Tahimik at walang kahit na anong salitang lumabas sa bibig ni Carson habang naglalakad papunta sa dalampasigan kasama si Yel Yel. Punong-puno ang kaniyang isip ng mga eksena kung paano possibleng sinaktan ang kaniyang mga magulang at mga kapatid na naging dahilan ng kaniyang pag-iisa ngayon.
Napahawak s'ya sa kaniyang dibdib at hindi pa rin nauubos ang kaniyang mga luha sa kaniyang mga mata. Kahit kailan, kahit na sumagi man lang sa kaniyang isipan ang bagay na ito ay hindi kailanman nangyari.
"Ate Carson, gusto ko lang malaman mo na kahit na anong mangyari ay narito kami ni nanay para sa iyo. Si Caloy, best friend ko s'ya ate. Siya ang pinaka kaibigan ko sa lahat at marami kaming pangarap na gusto naming tuparin ng sabay pero wala na akong kasama na tumupad ng mga iyon dahil wala na s'ya. Wala na ang kapatid mo, ate."
Kahit na hindi n'ya tiningnan ang kasama ay narinig n'ya ang pagkabasag ng boses nito kaya alam n'yang umiiyak ito habang binabanggit ang pangalan ng kaniyang nakbabatang kapatid na hindi man lang n'ya nakitang nagbinata.
"Bakit nila hindi binigyan ng respeto ang kanilang mga katawan, Yel Yel. Alam naman ng lahat dito na hindi ako kasama sa mga namatay. Alam nila na balang-araw, o kaya naman isang araw ay magpapakita ako. Bakit nila ginawa ito?"
"Galit na galit ang ilan noon kaya Mang Fernan, lalong-lalo na ang mga kamag-anak ng mga Lopez. Kaibigan ng tatay ni Janeth ang kapitan noon dito sa ating barangay kaya napilit nila ang bagay na ito. Hindi naniniwala si inay na talagang utos mula sa munisipyo na huwag silang bigyan ng maayos na libing,"' galit na sagot ni Yel Yel sa kaniya.
"Paano nila kinakaya ang bagay na iyon? Paano sila nakakatulog ng mahimbing sa gabi?"
Gustong-gusto n'yang isigaw ang galit at sakit sa kaniyang dibdib pero may bagay sa kaniya na pumipigil at huwag iyong gawin. Hindi rin maintindihan ni Carson ang sarili bakit parang may humihila sa kaniya upang indahin ang sakit sa halip na isigaw ito at huminga.
"Malapit na tayo, ate Carson. Nakikita mo ba ang malaking bato na iyan?" Itinuro nito ang malaki at natatanging bato na nasa dalampasigan. Naningkit ang mga mata ni Carson sa nakikita dahil noon ay wala ito roon.
Oo nga at matagal s'yang nawala sa lugar. Ang mga bahay, pamumuhay ng mga tao rito ang may malalaking pagbabago ngunit ang lugar, ang daan at ang mga puno na noon ay naroon na ay narito pa rin. Pero ang malaking bato na iyan ay ngayon n'ya lang nakita.
At habang humahakbang s'ya papalapit dito ay dinig na dinig n'ya na ang kaba sa kaniyang dibdib at hindi na nga ito magkamayaw. Wala na namang tigil ang kaniyang mga luha sa paglandas habang kumikirot ang kaniyang dibdib sa sobrang sakit nito.
Habang pinipilit n'yang laruin sa kaniyang isipan ang lahat ay hindi talaga kayang tanggapin ng kaniyang puso. Hindi n'ya kayang tanggapin ang nangyari na sa isang iglap lang ay naglaho ang kaniyang mga mahal sa buhay.
"Dito, dito sa mismong kinatatayuan natin binuhos ang kanillang mga about, ate Carson. Habang ang mga tao ay nanonood at sinasabing nararapat lamang iyon sa kanila dahil umano sa ginawa ni Mang Fernan. Marami rin ang hindi naniniwala pero malakas ang pamilya nila sa Kapitan kaya wala na kaming nagawa," umiiyak na pagsumbong muli ni Yel Yel sa kaniya ng katotohanan.
"N-nay, ta-tay," humihikbing sambit n'ya sa kaniyangmga magulang at hindi n'ya na nga napigilan ang mapa-up habang nakahawak sa malaking bato upang makakuha ng balanse. "mga kapatid, patawarin ninyo ako at ngayon lang ako nakapunta rito. Patawarin ninyo ako at hindi ko kaagad nalaman ang nangayari sa inyo. Napakawalang kwenta kong anak at kapatid dahil hinayaan ko lamang kayong makaranas nang pamamalupit ng ibang tao. Patawarin ninyo ako at masyado akong nahuli. Patawarin ninyo ako at hindi ko na matutupad ang pangako natin na magandang buhay."
"Kung sana lang ay maibabalik ko ang oras at panahon, sana hindi na lang ako nangarap ng sobrang tayog. Sana hindi ako nahiwalay sa inyo, sana hindi ako ngayon naiwang mag-isa. Sana hindi kayo nawala sa tabi ko. Sana hindi kayo winalang-hiya ng mga tao. Nay, Tay, paano ko na po sisimulan ang buhay ko kung ang dahilan ng pagkabuhay ko ay wala na?"
Walang tigil sa pag-iyak si Carson habang yumuyuko at tingala sa langit upang kausapin ang kaniyang pamilya. Nadudurog ang puso ni Yel Yel habang pinagmamasdan ang durog na durog na kaniyang ate Carson. Bata pa noong umalis ito sa kaniyang lugar pero kahit kailan ay hindi n'ya makakalimutan kung gaano kabuti ang puso nilang magkakapatid dahil ganoon din kabuti ang puso ng kanilang mga magulang.
Sa kabutihan nila ay nagawa silang saktan ng mga masasamang tao nang walang kalaban-laban. Dahan-dahan s'yang humakbang palapit sa umiiyak na dalaga at dahan-dahan na inilapat ang kaniyang kamay sa likod nito upang hagurin at mapagaan kahit papaano ang mabigat na nararamdaman ng kaniyang ate Carson.
"Ate Carson, alam ko na nakatingin sa iyo ngayon ang iyong pamilya at nakikita nila kung gaano ka nasasaktan," mahinang saad ni Yel Yel habang nasa likod pa rin ni Carson ang kaniyang kamay. "Kailangan mong magpakatatag at bumangon upang malabanan ang araw-araw na sakit dulot ng kaniyang pagkawala. Hindi ka pwedeng mawalan ng pag-asang mabuhay dahil alam ko na kahit na limang taon na silang wala, sa loob ng limang taon na iyon ay naroon lamang sila palagi sa tabi mo at ginagabayan ka sa bawat hakbang na ginagawa mo sa buhay."
Umingos si Carson at napakuyom ng kamao dahil sa galit na humahalo sa sakit sa kaniyang dibdib.
"Ano pa ang silbi ng buhay kung wala na ang mga taong dahilan kung bakit ka pa lumalaban sa buhay? Gusto ko silang kasama, Yel. Nagtiis ako ng mahabang panahon, ng maraming taon dahil iyon ang pangako ko sa kanila. Na hindi ako uuwi sa lugar na ito nang wala pa akong maipagmamalaki. Narito na ako, Yel, umuwi na ako pero sila naman ngayon ang wala na. Ako naman ngayon ang iniwan nila nang wala nang balikan."