Tiningnan n'ya ang suot n'yang relo at nakita n'yang alas 3 pa lang ng umaga pero hindi na s'ya makakabalik sa pagtulog. Gising na gising na s'ya.
Tumayo s'ya mula sa higaan at lumabas ng kwarto. Parehong tulog pa ang mag-ina kaya iniiwasan n'yang makagawa ng kahit na anong ingay habang dahan-dahan na binuksan ang pinto.
Tiningnan n'ya ang paligid at may mga nakikita na s'yang mga taong nag-iingay na sa tingin n'ya ay papalaot na. Isinarang muli ni Carson ang pinto at napabuntong-hininga. Gabi pa para sa probinsya ang oras na ito at hindi pa oras upang lumabas at tumakbo.
Gusto n'yang simulan ulit ang buhay dito. Kailangan n'ya iyon sa ngayon. Bumalik s'ya sa loob ng kwarto at humiga. Walang kisami ang bahay at diretsong bobong agad ang nakikita n'ya.
Hindi malaman ni Carson kung gaano katagal na ganoon ang kaniyang posisyon hanggang sa makarinig s'ya ng mga boses na nag-uusap sa labas ng kwarto. Agad s'yang bumangon dahil gising na ang mag-ina at nang tingnan n'ya ang oras ay alas 5 na pala ng umaga.
"Ate Carson, ang aga mo naman bumangon," agad na sambit ni Yel Yel nang makita s'ya nitong lumabas mula sa kwarto nito.
"Magandang umaga, Yel Yel. Magandang umaga po, Aling Mierna. Pasensya na po kayo dumating ako nang walang pasabi," saad n'ya habang gumuguhit sa kaniyang mukha ang ngiti na nahihiya.
"Nagulat nga ako nung sinabi ni Yel Yel na narito ka kaya s'ya lumipat sa kwarto ko. Ikaw na bata ka, bakit ka naman bumyahe ng gabi? Dapat lang iyon sa mga taong kilalang-kilala rito. Ikaw hindi ka kilala ng mga narito kaya delikado para sa 'yo. Huwag mo nang uulitin 'yon. Naku, aatakehin ako sa puso sa 'yo." Mahabang salaysay nito na halos hindi na naintindihan ni Carson dahil sa bilis nang pagsasalita.
"Pasensya na po, hindi ko po kasi inabutan ang first trip ng bus kaya ang last trip ang nasakyan ko. Hindi ko rin po alam na delikado pala, akala ko kagaya pa rin po ng dati," sagot n'ya rito.
"Ay naku hayaan mo na, basta huwag mo nang uulitin. Magkape ka na, wala pa tayong agahan at ang sabi ni Yel Yel ay hindi ka raw kumain kagabi pagdating mo. Heto, may pandesal. Umiinom ka ba ng kape?"
"Opo," sagot n'ya.
"Carson, alam ko na kahit may ilang araw na ang lumipas simula nang malaman mo ang nangyari sa iyong pamilya, alam ko na buhay at presko pa ang sakit at sugat sa dibdib mo. Sana anak, simula sa araw na ito ay susubukan mong bumangon at yakapin ang buhay."
Napatigil si Carson nang sabihin iyon ni Aling Mierna. Napasulyap s'ya sa nagkakape na si Yel Yel na parang walang naririnig. Ngumiti s'ya at tiningnan ang ginang at tumango.
"Salamat po, Aling Mierna. Salamat dahil hindi po ninyo ako pinagsarhan ng pinto."
Isang malapas na ngisi ang sumilay sa mga labi ng ginang pagkatapos n'yang sagutin ang sinabi nito.
"Dalian mo riyan, Yel Yel upang makaabot ka sa mag preskong isda sa palengke."
"Opo, nay, ito na nga o."
"Pupunta ka sa palengke, Yel Yel? Samahan na kita," saad niya kaya napatingin ito sa kaniya at napatawa ng mahina.
"Naku, ate Carson, huwag na. Kaya naman ng isang kamay ko ang palaging pinapabili ni nanay." Natatawa nitong sambit.
Tahimik na naglalakad si Carson sa palengke habang tumitingin ng gulay. Napilit n'ya si Yel Yel na samahan ito sa pamamalengke pagkatapos nilang magkape.
Naisip n'yang libutin ang Domago dahil gusto n'yang mas makabisado ang mga bago sa kaniyang mga mata. Pa-simple n'yang tinitingnan ang bawat lugar sa maliit na palengke na ito.
"Ate Carson, kumakain ka ba ng ganitong isda?"
Napatingin s'ya kay Yel Yel nang tawagin s'ya nito habang nakaturo ang daliri nito sa isda.
"Wala akong pinipiling pagkain, Yel," walang emosyon n'yang sabi rito at nakangiti naman itong tumango.
Habang nakatayo ay hindi nakalampas sa kaniyang pandinig ang bulong-bulongan ng mga matatanda sa kabilang tindahan patungkol sa kaniya. Hindi naman na bago sa kaniya ang chismosang mga tao rito sa kanila dahil kinalakihan n'ya ang mga iyon.
Ang pinagkaiba lang, ngayon ay habang naririnig n'ya ang bawat chismis patungkol sa kaniya ay hinihila s'ya ng mga salita ng mga ito upang huwag n'yang kalimutan ang sakit na nararamdaman n'ya ngayon at maging ang dahilan nito.
"Huwag mo na lang ulit silang pansinin, Ate Carson," mahinang saad ni Yel Yel sa kaniya at dinig na dinig n'ya ang lungkot sa boses nito.
"Carson?"
Dahan-dahan n'yang nilingon ang bagong fan na tumawag ng kaniyang pangalan at bumungad sa kaniya ang isang babae.
"Manang Lita," sambit n'ya sa pangalan nito.
"Nakakatuwa naman at hindi mo ako nakalimutan," nakangising saad nito habang s'ya ay nag-isang linya ang kaniyang mga labi. "Hindi kita nakausap noong bagong dating ka rito. Pero nabalitaan ko rin noong nakaraan na bumalik ka na ng Mosalla, hindi ka tumuloy pala?"
"Kakarating ko lang po ulit dito sa Domago," tipid n'yang sagot.
"Ganun ba? Saan ka tumutuloy n'yan," sunod pang tanong nito.
Akmang sasagot na s'ya nang maunahan s'ya ni Yel Yel. "Sa amin po tumutuloy si Ate Carson, Manang Lita," sagot nito.
Napatango ang matanda at ngumiti ito sa kaniya.
"Mabuti naman ay may natuluyan ka. Pumasyal ka sa bahay kung may libreng oras ka ah. Darating mamaya ang mga kababata mo galing din sila sa Mosalla."
Tanging tango na lang ang isinagot n'ya rito at tumingin s'ya kay Yel Yel. Mukhang wala naman na silang bibilhin.
"May bibilhin ka pa ba?" Tanong n'ya rito.
"Wala na, uwi na tayo ate para makapag-almusal na rin tayo," sagot nito kaya tumango s'ya.
"Sige po, Manang Lita, mauna na po kami."
"Napaka-plastik ng matandang 'yon. Wala talagang hiya."
Naningkit ang mga mata ni Carson nang marinig n'ya ang pagbulong-bulong ni Yel Yel nang makalayo sila sa matandang si Manang Lita.
"Bakit?" Hindi n'ya na napigilang magtanong dito.
"Huwag mo nang kausapin iyon, ate Carson. Kapag iyon kinakausap mo, mamaya-maya lang ay magiging usap-usapan ka ng buong barangay. Akala mo naman talaga concern sa 'yo. E ninang ni Janeth iyon eh. Kamping-kampi 'yan sa mga Lopez noon."