Tahimik na naka-upo lamang si Carson at nakatingin sa madilim na kalangitan habang ang kaniyang mga luha ay wala pa rin tigil sa pagbasa sa kaniyang mukha. Wala nang kahit na anong sailtang lumabas sa kaniyang bibig simula nang malaman n'ya ang kwento patungkol sa nangyari sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Umiigitng ang kaniyang panga sa galit habang ang kaniyang dibidb ay sumisigaw sa galit at sakit dulot nang walang-awang pagpatay sa kaniyang buong pamilya.
Habang nakatuon ang kaniyang mga mata sa madilim na kalangitan dito sa terasa sa bahay nila Yel Yel.
"Kailangan kong makipag-usap sa mga pulis upang magawan nila ng imbestigasyon ang nangyari sa pamilya ko, Yel." Saad n'ya sa kasama.
"Nakakalungkot isipin na kahit ilang beses mo pang itakbo sa kanila ang nanagyari ay wala silang magagawang ano mang aksyon para rito. Hindi na mabilang sa daliri ang beses na paglapit ni nanay sa kanila upang hingin ang kanilang tulong pero kahit isang beses ay hindi nila ginawa ang reklamo ni nanay sa kanila, ate Carson."
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Araw-araw ay may nangyayaring pagpatay sa lugar na ito, ate Carson. Sa lungsod ng Claribben talamak ang pagpatay at walang magagawa ang mga pulis, walang magtatangkang kumalaban sa grupo na iyon, ate Carson."
Mas lalo lang naramdaman ni Carson ang kawalan ng pag-asa na mabigyan ng hustisya at maipaglaban ang kinahinatnan ng kaniyang buong pamilya. Humagulhol s'ya nang malakas at hindi naman naiwasan ng mga matatanda ang pagluha habang nakatingin sa kaniya mula sa isang sulok.
"Kinuha nila ang lahat ng sa akin, Yel Yel. Paano ko sisimulan ang buhay ko ngayon kung ang dahilan ng pagsisikap ko ay tinanggalan nila ng karapatan na maranasan ang tagumpay sa buhay?" Galit na sambit n'ya. "Pwede mo ba akong samahan kung saan nila itinapon ang abo ng mga magulang at mga kapatid ko? Mapuntahan ko man lang ang lugar kung saan sila huling inilagay?"
Ngumiti ng pino at mapait si Yel Yel habang tumatango. "Oo naman. Pero ate Carson, bago tayo pumunta roon, kailangan muna ninyong kumain upang magkalaman ang iyong t'yan. Hindi ka pwedeng panghinaan, ate Carson. Malayo pa ang tatahakin mo sa buhay."
Saan n'ya sisimulan ang lahat ng ito ngayon? Ang walang-awang pagpaslang sa kaniyang pamilya ang hihila sa kaniya paibaba. Hindi na gumagana ang isip n'ya at hindi n'ya na alam kung ano ang susunod n'yang gagawin. Wala na rin siguro s'yang sapat na rason upang manatili pang nabubuhay sa mundong ito. Wala na rin naman s'yang pamilya.
"Hindi pa ako nagugutom, Yel Yel. Kapag nagutom ako, kakain ako. Pero sa ngayon ay kailangan ko munang malaman kung saan nila walang-awang tinapon ang mga magulang at kapatid ko."
Tinanggal n'ya ang kumot na nakatakip sa kaniyang binti at saka tumayo. Simula noong dumating s'ya rito ay hindi pa s'ya nakakain ngunit hanggang ngayon ay hindi pa n'ya nararamdaman ang gutom. Wala s'yang ibang nararamdaman kung hindi ang galit at sakit.
"Sasamahan kita, ate Carson."
Tumango s'ya sa sagot nito at mabilis na tumayo. Napatingin naman s'ya sa tatlong pumasok na sina T'ya Maria, Aling Jocelyn at Aling Mierna.
"Anak, sa tingin ko ay kailangan mo munang kumain. May kalayuan ang lalakarin ninyo ni Yel Yel papunta sa dagat mula rito sa bahay. Namumutla ka na, kailangan mo ng lakas kaya kailangan mong kumain upang bumawi ang iyong katawan," mahinahon na saad ni Aling Mierna.
"Salamat sa pagpatuloy ninyo sa akin dito sa bahay ninyo, Aling Mierna, pero hindi ko po kakayaning malunok ang pagkain nang hindi ko nalalaman ang lahat nang tungkol sa nangyari sa mga magulang ko." Humahagulhol na sambit n'ya. Napahawak s'ya sa sandalan ng isang kahoy na sofa upang tulongan ang kaniyang sarili na magkaroon ng balanse. "Bakit po ang mga magulang ko? Mabubuting tao ang pamilya ko kaya bakit sila?"
Nagkatinginan ang tatlong may edad na babae at mabilis nilang dinaluhan ang durog na durog na si Carson. Punong-puno ng awa ang bawat tingin ng mga ito sa dalaga na simula kanina at hanggang ngayon ay hindi pa nauubusan ng luha sa pag-iyak.
"Carson, anak, kailangan mo ng lakas upang maharap ang bukas at maraming pang susunod na mga araw sa buhay mo. Huwag mong hayaan na rito ma matatapos ang paglaban mo sa buhay dahil alam mong hindi iyan ikakatuwa ng iyong mga magulang," saad ni Aling Jocelyn.
Nag-angat s'ya ng tingin at saka isa-isang tiningnan ang tatlong Ali nang hindi tinutuyo ang luha sa kaniyang mukha.
"Narito pa ba sa Domago ang sinasabi nilang biktima ng tatay ko?" Matigas ang kaniyang boses upang masiguro na hindi s'ya mautal. Tumango si T'ya Maria bilang sagot sa tanong n'ya na mas lalo lang nagpa-iyak sa kaniya nang mas malala. "Paano n'ya, paano nila nagagawang makita ang lugar na ito pagkatapos nilang pagbintangan ang tatay ko? Paano nila nagawang mabuhay pa rin dito pagkatapos nilang pulbusin ang buong pamilya ko?"
Napa-upo at napayuko s'ya sa kaniyang tuhod dahil habang mas hinihugot ang sakit sa kaniyang dibdib. Hinahaplos ni Yel Yel ang likuran ng dalaga at habang nakatingin dito ay hindi nito napigilan ang paglabas ng mga luha. Walang hindi masasaktan kapag nasaksihan kung paano kinain ng sakit ang dalaga.
"Kaya kailangan mong tumayo at mabuhay. Kailangan mong magpakatatag dahil ang mga taong may kasalanan sa 'yo ay nabubuhay na parang walang ginawa. Mabuhay ka ng maayos dahil iyon ang pangarap ng iyong ama para sa 'yo," saad ni T'ya Maria at narinig n'ya iyon pero parang bigla lang din iyong lumabas sa kaniyang kabilang tainga.
Madiin n'yang pinahid ang kaniyang luha gamit ang kaniyang kamay. Tumingala s'ya at saka tumingin ng diretso kaya Yel Yel.
"Puntahan na natin, Yel Yel."
Agad na tumango si Yel Yel at saka hinawakan ang kamay ni Carson upang alalayan itong tumayo. Malungkot na napangiti na lamang si Yel Yel sa kaniyang ina at mga kapitbahay na narito. Mukhang hindi na nga nila mapipigilan pa ang dalaga at hindi rin naman nila ito pwedeng kuwestiyunin. May karapatan na masaktan si Carson sa nangyari at may karapatan s'yang magalit.
"Malayo-layo ang lalakarin natin, Ate Carson." Paalala ni Yel Yel dito.
"Siyam na taon lang akong nawala, Yel, pero kabisado ko pa rin ang lugar na ito."