SEBASTIAN'S POV
Napaaga ang pagpasok ko sa university dahil sa nag-practice kaming mga nasa Music Club ng kakantahin namin para sa upcoming event sa university. Nagtagal mga halos isang oras, lumabas na rin ako sa Music Department at 'di ko naman inaasahan na makakasabay ko sina Britt papuntang room.
"Buti pre naabutan ka namin, kanina pa nangangalay ang mga kamay namin sa pagbitbit nitong mga pagkain galing sa mga asawa mo."
Sinamaan ko naman ng tingin si Britt at napatingin sa hawak-hawak niya. Dalawang supot ng plastic na may lamang kung anu-anong pagkain.
"Itapon niyo," maikling sagot ko.
"Sayang naman 'to pre, kung ayaw mo amin na lang," sabi rin naman ni Enzo, pinagsawalang bahala ko na lang.
Nag-aaksaya lang sila ng pera at oras para maibigay sa'kin 'yan pero 'di ko naman ito tinatanggap. Kaya ko namang bilhan ang sarili ko, ayoko na binibilhan nang kung sino.
"Pre, balita ko may transferee daw sa klase natin," sabi ni Britt.
"Oo, 'yon din ang dinig ko sa mga professors kanina, sikat daw 'yon. Sino kaya siya?" Sagot din naman ni Enzo. Mga chismoso talaga ang dalawang 'to.
Hindi naman ako interesado kung sino ang tinutukoy nila, patuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makarating na kami ng room. Dumiretso na lang din ako sa upuan ko gano'n din sina Britt at Enzo.
"Good morning, Sebastian."
"Nakatulog ka ba ng maayos?"
"Gutom ka ba?"
Wala silang natanggap ni isang sagot mula sa'kin at nakatingin lang ako sa harap. Bumalik lang silang lahat sa kanilang mga upuan nang dumating na ang professor namin.
"Good morning everyone," nakangiting bati niya. Binati rin naman namin siya pagkatapos nagsi-upo na rin kami.
"I know most of you alam na may transferee from US dito sa class niyo. Anyway, she's here, hija come in." Nagsitinginan rin naman kami sa pinto at may pumasok ng isang babae. Hindi ko masyadong nakikita ang mukha niya pero nakakaramdam ako ng kaba. Nang makarating na siya sa gitna agad naman siyang humarap. Parang biglang tumigil ang oras at nakatitig lang ako sa mukha niya.
"Pre.. si-si .. ano," nauutal na sambit ni Enzo sabay siko sa'kin. Kilala ko kung sino ang tinutukoy niya at kilala rin niya ang babaeng nasa harap lalong-lalo na si Britt.
"I'm Vienna Malvar."
Hindi nga 'ko nagkakamali, siya nga. Napatingin siya sa direksyon ko pero wala akong makitang pagkagulat sa mga mata niya. Na parang ito pa lang ang unang beses na nakita niya 'ko. I used to show a fake expression para hindi niya mahalata na nagulat ako sa kaniya.
Naupo na siya sa tabi ni Perez and I can't stop myself looking at her. Bakit parang 'di niya 'ko kilala? Maging sina Enzo. What happened 3 years ago? Anong nangyari sa kaniya?
"Vienna, 'di ba?" Agad na tanong ni Britt sa kaniya nang lumabas si prof para sagutin ang tawag. Alam ko naman talagang ito agad ang itatanong niya.
Agad ko siyang siniko nang magbalak siyang ipakilala ako. Baka ano pa ang masabi niya. Napatingin naman sa akin si Vienna, pero umiwas ako bigla.
Mabuti naputol ang susunod niyang sasabihin nang makabalik si prof sa loob ng room. Nagsihiyawan naman ang lahat after niyang sabihin na may meeting ang Faculty of Engineering. Nagsilapitan din naman ang lahat kay Vienna, nakatingin lang ako.
Tumayo na 'ko at kinuha ang bag ko. Nauna na 'kong lumabas, narinig ko pang nagpaalam si Britt kay Vienna.
"Pre, si Vienna ba talaga 'yon?" Nagtataka na tanong ni Enzo pero 'di ko na siya sinagot kasi nagtataka rin ako.
"Baka magkamukha lang sila, 'di ba may gano'ng instances? Kung si Vienna talaga 'yon dapat kilala niya tayong tatlo pero hindi," tugon ni Britt.
"Pre, okay ka lang? Baka hindi naman si Vienna 'yon."
Sa nakalipas na tatlong taon, ito na naman ang pamilyar na sakit mula sa nakaraan. Bakit kaya hindi niya kami nakilala? Bakit parang bago lang sa kaniya ang lahat? Siya nga ba 'yon o hindi? Kasi kung oo, iiwasan ko siya hangga't kaya ko.
VIENNA'S POV
Nakarating din naman kaming dalawa ni Therese sa cafeteria. Siya na raw ang bibili ng pagkain at ako na lang daw ang hahanap ng bakanteng table pero wala naman akong mahanap kasi okupado na ng lahat ng estudyanteng na andito. Ngunit may biglang tumawag sa'kin, nang lingunin ko ito si Britt lang pala kasama si Enzo at 'yong isang lalaki na hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang pangalan.
Tumayo naman si Britt mula sa kinauupuan niya at nagtungo sa direksyon ko. Napatingin tuloy lahat ng estudyante sa'min. Sikat ba sila rito? Bakit gano'n na lang kung makahatak ng atensiyon?
"Wala ng bakanteng table, do'n na lang kayo maupo sa table namin." Napatingin naman ako sa direksyon ni Therese ngunit bigla siyang umiling na ipinagtaka ko naman. I just mouthed why? Then napatingin siya sa mga babae na kasalukuyang nakatingin sa'kin ng masama.
"Hali ka na Vienna, huwag kang mahiya sa'min." Nag-aalangan ako, ang tagal naman ni Therese.
"Britt thank you na lang, sa may bench na lang kami kakain ni Vienna, ito na ang pagkain mo."
Save by the bell, buti na lang nakabili na siya. Kinuha ko rin naman ang pagkaing inabot ni Therese, ngumiti na lang ako kay Britt at sumunod na kay Therese palabas ng cafeteria. Sa tingin ko napahiya siya ro'n, pero kung mai-issue lang din naman ako 'wag na lang.
Nagsimula na rin kaming kumain ni Therese nang makaupo na kami sa isang bench malapit lang sa cafeteria. Nakaraos din sa tingin ng mga tao.
"Therese sina Britt ba sikat dito?" Tanong ko matapos kong malunok ang kinakain ko. Naibaba niya rin naman ang kinakain niya at uminom ng soda.
"Actually hindi naman talaga sikat sina Britt, ang mas sikat si Sebastian," sagot naman ni Therese.
Sebastian? 'Yon kaya ang pangalan ng isang lalaking kasama nila?
"Silang tatlo soccer player at nagre-represent ng course natin tuwing may sports event dito sa university. Mas habulin ng babae si Sebastian, bukod sa gwapo na singer pa at isa rin siyang member ng Music Club." Napapatango naman ako sa kuwento ni Therese. Kaya pala gano'n na lang makatingin sa'kin ng masama ang mga babae kanina doon sa cafeteria dahil pala kay Sebastian.
"Kaso masungit, tahimik at moody, parang allergic sa ngiti. Never pa namin siyang nakita na tumawa o ngumiti, siguro hindi niya lang talaga ugali 'yon," dagdag pa niya. Halata naman sa mukha nung Sebastian. Na curious tuloy ako sa personality niya.
"Marami pa namang mas gwapo rito bukod kay Sebastian. 'Yon nga lang kasi ang lakas ng appeal niya sa mga babae kaso masungit at 'di namamansin." Inaamin ko gwapo nga 'yong si Sebastian, ideal boyfriend ng lahat.
"Kaya ba ayaw mo na maki-share sa table nila kasi baka ma-issue tayong dalawa dahil kay Sebastian?" Tumango siya bilang sagot.
"Alam mo ba ikaw pa lang ang nag-iisang babae na niyaya ng kaibigan niya para maki-share sa isang table," sabi niya.
"Big deal na ba 'yon?" takang tanong ko.
"Of course Vienna, sa lahat ng fans ni Sebastian napaka-big deal na niyon. Wala pa kayang ni isang babae ang nagtangkang sumabay sa kanilang kumain. Kung hindi kita napigilan kanina baka ikaw na 'yon," sagot din naman niya. Masyado lang talagang immature ang mga fans niya.
"Bakit kaya ang bait sa'yo ni Britt? Hindi kaya siya gan'yan makitungo sa mga babae."
Napaisip din naman ako sa sinabi niya. Bakit kaya? Baka mabait lang talaga si Britt, hindi ko naman nakikita o napapansin na pakitang tao lang siya.