CHAPTER FIVE: Ten Years Ago

2035 Words
CHAPTER FIVE: Ten Years Ago                   “Bukas na ang kaarawan ni Sarah. Anong gagawin natin?” tanong ni Jess sa tatlo, sina Cassie, Sam at Celine. Nasa park sila na malapit sa school. Doon sila madalas tumambay kapag nagka-cutting classes.                 “Pati ba naman birthday niya, proproblemahin natin? Birthday ko nga, wala pa kong maisip,” iritableng sabi ni Celine. Pare-parehas kasi sila ng buwan nang kaarawan. Sa May 7 si Sarah, samantalang si Sam naman sa 14, si Celine ay sa 20, si Cassie ay sa 25 at huling araw naman ng buwan si Jess.                 “Kaibigan natin siya kaya kailangan naman natin maghanda,” sagot ni Cassie. Tahimik lang na nakikinig si Sam sa kanila. Wala naman kasi siyang pakialam kung maghahanda sila o hindi para sa kaibigan.                 “Hello? Hindi pa naman natin siya ganoon ka-close. Bago palang naman siya sa grupo natin,” nakataas-kilay na sabi ni Celine. Sa simula pa lang, ayaw na talaga ni Celine kay Sarah. Naiinggit siya rito. Bukod sa maganda, talentado pa ito at ubod ng bait hindi gaya niya.                 “’Yon na nga ‘yong punto. Bago pa lang siya sa grupo. Mas magandang iparamdam natin sa kanya na welcome siya sa atin at kung gaano kasaya ang grupo natin,” suhestyon ni Jess.                 “Alam niyo, kahit simpleng inuman lang naman ‘yan, maa-appreciate niya ‘yan. Mabait na tao si Sarah kaya kahit ano, tatanggapin niya,” dagdag pa ni Cassie.                 “Okay, fine. Pero may balak ako sa birthday niya para maging mas exciting,” nakangiting sabi ni Celine.                 “Parang ayaw ko niyan. Kita pa lang sa mga ngiti mo,” nagdududang sabi ni Cassie. Kilala ni Cassie ang kaibigan. Sa mga ganitong ngiti ni Celine, malamang ay may binabalak itong hindi maganda.                 “H’wag ka ngang mag-alala. Ako ang bahala,” pagsisigurado ni Celine. Wala nang nagawa pa ang iba sa balak nito. Hiling lang nila na walang mangyaring masama sa gagawin nila.                 Next subject.                 Pumasok na ang apat. Naabutan nila sa loob ng kwarto si Sarah. Aktibo kasi ito sa mga school organization kaya madalas ay hindi ito makasama sa mga kaibigan.                 “Oh, Sarah, nandito ka lang pala,” bungad ni Celine. Pumalibot na ang apat sa kanya na tila may sasabihing mahalaga.                 “Bilang mga kaibigan mo kami, may inihanda kaming munting salo-salo para sa iyo,” ani Celine.                 Napangiti si Sarah sa sinabi nito. Hindi niya akalain na mag-aabala pa ang mga kaibigan para lang ipagdiwang ang kanyang kaarawan.                 “Talaga? Maraming salamat kung ganoon,” nakangiting sabi niya.                 “So, bukas nang ala-sais. Sa batuhan malapit sa school.”                 “Sa batuhan? ‘Di ba bawal doon?” pagtataka ni Sarah. Pinagbabawal kasi ang lugar na iyon dahil delikado at marami na rin ang naaksidente.                 “Ano ka ba? Don’t worry. Ako ang bahala. Wala naman kaming gagawin na ikapapahamak mo,” wika ni Celine na may pagsisigurado. Bumukas ang pintuan ng kwarto at lumabas mula roon ang Math teacher nila. “So  bukas, ha? ‘Wag mo kaming bibiguin.”                 Nakangiti namang sumang-ayon si Sarah at walang pag-aalinlangan.                 Matapos mag-usap-usap ay bumalik na sa kanya-kanyang upuan nila sila Celine. Nagtataka pa rin ang tatlo sa binabalak ni Celine bukas.                   Kinabukasan sa school, agad na lumapit si Sarah sa apat para sabihin na baka hindi siya makarating mamaya dahil magiging abala siya sa school. Malapit na kasi maganap ang taunang pista sa kanilang paaralan.                 “Pasensya na talaga,” paghingi ng paumanhin ni Sarah.                 “H’wag kang mag-alala. Kahit anong oras ka pa matapos, aantayin ka namin doon. Ano pa’t naging magkaibigan tayo?” Nagkatinginan sina Jess, Cassie at Sam sa isa’t-isa. Hindi sila makapaniwala sa sinasabi ni Celine. Totoo ba ito o pagbabalat-kayo lang para mapilit si Sarah na pumunta mamaya?                 “Seryoso ka ba r’yan? Baka mainip lang kasi kayo sa paghihintay sa akin. Ayoko namang maabala pa kayo,” pag-aalala ni Sarah.                 Tahimik lang ang tatlong nakikinig sa usapan. Ayaw nila makialam. Diskarte kasi ito ni Celine. Tutal siya naman ang may plano ng lahat.                 “Sige na. Hihintayin ka naming kahit ano’ng mangyari. Mas magagalit kami kapag hindi ka talaga sumipot. ‘Di ba, girls?” Napatango na lang ang lahat. Kailangan lang nilang sakyan ang plano ni Celine.                 “Sige na nga. Bibilisan ko para sa inyo. Sige mauna na ako. Paalam na sa inyo.” Pero bago pa man makaalis si Sarah ay pinigilan siya ni Celine.                 “Wait. Bago ka umalis,” Kinuha ni Celine ang limang pulang laso mula sa kanyang bulsa, “Isuot mo muna ‘to. Tanda ‘yan ng pagkakaibigan natin.” Isa-isa nilang isinuot sa braso ang bigay na pulang laso ni Celine.                 “Maraming salamat dito,” nakangiting sabi ni Sarah.                 “Walang anuman. Sige. Baka mahuli ka pa sa appointment mo.” Nagpaalam na sila kay Sarah. Naiwan lang doon ang apat habang si Celine ay nakangisi.                 “Ano ba talagang balak mo?” tanong ni Jess.                 “Oo nga. Para kasing may kakaiba. Wala bang mapapahamak d’yan sa gagawin mo?” dagdag naman ni Cassie.                 Humarap sa kanila si Celine. “Gusto ko lang naman bigyan ng memorable na birthday party si Sarah. Masama ba ‘yon?”                 Nahihiwagahan pa rin ang tatlo. Hindi sila kuntento sa naging sagot nito.                 “Ano ba kasi talaga ‘yang memorable birthday party na gagawin mo?” nagtatakang sabi ni Sam. Gusto na nilang malaman ang totoo.                 “Okay fine. Para tantanan niyo na rin ako. Tatakutin lang naman natin si Sarah on her birthday. ‘Yon lang. May masama ba don?” taas-noo niyang sabi.                 Napailing si Jess. “Are you insane? Ikaw kaya ang takutin namin. Tapos sabihin mo sa amin kung anong masama doon,” pagwewelga ni Jess. Sabi na nga ba. May hindi magandang gagawin si Celine. Kilala niya ang kaibigan.                 “Pwede ba? Sakyan niyo na lang ang gagawin ko. Wala namang mangyayaring masama. Ako ang bahala.” Ayan na naman si Celine sa kanyang paninigurado.                 “Ikaw ang bahala, kami ang kawawa,” sabay-sabay nilang nasabi.                 Hindi alam ng apat na may nakakarinig sa pinag-uusapan nila. Maaaring ito ang makasira sa plano ni Celine.   ***                   Mag-aala-singko pa lang ay nasa batuhan na malapit sa school sina Jess at ang iba pa. Wala pa ang birthday girl. Higit dalawang oras na sila naghihintay. Naisipan na lang nilang hintayin si Sarah roon kahit wala pang kasiguraduhan na makakapunta ito nang maaga.                 Naghanda sila ng isang bonfire.                 Inilabas ni Celine ang isang boteng alak. Alam niyang menor de edad pa silang apat pero minsan lang ang ganitong pagkakataon na maaari silang makainom nang malaya. Wala namang makakaalam hangga’t walang magpapaalam.                 “Ang tagal naman ‘ata ni Sarah,” inip na sabi ni Jess habang nakatingin sa kanyang relo. Alas-syete na nang gabi pero wala pa rin si Sarah. Marahil ay nasa school pa rin ito, tinatapos ang ilang paperworks. Ito ang ayaw nila sa mga school organizations. Ang oras na laan para sa pagpapahinga at pagsasaya ay naaaksaya lang sa mga organization.                 Hindi nga nila lubos maisip kung ano ang nagustuhan ni Sarah sa ganoong mga bagay.                 Huling patak na ng alak. Lasing na ang iba ngunit si Celine ay halos hindi mo mahahalatang uminom. Hinihintay pa rin nito ang pagdating ni Sarah.                 Nakarinig sila ng kaluskos. Tila may tao. Bigla silang naalerto. Maliban kay Sarah, walang dapat makakita sa kanila. Delikado sila kapag nagkataon.                 “Guys…” Nakahinga sila nang maluwag nang malaman nilang si Sarah lang pala iyon. Bumalik ang ngiti ni Celine. Oras na para isagawa ang plano.                 “Girls, nandito na pala ang birthday girl. Sabay-sabay natin siyang awitan ng ‘Happy Birthday To You’,” sabay-sabay na kumanta ang apat na parang mga bata. Nakangiting nakikinig lang sa kanila si Sarah. Wala itong kaalam-alam sa plano ni Celine.                 “Maraming salamat sa inyong lahat,” masayang sabi ni Sarah matapos ang pagkanta.                 “May surprise nga pala kami sa iyo. Pero kailangan ka muna naming piringan.” Tinakpan ni Celine ng bandana ang mata ni Sarah. “H’wag mo ‘tong tatanggalin hangga’t hindi namin sinasabi.”                 Tiningnan ni Celine ang tatlo, hudyat kung kalian nila gagawin ang plano. Kanya-kanyang nagtago ang apat. Magsisimula na ang takutan.                 “Aaaaahhhhhhh!” Isang malakas na sigaw ang narinig ni Sarah. Galing iyon kay Celine. Agad na tinanggal niya ang piring sa mata. Nilibot niya ang kanyang mata. Naabutan niya na siya na lang pala mag-isa ang naroroon.                 Isang tili muli ang kanyang narinig. Mula naman iyon kay Sam.                 “Sam?! Celine?! Nasaan kayo?” Natatakot mula sa kanyang kinatatayuan si Sarah. Hindi niya maigalaw ang kanyang mga binti. Namamawis ang kanyang mukha. Hindi niya alam kung ano na bang nangyayari sa mga kaibigan.                 Nakarinig siya ng isang kaluskos. Sinundan pa iyon ng isa. Isang mahinang boses ang nagpatindig ng boses niya.                 “Sarah…”                 Nang marinig niya iyon, nagtitili siyang tumatakbo. Ang hindi niya alam ay pinapanuod siya ng mga kaibigan habang tumatawa.                 Nagtatatakbo si Sarah sa sobrang takot. Hindi niya makita ang daan palabas dahil sa dilim ng lugar at sobrang pagkakataranta. Hindi na gumagana nang maayos ang kanyang isip. Hindi na niya magawang isipin kung ano ba ang tamang gawin.                 “Oh my ghadd! Didiretso siya sa bangin!” Nanlaki ang mata nila nang sabihin iyon ni Sam. Palapit na si Sarah sa bangin. Maaari siyang mahulog mula roon.                 Agad na lumabas silang apat mula sa kanilang pinagtataguan ngunit huli na ang lahat. Dumausdos pababa ng bangin si Sarah.                 “Sarah!” sabay-sabay nilang sigaw.                 Agad nilang binaba si Sarah para tingnan kung ano nang nangyari. Puro sugat ang buong katawan ni Sarah. Duguan rin ang ulo nito. Halatang bali rin ang katawan nito dahil sa posisyon nang pagkakahulog.                 “Oh my ghadd! Anong nagawa natin? Pinatay natin siya!” naghehesterikal na wika ni Sam.                 “H’wag ka ngang O.A!” Chineck ni Celine ang pulso ni Sarah. Napahinto siya matapos niyang tingnan. Nag-aabang lang ang tatlo sa kanyang sasabihin.                 “Ano na?” nag-aalalang sabi ni Cassie.                 “S-She’s dead,” nahihintakutang sabi ni Celine. Natahimik silang lahat. Ano ba ‘tong kinasangkutan nila? Hindi nila akalain na ganito pala ang mangyayari.                 “Kasalanan mo ‘to!” galit na sabi ni Cassie na anumang oras ay gustong sumabog. Pinigilan siya ni Jess sa pagwawala.                 “Walang may gusto nito, kahit si Celine,” depensa ni Jess sa kaibigan. Kailangan niyang lakasan ang loob niya. Wala namang magagawa ang pagiging hesterikal niya.                 “Hindi ko kasalanan ang katangahan niya. Siya mismo ang pumatay sa sarili niya!” Ayaw akuin ni Celine ang kasalanan kahit alam nito na siya ang may pakana ng lahat.                 Hindi mapakali ang mata ni Jess sa paligid. Paano kung may makakita sa kanila? Mapapahamak silang apat. Gusto niya pang may harapin na magandang kinabukasan.                 “Anong gagawin natin? Natatakot ako,” nanginginig na sabi ni Sam. Nagsimula nang lukubin ng takot ang buo niyang katawan.                 “Ano’ng gagawin? Umarte kayo na walang nangyari! Alam ko na kahit isa sa inyo, ayaw na masira ang buhay, ‘di ba?” pagpapaliwanag ni Celine. “Wala tayong kinalaman sa pagkamatay niya. Sarili niyang katangahan ‘yan.”                 “Pero kaibigan natin siya. Hindi naman pwede na iwan na lang natin siya nang basta-basta,” sabat naman ni Cassie.                 “Kaibigan? Kahit kailan hindi ko siya itinuring na kaibigan. Saka bago lang naman siya sa grupo. Hindi naman siya kawalan sa atin.” Nagsimula nang magtaas ng boses si Celine. Ayaw niyang masangkot sa ganitong mga bagay.                 “Oh my ghadd, Celine! Tao ka pa ba? May natitira pa bang konsensya r’yan sa utak mo? Pairalin mo nga ‘yan! Tao si Sarah! Hindi natin siya pwedeng basta-basta na lang iwan dito!” kontra naman ni Cassie.                 “So, anong gusto mong gawin natin? Tumawag sa pulis at sabihing nalaglag si Sarah sa bangin dahil sa katangahan niya? At kasama niya ang mga kaibigan niyang lasing? Mapapahamak tayo!” gigil na sabi ni Celine. Hindi na sila nagkakaunawaan. Kailangan nang may mamagitan sa kanila. Walang gustong magpatalo.                 “Iwan na natin siya. Patay na rin naman siya. Sa tingin ko, may makakakita naman sa kanya. Madalas may nagagawi dito para maglakad-lakad.” Buo na ang desisyon ni Celine na iwan na lang si Sarah.                 “Ayaw kong masira ang buhay ko,” naiiyak na sabi ni Sam. Kahit siya ay hindi na alam ang gagawin. Pinanghihinan na siya ng loob.                 “H’wag kang mag-alala. Masosolusyonan natin ang bagay na ito.” Niyakap ni Cassie si Sam para maging komportable ito.                 “Girls, tumahimik muna kayo. Naririnig niyo ba ‘yon?” tanong ni Jess.                 Lahat sila ay tumahimik para pakinggan ang bagay na tinutukoy ni Jess. Huni ng kwago. Maingay na tunog ng kuliglig. Malamig na simoy ng hangin. ‘Yon lang. Wala namang kakaiba.                 Pero pakiramdam ni Jess, may kakaiba sa lugar. Tila may nagmamasid. Pinapanuod lang sila nang tahimik. Hindi niya malaman kung ano…                 O sino.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD