CHAPTER SIX: The Promise ‘til Death
Simula sa araw na ito,
Magiging tanda ang pulang laso na ito,
Sa lihim na itinatago
Nang magkakaibigang ito.
Kakalimutan at mamumuhay nang wasto,
Tulad ng normal na tao.
Ito ay magiging isang pangako
At hindi bubuwag sa samahang binuo.
Sabay-sabay na binigkas ng apat ang mga katagang iyon kasabay ang pagsunog sa pulang laso na kanilang suot. Ito ay magiging tanda na walang maaaring makaalam ng kanilang sikreto. Lahat ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyari, natatakot sa maaari nilang sapitin.
“Sa tingin ko ay may makakadampot naman mamayang umaga kay Sarah,” positibong sabi ni Celine. Napatingin naman ang lahat kay Celine nang banggitin niya iyon. Totoo nga ang dahilan na, ‘Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may paraan.’ Sa simula pa lang naman talaga ay ayaw na niya kay Sarah kaya wala na rin siyang balak pang tulungan ito.
Napailing na lang sila. Mabuti pa’y umuwi na lang muna sila at hintayin mag-umaga. Doon na lamang nila babalikan si Sarah.
Nagsimula na silang maglakad pabalik sa bayan.
Nakarinig na naman si Jess ng mga kaluskos. Napahinto siya para tingnan kung may tao ba ngunit wala siyang nakitang bakas ng sinuman.
“Huwag kang mag-alala. Nakakasigurado akong tayo lang ang tao rito,” wika ni Celine sa kanya.
***
Nagawa pa ring pumasok ng magkakaibigan. Umarte na lang sila na tila ba’y walang nangyari. Lutang ang mga isipan nila na hindi nila alam kung saan na nakapunta. Hinihintay na lang nila ang break para makabalik sa batuhan.
“Sarah Montes?”
Kasalukuyang nagtatawag ang teacher nila ng attendance. Nagtataka ang lahat kung bakit ito wala. Hindi pa kasi nila ito nakitang lumiban sa klase kaya’t nagtataka ang lahat lalo na’t aktibo pa ito sa mga school organization.
Napatingin na lamang ang ilan nilang kamag-aral sa kanilang apat. May nakarinig kasi na naghanda ang magkakaibigang ito para sa kaarawan ni Sarah.
“Nakapagtataka naman ‘atang absent si Ms. Montes. May nakakaalam ba sa inyo kung bakit siya absent?” nagtatakang tanong ng kanilang guro.
Nakatingin pa rin sa kanila ang mga kamag-aral. Naghihintay na isa sa kanila ang sumagot.
Lakas-loob na tumayo si Celine. “Hindi po namin alam,” iritableng sabi ni Celine at saka muling naupo. Napatirik lang ang mata niya dahil sa pagkairita. “Pahamak talaga ang babaeng ‘yon kahit patay na,” naibulong niya sa sarili.
Natapos ang klase nang walang natututunan ang magkakaibigan. Iniisip pa rin nila ang nangyari kagabi. Halos bangungutin na sila nito kahit gising.
Agad silang bumalik sa batuhan upang tingnan kung naroon pa ang katawan ni Sarah. Ngunit nagimbal sila nang matagpuang wala na ito roon. Kahit anong bakas upang malaman kung ano ba ang nangyari ay wala rin.
“Sigurado ba kayong dito siya nahulog?” Patuloy pa rin sa paghahanap si Sam.
“Dito ‘yon. Sigurado ako. Pero bakit nawawala ang bangkay ni Sarah?”
“Alam niyo na siguro ang sagot. Siguro ay nadampot na siya ng mga taong madalas magawi sa lugar na ito. O siguro ay kinain na siya ng mabangis na hayop dito. Hindi naman malayong mangyari ‘yon dahil naliligiran ito ng gubat,” nakangiting sabi ni Celine. “Mas pabor sa atin ‘yon kapag nagkataon kasi hindi sa atin masisisi ang pagkamatay niya.”
“Overkilled,” nasaad ni Cassie.
“Oo. Tulad ng sa mga nilalaro mong online games. Patay na nga, pinatay mo pa,” wika ni Celine.
Isang malutong na sampal ang lumapat sa mukha ni Celine na umugong sa buong lugar. Kagabi pa nagtitimpi sa galit si Jess. Hindi niya maatim ang mga pinagsasabi nito sa kaibigan. Kung umasta ito ay parang inihahalintulad lang niya si Sarah sa isang hayop.
“Hindi kataying baboy si Sarah! Alam kong ayaw mo sa kanya! Pero ituring mo naman siya bilang tao!” galit na sabi ni Jess. Para siyang sumabog na bulkan dahil sa sobra niyang galit. Halo-halong emosyon na ang nararamdaman niya. Awa, takot, galit.
“How dare you?!” Akmang sasampalin ni Celine si Jess ngunit nagawa itong pigilan ni Cassie.
“Please! Tama na! Wala ‘yang matutulong sa problema natin!” ani Cassie. Namagitan na si Cassie sa dalawang nagtatalo dahil higit pa r’yan ang kanilang problema.
“Oh, please. Alam ko naman na pati ikaw Cassie, ako ang sinisisi sa pagkamatay ni Sarah. Oo, ako na! Ako na ang pumatay sa kanya. Pero h’wag niyong kalimutan na hindi lang ako mag-isa nang mangyari ang bagay na iyon!” Natahimik bigla ang lahat. May punto si Celine. Hindi lang siya mag-isa nang mamatay si Sarah.
“Umuwi na tayo. Walang mangyayari kung mag-aaway pa tayo,” suhestyon ni Sam. Pinanghihinaan na siya ng loob ngunit wala naman siyang magagawa. Nangyari na. Kailangan na lang nilang harapin ang maaaring maging consequence ng nagawa nila.
***
Naging isang malaking balita sa Aurora ang pagkawala ni Sarah. Marami ang nagtaka. Marami ang naghahanap ng kasagutan kung nasaan na nga ba ang dalaga. Walang makapagsabi. Walang maituro na salarin.
Ang buong pulisya ng Aurora ay nagtulong-tulong na para maghanap. Ngunit wala man lang silang mahanap na clue na maaaring magsabi o magturo kung nasaan na nga ba si Sarah. Naging tahimik lang ang apat sa kumakalat na balita. Wala silang balak na magsalita.
Tulad ng sinumpaan nila, walang sinuman ang makakaalam. Isasama nila ito hanggang libingan.
Dumaan ang mga taon, maraming tao na ang nakalimot sa mga nangyari. Maging ang apat ay unti-unti na rin itong nakalimutan. Nagkanya-kanya na sila. Nag-aral ang iba sa Maynila upang magsimulang muli.
Ngunit hindi nila maitatanggi na minsan ay ginugulo pa rin sila ng kanilang nakaraan. Kahit sa pagtulog.
***
“Sarah.”
Nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog si Jess. Nakatulog pala siya sa sala. Naiwan pa niyang nakabukas ang telebisyon na kasalukuyang balita ang pinapalabas. Tiningnan niya ang orasan. Alas-singko pa lang ng madaling araw. Sakto lang pala dahil may pasok rin si Stef.
Tumayo na siya at agad na nagtungo sa banyo. Napansin niyang may mensahe mula sa kanyang cellphone. Mula iyon kay Cassie.
Agad niya iyong binuksan at binasa.
“Sa Chief Grill malapit sa school natin dati. Alas-kwatro nang hapon bukas.”
Sa tingin niya ay ito ang muli nilang pagtatagpong apat. Kahit kasi nasa Aurora pa rin silang dalawa ni Cassie, hindi sila madalas magkita-kita dahil abala sila sa kani-kanilang buhay. Samantalang si Celine naman ay abala sa Maynila gawa ng madalas niyang TV guesting at si Sam naman ay nalipat sa Bulacan.
“Bukas na,” naibulong niya sa sarili.
Nagitla siya nang biglang makarinig ng isang katok sa pinto. Sino naman kaya ang mang-aabala sa ganitong oras? Sa pagkakatanda niya, tuwing alas-sais nang umaga naghahatid ng dyaryo sa kanila.
Binuksan niya ang pinto upang tingnan kung sino ang tao sa labas.
Si Luke, ang asawa niya.
Nagtaka siya sa maagang pag-uwi nito. OFW kasi ito sa UAE at nagtatrabaho sa isang engineering firm. Hindi man lang ito nagpasabi na uuwi na pala siya. Sana man lang ay nasundo nila ito sa paliparan.
“Nagulat ka ba?” wika nito habang nakabanat ang mga kamay, handa na siyang yakapin ng asawa.
“Hindi ka man lang nagsabi na uuwi ka na pala. Hindi man lang naming nagawang sunduin ka sa airport,” pagtatampo nito. Binigyan lang siya nito nang mahigpit na yakap at halik sa noo.
“Patawad. Hindi ko na nasabi.”
“Okay lang. Ang mahalaga, nandito ka naman,” nakangiti niyang sabi.
Kahit na nagtatampo, naging masaya na lang siya sa pag-uwi ng asawa. Ngayon ay mapapanatag na ang loob niya. Hindi na siya nag-iisa. Kasama na niya ang kanyang asawa. Hindi na siya muling matatakot dahil alam niyang ligtas na siya.
***
Nasa condo niya ngayon si Sam kasama ang kanyang boyfriend. Wala siyang pasok ngayon dahil sa nangyari nang isang araw. Lahat ay abala sa pag-iimbestiga.
“Sasabihin ko ba sa pulis na may kinalaman dito si Sarah? Pero mapapahamak kami,” naisip niya. Naguguluhan pa rin ang utak niya. Hihintayin na lang niya ang bukas para makausap na rin ang iba tungkol dito.
Lumabas mula sa kusina si Rick dala-dala ang luto niya. Nakita niyang may takot pa rin sa mukha ng nobya. Wala siyang magawa sa sitwasyon dahil wala rin naman siyang alam. Inilapag niya ang pagkain sa mesa.
“Ayos ka lang ba?” tanong niya sa nobya na may halong pag-aalala.
Mapait na ngumiti si Sam. “Oo. Magiging ayos rin ako. Huwag ka nang mag-alala.”
“Hindi ba’t magkikita kayo bukas ng mga kaibigan mo? Gusto mo bang ihatid kita? Saan ba ‘yon?” pag-aalok ni Rick.
“Sa Aurora,” matipid niyang sagot.
“Aurora? Bakit doon pa?”
“Dahil doon naman talaga nagsimula ang lahat. Ang pagkamatay ni Sarah sampung taon na ang nakakalipas.”
Natahimik si Rick. Tila may iniisip na malalim. May gusto siyang alalahanin.
“Sarah? Aurora? Hindi kaya –“ Napatigil siya nang makaamoy siya na tila ba ay may nasusunog. Ang niluluto niya! Nakalimutan niyang patayin ang kalan.
Tumayo siya at pinatay iyon. Napabuntong-hininga siya matapos. Hindi na nga ganoon kasarap ang luto niya, nasunog pa. Ang malala, hindi na ‘yon pwedeng kainin pa.
“Magpapadeliver na lang ako,” wika ni Sam at saka natawa sa itsura ng nobyo niya. Para kasing nanlulumo ito dahil sa nasunog na pagkain.
“Mabuti na lang napatawa kita,” nakangiting sabi niya.
“Maraming salamat at nandyan ka.” Ngumiti na lang din si Sam. Alam niya na sa mga darating na araw, may hindi magandang mangyayari sa kanya. Nakakasigurado siya sa bagay na iyon. Siguro sa Miyerkules, sa mismong kaarawan niya.
Hinahanda na lang niya ang sarili sa maaaring mangyari ngunit hiling pa rin niya ang kanyang kaligtasan.