"Ano ang plano mo, ate Carson," kapagkuwa'y tanong ni Yel Yel sa kaniya.
Tahimik lamang s'yang nakayuko habang ang alon ay patuloy sa paghampas sa kaniyang mga paa at ang kaniyang mga luha ay tuloy-tuloy ang pagpatak sa dagat. Matagal nang naitapon sa lugar na ito ang abo ng kaniyang pamilya nang hindi nirespeto kaya panigurado ay matagal na rin iyong naglaho na parang bula.
"Ang sabi mo ay walang magagawa ang mga pulis dito? Kanino kayo humihingi ng tulong kung kinakailangan?" Matigas ang kaniyang boses dahil sa kagustuhan na mabuksan ang kaso, mapag-usapan at maipaglaban.
Hindi man n'ya naka-usap ang ama o ang kahit na sino sa kaniyang mga kapatid, alam n'ya, alam n'ya sa puso n'yang hindi iyon magagawa ng mga iyon. Mahal na mahal s'ya ng kanilang ama kaya sigurado s'yang hindi kailanman magagawa ng kaniyang ama ang mambastos ng babae kagaya ng kung paano nila hinatulan ng kamatayan ang kaniyang buong pamilya.
"Tinatawag silang savior, ate Carson," pabulong na s**o ni Yel Yel kaya napatingin s'ya rito. "Kaya sila tinatawag ng mga tao sa ganyan iyon ay dahil sila ang nagtatanggol sa mga inaapi rito sa lugar natin. Nariyan sila upang pagbayarin ang mga taong nagkasala sa kapwa nila. Walang magagawa ang mga pulis dahil alam nilang hindi nila kakayanin ang savior. Matagal na silang namuno rito sa lugar natin."
"Kung ganoon ay bakit nila kinanti ang pamilya ko?! Hindi ba nila inalam kung totoo o hindi ang itinututurong kasalanan na ginawa ng pamilya ko?" Mas lalo lang s'yang naiyak dahil habang nakikinig s'ya kay Yel Yel at nalaman ang mga 'yon ay pakiramdam n'ya napagkaisahan ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Mahihina sila at mahihirap, walang kalaban laban kaya madali lang silang mapuksa.
"Dahil pinanindigan ni Janeth at ng kaniyang pamilya ang paratang nila kay Mang Fernan," matigas na sambit ni Yel Yel, "nang puntahan ng savior ang bahay ninyo ate at sinubukan nilang tanungin ang tatay po ninyo ay parang wala s'yang karapatan na sumagot dahil hindi s'ya nila hinayaan na maipagtanggol ang kaniyang sarili. Naunahan ng takot si Mang Fernan dahil lahat sila ay may nakatutok na armas kaya hindi na s'ya nakapagsalita at iyon ang pinagbasihan nila bilang oo at pag-amin sa panggagahasa kay Janeth."
"Paano mo nalaman ang lahat ng detalyeng iya, Yel Yel?" Tanong n'ya rito sa napakatigas at napaka seryosong boses.
"Hindi namamatay-matay sa Domago at sa buong Claribben ang nangyari sa pamilya Liggayu, ate Carson. Kahit saan ka pupunta sa labing-tatlong barangay mayroon ang Claribben ay palaging usapan ang nangyari sa pamilya mo. Kaya maging ang mga mas bata sa akin ay alam ang kwento nila," diretsong sagot ni Yel Yel sa tanong n'ya.
"Sana ay binigyan na lang nila ng desenteng libing ang pamilya ko, buhay pa ako at alam naman ng mga taga rito na may panganay silang nasa malayo," humihikbing sambit n'ya.
"Sinubukan ka naming hanapin sa lahat ng social media, ate Carson, pero hindi ka namin nakita."
Kahit anong gawin n'ya, kahit na ilang sigaw ng sakit pa ang kaniyang gagawin ay hindi nun mabubura ang katotohanan na wala na ang kaniyang buong pamilya.
"Ang mga kapatid ng tatay ko, ano ang ginawa nila, Yel Yel?"' Tanong n'ya.
Malungkot na tumingin sa kaniya si Yel Yel kaya mas lalong nabuhay sa kaniyang dibdib ang karagdagang sakit at galit.
"Hindi sila sumali sa usapan, ate Carson. Hindi nila sinubukan na ipagtanggol ang iyong pamilya kahit na isang beses. Kaya si nanay lang ang natatanging sumubok at ang suporta mula kay T'ya Maria at Aling Jocelyn," malungkot nitong sambit kaya mas lalong parang piniga sa sakit at galit ang kaniyang puso.
"Mga walang puso!"
Alam n'yang hindi kinikilala ng kaniyang mga tiyahin ang kaniyang ama, ang kanilang pamilya dahil sa kahirapan nila. Pero hindi s'ya lubos maisip na aabot sa ganoong lebel ng kasamaan ang mga iyon.
"Siguro ay iniiwasan nilang madawit, ate Carson. Matatapang ang mga Lopez at natatakot sila na baka balikan sila ng mga ito," sambit ni Yel Yel pero hindi n'ya iyon pinansin dahil alam n'ya ang dahilan kung bakit hindi nagawang ipagtanggol ng kaniyang mga tiyahin ang kaniyang pamilya.
Tumayo s'ya at tumingin sa kalawakan ng dagat. Mapayapa ang karagatan habang nakatingin s'ya rito nang punong-puno ng galit ang kaniyang puso. Mula sa puntong ito ay hindi n'ya alam kung saan magsisimula at kung paano.
"Nay, tay, patawarin po ninyo ako. Mga kapatid ko, patawarin ninyo ako na hindi ko kayo naipagtanggol." Pinahid n'ya ang luhang hindi natatapos sa pagpatak sa kaniyang pisngi. "Umalis na tayo rito, Yel Yel. Kailangan kong maghanda upang makabalik na ng Mosalla pero bago tayo dumiretso sa inyo, ayos lang ba kung hihilingin ko sa 'yo na samahan mo akong pumunta sa bahay namin?"
"Opo naman, ate Carson. Habang nandito ka sa Domago ay walang problema sa akin na samahan ka kahit saan mo gusto. Pero aalis ka na ba agad pabalik ng Mosalla, ate Carson?"
"Ikamamatay ko kapag mananatili ako rito ng matagal, Yel Yel."
Wala nang naisagot pa si Yel Yel sa kaniya at ngumiti na lang ito ng mapait. Hindi na rin s'ya nagsalita nang magsimula na silang iwan ang lugar. Napapalunok na lamang si Carson habang nakatingin sa bawat kaniyang tinapakang buhangin.
"Ate Carson.."
Mugto ang kaniyang mga matang napatingin kay Yel Yel nang sambitin nito ang kaniyang pangalan at nang tingnan n'ya ito ay nakatingin ito sa bandang unahan kaya sinundan n'ya ang tingin nito. Agad na pakiramdam n'ya ay binuhusan s'ya ng malamig na tubig nang bigla s'yang nanginig hindi sa takot kung hindi sa galit.
Humakbang s'ya palapit sa taong makakasalubong nila. Halata rin sa guhit sa mukha nito ang hindi makapaniwalang magkikita sila.
"Carson." Basa n'ya sa buka ng bibig nito.
"Si Janeth 'yan, ate Carson."
"Kilala ko s'ya, Yel Yel. Dati ko s'yang kaklase," sagot n'ya nang hindi inaalis ang kaniyang paningin sa dating kaklase habang lumalabo ang kaniyang mga mata dahil sa namumuong luha.
Nasa harapan n'ya ngayon ang taong dahilan ng pagkawalan ng kaniyang mga mahal sa buhay.
"Carson, narinig ko sa mga kapitbahay natin na nakabalik ka na nga. Matagal tayong hindi nagkita," saad nito nang magtagpo sila.
"Matagal ko rin bago nalaman ang nangyari sa pamilya ko," diretsong saad n'ya. Hindi nakatakas sa paningin n'ya kung paano umawang ang mga labi nito.
"Carson, hindi ko ginusto ang nangyari sa akin. Ayaw kong masira ang buhay ko dahil lang trahedyang nangyari sa akin. Hiningi ko lang ang hustisya," saad nito.
"Nakuha mo nga ba ang hustisya, Janeth?" Tanong n'ya kaya napatingin ito sa kaniya nang may pagtataka.
"Ano ang ibig mong sabihin?"
"Oo, matagal akong nawala, Janeth. Bata pa ako jnoong umalis ako sa lugar na ito. Wala ako rito noong nangyari ang trahedyang sinasabi mo. Ngunit alam ko, sa puso at isip ko, kilala ko ang pamilya ko, ang tatay ko at alam ko, itataya ko ang buhay ko, alam ko na hindi n'ya kayang gawin ang itinuro mo sa kaniyang kasalanan.