Nabuksan ko pala ang cp kanina, iyong ibinigay ko sa iyo? Mabuti na lang at may dala akong extra na battery... Ikaw ha?" May itinatago ka pala. Pero tuwang-tuwa ako sa pag-amin mong iyon sa video. Sobra! Kinilig pa nga ako eh. Kasi ngayon ko lang nalaman ang lahat... Heto, buksan ko uli ang video na ginawa mo. Nasa taas ka ng bato nito, nakaupo. Una, ni-record mo lang ang pagpaplawta mo sa paborito mong kanta. Ang sabi mo pa bago mo tinugtog iyon, inialay mo iyon para sa akin, para sa atin. At ang mga kataga at kahulugan ng kantang iyon ay parang mga pangarap na rin natin. Pagkatapos, binidyuhan mo na ang sarili mo habang nagsasalita sa iyong pag-amin. Heto ang sinabi mo - "M-may sasabihin ako sa iyo... Noon pa mang high school ako, kilala na kita. Idol na kita, sa pagmomotor mo. Palagi akong nanood sa karera mo at noong nag-champion ka, doon ako nagka-interes sa motor. Nainggit ako sa iyo. Nangarap na sana, maging kagaya ako sa iyo, magaling sa pagmomotor. Kahit hindi na iyong kasikatan at kapogian mo basta magaling lang sana akong magmotor (tawa). Alam mo, sa pagkabaliw ko sa pag-iidolo sa iyo noon, nangarap ako na sana... makilala kita, maging kaibigan. Ganyan kita ka idol. Para akong mababaliw noon sa kaiisip at kakahanga sa iyo. Masaya ako kapag nakikita kita, bagamat may lungkot din akong nadarama sa sarili. Iyong bang inggit na hayan, mayaman ka tapos ako, mahirap lang at hindi kayang abutin ang narating mo. Pero tanggap ko naman. Kasi sa buhay, may mga taong isinilang na sadyang maswerte. At may mga tao ring katulad ko na tila itinakwil ng tadhana. Dahil sa pagkabaliw ko sa motorsiklo, ikaw ang tinutukoy kong crush noong high school. At noong oras na mang-hold-up ako, hindi ko alam kung saang shop ako mangho-hold up. Ngunit noong nakita kita at ang girlfriend mo na pumasok sa shop ninyo, saka ko naisip na sundan kita at doon na rin mang-hold up. Idol kasi kita kung kaya napili kong ihold up ang shop mo (tawa). At iyong pagdala ko sa iyo sa gubat? Sinadya ko iyon... Ang tagal ko na kayang nangarap na makasakay sa ganoong klaseng motor. At idol ko pa ang magda-drive sa akin! Kaya parang masaya rin ang pangho-hold up kong iyon (tawa). Sensya na hindi ko inamin. Nahiya kasi ako. Kaya dito ko na lang ipinadaan sa cp mo. Pasensya na po uli..." Tawa ako nang tawa sa iyo sa sinabi mo eh. At tungkol naman sa pangho-hold up mo, salamat din. Kasi, doon kita nakilala. Wala akong pinagsisihan sa buhay. Kahit pa ibalik muli ng tadhana ang nakaraan sa mismong oras bago ako ma-hold up, mas lalo pang tutungo ako sa shop kasi alam kong hohold-apin mo pala ito at iho-hostage mo ako sa gubat (tawa ka naman d'yan). Pero, seryoso, kahit mahirap ang buhay na pinili ko sa piling mo, ngunit masaya naman ako. Kasi nga, mahal na mahal kita. Sabi nga nila, kahit mahirap ang buhay, wala tayong karapatang magreklamo. Hanapin na lang ang mga bagay na makapagdulot sa atin ng saya at inspirasyon. At ituloy lang ito. At sa buhay ko, ikaw ang nagbigay sa akin ng ibayong saya at inspirasyon. Kaya sa kabila ng hirap, napakasarap pa ring mabuhay; naging mas makulay ang mundo ko... dahil sa iyo. At ikaw din sa side mo... di ba, natupad ang pangarap mo na makilala ang idol mo. At hindi lang nakilala, naging kaibigan pa, at ngayon, ang nag-iisang nagmamay-ari ng puso niya. (Smile ka naman d'yan. Iyong pa-cute mong smile, hehe.) May 17, 2012: Dear Meg, natapos ko na rin ang kuwento natin. Draft pa lang pero iri-ribyu ko lang at palitan ang mga pahinang dapat ayusin ang pagkasulat at pagkalahad. Baka rin may mga nalimutan pa akong mga eksena, mga pangyayaring dapat isali. At alam mo ba ang pamagat? "Si Meg At Ang Tawag Ng Mga Ibon" Alam ko, magugustuhan mo iyan. Paano naman kasi, tinuruan mo akong magtawag sa mga ibon. Ang masaklap lang, natuto ako sa panahon na wala ka na. Haist... Bukas, pagkatapos kong ma-ribyu ang kuwento, nakasilid na ito sa isang plastic. Itago ko ito sa lagayan natin ng mga damit. Tapusin ko ito sa araw din na ito. May 18, 2012: Dear Meg, natapos ko na rin ang kuwento sa wakas! At naitago ko na siya sa ating kabinet. Nitong araw naman na ito, pilitin kong tapusin ang hukay... Masaya pala ako ngayon Meg. Alam mo ba kung bakit? Kasi, sa paghahanap ko kanina ng lugar na mapagtataguan ko sa kuwento na aking isinulat, nakita ko ang isang nakatuping papel sa isang cabinet, na natakpan ng mga lumang papel. At may isinulat ka. Walang pangalan pero alam ko, para sa akin iyon. Ito ang sinabi mo, "Pasensya ka na, hindi ko masabi-sabi sa iyo nang personal. Mahirap kasing tanggapin na ang isang lalaking katulad ko ay magkaroon ng... pagtingin sa isa ring lalaking katulad mo. At isa pa, may pananagutan ka sa babaeng nagmamahal at umasa sa iyong pagmamahal. Nalilito ako, naiinis sa aking sarili. Noong sinagip mo ang buhay ko, inalagaan, dinamayan sa panahong inakala kong nag-iisa na lang ako sa mundo, doon lalong nagsimula ang paghanga ko sa iyo. Sa panahong iyon, naroon ka sa tabi ko, hindi ka lumayo sa piling ko. Ipinakita mo sa akin na sa kabila ng lahat, may isang tao pa ring nakaintindi sa kalagayan ko, handang magbigay sa akin ng lakas at pag-asa. Hindi mo lang alam, sobrang nagustuhan ko iyon. Utang ko sa iyo ang aking buhay at labis akong nagpapasalamat sa kabutihan at pagmamahal mo. Ngunit may malaking hadlang... Hindi ako ang taong nararapat para sa iyo. Kung kaya lihim na susuklian ko na lang ang pagmamahal mo dito sa puso ko. Mahal kita, ngunit ayaw kong sabihin. Ayaw kong magiging mahirap ang lahat para sa iyo. Kaya kahit mapatid na ang aking paghinga, kahit maubos na ang mga dugong dumadaloy sa aking katawan, patuloy pa rin kitang mamahalin... ng lihim." Sobrang saya ko. Kasi, iyon ang pinakaunang salitang nalaman ko mula sa iyo na mahal mo rin ako. Pero naiyak din ako – sa sobrang sa tuwa, at sa sobrang lungkot, dahil huli na nang malaman ko ang mga ito... May 19, 2012: Dear Meg, malapit ko nang matapos ang hukay sa tabi ng puntod mo. Sana bukas, kung hindi uulan, matatapos ko na iyon. Tamang-tama, sobrang pagod na ako. Nahirapan na rin akong huminga. Hindi ko na halos makayanan pa ang pagtayo. Ngunit ok lang... Huwag kang mag-alala, kaya ko pa naman ang sarili ko. Kapag natapos ko na iyon, doon na ako matutulog sa hukay. Malay mo, hindi na ako magising kinabukasan. Ayaw ko nang ganoon. Gusto ko, kahit sa huling sandali ng aking buhay, katabi pa rin kita... May 20, 2012: Dear Meg, hindi ko natapos ang hukay. Nagpahinga ako dahil nahihilo ako. At halos hindi na ako makahinga. Pero kapag may oras pa ako mamaya, itutuloy ko ang paghuhukay. At oo nga pala, tungkol sa kahoy na ibinigay mo sa akin... tatanggalin ko na siya sa paso at itatanim sa gitna ng ating puntod. Di ba sabi mo, ang kahoy na iyon ay ang pag-ibig ko? At kung bakit hindi siya makalago at makatubo ay dahil hindi ito malaya; dahil ang mga ugat niya ay naharangan ng paso. Puwes, lalaya na siya, Meg. At malapit na malapit na. At sa tuluyan niyang paglaya, ang mga ugat niya mismo ang magsudlong sa ating mga libingan, sa ating mga labi, sa ating pagmamahalan... At hindi na tayo maghiwalay pa. Saan ka man naroon, malapit na kitang masundan. Matutupad na ang pangako mo sa akin na hindi mo na ako iiwan pa. Wala lang... masaya lang ako. Ramdam ko na kasing malapit na, at sobrang miss na kita. May 21, 2012: Dear Meg, natapos ko na ang hukay. At kanina pala, nakahanap ako ng itatakip dito. Alangan namang ako na nga ang ililibing sa hukay tapos ako pa rin ang magtambak ng lupa para sa sarili ko. Kahirap kaya niyan. (Tawa ka naman...) At kung hindi ko naman takpan, baka kainin ng mga hayop ang bangkay ko. Ang sakit siguro noon. (Ngiti ka naman d'yan, o!) Isang malapad na pinagtagpi-tagping kawayan ang nahanap ko. Iyon na lang ang gagamitin kong pantakip sa hukay ko. Magaan lang naman iyon, kaya kong hilahin. Natapos ko na rin pala ang ginawa kong krus na kahoy na ilalagay ko sa ibabaw ng takip ng aking puntod. Inukitan ko ito ng, "TOB. REST IN PEACE." Weird nga lang. Iyon bang feeling na alam mong mamamatay ka na, tapos hayan, gumagawa ka ng krus para sa sarili mong puntod... Siguro, sa buong mundo, ako lang ang tanging nakakagawa ng ganyan. Alam mo, masuwerte ka pa rin kasi iniwan mo ako, may nagtatambak ng libingan mo, may gumawa ng krus, at may naglalamay pa. Ngunit ako... sariling sikap na lang. Pero ok lang kasi... mahal naman kita eh. Pero alam mo Meg, ngayon ko lang naintindihan kung bakit una kang lumisan sa mundo; kung bakit una kang kinuha ng tadhana. Kasi, lilisan din naman ako eh. Alam kong sa pagkamatay ng iyong ina at kapatid ay nawalan ka na ng pag-asang mabuhay. Kung nagkataong ako ang unang pumanaw... e di lalo ka lang masaktan. Kasi, nabubuhay ka nga ngunit may tatlong puntod naman sa likod ng iyong kubo, mga mahal mo sa buhay na iniwan ka. Naintindihan ko na ang lahat ngayon, Meg. Alam ko na kung bakit... Tama nga ang sinabi nila na ang lahat ng mga pangyayari sa buhay ay may dahilan, may katuturan. Minsan ay hindi natin naiintindihan ang mga masasaklap na pangyayari sa buhay. Ngunit pagdating pala ng takdang araw, kung suriing mabuti ang mga nagdaan, mamulat din ang ating kaisipan. Ngayon, wala na akong hinanakit sa mundo. Mapayapa na akong lisanin ito. May 22, 2012: Dear Meg, naubusan na ako ng pagkain. Di na ako makababa pa ng bayan dahil halos wala na akong lakas upang tumayo. Bumalikwas na lang ako para magsulat sa iyo. Magpaalam... na malapit na tayong magkita. Naalala ko pala ang sinabi mo na kapag naghihingalo na ang isang tao, susunduin ito ng mga mahal nila sa buhay na nauna nang pumanaw. Di ba naikuwento mo ang tungkol sa inay mo. Ang sabi ng nurse sa iyo, nabanggit pa niya ang pangalan ni Mark noong naghihingalo na siya. Ako rin ay sunduin mo Meg ha? Excited na akong makita ka. Ano na kaya ang hitsura mo ngayong multo ka na? Sigurado, napakaguwapo mong multo. Tawa naman d'yan... Ang isusuot ko pala sa burol ko ay iyong pantalon na gamit ko noong hinold-up mo ako. At ang pang-itaas ay iyong t-shirt na binili ko para sa iyo na isinuot mo rin pagdating mo galing Malaysia. Iyong kulay asul. Magdala na rin ako ng kumot para italukbong ko sa aking katawan, para hindi ako lamigin mamaya. Iyong kumot na palaging ginagamit nating dalawa. Kahit papaano, kapag lisanin na ng kaluluwa ang aking katawan, nakabalot pa rin ito. Oo nga pala, tinanggal ko na ang puno sa paso kanina lang. Itinanim ko na siya sa gitna ng mga hukay natin. Malaya na siya Meg. At malaya na rin ang pag-ibig ko sa iyo. Hinang-hina na ako Meg... May 23, 2012 (Umaga): Dear Meg, ramdam kong wala na akong lakas. Mamaya, doon na ako matutulog sa hukay ko... Nanginginig na ako at naduduwal kapag tumayo. Ang pendant mo palang iniwan sa akin, isusuot ko ito hanggang sa hukay ko. Pasenya na, bigo akong mahanap ang iyong ama. Ipinagkait sa akin ang lakas at pagkakataong mahanap siya. Pagkakataon nga naman o. Palagi na lang ganyan. Sorry Meg ah. Hindi ko natupad ang pangako ko sa iyo. Sana, kahit huli na ay susulpot pa rin ang ama mo, magpakilala sa iyo, at masagot niya ang iyong mga katanungan. May 23, 2012 (Gabi): Dear Meg, ito na ang huli kong sulat. Sa hukay na ako matutulog at ilalagay ko na rin ang diary kong ito sa plastik at ipasok sa ating cabinet, kasama ng kuwentong una ko nang natapos. Gusto kong sabihin sa iyo, bago dumating ang huli kong hininga, na mahal na mahal kita. Walang sapat na salitang maaaring ilarawan sa pagmamahal ko sa iyo, Meg. Ang pagmamahal ko ay walang hangganan, walang katapusan. Kahit sa kabilang buhay, ipagpatuloy ko ang pagmamahal sa iyo. Susundan kita roon. At doon natin ituloy ang naudlot nating pagmamahalan. Malapit na ang takdang oras, Meg. Matutupad na ang ating pangarap na sinasabi sa kanta. Meg, handa na ako. Sunduin mo na ako... (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD