Chapter 10

1447 Words
"Carson, ano ang sinasabi mo?" Nanginginig ang boses nito na para bang kahit kailan ay hindi pa natanong ng tanong na iyon. "Malinaw ang sinabi ko, Janeth. Mga bata pa lang tayo ay alam ko nang matalino ka, kaya alam kong alam mo kung ano ang sinasabi ko," saad naman ni Carson nang may pinong ngiti sa kaniyang mukha. "Ako ang biktima, Carson. At ang biktima, kailangan ng hustisya," sambit pa nito. "Ang hustisya ay makukuha mo lamang kung ang nagbayad ay ang taong totoong nagkasala. Gagaan ang kalooban ng biktima, Janeth. Makakatulog sa gabi ng mahimbing at kung hindi naman ay mabubuhay kang inuusig ng konsensya. Ngayon tatanungin ulit kita at ito na ang huli, magaan ba ang kalooban mo? Nakuha mo nga ba ang hustisyang hiningi mo? Ang kinuha mo? Limang buhay ang nagbayad sa sinasabi mong kasalanan, Janeth." "Wala ka rito noong sumisigaw ako ng tulong, Carson," umiiyak na sagot nito. "Wala ka rito noong pakiramdam ko ay gusto ko nalang mamatay dahil sa kababuyan na ginawa sa akin. Matagal bago ako nakabawi dahil sa bawat paglabas ko ng bahay namin ay sari-saring mga salita ang naririnig ko. Wala akong kasalanan, ako ang biktima pero pakiramdam ko isa akong kandilang unti-unting nauubos sa tuwing nasa akin lahat ng mga mata ng mga tao." Dagdag nito. "Kamusta na ang pakiramdam mo sa loob ng limang taon. Masaya ka na ba? Nakuha mo na nga ba ang hustisyang hinanap mo noon?" Pag-uulit ni Carson ng kaniyang tanong. "Maayos na ang buhay namin, Carson. Tahimik na ang buhay ko, ang buhay ng pamilya ko. Sa loob ng limang taon na iyon ay pinipili kong ibalik ang dati kong buhay at nangyayari na iyon ngayon. Nakikiusap ako sa 'yo, Carson, utang na loob, huwag mo nang ipaalala sa akin ang mapait at masakit na karanasan kong sinapit noon." Parang mas lalo lang piniga ang puso ni Carson ng mas maraming kamay sa sakit habang nakikinig kay Janeth. Bakit kahit anong rason at sagot ni Janeth sa kaniya ay hindi talaga kayang paniwalaan ng kaniyang puso na makakayang gawin iyon ng kaniyang ama. Alam n'yang hindi at habang kausap n'ya ang sinasabing biktima ay mas lalo lang s'yang naniniwala na wala ngang kasalanan ang tatay n'ya. "Napaka hindi patas ng mundo, batas at mga taong nasa kapangyarihan," malungkot n'yang tiningnan si Janeth nang diretso sa mga mata nito. "Nawalan ako ng buong pamilya, Janeth. Nawaan ako ng mga taong naniniwala sa akin na kaya kong magtagumpay sa kabila ng kahirapan namin sa buhay. Nawalan ako ng lakas at dahilan para mas umusad pa, Janeth." Kahit na naunubig at nanlalabo ang kaniyang mga mata ay nakita n'ya pa rin kung paano yumuko at lumunok ang kaharap na si Janeth habang nagsasalita s'ya. "Napatawad ko na tatay mo, Carson. Pinatawad ko na ang taong nakagawa sa akin ng kasalanan. Sana ay mapatawad mo rin ako na ginusto kong makamtan ang hustisya sa ginawang kahayupan sa akin," saad nito habang humuhikbi. "Ano ang karapatan mo para tanggalan sila ng karapatang mabuhay, Janeth? Bakit ang buong pamilya ko? Kung totoong nagkasala sila sa 'yo, sana pinakulong mo na lang. Sana binigyan mo sila ng karapatan at pagkakataon na mabuhay at maipagtanggol ang tatay ko. Dahil kahit anong sabihin mo, naniniwala pa rin ako na walang kasalanan ang tatay ko at kahit gaano katagal, kahit ilang limang taon ang lilipas, alam ko na lalabas at lalabas ang katotohanan at pagdating ng oras na iyon, ipagdarasal ko ang pagapang ninyong mga walang-awang pumaslang ng mga inosenteng tao," mahabang litanya n'ya at saka tinalikuran ang kausap. Agad naman n'yang naramdaman ang pagsunod sa kaniya ng kanina pa walang imik na si Yel Yel. Napahawak s'ya sa maliit na puno ng niyoog nang pakiramdam n'ya ay nahihirapan na s'yang huminga dahil sa walang tigil n'yang pag-iyak simula pa kahapon nang dumating s'ya rito at nalaman ang nangyari. "Ate Carson!" Dinaluhan kaagad s'ya ni Yel Yel at saka inalalayan papunta sa bandang may lilim. "Ate Carson, ayos lang po ba kayo? Ate, uwi na lang puna tayo sa bahay tapos mamayang hapon ay saka tayo pumunta sa dati ninyong bahay. Ate, kailangan ninyong magpahinga dahil baka mapaano pa po kayo eh," nag-aalala nitong sambit sa kaniya pero umiling lamang s'ya at dahan-dahan na tumayo. "Hindi na, Yel Yel, kaya ko pa naman. Tumuloy na tayo dahil kailangan kong makahabol sa bus mamayang alas 6 sa Claribben," saad n'ya at saka nagsimulang humakbang papunta sa dati nilang bahay. Hindi naman kalayuan mula sa direksyon nila ngayon ang bahay na kinalakihan na n'ya na ngayon ay sirang-sira na. Wala na s'yang narinig na kahit na anong sagot mula sa kasama at sumabay na lang ito sa paglalakad habang nakahawak sa kaniyang braso na para bang inaalalayan s'ya nito. Nang mahagip na ng kaniyang mga mata ang kanilang bahay ay hindi na ulit nagpa-awat ang kaniyang mga luha. Alam n'yang nakikita s'ya ngayon ng kanilang mga kapitbahay pero wala na s'yang pakialam na kahit makita man s'ya ng mga itong umiiyak. Wala nang lamang gamit ang kanilang bahay. Wala na itong dingding at bubong. Ang tanging naiwan na lamang dito ay iilang mga kahoy na sa tingin n'ya ay hindi na rin mapakinabangan. "Ipinasunog ng mga Lopez ang mga gamit ninyo, ate Carson." Napa-upo na lamang si Carson sa damu nang marinig ang sinabi ni Yel Yel. Inabo ng mga Lopez ang lahat sa kaniya. Ubos na ubos na, wala nang kahit na anong tinira sa kaniya. "Bakit kung kumilos sila ay para silang mag Diyos na kailangan sambahin? Bakit nila iyon ginawa?!" Iyak na saad niya. Hinayaan lamang ni Yel Yel na umiyak si Carson habang naka-upo sa damuhan at nakaharap sa kanilang dating tahanan. Walang imik s'yang pinagmamasdan ang magandang si Carson na kinakain ng sakit. Napatingin s'ya sa gilid nang may biglaang dumating at nakita n'ya ang kaniyang ina kasama si T'ya Maria. Agad na naglandas ang mga luha mula sa mga mata ng dalawang nay edad na babae at kasunod nilang dumating ay ang mg kapitbahay na gusto lamang mang-usisa. Mag-iisang oras na ganoon lamang ang posisyon ni Carson bago ito tumayo at tumingin kay Aling Mierna. "Nay, uwi na po tayo," ani Yel Yel sa ina at agad naman itong tumango. Hinawakan ni Aling Mierna ang braso ni Carson upang alalayan ito na ngayon ay parang biglang naging ibang tao. Hindi na ito umiiyak ngunit sumisigaw ng galit at puot ang kaniyang mukha at mga mata. "Carson, anak kailangan mo nang magpahinga," ani Aling Mierna. "Namumutla ka na, Carson. Kumain ka na muna anak, nagluto kami ng sabaw," saad naman ni Tiyang Maria. "Babalik na po ako ng Mosalla," walang emosyon n'yang sabi kaya hindi makapaniwalang napatingin sa kaniya ang mga kasamang naglalakad pabalik sa bahay ni Aling Mierna at Yel Yel. "Ate Carson, pwede naman po ninyong ipagpabukas ang pagbalik, sa tingin ko po ay kailangan muna ninyong magpahinga," ani Yel Yel pero hindi na s'ya sumagot hanggang sa makarating sila sa bahay. "Anak, sigurado ka ba na kaya mo nang bumyahe ngayon?" Nag-aalalang tanong nii Aling Mierna kay Carson habang nagsusuot ng kaniyang sapatos. "Wala na pong dahilan upang manatili pa ako rito, Aling Mierna." Inangat n'ya ang kaniyang ulo upang tingnan ito at binigyan n'ya ito ng isang tipid na ngiti. "Maraming salamat po sa pag-aalaga ninyo sa akin, kayo ni Yel Yel, napakabuti po ninyong tao. Hindi naman po ninyo obligasyon na bigyan ako ng masisilungan pero binigyan po ninyo ako. T'yang Maria, Aling Jocelyn, maraming salamat" Pinahid n'ya ang mga luhang agad na pumatak mula sa kaniyang mga mata. "Matalik kong kaibigan ang iyong ina, kaya lubos akong nasaktan noong nalaman ko ang sinapit nila. Sinubukan ko silang ipaglaban pero dahil kapos din naman ako sa buhay at walang kapangyarihan sa lugar na ito ay wala akong nagawa. Patawarin mo sana ako, Carson, anak. Kaya ang tanging magagawa ko na lang ay ang alagaan ka, bigyan ka ng matutuloyan at siguraduhin na hindi ka masasaktan at mapahamak sa lugar na ito." Sagot nito kaya hindi napigilan ni Carson na yakapin ng mahigpit ang ginang. "Tatanawin kong isang malaking utang na loob ang mga ginawa ninyo, Aling Mierna. Sana balang araw ay makakabawi ako sa inyo. Maraming salamat sa paniniwala ninyo sa pamilya ko. Alam ko matagal akong nawala pero sa puso at isip ko, kilala ko ang tatay ko, ang mga kapatid ko. Alam ko na kahit anong mangyari ay hindi maiisipan nilang gawin ang kasalanan na naging dahilan ng kanilang kamatayan." "Naniniwala ako, anak." Mas lalong nadudurog ang puso ni Carson sa tuwing naririnig n'ya ang mga katagang may naniniwala sa kaniyang pamilya. Sa kaniyang mga magulang at mga kapatid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD