CHAPTER FOUR: A Sweet Revenge
Naisipang tawagan ni Jess si Cassie dahil sa bumabagabag sa kanyang isipan. Tutal ito lang naman ang maaari niyang makausap ngayon. Kinuha niya ang telepono at i-dinial ang numero ni Cassie. Ilang saglit lang ay may sumagot na.
“Good day. This is CD Clinic. What can I do for you?” wika ng babaeng nasa kabilang linya.
“Pwede ko ba makausap si Ms. Cassandra David?” Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Jess. Kailangan na niyang makausap si Cassie.
“Can I have your name, please?” pagtatanong nito sa kanya.
“Jessica Stone. Kaibigan ako ni Cassie. I mean Cassandra David,” pagtatama nito Nalimutan niyang hindi na nga pala sila mga bata para magtawagan pa sa palayaw.
“I’ll just put your call on hold. Ihahatid ko lang po ang telepono kay Dra. David,” rinig niyang sabi. Mula sa kabilang linya, maririnig ang pagbukas ng pinto.
“Dra. David, may tawag po kayo. Ms. Jessica Stone po ang pangalan.” Matapos sabihin ‘yon ay iniabot na niya ang telepono kay Cassie.
“Jess, napatawag ka ‘ata,” saad nito. Alam nitong hindi basta-basta tumatawag ang kaibigan niya kung hindi importante.
“I have something to tell you.” Napalunok ng laway si Jess. Hinahanda na niya ang sarili sa sasabihin.
“Me too.” Napatahimik siya bigla. Hindi niya alam kung itutuloy pa ba niya ang sasabihin. Sa tuwing nababanggit kasi ang pangalan na iyon, nagsisiakyatan lang ang kilabot sa buo niyang katawan. “… about Sarah,” dagdag niya.
“Nang nakaraang araw, nakatanggap ako ng isang letter. Hindi ko alam kung kanino galing pero… malamang kay Sarah,” saad nito na may halong kaba. Parehas na sila nagpapakiramdaman kung ano ba ang sasabihin. Parehas na sila ng nararamdaman. Marahil ay takot? Siguro para sa buhay nila.
“Pero patay na siya, ‘di ba? Kitang-kita ng dalawang mata natin kung paano siya namatay. Hindi na siya nahinga. Chineck pa nga ni Celine kung nahinga pa siya. Ayokong paniwalaan na buhay pa siya.”
“We checked. Pero we’re not sure. Wala rin naman tayong nabalitan after n’on, ‘di ba? Hindi nga natin alam kung may nakakita ba sa bangkay niya. Nawala na lang kasi bigla.”
Natahimik sila pareho. Hindi na nila alam kung anong sasabihin. Natatakot sila kahit hindi pa nila sigurado kung si Sarah ba ay buhay o patay na.
“I heard from the news na may nangyaring pagsabog sa pinagtatrabahuhan ni Sam. Naniniwala akong hindi ‘yon coincidence. May nagplanong mangyari ang bagay na ‘yon.” Nagulat si Cassie nang marinig ang balita. Hindi na kasi siya nakakanood ng mga balita dahil nga sa busy siya sa trabaho.
“Oh ghadd! Nakausap ko si Sam nang isang araw. Takot na takot siya n’on nang matanggap niya ‘yong birthday card. Paniguradong hindi na maayos ang mental state niya,” nag-aalalang sabi ni Cassie.
“Alam mo, kailangan na talaga nating mag-usap usap. Tayong apat. Tayo rin naman ang mga sangkot dito and for sure, baka malaman na rin nating kung ano ba talaga ang nangyayari. O baka may isa lang sa atin ang nagbibiro.”
Nakarinig nang malakas na busina si Jess mula sa labas ng bahay niya. Dumating na pala ang school bus ni Stef. Sinilip niya sa bintana ang anak niyang bumababa ng sasakyan.
“Sige. Ako na ang bahalang kumausap sa dalawa. Ako na lang din ang magse-set ng oras at ng lugar kung saan tayo,” boluntaryong sabi ni Cassie.
“Thank you. Sana matapos na ‘to.”
Isang malakas na sigaw ng ‘Mommy’ ang narinig ni Jess. Mula ‘yon kay Stef na laging excited na magkwento ng mga nangyari sa school niya. Kasama niya si Archie na tumungo sa tapat ng kanilang bahay.
“Sige. Paalam na. Nandyan na pala ‘yong anak mo. Ikamusta mo na lang ako sa kanya. Matagal-tagal na rin kaming hindi nagkikita.”
“Makakarating. Salamat.” Ibinaba na niya ang telepono nang matapos ang kanilang pag-uusap.
Matapos ‘yun ay humarap siya sa anak na walang pagsidlan ang tuwa.
“Mommy, I have something for you.” Ipinakita ni Stef ang kamay niyang may tatak ng star. Kaya pala excited na naman ito. Kaligayahan na niya kasi ang umuwing may tatak ng star sa kamay.
“Ang galing naman talaga ng anak ko.” Pumalakpak si Jess dahil sa galak at saka niyakap ang anak sa natanggap nito.
“Magaling talaga ang anak niyo Mrs. Stone,” saad ni Archie na nakangiti rin dahil kay Stef. Madalas kasing umuuwi si Stef na may bituin sa kamay. “Sige, mauuna na ako. Baka abutin pa ako ng hapon sa paghahatid sa mga bata. Paalam na sa iyo Stef at Mrs. Stone. Maging maligaya sana ang gabi niyo,” wika nito at saka umalis at dumiretso na sa school bus.
Napaisip si Jess sa huling sinabi nito. Hindi na ‘ata magiging masaya ang mga gabi niyang magdaraan.
“Baby, akin na ang bag mo at magbihis ka na sa taas.” Akmang kukunin na sana ni Jess ang bag ng anak nang bigla siya nitong pigilan.
“Wait, mom. May nagpapabigay po pala sa inyo nito.” Kinuha niya ang isang puting envelope mula sa kanyang bag. Napatitig lang dito si Jess. “Binigay po sa akin ‘yan ni Manong guard nang pauwi na po ako. Ang sabi po niya ay ipinaabot po ng isang babae.”
Naramdaman ni Stef ang pagkalam ng sikmura niya dahil sa gutom. “Mommy, may pagkain po ba tayo?” aniya habang hawak-hawak ang kumakalam na tiyan.
“Sa kusina. May inihanda akong merienda para sa ‘yo,” nakangiti niyang sabi. Mabilis na tumungo roon si Stef. Naiwan namang nakatayo si Jess habang tinititigan ang puting envelope. Walang anumang nakasulat sa labas nito. Kahit kaunting impormasyon para malaman kung kanino galing at para saan ang envelope.
Binuksan iyon ni Jess. Isang birthday card na naman.
Happy Birthday Jess.
Lovelots,
Sarah
Sa katapusan na nang buwan ang kanyang kaarawan. Nanginginig siyang napatitig sa nakasulat. Hindi siya makapaniwala sa nababasa. Unti-unti na naman siyang nilalamon ng takot.
Napatingin siya sa anak niyang kumakain sa kusina. Nalulungkot siya sa maaari nitong sapitin sa sandaling magkatotoo ang mga banta sa kanya. Kailangan niyang malutas ito para sa pamilya niya, para sa buhay niya.
~~~
Binaba na ni Cassie ang telepono. Napakalumbaba siya dahil sa mga nangyayari. Napapaisip siya kung paano ba nangyari ang bagay na ito. Kung si Sarah ang may gawa ng lahat na ito, bakit ngayon lang kung kailan lahat ng buhay nila ay maayos na?
“Buhay namin.”
Hindi pa lahat ng kanyang gusto sa buhay ay nakakamit niya. Naiinggit nga siya sa mga kaibigan niya lalo na kay Jess. Mayroon na itong masayang pamilya. Mapagmahal na asawa’t anak, ang bagay na wala siya at matagal na niyang hinahangad.
Tumayo siya at tumingin sa salamin na nakasabit sa dingding. Pinagmasdan niya ang kanyang repleksyon.
Hindi na siya bumabata. Panahon na para magkaroon ng sariling pamilya at mamuhay kasama sila. Hinawakan niya ang kanyang mukha. Lumilipas na rin ang maganda niyang balat. Gusto na niyang magkaanak na aalagaan hanggang sa siya ay mamatay.
Mula sa repleksyon, napansin niya ang isang papel na nakasingit sa bookshelf. Nagtataka siya kung paanong napunta roon ang papel na iyon samantalang ibinibigay naman ni Lexie ang mga sulat direkta sa kanya.
Lumapit siya roon at kinuha iyon. Isang birthday card.
Happy Birthday Cassie.
Lovelots,
Sarah
Napamura siya sa nabasa. Galing ito kay Sarah o kung sino man na gusto silang paglaruan. Sa May 25 na ang kaarawan niya. Napakagat-labi siya dahil sa takot.
“Hindi maaari ‘to,” nanginginig niyang sabi. Dali-dali siyang lumabas nang kwarto para hanapin si Lexie. Naabutan niya itong nagtetext sa desk niya.
“Lexie, ikaw ba ang naglagay ng sulat na ‘to sa bookshelf?” tanong nito kay Lexie na tila gulat sa kinikilos ng doktora.
“Hindi po. Hindi ko pa nga po nakukuha ang mga sulat sa mailbox.” Mababa ang tono ni Lexie. Halatang natatakot ito kay Cassie.
Napabuntong-hininga si Cassie. Kung hindi si Lexie ang nagdala nito roon, maaaring may kung sino mang nakapasok sa kwarto niya at inilagay ang sulat doon.
“May problema po ba, Dra.?” pagtataka ni Lexie. Napansin niya kasing iba na ang kinikilos nito simula nang matanggap nito ang kakaibang sulat nang nakaraang araw.
“Wala. Wala.” Bigla niyang naalala ang sinabi sa kanya ni Jess. Mabuti pa ay tawagan na niya sina Sam at Celine hangga’t maaga. Hindi siya dapat tumunganga dahil umiikli na ang mga araw.
~~~
“Nakakatuwa ang nagiging mga reaksyon nilang apat. Akala mo katapusan na ng mundo ang mga itsura ng mga mukha nila,” nakangiti nitong sabi habang tumatawa nang nakakaloko.
Tinititigan niya ang litrato nina Jess, Cassie, Sam at Celine na magkakasama. Katabi ng litrato ay isang kalendaryo na nakaharap ang buwan ng Mayo.
Gamit ang isang pulang panulat, nilagyan niya ng ekis ang araw ng 14, 20, 25 at 31 nang buwan.
“Sa araw na iyan, makikita niyo ang mga regalo niyo. Maghintay lang kayo.”