CHAPTER EIGHT: Just Tell The Truth
Tahimik lang ang apat, nag-aabang kung sino ang unang iimik. Hindi nila alam pa’no sisimulan ang pag-uusap. Mayamaya lang ay dumating ang waiter, dala-dala ang kanilang in-order.
“Thank you,” sabi ni Sam sa waiter nang ibaba nito ang kanilang mga order.
Huminga nang malalim si Celine. “Mabuti pa ay pag-usapan na rin natin kung ano ang dapat pag-usapan at kung bakit tayo nandito.” Binasag na ni Celine ang kanina pa’y bumabagabag sa kanilang apat. Walang mangyayari kung tutunganga lang sila at maghihintay kung sino ang mauuna.
“May 7. Kaarawan ni Sarah kung kailan tayo nakakuha ng birthday card mula sa kanya. Tama ba?” dagdag niya.
“O mula sa iba,” pagpapatuloy ni Jess, dahilan upang mapunta sa kanya ang atensyon ng lahat. “Maaaring hindi lang tayo ang naroon nang mga oras na iyon. May posibilidad na may nakakaalam pa ng lihim natin.”
“O may posibilidad rin na may isa sa atin ang hindi tumupad sa pangako.” Lahat sila ay napatingin sa sinabing iyon ni Celine. Napaisip tuloy sila kung may traydor sa kanilang magkakaibigan.
“S-siguro naman ay w-walang makakagawa sa atin n-non,” nanginginig na sabi ni Sam habang malikot ang mga matang hindi mapako sa kanila. Hindi nila dapat malaman na nasabi niya ang sikretong iyon kay Rick.
“May problema ba, Sam?” pagtataka ni Jess nang mapansin ang kilos ng kaibigan.
“Wala ito. Nagugutom lang ako siguro,” pagdadahilan niya. Sumubo na lang si Sam sa pagkaing nasa harapan niya. Nagpatuloy lang sila sa pag-uusap.
“Malayong may magsabi ng sikreto natin. Pero paano nga kaya kung may nakakita sa atin? Ano namang motibo niya para takutin tayo? Blackmail?” Napaisip ang iba. “Kung wala naman siyang motibo, sana ay ipinakulong na niya tayo.”
Tumango na lang sila. Sang-ayon sila sa sinabi ni Cassie. Isa na lang ang nakikita nilang dahilan o suspek sa nangyayari ngayon… si Sarah.
“Pero patay na si Sarah. Hindi naman pwedeng bumangon siya mula sa pagkakahimlay niya. O pwede rin namang…” Tumingin si Cassie kay Celine bago ipinagpatuloy ang sasabihin.
“Ayoko ng mga tinginan mo, Cassie. Sa tingin mo ba nagsisinungaling ako? Wala na talagang pulso no’n si Sarah. Ano naman ang mapapala ko kung magsisinungaling ako, ‘di ba?” nakataas-kilay niyang sagot kay Cassie.
“Pero hindi natin nakita ang bangkay niya. Hindi rin siya nagawang mahanap ng mga awtoridad. So ano? Naglaho na lang siya? Parang malabo naman siguro ‘yon,” pagtataka ni Jess.
“Tulad nga ng sinabi ko, malay niyo ay kinain na siya ng mababangis na hayop sa lugar na ‘yun. Wala namang imposible, e. Hindi naman magagawang makakilos ng isang bangkay, e,”pagpipilit ni Celine.
Patuloy lang silang nag-iisip maliban kay Sam na tulala at wala pa rin sa sarili. Hinayaan na lang muna nila ito dahil madalas naman talagang ganito ito no’ng nag-aaral pa lang sila.
“Maiba nga pala ako, nakakuha ba kayo ng birthday card na para sa inyo maliban sa birthday card ni Sarah?” tanong ni Cassie.
Tumango sina Jess at Celine bilang tugon. Walang namang naging reaksyon si Sam.
“Sam...?”
Matapos sabihin ‘yon ay bumalik sa ulirat si Sam. “B-bakit?”
“Wala ka kasi sa sarili mo kanina pa. Ano bang nangyayari sa ’yo?” pagtataka ni Jess.
“W-Wala ito,” matipid niyang sagot.
“Siya nga pala, may natanggap ka rin bang birthday card maliban sa birthday card ni Sarah?” pag-uulit ng tanong ni Cassie.
“Birthday card? W-wala. ‘Yong kay Sarah lang,” pagsisinungaling ni Sam.
“Ganoon ba? Nakapagtataka naman yatang tayong tatlo lang ang napadalhan,” pagtutukoy ni Cassie sa kanilang tatlo nina Jess at Celine.
“Alam niyo, may paraan pa para maligtas tayo kung may nagtatangka man sa buhay natin,” wika ni Jess.
“Ano naman ‘yon?” pagtataka ni Celine.
“Sabihin natin sa mga pulis ang totoong nangyari. Matutulungan nila tayo kung sino ba talaga ang may gawa nito. Sa ganoong paraan, mapoproteksyunan din tayo sa anumang banta sa buhay natin,” suhestyon nito.
Napailing si Celine sa sinabi nito. “Mali ‘yang nasa isip mo. Ilang beses ko ba sasabihin sa ’yo na delikado rin tayo kapag nagkataon. Uungkatin nila ang pagkawala ni Sarah at worst, madadamay tayo.”
“Pero why not naman, ‘di ba? At least, wala tayo sa bingit ng kamatayan,” pagpayag ni Cassie.
Napailing naman si Celine sa mga suhestyon ng mga kaibigan. “Kung handa ka nang mawala ang lisensya mo bilang doctor? Masisira ang buhay natin. Or worst, makulong pa tayo dahil malalaman nila ang ginawa natin kay Sarah. Sa tingin ko ay ayaw niyo namang mangyari ‘yon, ‘di ba?”
Ang lahat ay natahimik na lang sa sinabi ni Celine. May punto siya. Hindi pa nila kayang i-give up ang mga bagay na mayroon sila. Matagal nila itong pinaghirapan. Dahil lang sa nangyari sampung taon na ang nakakalipas, maaaring mawala ang lahat ng ito.
Maggagabi na. Kailangan na nilang umuwi. Babalik pa sa shooting si Celine samantalang si Jess naman ay kailangan pang alagaan ang anak niya. Sina Sam at Cassie ay wala namang gagawin ngayong gabi. Nakisabay na lang ulit si Jess kay Cassie pauwi.
Matapos ang muling pagkikita ay nagpaalam na sila sa isa’t-isa.
Tahimik lang na nagmamaneho si Cassie samantalang nakatingin lang sa labas Jess, pinagmamasdan ang mga ilaw.
“Jess?” Napalingon si Jess kay Cassie nang tawagin siya bigla nito. “Sa tingin mo ba, may alam si Sam? Hindi ko kasi mapigilan ang magduda sa kanya. Lalo na sa mga ikinikilos niya kanina. Don’t get me wrong. Ayaw ko rin namang isipin na may alam siya pero nakakapagtaka lang.”
Akala ni Jess ay siya lang ang nakapansin no’n. Maging si Cassie rin pala ay napuna ang naging kilos kanina ni Sam.
“Kung may kinalaman man siya, hindi ko na talaga alam kung sino na ang pagkakatiwalaan.” Simple pero makahulugan ang sinabi ni Jess.
“Siguro nga. What you outside is not always like what you inside,” nasaad na lang ni Cassie.
***
Papunta na sa parking lot si Sam. Wala na ang sasakyan doon ng mga kaibigan niya. Napansin niyang muli ang pusa na nakahandusay sa kalsada. Nilalangaw na ito at marami na ring dugo ang nakapalibot. Ngunit mas nagimbal siya sa nakita rito.
Sinulatan ng ‘Sam’ ang puting balat nito. Hindi niya malaman kung dugo ba ang ginamit dito. Napaluhod na lang siya sa takot. Hindi pwedeng nagkataon lang ito, may gumawa nito para takutin siya.
Dahil sa matinding pagkagimbal, hindi niya napansin ang isang matanda at nasagi niya ito.
“Cynthia,” bulalas ng matanda. Lumuluha ang matanda habang tinititigan ang kalunos-lunos na nangyari sa kanyang alaga. Hindi tao ang makakagawa ng ganitong bagay kundi isang demonyo. Demonyo lang ang walang puso na gagawa nito.
“Paano kung ganito rin ang mangyari sa akin?” sa isip-isip ni Sam. Hindi niya namalayan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Kailangan niya ng makakaramay. Si Rick. Pero bigla siyang kinabahan nang maalala ang mga sinabi ng kaibigan. May kinalaman kaya ang kasintahan niya?
Dali-dali siyang pumunta sa kanyang sasakyan at saka niya tinawagan ang numero ni Rick.
Ilang saglit pa lamang ay may sumagot kaagad.
“Ricky, nasaan ka?” panimula niya.
“Nasa Au – Bulacan pala.”
“H’wag kang magsinungaling sa akin Ricky, nasaan ka?!” galit na sabi nito.
“N-nasa Aurora.”
“Fvck.” Napamura na lang si Sam. Binaba niya kaagad ang telepono. Bumuhos na ang kanyang mga luha. Hindi niya matanggap ang mga nangyayari.
“Naniniwala ako sa’yo Sammy.” Nakita ko ang ekspresyon ng mukha niya. Galit ito. Kanino?
Naalala niya bigla nang gabing iyon nang ipagtapat niya kay Rick ang kanilang sikreto. Iba ang naging reaksyon nito kaya’t nalaman niyang may itinatago ito sa kanya. Idagdag pa na nasa Aurora ito ngayon.
“Kailangan kong malaman kung ano ba ang totoo,” nasabi na lang ni Sam sa gitna ng kanyang luha. Mahal siya ni Rick kaya’t sa tingin niya ay hindi ito magagawa ng kasintahan.
Tumunog muli ang kanyang cellphone. May mensahe mula kay Rick. Maliban sa mensahe ay nakita rin niya ang wallpaper ng kanyang cellphone, siya at si Rick na masayang-masaya. Napansin niya rin ang araw ngayon, May 11.
“Tatlong araw na lang, birthday ko na.”
***
‘Ayos ka lang ba?’ Text ni Rick kay Sam. Bigla kasi itong nag-alala sa ikinilos ng kanyang nobya. Nasa Oasis Hotel siya ngayon kasama si Detective Lance.
Hindi siya mapakali. Paulit-ulit niyang itine-text si Sam ngunit wala siyang response na nakukuha mula rito.
“Ano na naman kayang problema niya?” sa isip-isip ni Rick.
Lumabas mula sa banyo si Lance. Napansin niya kaagad ang ikinikilos ni Rick. Para na naman itong hindi mapakali.
“Okay ka lang ba?” tanong ni Lance.
“Si Sam kasi. May problema ‘ata,” pagtatapat ni Rick. Kilala ni Lance si Sam sa pangalan ngunit hindi pa niya ito nakikita. Sa tuwing pupunta kasi si Sam sa headquarters para bisitahin si Rick ay wala si Lance. Kaya kahit kailan ay hindi pa siya nagkaroon ng pagkakataon na masilayan ito.
“Ganyan talaga ang mga babae. Intindihin mo na lang. Baka gusto lang lambingin,” pagpapayo ni Lance sa kanina pang hindi mapakali na kaibigan.
“Alam ko pero hindi ko mapigilan lalo na’t wala ako sa tabi niya.”
Natawa si Lance. “Ganyan ba talaga kayo kapag nai-in love? Nag-iiba ng pagkatao?”
Napailing na lang si Rick sa sinabi nito. “Bakit? Hindi mo pa ba naranasan na magmahal?”
Tumayo si Lance mula sa kanyang kinauupuan. Lumapit siya kay Lance at saka hinawakan sa balikat. “Syempre, alam ko. Pero sampung taon na ‘yong nakalilipas.”
Umalis na lang si Lance at nahiga sa kama. “Dito ako sa kama. D’yan ka na lang sa sahig.”
Umiling lang si Rick. Wala naman siyang magagawa.