CHAPTER NINE: Tell Me the Truth
Nakabalik rin kaagad si Celine sa Maynila mula sa Aurora. Agad siyang pumunta sa shooting ng bago niyang pelikula. Naabutan niyang nag-aayos ang lahat doon para sa set. Abala ang lahat kaya hindi na nila napansin pa ang kanyang pagdating.
“Nandyan ka na pala, Ms. Celine,” bati sa kanya ni Eric, ang scriptwriter. “Ito na nga pala ang script,” aniya at sabay abot niya ng script kay Celine.
“Galit ba si Direk?” pagtataka ng dalaga. Iniiwasan ni Celine na magkagalit sila ng kahit sinong direktor dahil kapag nagkataon na mangyari ‘yon, maaari itong makasira sa pangalan niya.
“Hindi naman. Good mood nga, e. Ano kayang nakain? Sige, alis na muna ako. Maiwan na muna kita. May gagawin pa kasi ako, e,” pagpapaalam niya at saka iniwang mag-isa si Celine.
Tiningnan na lamang ni Celine ang script na hawak-hawak niya. Forte niya sa pag-arte ang mga horror films kaya’t hindi siya mahihirapan sa gagawin niyang proyekto ngayon.
“Red Tape?” nasambit niya habang binabanggit ang title ng pagbibidahan niyang pelikula. “Lagi na lang pula.”
Mayamaya’y nagitla siya nang biglang sumulpot sa kanyang harapan si Alex, ang gumanap na Mischievous sa nakaraang palabas sa teatro. Nakangiti ito sa kanya habang hawak-hawak rin ang script na ibinigay ni Eric.
“Magandang gabi, Ms. Celine,” bati nito na abot tainga ang ngiti. Umismid lang si Celine. “Akalain niyo po ‘yon. Kabago-bago ko lang po, magandang role na kaagad ang nakuha ko. Maraming salamat po talaga, Ms. Celine, sa opportunity. Kung hindi po dahil sa inyo, hindi ko makukuha ang role na ‘to.”
Hinawakan nito ang kamay niya na kinainis naman niya. Hindi niya ka-level si Alex kaya wala itong karapatan para hawakan ang kanyang kamay.
Napansin naman ni Alex ang pag-iwas nito kaya napayuko na lang siya.
“Ano bang roleang nakuha mo?” tanong ni Celine.
“Ako po si Andrea, kaibigan niyo po,” sagot nito.
Natawa na lang si Celine. Para sa kanya, extra lang ang ganoong role. Walang pagkakataong bumida.
“Ako po ang papatay sa inyo,” dagdag pa nito.
Napatigil si Celine at napatingin kay Alex. “Ano?”
“Killer po kasi si Andrea. Siya po ang papatay sa role niyo.”
Nakahinga nang maluwag si Celine. Akala nito ay iba ang ibig sabihin ni Alex sa kanyang sinasabi. Naalala niya tuloy ang mga sinabi sa kanya ni Sarah. Napayakap na lamang siya sa sarili niya sa takot.
“Para pong totoo ang mga linya sa pelikulang ito. Kahit ang mga pangyayari, parang totoo. Ang mga mamamatay at papatay.” Nakayuko si Alex habang sinasabi iyon. “Sige po. Aalis na muna ako. Baka naabala ko na po kayo.”
Naiwang nag-iisip si Celine sa mga sinabi nito. Ayaw man niyang takutin ang sarili pero pakiramdam niya ay may kakaiba sa babaeng iyon. Na tila ay may tinatago sa kanya.
“Hindi maaaring ang lihim niya ay lihim ko rin,” nabnaggit na lang niya sa hangin.
***
Bumalik sa Bulacan si Rick para puntahan si Sam. Gabi na kaya paniguradong nasa trabaho na ito. Mas mabuti pa ay puntahan na lang niya ito sa R700. Hindi rin kasi ito nasagot ng tawag niya o kahit mga text niya man lang simula pa kagabi.
“Nag-aalala na talaga ako. Ano na naman kaya ang nasa isip no’n?” nasambit niya. Alam niyang laging paranoid ang nobya niya pero hindi ito ganito, na bigla na lang siyang hindi kakausapin. Kailangan niyang malaman ang dahilan para mapanatag ang kanyang loob.
Nakarating kaagad siya sa R700. Tamang-tama lang dahil oras na iyon ng segment ni Sam sa radyo.
“Magandang gabi, Rick. Bibisitahin mo ba si Sam?” tanong sa kanya ni Manong Arturo. Kilala na siya ng mga guard dito dahil madalas niyang ihatid at sunduin si Sam noon ngunit nag-iba na simula ng maging pulis siya rito sa Bulacan. Naging abala na kasi siya sa kanyang trabaho. Wala kasing permanenteng oras ang kanyang serbisyo.
“Opo sana, Manong Arturo. Pumasok po ba siya?” tanong niya.
“Oo. Nando’n siya ngayon sa booth. Matanong ko nga lang, may problema ba kayong dalawa? Lagi ko na lang kasi nakikita ‘yon na nakatulala at stress. Hindi naman sa nanghihimasok ako pero hindi kasi healthy para sa isang relasyon ang gano’ng bagay,” pagtatapat ni Manong Arturo. Alam naman ni Rick ang dahilan nang pagkakaganito ng nobya.
“May personal problems lang po.” Ngumiti na lang siya pagkatapos.
“Hmmm… Humihingi rin nga siya ng one-week leave kay Boss pero hindi pa ‘ata niya nasasabi.”
“One week leave?”
“Oo. Wala ba kayong balak mamasyal? Akala ko alam mo.”
“Ah eh. Oo. Alam ko na. Siguro ‘yon ay para sa pagpunta namin sa Puerto Princesa.”
“Ganoon ba? Sige, pumasok ka na. Napatagal ka pa tuloy dito sa ibaba.” Nagpaalam na si Rick kay Manong Arturo at dumiretso sa loob ng gusali. Habang paakyat ay may nahagip ang mga mata niya.
Parang isang babae. Lumingon siya kung nasaan iyon pero wala naman. Kinusot niya ang kanyang mga mata pero wala talaga.
“Guni-guni? Pero parang si…” Napahinto siya sa pag-iisip nang makita niyang palabas ng booth si Sam.
“Sam!” tawag niya rito.
Lumingon ito sa kanya pero wala itong reaksyon. Tila isang malamig na yelo ang namamagitan sa kanila ngayon.
“Bakit ka pumunta rito?” pagtatanong ng dalaga.
“N-Nag-aalala kasi ako sa’yo,” matapat niyang sabi.
“Pwes. Wala akong pakialam sa pag-aalala mo,” malamig nitong sabi at saka sinimulang maglakad palayo.
“Sam! Ano bang nangyayari sa ‘yo? Gusto kong malaman kung bakit ka nagkakaganyan.” Natatakot siyang mawala sa kanya si Sam. Minsan nang nawala ang isang babae na pinakamamahal niya. Ayaw na niyang muling maiwan pa. Ayaw na niyang siya ang maging dahilan kung bakit nalayo sa kanya ang mga taong mahal niya.
“Hindi kita maintindihan! Lumalayo ka nang hindi ko alam ang dahilan! Ayaw kong nagkakaganito tayo. Please… Kausapin mo naman ako.”
Humarap sa kanya si Sam na may matatalim na tingin.
“Please, Sam. Ikaw ang mundo ko. Ayaw kong malayo ka sa akin,” pagmamakaawa ni Rick.
“Bumalik ka na lang bukas. Bumalik ka kung kailan handa ka ng sabihin ang lahat ng lihim mo,” Pagkasabi n’on ay tumalikod na siya at umalis.
Naiwan namang walang imik si Rick sa kanyang kinatatayuan. Napaisip siya tuloy sa sinabi ni Sam. Siguro ay alam na nito ang kanyang pinakatatagong lihim. Pero imposible… Paano niya malalaman ang ganoong bagay kung wala namang nagsasabi.
Bumalik si Rick sa kanyang sasakyan na dismayado sa mga nangyari. Hindi ganito ang inaasahan niyang maaabutan. Nagtataka siya kung paanong nalaman ni Sam ang kanyang sikreto.
Kinuha niya ang kanyang cellphone at i-dinial ang numero ni Detective Lance. Ilang saglit lang ay sumagot kaagad ito.
“Detective?”
“Oh, Rick. Gabi na, ah. Napatawag ka ‘ata.”
“Hindi po muna ako makakabalik kaagad d’yan.”
“Ganoon ba? Oh, sige. Okay lang naman sa akin. Unahin mo na lang muna siguro ‘yung inaasikaso mo r’yan.”
“Maraming salamat. Pero sa pagbabalik ko, may sasabihin po ako… tungkol kay Sarah.”
Matapos ‘yun ay ibinaba na niya ang kanyang cellphone. Hindi na niya hinintay na magsalita pa si Lance. Siguro ay panahon na para sabihin niya ang totoo. Para na rin ito sa kapanatagan ng kanyang loob.
***
“Ma’am, ito lang po ba?” tanong sa kanya ng saleslady.
“Oo. Tama na ‘yan,” sagot niya at saka ngumiti.
Nasa isang shop siya para bumili ng gamit para sa isang birthday party. Party hats, lobo, kandila, palawit at iba pang dekorasyon sa isang birthday party ang nasa iisang supot.
“Sana po ay maging masaya ang birthday party na gagawin niyo,” nakangiting sabi sa kanya ng saleslady.
“Tiyak na magiging masaya talaga at m****o,” sa isip-isip niya at saka niya inabot ang bayad.
“Bumalik po ulit kayo.”
Umalis na siya sa shop bitbit ang supot ng party needs na kakailanganin niya para sa isang importanteng okasyon.
“Hintayin mo lang ako, Sam. Gagawin kong kapana-panabik ang kaarawan mo. Isang kaarawan na hindi mo makakalimutan... hanggang sa hukay,” aniya at saka numiti nang nakaloloko.
Tumingin siya sa kalendaryo ng kanyang cellphone.
“Dalawang araw na lang… Dalawang araw na lang ay magsisimula na ang masasayang araw niyong apat,” pabulong niyang sabi.