PROLOGUE
PROLOGUE
Hindi mapakali ang mata ni Jess sa paligid. Maingat niyang tinatanaw kung may nanunuod sa kanila. Paano kung may makakita sa kanila? Mapapahamak silang apat. Gusto niya pang may harapin na magandang kinabukasan.
“Anong gagawin natin? Natatakot ako,” ani Sam. Nagsimula ng lukubin ng takot si Sam.
“Ano’ng gagawin?! Umarte kayo na walang nangyari! Alam ko na ni isa sa inyo ay ayaw masira ang buhay, ‘di ba?” pagpapaliwanag ni Celine habang hindi maikubli ang kaba. “Wala tayong kinalaman sa pagkamatay niya. Sarili niyang katangahan ‘yan!”
“P-pero kaibigan natin siya. Hindi naman pwede na iwan na lang natin siya nang basta-basta rito,” sabat naman ni Cassie.
“Kaibigan?” nagtataka ngunit nakalolokong tanong ni Celine. “Kahit kailan ay hindi ko siya itinuring na kaibigan. Saka bago lang naman siya sa grupo. Hindi naman siya kawalan sa atin.” Nagsimula nang magtaas ng boses si Celine. Ayaw niyang masangkot sa ganitong mga bagay.
“Oh my ghadd Celine! Tao ka pa ba? May natitira pa bang konsensya r’yan sa utak mo? Pairalin mo nga ‘yan! Tao si Sarah! Hindi natin siya pwedeng basta-basta na lang iwan dito!” kontra naman ni Cassie.
“So, anong gusto mong gawin natin? Tumawag sa pulis at sabihing nalaglag si Sarah sa bangin dahil sa katangahan niya? At kasama niya ang mga kaibigan niyang lasing? Mapapahamak tayo!” iritableng sabi ni Celine.
Hindi na sila nagkakaunawaan. Kailangan ng may mamagitan sa kanila. Walang gustong magpatalo.
“Iwan na natin siya. Patay na rin naman siya. Sa tingin ko, may makakakita naman sa kanya. Madalas may nagagawi dito para maglakad-lakad.” Buo na ang desisyon ni Celine na iwan na lang si Sarah.
“Ayaw kong masira ang buhay ko,” naiiyak na sabi ni Sam. Kahit siya ay hindi na alam ang gagawin. Pinanghihinan na siya ng loob.
“H’wag kang mag-alala. Masosolusyonan natin ang bagay na ito.” Niyakap ni Cassie si Sam para maging komportable ito.
“Girls, tumahimik muna kayo. Naririnig niyo ba ‘yon?” tanong ni Jess.
Lahat sila ay tumahimik para pakinggan ang bagay na tinutukoy ni Jess. Huni ng kwago. Maingay na tunog ng kuliglig. Malamig na simoy ng hangin. ‘Yon lang. Wala namang kakaiba.
Pero pakiramdam ni Jess, may kakaiba sa lugar. Tila may nagmamasid. Pinapanuod lang sila nang tahimik. Hindi niya malaman kung ano…
O sino.