Hindi n'ya na tinapos ang tatlong araw sa apartment na tinuluyan n'ya kaya ngayon ay narito s'ya nakatayo sa tapat ng pinto ng apartment nilang magkakaibigan. Alam n'yang magugulat ang mga ito at magtatanong kung bakit agad s'yang nakabalik. Pwede naman n'yang hindi pansinin ang mga tanong na pwede n'yang marinig, pwede n'ya ring sagutin.
Kumatok s'ya ng tatlong beses at agad itong bumukas. Hindi s'ya nagkamali dahil nanlaki ang mga mata ni Polly nang makita s'ya nitong nakatayo sa labas ng kanilang tinitirhan'. Naningkit pa ang mga mata nito pagkatapos ng pagkagulat at hindi agad nakapagsalita.
"Carson? Ikaw ba 'yan?" Tanong nito at dahil malakas ang boses nito ay sigurado s'yang narinig ng mga kasama nito sa loob ang pagbanggit nito ng kaniyang pangalan.
"Who's there, Polly?" Boses iyon ni Julie at nanlaki rin ang mga mata nang makita s'ya sa pagsilip nito. "What the f*ck, Carson?"
"Carson?"
"Ate Carson?"
"Pwede bang huwag kayong tumayong lahat sa pinto at papasukin ninyo ako sa loob?" Aniya at kahit na pinilit n'yang ayusin ang kaniyang boses at bakas na bakas pa rin dito ang pagod.
Walang nagsalita sa mga ito na para bang pinag-aaralan at sinusuri s'ya ng mga ito habang hinahayaan s'yang makapasok. Dumiretso s'ya sa silid kung saan s'ya natutulog at agad na hinagis ang kaniyang katawan sa kama. Kumurap lamang s'ya at tumingin sa kisami ng seryoso at hindi na namalayan ang pagsunod ng kaniyang mga kaibigan sa loob.
"Carson, are you alright? Bakit ganyan ang hitsura mo? Bakit parang pagod na pagod ka? Ayos ka lang ba? At saka bakit ka bumalik agad? Nakarating ka ba sa inyo? " sunod-sunod na tanong ni Tanya na pilit n'yang palabasin sa kaniyang kabilang tainga.
"Can I take a rest muna? Mamaya ko na lang sagutuin ang mga tanong ninyo," aniya sa isang mahinang boses. Halata rin sa kaniyang mga mata ang pamamaga nito.
Hindi na s'ya umiyak ngayon araw at alas 2 na ng hapon, pakiramdam n'ya ay natuyo na ang kaniyang katawan at wala na s'yang mailuha pero ang dibdib n'ya ay nagsusumigaw pa rin sa sakit at hapdi.
Ngayon na narito na ulit s'ya sa lugar kung saan s'ya nanirahan sa loob ng 8 na taon, dito na mas pumasok sa isip n'ya na wala na nga ang kaniyang pamilya. Pakiramdam n'ya ay naririnig n'ya ang bawat salita sa bawat pagku-kwento ni Yel Yel at ng kaniyang ina patungkol sa masakit at masalimoot na nangyari at sinapit ng kaniyang buong pamilya.
Nakausap n'ya si Janeth, narinig n'ya ang lahat ng salitang sinabi nito sa kaniya pero bakit pakiramdam n'ya ay hindi n'ya narinig ang salitang gusto n'yang marinig. Mas lalo lang naging matibay sa isip at puso n'ya ang paniniwala na hindi magagawa ng kaniyang ama ang bagay na iyon.
Hindi n'ya napag-isipan ng maayos ang biglaan n'yang pagbalik dito pero tama lang ito dahil kapag naroon s'ya ay walang segundo na hindi pinipiga ang dibdib n'ya sa sakit at walang tigil ang kaniyang luha. Kailangan n'ya ng oras, kahit saglit lang upang mapatigas ang kaniyang damdamin bago s'ya bumalik ng Domago.
Ipinikit n'ya ang kaniyang mga mata at ipinatong ang kaniyang braso rito at saka pinilit na makatulog dahil buong gabi s'yang walang tulog hanggang sa tuluyan na nga s'yang nilamon ng kadiliman.
"Matagal nating kasama si Carson at ngayon ko lang s'ya nakitang ganito."
"Sa tingin ko talaga, may masamang nangyari sa kaniya."
"She's so broken."
"Huwag natin s'yang pilitin na magsalita kung ano ang nangyari, hintayin natin na s'ya mismo ang magsasabi sa atin kapag kaya at komportable na s'ya."
"Kinakabahan ako sa sasabihin n'ya. Sana naman ay walang masamang nangyari sa kaniya. Sana pagod lang s'ya dahil talaga namang malayo sa kanila, hindi ba?"
"Sana nga ganoon lang, pero sa tingin ko ay may mas malalim na dahilan talaga eh. Nakakatakot ang pagiging pagod n'ya dahil mukha rin s'yang galit."
"Apat na araw lang s'ya sa kanila at hindi 'yan ang sinabi n'ya sa atin, hindi ba? Isa hanggang dalawang buwan ang paalam n'ya kaya bakit s'ya ngayon narito?"
"Bakit ganyan ang sinasabi ninyo? I'm getting nervous."
"Let's just pray na walang masamang nangyari."
Napatigil at napatingin silang lima sa kaibigan na natutulog nang marinig nila itong umungol. Akmang dadaluhan ni Sheina si Carson nang pigilan s'ya ni Tanya at umiling ito.
"Huwag. Hayaan natin s'yang magpahinga. Pagod s'ya kaya napapa-ungol s'ya," anito kaya bumalik si Sheina sa pagkakaupo sa kama.
May dalawang kwarto ang apartment nila na ito at may tatlong single na kama ang bawat kwarto kaya hindi sila siksikan dahil may kalakihan naman ang kanilang bawat silid.
Tahimik nilang pinagmamasdan ang kanilang kaibigan at nakita nilang nakatulog ito nang hindi pa nahuhubad ang suot nitong sapatos at pantalon. Pinili nilang huwag na itong tanggalin dahil baka magising nila ang kaibigan.
"Magluto na lang tayo nang pwede n'yang makain mamaya pagnagising na s'ya," ani Lea kaya nagsitanguan ang lahat.
Dahan-dahan silang naglakad palabas ng silid upang hindi makagawa ng kahit na anong ingay at maingat na sinasara ni Julie ang pinto ng silid upang hindi maistorbo si Carson habang kumikilos sila sa kusina.
"Haaay, naba-bother talaga ako at kinakabahan dahil feeling ko talaga may something. Feeling ko talaga hindi madali at hindi magaan ang problema ni ate Carson, nakarating nga kaya s'ya sa kanila?" Nag-aalalang tanong ni Lea.
"Ano ka ba, Lea. Huwag ka ngang nega, huwag kang mag-isip ng masama dahil hindi maganda iyan," sagot naman ni Tanya.
"Hindi na lang muna ako uuwi sa bahay mamaya, pwede naman bukas o kaya sa susunod na araw, kapag sigurado nang maayos si Carson," saad ni Polly,
"Me too. I can say that kailangan ni Carson ng kasama, wala pa man s'yang sinasabi pero ang histura n'ya ay parang kailangan n'ya ng kasama," dagdag ni Julie.
"Ako next week pa naman since sina mommy at daddy ay nasa out of town for business so yeah," sabat ni Lea.
"Sinigang na lang ang lulutuin natin. Damihan na lang natin para may ulam tayo mamayang gabi," singit ni Sheina.
"Si Sheina, wala naman s'yang plano na umuwi sa kanila, right Shei? O nagbago na ang isip mo?" Nakangising sambit ni Julie.
"Wala. Dito lang ako, sasamahan ko si Carson."