CHAPTER SEVEN: The Meeting
Kasalukuyang nagmamaneho si Cassie ng kanyang sasakyan. Sabay silang nagtungo ni Jess papunta sa Chief Grill kung saan nila kikitain sina Sam at Celine. Ito ang muli nilang pagsasama sa matagal na panahon.
Habang nasa biyahe, parehong tahimik ang dalawa. Walang gustong magsimula ng pag-uusap. Ayaw muna nilang pag-usapan ang tungkol kay Sara hangga’t maaari, hangga’t hindi pa sila kumpleto.
Nakikinig sila ng kantang tumutugtog sa radyo. Lady in Red ni Eric Clapton ang tumutugtog nang mga sandaling iyon.
Naalala nila tuloy ang tungkol sa pulang laso. Agad namang inilipat ni Cassie ang istasyon ng radio upang malinis ang kanilang konsentrasyon.
“Kumusta na pala ang buhay mo?” ani Jess. Binasag na ni Jess ang katahimikan nang makahanap ng tyempo.
Ngumiti lang si Cassie. “Ito nananatiling dalaga. Wala pa ring nagkakamali,” marahan niyang sabi at saka tumawa.
Hindi na nagulat pa roon si Jess. Abala kasi masyado ito sa trabaho kaya wala na itong oras para makipag-date o maghanap pa ng pwedeng maging kaibigan.
“Ikaw? Kumusta ka na? Umuwi na ba si Lance?” pabalik na tanong ni Cassie. Alam niya naman ang sasabihin nito. Na masaya siya sa buhay may pamilya na lubos niyang kinaiinggitan.
“Okay lang naman. Medyo stress nga lang dahil sa asawa’t anak ko pero masayang stress naman kung iisipin,” sagot niya. Alam ni Cassie na hindi ito talaga ang gustong sabihin ni Jess. Ayaw lang nito na masaktan ang kaibigan.
Ilang minuto pa ay nakarating na sila sa Chief Grill. Gawa sa glass ang dingding ng restaurant kaya kitang-kita nila ang mga tao mula sa labas. May nauna na pala sa kanila sa meeting place, si Celine. Tahimik itong nakaupo habang umiinom ng isang tasang tsaa.
Bumaba agad sila sa sasakyan matapos itabi sa gilid. Napansin pala ni Celine ang pagdating nila. Kumakaway sa kanila ito habang nakangiti, ngiti na hindi naman kailan naging totoo.
“I miss you, girls,” wika ni Celine at saka binigyan ng beso sina Jess at Cassie. Naupo ang dalawa sa harapan ni Celine matapos ‘yun.
“Wala pa si Sam?” tanong ni Jess nang mapansing kulang pa sila ng isa.
“Halata ba? Siguro na-traffic lang ‘yon. Alam mo namang puro nasa bakasyon ang mga tao ngayong buwan,” sagot ni Celine.
Hindi pa rin talaga mawawala ang pagiging pilosopo ni Celine sa isip-isip ni Jess. Kahit sabihing sampung taon na ang nakalilipas, may mga bagay pa rin talaga na hindi nagbabago.
Mayamaya lang ay lumapit sa kanila ang waiter para tanungin ang kanilang order.
“Mamaya na siguro. May hinihintay pa kami. Thank you,” ani Celine at saka nginitian ang waiter.
***
Nakarating na sa Aurora si Detective Lance. Sinama niya si Rick nang malaman niyang dito pala ito lumaki. Gustong malaman ni Detective Lance ang tungkol kay Sarah kaya pumunta siya rito. Pupuntahan niya kung saan nagsimula ang lahat at kung saan huling nakita si Sarah.
Sa San Lorenzo High, ang dating paaralan ni Sarah.
Nasa harapan siya ngayon ng paaralan. Napansin niyang nakatulala si Rick habang nakatingin sa gusali. Kakaiba ang kinikilos nito na tila ay may sinasariwang alaala.
“Rick?” tawag niya rito.
Doon lamang bumalik sa ulirat si Rick. “A-ah. Bakit?” pagtataka nito.
“Wala ka kasi sa sarili. Ayos ka lang ba?”
“A-Ayos lang ako. Huwag mo akong alalahanin. P-pumasok na tayo,” aya nito kay Lance.
Nakakasigurado nga siya. May kakaibang ikinikilos ang kaibigan. Sa palagay niya ay may inililihim ‘to sa kanya. Pero hindi ito ang problema kundi si Sarah. Kailangan niyang pagtuunan ‘yon ng pansin.
Pumunta sila sa kwarto kung nasaan ang Record Section ng paaralan. Habang naglalakad, kapansin-pansin ang lumang mga gamit sa paaralan. Tunay ngang napaglipasan na ng panahon ang lugar na ito.
“Detective Lance,” wika niya habang pinapakita ang kanyang tsapa nang matunton ang Record Section.. “Nandito ako para sa dati niyong estudyante, si Sarah Montes. Estudyante siya rito sampung taon na ang nakalilipas.”
“S-Sarah?” nauutal na sabi ni Rick. Kapansin-pansin din ang pamamawis ng binata habang binabanggit ang pangalan ng dalaga.
“Bakit? Anong problema? Kanina pa kita napapansin na tuliro at wala sa sarili,” nagtatakang sabi ni Lance.
“W-Wala. Kailangan ko lang siguro magpalamig sa labas,” ani Rick. Agad na lumabas ng kwarto si Rick, hindi para magpahangin kundi lumayo sa kanila. Ano kaya ang lihim nitong tinatago?
“Ito,” sabi ng Record’s Officer sabay lapag ng folder sa harapan ni Lance. Bumalik ang atensyon niya sa taong nasa record section. “Sarah Montes. IV-A Newton. Matanong ko nga. Bakit masyado kang interesado sa kanya? Matagal na –“
“Na rin naman siyang nawala. Pero hindi pa rin natatagpuan ang katawan niya. Wala pa ring makapagsabi kung buhay o patay na siya,” pagpapatuloy ni Lance.
“Magaling na estudyante si Sarah. Napaka-aktibo pa niya sa mga school organization. Ngunit ang lahat ay nagulat sa biglaan niyang pagkawala. Isang araw, nawala na lang siya matapos ang kanyang kaarawan. Lahat ay nanghihinayang sa kanyang pagkawala, maging mga kaibigan niya. Nagbago na ang lahat,” wika ng tagapagbantay habang sinasariwa ang nakaraan na tila kahapon lang.
“Nagbago ang lahat? Matanong ko nga. May mga kilala ba kayong malalapit sa kanya?” pag-uusisa ni Lance.
“Hmmm. Sa pagkakatanda ko, lima silang magkakaibigan, e. Sandali lang. Kukunin ko lang ang year book nila,” aniya at saka kinuha ang isang year book mula sa kabinet. Year book ‘yon ng batch ni Sarah.
“Nasaan na nga ba ‘yon?” nasaad niya habang inililipat ang mga pahina. “Ito! IV-A Newton. Ang kanilang class picture.”
Kitang-kita ni Lance ang mukha ni Sarah roon. Batang-bata pa ang itsura niya roon. Iniisip niya tuloy kung ano na ang itsura nito ngayon kung nabubuhay pa.
“Sila ang madalas kong makitang kasama ni Sarah.” Itinuro niya ang apat na kababaihan na nasa tabi ni Sarah. “Si Jessica Lambert, Cassandra David, Samantha Walker at Celine Rodriguez. Sa pagkakatanda ko, si Celine ay isa ng artista ngayon at si Samantha ay isang DJ.”
Biglang naalala ni Lance ang nangyaring pagsabog sa R700. Napabilang sa mga saksi roon si Samantha Walker. Napaisip tuloy siya bigla. Isa lamang ba ‘yong pagkakataon o sinasadya? Hindi niya malaman.
Unti-unti ng nagkakaroon ng pag-asa si Lance na malutas ang kasong nabaon, sampung taon na ang nakararaan. Sila ang maaaring maging susi sa paghahanap kay Sarah. Kailangan niyang makita ang apat sa lalong madaling panahon. Kung wala silang alam, wala ng dahilan para ipagpatuloy pa ang imbestigasyong ito.
***
Parang tanga na naghihintay sa labas si Rick. Palakad-lakad siya sa labas ng pinto. Kagat-kagat niya ang kanyang daliri dahil sa matinding niyerbos.
“Bakit hindi ko man lang napansin? Bakit?” nasabi niya sa sarili habang patuloy sa parito’t paroon na paglalakad.
Biglang bumukas ang pinto ng Record Section. Iniluwal n’on si Detective Lance. Napansin kaagad nito ang kakaibang kilos ni Rick.
“Para kang kiti-kiti r’yan,” pang-aasar ni Lance.
“M-May nalaman k-ka ba?” Kabadong sabi ni Rick.
“Bakit para ‘atang kinakabahan ka? Kaunting impormasyon lang. Halika na. May pupuntahan pa tayo,” aya ni Lance at saka sumakay ng sasakyan.
***
Makalipas ang ilang oras, nakarating din sa wakas si Sam. Siya na lang kasi ang hinihintay. Napansin niya ang isang magarang kotse na naka-park sa tapat ng Chief Grill. Sa tingin niya ay alam niya kung kanino ang sasakyang ito, kay Celine. Ito kasi ang pinaka naging matagumpay sa kanilang apat – lima. Hindi maikakaila ang tagumpay nito dahil sa mga makikita mong mukha nito sa telebisyon, dyaryo, ads, magazine, at iba pa.
Bumaba na siya sa sasakyan. Nagitla siya nang biglang may makita siyang patay na pusa sa parking area. Napaurong siya nang bahagya.
“Sino naman ang may gawa nito?” sa isip-isip niya.
Siguro ay nagkataon lang na may patay na pusa rito. Nasagasaan o sadyang namatay na lang.
Ipinagsawalang-bahala na lang niya ang nakita at umiretso na lang sa loob ng restaurant. Kailangan nilang pag-usapan ang mga nangyayari dahil buhay nila ang nakataya rito. Natatakot rin siya dahil nalalapit na ang kanyang kaarawan.
“Nandito ka na rin sa wakas,” bati ni Celine habang walang pagsidlan ang tuwa. Pakiramdam ni Sam, sarkastiko ang pagkakasabi ni Celine ng mga katagang iyon.
“Kumpleto na pala tayo. Um-order na muna siguro tayo,” saad ni Cassie.
Dumating na ang waiter para pagsilbihan sila. Isa-isa na silang nagbigay ng order pero nakapukaw ng atensyon ni Sam ang isang matanda. Tila may hinahanap ito na ang pangalan ay ‘Cynthia’.
“Cynthia, nasaan ka na? Meow meow…”
Napailing na lang si Sam at saka um-order na rin tulad ng iba.
***
“Akalain mo ‘yon. Nagsama-sama rin ang apat. Siguro natakot talaga sila sa ginawa ko.” Nakatingin siya sa apat habang nag-uusap. May mga galit sa mga mata niya.
Hawak-hawak niya ang isang kutsilyo na puno ng dugo at isang tag na may nakaukit na Cynthia.
“Kawawa naman ang pusa, nadamay pa sa pagiging siraulo ko,” aniya at saka natatawa.
Tinititigan niya ang nakahandusay na pusa sa kalsada. Ang akala na dugo ni Sam mula sa pusa na galing sa pagkakabunggo nito ay mali. Mula pala ito sa isang saksak.
Dahil nasira ang plano niya na gawing obvious na ang patay na pusa ay isang ‘Warning’, kinuha niyang muli ang patay na pusa.
Kumuha siya ng pulang panulat. Sinulatan niya ang balat ng pusa ng pangalang, ‘Sam’.
“Maligayang kaarawan sa’yo, Samantha Walker,” saad niya na may ngiti sa labi.