Anim na buwan. Iyon ang malinaw na sinabi sa akin ni Lira simula noong natagpuan akong nag-aagaw buhay sa dalampasigan. At ikapitong buwan ko na sa islang ito. Islang tinatawag nilang Isla Paraizo.
Bumalik na sa normal ang katawan ko, nakapagsasalita na rin at nakatayo at lakad, pero mabagal pa rin naman. Sa tulong iyon ni Doc Sam at Nurse Lira. Bihira ko lang makita si Boss Elordi rito sa Isla.
Hindi ko pa nga s'ya nakausap man lang.
"Hindi mo ba talaga naaalala ang nangyari sa 'yo, Elle?" Elle, iyon ang tawag ng lahat sa akin dito. Kinapa ko ang kwintas na suot. Nakita nila ang kwintas kong naka ukit ang Elle kaya naman iyon na ang itinawag nila sa akin. Sinulyapan ko si Lira na umupo sa tabi ko.
"Sinusubukan kong alalahanin pero wala talagang pumapasok sa isipan ko." Ani ko rito sabay iwas nang tingin dito. Kasinungalingan, malinaw na malinaw pa rin na waring nangyari lang kahapon ang bangungot ng buhay ko.
Humigpit ang hawak ko sa kwintas na suot ko. Saka itinapon ang tingin sa malawak na karagatan.
"Ano kaya ang nangyari sa 'yo, 'no? Sino ka kaya? May family pa kayang naghihintay sa 'yo?" bahagya akong umiling.
"Baka wala na akong pamilya, wala bang napadpad sa islang ito at naghanap nang nawawala nilang kaanak?"
"Wala naman, kasi kung mayroon tiyak na makakaabot sa aming kaalaman iyon."
"Baka nga wala talaga." Malungkot na ani ko rito.
"Huwag ka ng malungkot. Dito sa Isla para na kaming pamilya, lahat kami rito ay pamilya na ang turingan. Pamilya ka na namin."
"Salamat, Lira."
"Elle, nakausap mo na ba si Boss Elordi?" tanong nito. Mabilis akong umiling.
"Palagi s'yang wala sa Isla. Kailan ba ang balik n'ya?" tanong ko rito.
"Sa pagkakaalam ko ay balik n'ya ngayon ng Isla." Tumango-tango ako rito."Kasama nga n'ya ang pag-ibig kong si Jonas." Napabungisngis ako sa sinabi nito.
"Gustong-gusto mo talaga si Jonas, 'no? Sa dami ng kwento mo patungkol kay Jonas ay parang mas kilala ko pa si Jonas kaysa sa sarili kong pagkatao."
"Napapasobra ba ang chika ko? Sorry." Ani nito na bahagya kong ikinailing. Sabay tawa rito.
"I'm so happy na makita kang tumatawa. Simula noong magising ka, parang lagi ka na lang tulala. Walang kibo at parang ilag sa amin."
"Baliw, 'di ba nga hindi ako nakakapagsalita noon?"
"Ay! Oo nga pala." Parang sa araw-araw na ginawa ng Diyos na palagi kaming magkasama nito ay puro na lang saya ang dulot sa akin nito.
Gumagaan ang pakiramdam ko. 'Di tulad kapag mag-isa lang ako rito sa silid, bumabalik ang alaala ko sa Santa Estrella kung saan naroon 'yong mga taong dahilan kung bakit na rito ako sa islang ito.
"May mga dala akong news paper. Hiningi ko kay Manang, baka sakaling may makuha tayong lead sa pagkatao mo. Baka kasi famous ka pala, anak ng artista, politiko or baka beauty queen ka." Ani nito. Biglang kumabog ang aking dibdib.
Paano nga kung may makita ako roon na magtuturo kina Lira sa pagkataong itinatago ko sa mga ito? Ano ang gagawin ko?
"P-agod na ako, Lira. Pwede bang bukas na lang?" tanong ko rito.
"Agad-agad? Sige na nga, dito ko na lang sa gilid ilalagay. Para kapag gusto mong tignan ay go ka na lang." Tumango ako rito.
"O--kay."
"Pupunta muna ako sa kusina. Bigla akong nagutom." Nakabungisngis na ani nito. Tumango ako rito saka sinenyasan itong umalis na. Ibinalik ko ang tanaw ko sa dalampasigan, ang balcony na kinaroroonan ko ay karugtong ng silid na inuukupa ko. Tanaw ko rin dito ang mga bangkang dumarating at umaalis ng Isla.
Kahit ang bangkang ngayon ay papalapit. Tiyak ako kung sino ang sakay ng bangkang iyon.
Si Boss Elordi.
Mabilis akong pumasok ng aking silid na mabilis ang pagtahip ng dibdib. Muntik pa akong matisod sa newspaper na magkakapatong. Hindi man lang iyon iginilid ni Nurse Lira.
Nang akmang dadamputin ko na ay sumentro ang aking tingin sa front page ng isang pahayagan.
Nanginginig ang kamay na dinampot ko iyon.
Hindi tungkol sa akin ang nakita ko roon.
Kung 'di sa larawan na malaking-malaki ang sinakop na parte sa front page ng pahayagan.
Halos malukot na iyon sa paraan nang pagkakahawak ko. Naging marahas ang paghinga, ang luha'y sunod-sunod na pumatak.
"Mga hayop..." ani ko na waring masisiraan na ng bait sa labis na galit na nararamdaman.
Si Audrey na masayang-masaya sa larawan, habang nakaluhod si Dane at may hawak na kahita ng singsing."
Handa na nilang ilantad ang kagaguhan nila? Ang kakapal nila. Ang kakapal nila!
Nangigigi ako sa sa galit na hindi na namalayan ang pagbukas at pagsara ng pinto.
Nang mag-angat ako nang tingin ay hindi na bago ang panlilisik ng luhaang mata.
Nagtagpo ang tingin naming dalawa. Ang lalaking palaging walang emosyon. Narito sa aking silid si Boss Elordi. Nakita nito ang reaction ko sa pahayagang hawak at tinititigan ko kanina.
"Tapos ka na ba sa pagpapanggap mo? Sapat na ba ang ilang linggong itinikom ko ang bibig ko para magsalita?" seryosong tanong nito na humakbang palapit sa akin. Inagaw nito ang pahayagang hawak ko.
"Audrey Valdemor and Dane Luigi Alvarez?" basa nito sa pangalang nakaimprinta roon.
Akmang aagawin ko iyon nang iangat nito iyon at ilayo sa akin.
"Hahayaan mo bang sumaya sila sa ginawa nila sa 'yo?" seryosong tanong nito sa akin. Hahayaan ko nga ba?
Sa sobrang dami nilang kasalan sa akin ay hahayaan ko nga ba silang maging masaya? Tiyak ako sa sagot na naghuhumiyaw sa utak ko ngayon.
Mabilis akong umiling.
"Hindi!" buo ang loob na ani ko rito. Bahagyang tumango ang lalaki.
"Handa ka na bang sabihin sa akin kung ano ba talaga ang nangyari at umabot ka sa ganitong punto ng buhay mo?" mabilis na tumahip ang dibdib ko sa labis na kaba. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot dito.
Nang muli ko itong tignan ay waring naghihintay ito sa aking magiging sagot.
"Gusto kong marinig mula sa 'yo kung ano ang nangyari, Lorielle Valdemor-Alvarez." Napasinghap ako sa pangalang binangit nito. Pero hindi ko iyon pwedeng itangi. Alam at kilala nito kung sino ako.
Pakiramdam ko nga'y kapag hindi ako nagsalita ngayon ay ipapatapon ako nito sa dagat.
Huminga ako nang malalim. Pinunasan ang luha at buo na ang loob na magsalita. Hindi rin naman habang buhay ay maitatago ko ang nakaraan ko.
Sasabihin ko na.