Tumango na lamang s'ya hindi na nagsalita hanggang sa lumabas si Yel Yel mula sa kwarto.
Huminga s'ya ng malalim at bumuntong hininga. Walang linggo na pumapalya ang kaniyang pamilya sa pagsimba noon. Palagi silang kompleto at masaya. Napakagat na lamang si Carson ng kaniyang ibabang labi at sinandal ang kaniyang likod sa sementong dingding.
Lahat ng ala-ala ay hindi n'ya kailanman makakalimutan dahil iyon na lang ang nabubuhay na may kinalaman sa kaniyang pamilya. Simula mga bata pa lamang silang magkakapatid, kahit noong nag-iisa pa lamang s'yang anak ay hindi nakakalimot ang kaniyang mga magulang sa pagdala sa kaniya sa simabahan.
"Nay, Tay, mga kapatid, ihingi n'yo na lang po ako ng tawad sa panginoon kung hindi na muna ako papasok sa kaniyang bahay ah. Punong-puno pa kasi ng galit at poot ang dibdib ko. Ihingi n'yo na lang po muna ako ng tawad ah. Sana mapatawad n'ya ako sa mga bagay na naglalaro sa isipan ko."
Napatingin si Carson sa pinto nang marinig n'ya ang katok mula sa labas nito.
"Carson, anak?" Mabilis s'yang tumayo nang marinig ang boses ni Aling Mierna.
"Aling Mierna, magandang umaga po," aniya nang pagbuksan n'ya ito.
"Sinabi sa akin ni Yel Yel na gising ka na raw dahil nagising ka n'ya."
"Ayos lang po."
"Lumabas ka na riyan upang makakain ka na. May pagkain na sa kusina ah, huwag mong hintayin na maramdamang gutom na gutom ka na, hindi maganda iyan sa katawan. Hindi ka ba sasama sa amin?"
"Hindi na lang po muna."