Sa Pagbuhos Ng Malakas Na Ulan

1606 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ----------------------------------                 MALAKAS ANG buhos ng ulan nang magising kami kinabukasan. Tila iyon ang uri ng maagang pagbati sa amin ng kalikasan. Ramdam kong isa itong masuwerteng araw. Sabi kasi nila na kapag umuulan daw, ito ay nagpapahiwatig ng kasaganaan, ng kalayaan, ng bagong panimula. Sa isip ko, ito rin ay nagpapahiwatig na walang tutol ang tadhana sa aming mga plano sa buhay. Humupa na ang ulan nang nakasakay na kami sa aking motorsiklo. Ako ang nag-drive at si Meg ang nasa aking likuran. Palagi namang ganoon. Ayaw niyang siya ang magdrive kapag kasama ako dahil mas tiwala siya sa akin. "Motocross champion ba naman? Idol!" ang palagi niyang binibiro sa akin. Habang umaandar ang motor, ramdam ko ang matinding kasayahan ni Meg. At syempre, ako rin. Pareho kaming punong-puno ng sigla, punong-puno ng excitement. Mistula kaming mga ibong nakalaya mula sa aming mga kulungan. Lumilipad sa langit, masayang isinisigaw ang aming naangking kalayaan... "Woooooowwwwhhhh!!! Wooooooooowwwwhhhh!!!" ang pagsisigaw namin habang umaandar ang motor at yakap-yakap ako ni Meg. Walang mapagsidlan ang tindi ng kasiyahang aming naramdaman sa mga sandaling iyon. Nasa ganoon kami kasayang tagpo nang biglang, "Bang! Bang! Bang!" Gulat akong napalingon sa aming likuran at nakita ko ang isang motor na humahabol sa amin. "Tob... iligaw mo sila at bumalik na lang tayo." Ang sambit ni Meg. At napansin ko ang mahigpit na paglingkis niya ng kanyang mga bisig sa aking beywang. "Hah? Bakit?" "B-basta. Dalian mo... bumalik tayo sa gubat." "O-ok Meg! Ok!" ang taranta kong sagot. At binilisan ko pa ang pagpatakbo sa motor. Iniligaw ko ang mga tumutugis sa amin at noong hindi na sila nakasunod, tinumbok ko ang kabilang ruta patungo sa paanan ng bundok. "Ok ka lang Meg???" ang tanong ko habang binaybay ng motor namin ang kahabaan ng kalsada. "T-Tob... palagi mong tandaan..." Ang sambit ni Meg na halos ibinulong na lang ang pagsasalita. At naramdaman ko na lang ang buong bigat ng kanyang katawan na isinandal sa aking likod, ang kanyang kamay ay tila wala nang lakas na nakadantay sa aking hita. Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sasabihin. "Meg, ano iyon???" Hindi siya sumagot. "Ano iyon Meg???" Hindi pa rin siya sumagot. Hindi ko maintindihan ang nakakabinging kalampag ng aking dibdib. Kung gaano ako kasaya sa aming pag-alis, ay siya namang takot at lungkot ang naramdaman ko sa oras na iyon. "Megggg???! Megggg?!!!" ang sigaw ko. Ngunit tahimik pa rin siya. Halos paliparin ko na lang ang motorsiklo ko sa sobrang bilis. Noong nakarating na kami sa paanan ng bundok at nakababa na ako sa motor, bigla na lang bumagsak si Meg sa damuhan. Kinapa ko ang kanyang pulso at inalog ko pa ang kanyang katawan. Ngunit doon ko nakitang nabalot na pala siya sa sarili niyang dugo. Putlang-putla ang kanyang mukha at mga labi at nakapikit ang kanyang mga mata. Wala na siyang buhay. "Meeggggggggggggg!!! Meeeeggggggggggggg! Sagutin mo naman ako Meg! Meeeggggggggg!!! Nangako kang hindi mo ako iiwan!!! Meegggggggg!!! Bakit mo ako iniwan Meeeeegggggggg!!! Mahal kita Meeegggggg!!! Mahal na mahal kita Meeeggg! Huwag mo akong iwan Meeeeggggggggg!!!" ang umalingawngaw kong sigaw. At tila nananadya naman ang malakas na pagbuhos ng ulan. Tila puputok ang aking baga sa lakas ng aking panaghoy. Tila nadurog ang aking puso at napatid ang aking hininga sa tindi ng sakit na aking nadarama habang nakaupo ako sa damuhan, yakap-yakap ko sa aking mga bisig ang walang buhay na katawan ni Meg na isinandal ko sa aking katawan. At lalo pang nadagdagan ang bigat at sakit ng aking kalooban noong napansin ko ang daliri ni Meg. Isinuot na pala niya ang ibinigay kong singsing. Ang singsing na nagpapatunay na mahal niya rin ako. "Megggggggggg!!! Megggggggggg!!! Meggggggggggg!!!" Walang humpay ang aking pagsisigaw at paglulupasay. Nang maramdaman kong halos hindi ko na makayanan ang bigat ng aking kalooban, tumayo ako, tumingala sa langit, ibinuhos ang buong lakas na aking makakaya na tila isang bulkan ang sumabog sa tindi ng aking galit at pagsigaw ng, "BAKITTT? BAKITTT???!!!" sinumbatan ang kung sino man ang nasa itaas, na sa pakiwari ko ay nakatingin sa amin, pinagtatawanan ang aming kalagayan. At nais kong sagutin niya kung bakit niya iyon ginawa sa amin. Ngunit wala akong sagot na narinig. Sa oras na iyon, nag-iisa na lang ako sa mundo... Gusto kong magrebelde sa kung sino man ang may kagagawan ng tadhana. Gusto kong umalsa laban sa kung sino man ang may kagagawan ng mga plano ng buhay. May mahigit 30 minutos din akong nag-iiyak at nagsisigaw hanggang sa napagod ako. Kinarga ko sa aking mga bisig ang labi ni Meg patungo sa aming kubo hindi alintana ang malakas na pagbuhos ng ulan at ang basang-basa naming mga katawan. Sa loob ng kubo, inilatag ko ang walang buhay na katawan ni Meg. Nilamayan ko. At kagaya sa paglamay niya sa mga labi ng kanyang ina, nag-iisa rin ako na walang ni isa mang taong nakaalam, walang ni isang taong dumamay, walang ni isang taong nakakaintindi sa matinding sakit na aking nadarama. Pakiwari ko ay kaming dalawa lang talaga ni Meg ang namumuhay sa mundo. At sa pagpanaw niyang iyon, ako na lang ang naiwang mag-isang nanirahan dito... HUMUPA ang ulan nang matapos ko na ang paggawa ng hukay para sa libingan ni Meg. Ang hukay na iyon ay siya ring nasimulan ni Meg noong una siyang nabaril at doon ko siya nadatnang nakahiga. Hindi ko akalaing sadyang para sa kanya pala talaga ang ginawa niyang libingang iyon. Binalot ko sa isang banig na gamit-gamit namin sa pagtulog ang bangkay ni Meg. Inilatag ko muna ito sa gilid ng hukay, inalisan ng balot, pinagmasdan siya sa huling pagkakataon. Mistula akong isang baliw na nag-iiyak, dumaing, nagsisigaw. Niyakap ko ang kanyang bangkay, hinalikan sa labi, at pagkatapos ay kinausap... "Meg... paalam. Palagi mong tandaan, mahal na mahal kita. Saan ka man naroroon, sana ay makarating sa iyo ang aking paghinagpis at pagmamahal. Maraming salamat sa pagdating mo sa buhay ko. Napakasakit na mawala ka sa akin ngunit kailangang tanggapin ko ang lahat nang maluwag sa kalooban kung ito man ang itinakda ng tadhana. Nangako kang hindi mo na ako lalayuan pa, hindi mo iiwan. Ngunit masakit man sa kalooban, pilit kong intindihin ito. Ang mahalaga ay sa huling sandali ng iyong buhay, nangako ka pa rin. Hindi man ito natupad, alam kong hindi mo ito kagustuhan. Mahal na mahal kita Meg. Hahamakin ko ang lahat para sa iyo. Kung papipiliin man ako ng isa pang buhay, gusto kong ikaw pa rin ang makasama ko, ikaw pa rin ang mamahalin ko. Sa kabila ng hirap, sa kabila ng pagdurusa, sa kabila ng mga pagsubok... haharapin ko ang lahat. Kahit itakwil pa ako ng buong sanlibutan, kahit kakalabanin pa ako ng buong mundo. Ikaw pa rin ang pipiliin ko. Walang hanggan ang pagmamahal ko sa iyo, Meg. Kahit ang kamatayan ay hindi kayang hadlangan ito. Sa kabilang buhay, susundan kita. Hahanapin, at patuloy na mamahalin..." Bago ko tinamabakan ang hukay niya ng lupa. Pinatugtog ko ang plawta, ang paborito niyang kanta. Kahit nagsipatakan ang aking mga luha, kahit hindi ko masyadong nakuha ang tamang tunog nito, ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtugtog. Pagkatapos, kinanta ko ang liriko. Noon ko naramdaman ang bagsik ng kahulugan ng bawat kataga niyon. Walang mapagsidlan ang matinding sakit na naramdaman ng aking puso. A time for us*, someday there'll be When chains are torn, by courage born Of a love that's free A time when dreams, so long denied Can flourish, as we unveil the love we now must hide Pagkatapos ng aking pagkanta, isiningit ko sa kanyang kamay ang plawta, "Meg... baunin mo siya upang kahit saan ka man naroroon, matugtog mo pa rin ang paborito mong musika. At kapag nagkita na tayo, tutugtugan mo rin ako. Aalagaan ko ang isang kapares nito na ibinigay mo sa akin. Sa oras ng pangungulila ko sa iyo, ito rin ang patugtugin ko. Sana kapag nakita mo akong tumugtog, sabayan mo rin ako. Kahit sa ganoong paraan, maramdaman kita..." at binalot kong muli ang kanyang bangkay. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww! Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" Ang narinig kong ingay. Tila nananadya ang mga ibon na magparinig ng kanilang tawag. Napatingala ako. Nakita ko ang iilan sa kanila na dumapo sa malapit na sanga sa aking kinatatayuan. Hindi ko tuloy maiwasang magtanong sa aking isip kung alam ba ng mga ibon na ang ililibing ko ay ang kanilang kaibigang palaging tumatawag sa kanila. Hindi ko naiwasang hindi manumbalik sa alaala ko ang pagturo ni Meg sa akin sa kanilang pagtawag. Sumagot rin ako, "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" inasahang lilipad sila palayo. Ngunit hindi sila lumipad. At mas nadagdagan pa silang dumapo sa malalapit na sanga at nakatingin sa aking kinatatayuan. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww!" ang sigaw ko uli. At sa pagtawag kong iyon hindi lang sila nadagdagan kundi sumagot pa. "Kuckooooowww! Kuckoooooowww! Kuckoooooowww! Kuckoooooowww! Kuckoooooowww! Kuckoooooowww!" Binitwan ko na lang ang isang malalim na buntong-hininga. "Natuto rin ako..." ang bulong ko sa sarili. Naalala ko kasi ang sinabi ni Meg, "Matuto ka rin niyan, isang araw..." Siguro, dahil iyon sa epekto ng ng aking pag-iiyak kung kaya ay may bumara sa aking lalamunan at nakuha ko ang tamang tono. Binitiwan ko ang isang ngiting hilaw at tiningnan ang nakabalot na bangkay ni Meg. "Sobrang ironic... Natuto ako sa mismong oras kung kailan kita ililibing." Dahan-dahan kong ibinaba ang bangkay ni Meg sa hukay. Pagkatapos, kinuha ko ang pala, tinakpan ang kanyang puntod. "Ang saklap pala talaga kapag ikaw ang nagpapala ng libingan para sa taong mahal." Sa isip ko lang. Inilatag ko sa ibabaw ng kanyang puntod ang ginawa kong krus na kahoy na inukitan ng, "MEG. REST IN PEACE..." *** (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD