CHAPTER TWO: A Creepy Start
“Detective Lance! Tulala ka na naman ‘ata diyan! Naku naman! Sinabi nang ‘wag masyadong mag-isip. Mahal ka n’on,” biro ni Rick. Lagi na lang niya kasi itong nakikitang tulala kaya binibiro niya ito kapag nakikita sa ganoong sitwasyon.
“Rick naman! Alam mo namang nasa malalim akong konsentrasyon ngayon, ‘e,” iritableng sabi niya.
Hilig niya kasi ang mag-isip ng mga bagay-bagay. Bilang isang detective, kailangan niyang alamin ang iba’t-ibang maaaring dahilan ng isang naturang kaso. Simula pa lang pagkabata, pagiging detective na ang gusto niya.
“Ano na naman ba ‘yang iniisip mo?” pagtatanong ni Rick.
“’Di ba, May 7 ngayon?”
“Oo. Ano namang mayroon?” pagtataka niya.
“Sampung taon na kasi. Sampung taon ng nagiging case unclosed ang tungkol kay Sarah Montes. Hindi pa rin natin siya nahahanap. Hindi nga rin natin alam kung patay na siya,” pagpapaliwanag ni Detective. Matagal na siyang interesado sa kasong ito.
“Sarah?”
“Bakit? May alam ka ba tungkol sa kaso?”
“Ahh. Wala, wala naman. May naalala lang ako bigla. Sige, mauna na muna ako. May pinapagawa pa sa akin si chief, ‘e. Baka masermonan na naman ako nang ‘di oras.”
Umalis na nga si Rick. Naiwan lang na nag-iisip si Detective Lance. Sampung taon na rin niya nireresolba ang kasong ito ngunit walang ebidensya na nagpapatunay na patay o nawawala si Sarah.
“Kung mayroon lang talaga akong hint, masosolusyonan ko ‘to. Pero paano? Paano nga ba?” nasabi niya sa hangin.
Kinuha niya ang isang puting folder mula sa kabinet. Dokumento iyon na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Sarah Montes. Gusto niyang malaman kung ano ba talaga ang nangyari rito dahil sa isang dahilan.
“Sa Aurora kung saan nagsimula ang lahat. Babalik ako,” nasaad niya.
~~~
Kahit na pagod at puyat dahil sa kakaisip sa natanggap niya kahapon, nagawa pa ring pumasok ni Sam sa trabaho. Isa siyang DJ sa R700, isa sa mga sikat na istasyon ng radio sa bansa. Hanggang ngayon, bitbit pa rin niya ang takot nang kahapon. Kahit alam niyang wala pang kasiguraduhan na si Sarah ang nagpadala n’on, hindi niya maiwasang mangamba para sa sarili.
“Magandang gabi, Ms. Samantha,” nakangiting bati sa kanya ng guard.
“Magandang gabi rin, Manong Arturo,” malumanay niyang bati pabalik. Nagsulat siya sa logbook na nasa harapan ng guard. “Manong, ‘andyan po ba si Sir?”
“Ay. Wala po. Maagang umalis kasi may meeting siya kasama ang ilang board members,” sagot ng guard.
“Ganon po ba? Hihingi pa naman sana ako ng one week leave. Gusto ko kasing magbakasyon,” dismayado niyang sabi. Napahawak siya sa ulo niya
“Sa tingin ko ay kailangan mo nga no’n. Para ka kasing stress,” saad ng guard.
“Oo nga, e. Napansin niyo po pala. Sige, mauna na po ako Manong Arturo. Baka hinihintay na ako ng mga listeners ko.” Pumasok na si Sam sa gusali. Tiningnan niya ang relo niya. Maaga pa siya ng bente minutos sa kanyang segment. Dumiretso siya sa banyo para makapag-ayos.
Pagpasok niya sa banyo, tumingin siya sa salamin. Sinalat niya ang mukha.
“Ang panget ko na,” nasabi niya sa sarili. Ibang-iba na ang itsura niya kumpara dati. Wala na ang batang mukha niya. Napalitan na ito nang mas matandang kutis. Hindi ito dahil sa paglipas ng panahon, kundi dahil sa bitbit niyang bangungot nang kahapon.
Binuksan niya ang gripo. Sinalok niya ang mga kamay niya roon. Malamig ang tubig. Tamang-tama para magising ang diwa niya.
“Tama na ang pag-iisip. Nasa trabaho na ako. Kailangan ko nang magtrabaho,” wika niya sa sariling repleksyon.
Nagtungo siya sa kanyang booth. Naabutan niya roon si Rose, katrabaho niya. Nag-aayos na ito ng sarili dahil tapos na ang segment niya.
“Oh Rose, may date ka ‘ata,” tanong ni Sam. Nakaayos kasi ito nang magara, tila may pupuntahang lakad.
“Susunduin kasi ako ni Dave ngayon. Magdi-date kami,” sagot nito. Naiinggit dito si Sam dahil maliban sa sikat ang segment niya, mahal na mahal din siya ng kasintahan niya hindi tulad ni Rick.
“Oh, sige. Mauna na ako. Baka magtampo pa sa akin ang boyfriend ko,” paalam nito at saka umalis.
Pumasok na si Sam sa loob ng booth. Ilang minuto na lang kasi ay magsisimula na siya. Nagbanat-banat niya ng katawan at nag-ensayo para sa sasabihin niya.
Bumuntong-hininga siya at nagsimula nang magpula ang logo na ‘On-Air’.
“Magandang gabi mga katropa! Ito na naman po si DJ Sam, ang gigising ng mga diwa niyo!” Masigla ang mga tono niya, iba sa tunay na nararamdaman niya. “May caller po tayo. Ang ating buena mano sa gabing ito. Sino naman kaya siya? Hello?”
“Magandang gabi, Ms. Samantha Walker.” Galing sa isang babae o sa lalaki ang boses? Hindi niya masigurado.
“Aba! Buong-buo ang full name! Alam ni kuya o ate ang pangalan ko! Stalker ko ‘ata siya. Ang ganda ko ba naman, ‘e,” pagbibiro ni Sam.
“Hindi ka pa rin nagbabago, Sam, kahit sampung taon na ang nakakalipas.” Nagsimula nang kabahan si Sam dahil sa sinabi ng caller.
“Uhm. Maaari ko bang tanungin ang pangalan mo?” nakakunot-noo niyang tanong.
“Ang bilis mo makalimot. Si Sarah ‘to. Hindi mo man lang ako binati ng ‘Happy Birthday’ kahapon,” sabi ng sa kabilang linya.
Nagsimula nang pagpawisan si Sam. Hindi niya alam kung isang biro lang ito. Nanlalamig ang mga kamay niya.
“Mga listeners, mag-co-commercial muna tayo.” Nawala na ang pula sa logo na ‘On-Air’. Hindi pa rin binababa ni Sam ang telepono. Gusto niyang makausap ang nasa kabilang linya nang masinsinan.
“Bakit ka nag-commercial? Ayaw mo bang marinig ng mga listeners mo ang pagtataksil niyo sa akin sampung taon na ang nakararaan?” pagtatanong ng caller at saka tumawa nang nakakaloko.
“Kung sino ka man, tumigil ka na! Tantanan mo na ako, kami!” Natatakot na si Sam pero kailangan niyang lakasan ang loob niya.
“Tantanan? Nagsisimula pa nga lang ako, e. Saka na kapag nakuha ko na ang kaligayahan na gusto ko. Hahahahaha.” Nakakakilabot ang mga tawa nito. Tila hinugot mula sa kailaliman ng lupa.
“Please tumigil ka na! Ayoko na!” Naiiyak na si Sam sa sobrang takot. Wala siyang masasandalan sa oras na iyon. Nag-iisa lang siya – mahina at kaawa-awa.
“Hindi ito matatapos hangga’t hindi pa kayo nagbabayad ng utang n’yo sa akin. Dahil buhay ang kinuha niyo, sisingilin ko rin kayo ng buhay! Galit na galit ako sa inyo! Sisirain ko ang mga buhay niyo!” Tila demonyo na ang nagsasalita. Nakakatakot ang mga pagbabanta nito. “May regalo pala ako sa ’yo. Kuhain mo sa ibaba ng table sa loob ng booth.”
Tumitig si Sam sa table na nasa booth. May isang kahon roon. Marahil iyon na ang tinutukoy nito. Marahan siyang lumapit dito. Dahan-dahan niyang binuksan ito para tingnan ang nilalaman nito.
Isang birthday card. Binasa niya ang laman nito.
Happy Birthday Sam.
Lovelots,
Sarah
Naalala ni Sam na malapit na ang kaarawan niya. Sa May 14. Galit na galit niyang pinunit ang birthday card hanggang sa magpira-piraso.
“Hayop ka! Papatayin kita kapag nakita kita!” galit na galit na sabi ni Sam. Hindi na niya makontrol ang emosyon niya. Gusto na niyang sumabog.
“Ayan! Lumabas din ang tunay mong kulay. Matagal mo na akong pinatay kaya ikaw naman. Hahahaha.” Naghalo-halo na ang emosyon niyang nararamdaman. “By the way, may early gift pala ako sa ’yo. Alam kong gusto mong sumikat kaya gumawa na ako ng paraan.”
“Anong ibig mong sabihin?!” naguguluhang sabi ni Sam.
“Pinatay ko ang taong kinaiinggitan mo, si Rose. Sinama ko na rin ang boyfriend niya. Gusto ko kasing maging masaya ka bago ka mamatay. Kaya ayan. Sana masiyahan ka!”
“Hayop ka talaga!”
Dali-daling tumakbo papuntang parking lot si Sam. Gusto niyang makasiguro. Nakarinig siya ng isang malakas na pagsabog. Mas lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo para tingnan ang ingay na iyon.
“D’yan na lang po kayo, Ms. Samantha,” wika ni Manong Arturo at saka iniharang ang kamay nito kay Sam.
Nanlaki ang mga mata ni Sam sa mga nangyari. Sasakyan kasi iyon ng boyfriend ni Rose. Napaluhod na lang si Sam sa lupa habang tinitingnan ang natutupok na sasakyan.
“Tulong!” mahinang sigaw ang narinig nila. Tila nanghihina ang boses nito. Lumingon sila sa kanilang likuran. Nakita nila ang duguang katawan ng boyfriend ni Rose. Nakaligtas ito. Napatingin muli si Sam sa nasusunog na sasakyan.
“Si Rose…” Hindi na maipagpatuloy ni Sam ang kanyang sasabihin.
“Si Rose ang laman ng sasakyan. May umatake sa amin,” nanghihinang sabi ni Dave.
“Huwag ka na magsalita. Ipunin mo ‘yang lakas mo. Manong Arturo, tumawag ka na ng ambulansya!” maawtoridad na utos niya.
“Huli na,” nanlulumong sabi ni Manong Arturo habang nakatingin sa likod ni Dave. May nakatarak na tatlong kutsilyo sa likod nito. Tila wala talagang balak buhayin ang binata.
“Aaaaaaahhhhh!” sigaw ni Sam sa sobrang pagkagimbal. Naiiyak na siya sa mga nangyayari. Hindi niya gustong ganito rin ang kanyang sapitin. Natatakot siya. Ito na ba ang bunga ng kanilang ginawang kasalanan?
Napansin niya ang nakataling pulang laso sa kamay ni Dave. Ngayon ay nakasisigurado na siya na hindi ito isang biro o pagkakataon lamang. Kailangan na niyang tawagan ang iba pa hanggang may oras pa.