IKA-PITONG KUWARTO

6696 Words
IKA-PITONG KUWARTO By: XIUNOXKI   ~SIGAW SA IKA-PITONG KUWARTO~     REGISTERED NURSE SI Evelyn, at nakipagsapalaran siya sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Habang nasa Maynila, nakikitira siya sa bahay ng kanyang Tiya Salud. Sa paghahanap niya ng trabahong mapapasukan ay napadpad siya sa North Caloocan. At masuwerte naman na natanggap siya sa isang Private Hospital na kanyang inaplayan. Sa pagkatanggap niya sa trabaho ay naghanap na rin siya ng mauupahan na malapit lang sa kanyang papasukan. Agad naman siyang nakahanap ng mauupahan na malapit lang sa ospital at puwedeng lakarin kapag papasok siya ng trabaho. Dalawang libo sa isang buwan ang upa ni Evelyn sa kuwartong kanyang nakuha. May banyo na at libre ang tubig, maliban sa kuryente. Pito ang kuwarto sa paupahang iyon at ang ika-anim na silid ang kanyang nakuha dahil ito na lamang ang bakante at ang ika-pitong kuwarto ay hindi na pinauupahan pa ng may-ari.   "TIYA, TUTULOY NA po ako. Maraming salamat po sa lahat," pagpapaalam ni Evelyn sa kanyang Tiya Salud at hinawakan ang kamay nito. "Hija, mag-iingat ka doon. Huwag kang basta-basta maniniwala sa mga bago mong kakilala. Maraming loko-loko diyan. Bago ka matulog siguraduhin mong naka-lock ang pinto ng kuwarto mo, maging ang bintana. At bago ka pumasok ng trabaho, siguraduhin mong ma-lock ang pinto at ang bintana. Naku hija, baka manakawan ka. At isa pa kung gabi ka na makakauwi, doble ingat," bilin ng nag-aalala niyang tiya. "Opo Tiya, ako pa. Sa edad kong twenty-five kayang-kaya ko na po ang sarili ko. Sila po ang mag-iingat sa ‘kin kung ayaw nilang ma-injection-nan. 'Wag po kayong mag-alala lagi po akong mag-iingat." At niyakap niya ang kanyang Tiya Salud na naluluha na. "Ikaw talagang bata ka. Basta lagi kang dadalaw, hah?" at tuluyan na itong umiyak. "Siyempre naman po." "Isa pa pala, 'wag ka munang makipagkaibigan sa mga bago mong kapitbahay doon, maging sa katrabaho mo. Maraming traydor na tao d'yan. Kilalanin mo muna sila ng maigi bago mo pagkatiwalaan. At ang pinakaimportante sa lahat, 'wag kang magpapautang baka hindi ka na mabayaran. Pa'no na ang pagpapadala mo niyan sa inyo?" naluluha pa rin na bilin ng kanyang tiya. Napangiti siya. "Opo Tiya."   GABI NA NANG makarating si Evelyn sa kanyang inuupahan – at kinabukasan ay unang araw na niya sa trabaho. Pagkatapos niyang kumain ay iniligpit na niya ang kanyang mga gamit sa bago niyang titirhan. Sanay ng nag-iisa siya sa bahay, dahil noong nag-aaral siya sa kolehiyo ay nag-board siya sa loob ng apat na taon. Inihanda na rin niya ang kanyang mga gamit at isusuot na uniform para sa trabaho niya kinabukasan. At bago matulog ay naalala niya ang bilin ng kanyang Tiya Salud na i-lock ang pinto at isara ang bintana. Nang dahil sa pagod ay agad nakatulog ng mahimbing si Evelyn kahit pa unang gabi niyang matulog sa kuwartong iyon. Ngunit isang malakas na sigawan ang bumasag sa kanyang mahimbing na tulog. "Naku naman. Akala ko ba walang umuupa sa ika-pitong kuwarto?" inis na wika niya ng matukoy ang pinagmulan ng ingay. Napakamot na lamang siya. Nang tingnan niya ang alarm clock sa ulohan niya,  nadismaya siya nang makitang ala-una pa lang ng madaling-araw. Dinig na dinig niya ang sigawan dahil ang kama niya ay nakadikit sa pader na karugtong ang ika-pitong kuwarto. Dahil sa may pagkatsismosa ay pinatay niya ang electric fan na nakatutuk sa kanya at idinikit ang kanyang tainga sa pader upang lalong mapakinggan ang sigawan at maintindihan ang mga ito. "Walang hiya kaaa! Manloloko kang babae ka! Malandi kaaa! Minahal kita. Binago ko ang sarili ko para sa'yo. Nagpakatino ako. Pero niloko mo akooo! Papatayin kitaaaa!" galit na galit na sigaw ng lalaki. "Huwag, maawa ka – hindi kita niloloko. Nagkakamali ka sa hinala mo. Wala akong ibang karelasyon. Ikaw lang ang mahal ko! Maniwala ka! Pakiusap, ‘wag mo akong sasaktan. Alang-alang sa magiging anak natin…" umiiyak na pagmamakaawa ng babae. "Anak natin? O anak mo sa kalaguyo mo? Huwag mo na akong paikutin pa. Kitang-kita ng dalawa kong mga mata ang panloloko mo…" naging malumanay ang boses ng lalaki pero ramdam pa rin ang madiing galit sa tinig nito. "Pakiusap, hindi kita niloloko. Maniwala ka... ikaw lang ang mahal ko. Anak natin ang dinadala ko, anak mo," hagulhol ng babae. "Tumigil ka naaa! Papatayin kitaaa! Mamamatay ka naaaaa!" muling sumigaw sa galit ang lalaki. Napalayo si Evelyn sa pader. Diyos ko! bulong niya sa kanyang sarili habang nakatakip ang kanyang mga palad sa kanyang bibig. Matinding takot ang naramdaman niya at halos manginig ang buo niyang katawan dahil sa mga narinig. "Ano po ang dapat kong gawin? Diyos ko, Diyos ko, Diyos ko…" paulit-ulit siyang nagkrus. Nang biglang tumahimik ang paligid, nilakasan ni Evelyn ang kanyang loob. Tumayo siya't sumilip sa bintana. Napaatras siya at napatumba nang pagbukas niya ng bintanang jalousie upang sumilip sa labas ay tumambad sa kanya ang duguang babae na nakasilip din sa kanyang bintana at halos magkaharap sila nito. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita. Bumalik ang takot na kanyang naramdaman at mas tumindi pa ito. Sa ikalawang pagkakataon ay muling nilakasan niya ang kanyang loob. Muli siyang nagdasal at humungi ng tulong sa Panginoon. Inisip niyang baka humuhingi ng tulong ang babaeng duguan. Naisip niya rin na nurse siya kaya maari niyang matulungan ang babae. Ngunit ng muli siyang sumilip sa bintana ay wala na ang babaeng duguan. Nilibot niya ang kanyang paningin sa labas ngunit wala na talaga roon ang babae. Wala rin siyang nakitang mga tao na posibleng tumulong at sumaklolo rito. Pinakiramdaman niya kung may ingay o boses siyang maririnig, ngunit nakabibinging katahimikan ang namayani. Ilang minuto rin siyang nakiramdam, ngunit walang ingay o boses siyang narinig na may kaugnayan sa narinig niyang sigawan sa ika-pitong kuwarto na labis niyang ikinatakot. Kaya naman nagpasya na lamang siyang isara ang bintana. At nang maisara na niya ang bintana ay isang malamig na ihip ng hangin ang tumama sa kanya na nagpatayo ng kanyang balahibo at mas nagpabilis ng t***k ng kanyang dibdib. Naisip niyang patay ang electric fan kaya saan nanggaling ang malamig na ihip ng hangin na mula sa kanyang likuran? "Tulong..." nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang boses ng isang babae na bumulong sa kanya. Naramdaman niya ang init ng hininga ng bumulong sa kanyang kanang tainga. Sandaling natigilan siya sa bulong na narinig niya. At takot na takot siyang tumakbo patungo sa kanyang kama at agad siyang nagtaklob ng kumot. Naisip niyang baka napatay ng lalaki ang babae at ngayon ay minumulto na siya dahil wala siyang ginawa upang matulungan ito. Kaya naman paulit-ulit siyang nagdasal hanggang sa makatulog na lamang siya.     ~ANG BABAENG BUNTIS~  KINAUMAGAHAN, HABANG NILALA-LOCK ni Evelyn ang pinto bago pumasok sa trabaho, may nakita siyang babaeng buntis na nakatayo sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto ng paupahan. Puro pasa ang mukha ng babaeng buntis at pati na sa ibang bahagi ng kamay at paa. Nahabag siya sa hitsura ng babae, lalo pa't buntis ito. At nang matitigan niya nang maigi ang mukha nito naalala niya ang babaeng duguan na sumulip sa bintana niya kagabi. ‘Yon ang babaeng iyon. Salamat naman at buhay siya, bulong niya sa kanyang sarili at gumaan ang kanyang pakiramdam. Ngunit bigla siyang kinabahan ng makitang matalim ang titig sa kanya ng babaeng buntis. Bagama't kinakabahan, nginitian niya ang babae. Nang tinangka niya itong lapitan at kausapin ay bigla na lamang itong pumasok sa loob ng kuwarto at malakas na isinara ang pinto. Nagulat siya at tumalikod na lamang at naglakad upang pumasok na sa trabaho. "Galit kaya siya sa ‘kin? Tama si Tiya. Hindi muna dapat ako makipag-usap o makipagkaibigan kahit kanino," mahinang sambit niya. At nang may makasalubong siya na nangungupahan din sa paupahang iyon ay bumati siya ng ‘magandang araw’ ngunit hindi na siya nagtanong pa tungkol sa mga nangyari nung madaling-araw. Pero bakit ganun? Ba't parang walang nangyari? ‘Di kaya nila narinig ang malakas na sigawan na ‘yon? pagtataka niya.   HABANG NAGLA-LUNCH SA canteen kasama ang mga bagong kakilala sa trabaho ay nakuwento niya ang mga nakakatakot na nangyari sa kanya. Ngunit sinabi sa kanya ng mga bago niyang kakilala na baka dala lamang iyon ng takot at stress kung kaya't may nakita siya at narinig na ‘di mapaliwanag. Marahil daw ay napaglaruan lang siya ng kanyang imahinasyon. At sumang-ayon na lamang siya sa mga tinuran ng mga katrabaho niya upang palakasin ang kanyang loob at iwaksi ang takot sa kanyang dibdib.   KINAGABIHAN, PAUWI NA siya, at sa paglabas niya ng ospital ay nakita niya ang babaeng buntis na nakatayo sa ‘di kalayuan at nakatingin ito sa kanya. Iniwas na lamang niya ang tingin sa babae at nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa kanyang inuupahan. Binilisan niya ang kanyang paglalakad. Nang lumingon kasi siya sa likod niya, nakita niya ang pagsunod ng babae sa kanya. Matinding takot ang naramdaman niya lalo na nang makita niya sa unahan niya ang anino ng babaeng buntis na tila nasa likod niya na ito malapit sa kanya. Ngunit paglingon niya wala roon ang babae. At nang marating ni Evelyn ang paupahan, habang mabilis niyang nilalakad ang pasilyo patungo sa kanyang kuwarto, nakita niyang nando’n na ang babaeng buntis. Nakatayo ito sa harap ng pinto ng kanyang kuwarto. Nagkaroon siya ng pag-aalangan. Siya kaya ‘yong nakita ko do’n sa may ospital? Siya ba ‘yong sumusunod sa ‘kin? Ba't ang bilis niyang napunta rito? Pero baka hindi naman siya ‘yon? pagtataka niya. Natigilan siya sa paglalakad nang ‘di umaalis sa harap ng pinto ng kuwarto niya ang babae. "B-Bakit po?" kinakabahang tanong niya, ‘di niya makuhang lumapit dito kaya naman medyo malayo siya sa babae. Hindi sumagot ang babae. Tumalikod ito at pumunta sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto at  muli itong humarap sa kanya. Iniwas niya ang kanyang tingin sa babae at yumuko siyang naglakad patungo sa pinto ng kanyang kuwarto. At habang nanginginig na binubuksan niya ang naka-lock na pinto ng kanyang silid ay nakatitig pa rin sa kanya ang babaeng buntis. At nang mabuksan na niya ang pinto, habang papasok na siya ay may naramdaman siyang malamig na ihip ng hangin – nang lingunin niya ang kinaroroonan ng babae ay wala na ito roon kaya naman dali-dali siyang pumasok at agad ikinandado ang pinto. Huminga siya ng malalim. "Ano ba ang problema ng babaeng ‘yon? Naku, mababaliw ako sa taong ‘yon. Ang weird niya!" inis na sambit niya habang sinisigurong hindi mabubuksan ang pinto ng kanyang kuwarto. Pagtalikod niya tumambad sa kanya ang nakatayong babaeng buntis na nasa loob na ng kuwarto niya. Hindi niya makuhang sumigaw. Umurong ang dila niya sa takot at di siya nakakilos. Humakbang palapit sa kanya ang babae at napapikit na lamang siya. Pero sa pagdilat niya wala roon ang babae. Luhaan siya at hangos na napaupo sa sahig – hindi siya makapaniwala sa malik-matang nakita niya – malik-mata nga lang ba talaga? Inisip niya nalamang na guni-guni ang kanyang nakita – pinaniwala niya ang sarili niya. Bago matulog, nakaugalian na ni Evelyn magbasa ng libro, at habang nagbabasa siya pinakikiramdaman niya ang ika-pitong kuwarto. Wala siyang ingay na marinig mula roon. Bagkus ay ingay ng mga naglalarong bata at malakas na volume ng TV na mula sa ibang kwarto ang kanyang naririnig. Nang nakaramdam na siya ng antok ay nagpasya na siyang matulog at agad naman siyang nakatulog.   "NA NAMAN?" REKLAMO niya nang magising siya dahil sa lakas ng sigawan ng nagtatalong babae at lalaki sa ika-pitong kuwarto. At nang tingnan niya ang oras ay ala-una palang ng madaling-araw. "Naman?!" dismayadong sambit niya. Hindi na siya nag-abala pang pakinggan ang ingay – nagtaklob siya ng kumot at pinilit na lamang niyang makatulog.   BAGO PUMASOK SI Evelyn sa trabaho kinaumagahan, nilipat niya ang puwesto ng kanyang kama. Nilayo niya ito sa pader na nagdurugtong sa ika-pitong kuwarto. Sa paglabas niya, muli niyang nakita ang babaeng buntis na nakatayo sa harap ng pinto ng ika-pitong kuwarto. At sa wari niya'y parang naulit lang ang nangyari kahapon nang una niyang makita ang babae, dahil ‘yon pa rin ang suot nitong damit. Binalewala na lamang niya ang babae. Pinakiramdaman niya ang iba niyang kapitbahay ngunit wala siyang makitang reaksiyon sa mga ito tungkol sa mga nangyari at parang hindi nakikita ng mga ito ang babaeng buntis. Siguro talagang hindi nila marinig ang away ng mag-asawang ‘yon. At siguro hindi nila kilala ang babaeng ‘yon kaya wala silang pakialam. Dapat siguro pabayaan ko na lang din ang mga taong ‘yon – pero pa'no naman ako? Nagigising ako ng alanganing oras dahil sa sigawan nila. ‘Di naman ako puwedeng lumipat pa baka mahirapan ako sa paghahanap ng bagong mauupahan. Tsaka isa pa, nakapagbayad na ako para sa isang buwan kong upa, wala ng bawian. Kainis, ang weird naman ng mga tao dito! bulong niya sa sarili habang naglalakad papasok sa ospital. Sana naman mamaya wala na silang pag-awayan. Paulit-ulit lang naman ang pinagsasabi nila. Kairita!   NGUNIT KINAGABIHAN, BAGO mag-ala-una ng madaling-araw ay nagising na naman siya dahil sa sigawan – at muli niya itong pinakinggan. At ang pinagtataka niya ay parang naulit lang ang mga pangyayari – parehas ang laman ng sigawan ng lalaki at babae sa ika-pitong kuwarto nang una niya itong mapakinggan. At mas lalo niya itong naririnig gayung malayo na ang kama niya sa pader ng ika-pitong kuwarto at hindi naman niya idinikit ang tainga niya sa pader. Para bang nasa harapan lamang niya ang nagsisigawan. Nagtaklob siya ng kumot. Ngunit bigla na lang na para bang may malamig na hangin na paikot-ikot sa loob ng kanyang kuwarto at tumatagos ito sa nakataklob na kumot sa kanya. Alam niyang hindi electric fan ang hanging iyon dahil mahina lang ang ikot ng kanyang electric fan. Naramdaman niya rin na parang may humihila sa kumot na nakataklob sa kanya – at nakipaghilahan siya rito. "Hindi totoo 'to. Hindi totoo 'to…" paulit-ulit niyang sambit at pinagpawisan siya sa takot. Maya-maya pa biglang tumahimik na lamang ang paligid. "Hindi naman kaya ako na ang nasisiraan?" naluluhang nasabi niya at taimtim siyang nagdasal bago muling matulog – na nababalot ng takot. Nagising siya nang makaramdam ng tawag ng kalikasan makalipas ang halos dalawang oras. Habang nasa banyo siya may naririnig siyang mga yapak ng paa sa labas ng pinto. Binilisan niya ang kanyang ginagawa at nang bubuksan niya na ang pinto para lumabas, ‘di niya ito mabuksan gayung ang luck nito ay nasa loob. Nakaramdam siya ng takot at muli siyang naupo sa toilet bowl. Pero ilang saglit lang kusa nang nagbukas ang pinto.   KINABUKASAN, MULI NIYANG nakita ang babaeng buntis at inisip na lamang niya na wala siyang nakita. Ilang hakbang palang siyang nakakalayo nang ‘di niya matiis na lingunin ito, ngunit wala na ang babae. "Nawala nga?" mahinang nasabi niya sa kanyang sarili at nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad. "Kaloka!"   SA OSPITAL, NA-ASSIGNED sa emergency room si Evelyn. Habang abala siya sa pag-aasikaso sa mga pasyente, dumating ang ambulansya lulan ang buntis. Nagsisigaw ang buntis sa pananakit ng tiyan at isinisigaw nitong manganganak na siya. Awtomatiko ang naging kilos ni Evelyn na tulungan ang pasyenteng kailangan ng tulong – nagulat siya nang makita ang buntis na pasyente – ang babaeng buntis sa ika-pitong kuwarto. “Tulong…” naging tila bulong sa hangin ang naging sigaw ng babaeng buntis na nagpatayo sa mga balahibo ni Evelyn. Saglit siyang tila nawala sa kanyang sarili at napatulala na lamang na nakatitig sa buntis na pinandidilatan siya ng mga mata. Halos ‘di niya marinig ang ingay ng lugar, tanging mabilis na t***k ng puso niya ang naririnig niya. Kundi dahil sa kasamahan niyang nurse, ‘di pa siya babalik sa katinuan ng kanyang isip. Sinagi siya ng kasamahan niya at tinanong kung okay lang ba siya. Napayuko siya at napapikit. Sa muling pagtingin niya sa buntis, iba na ang hitsura nito. Hindi iyon ang babae sa ika-pitong kuwarto.   NAULIT PA ANG sigawan sa ika-pitong kuwarto sa ikaapat at ikalimang pagkakatoon – magigising siya nang ala-una ng madaling-araw. At kinaumagahan, makikita niya ang babaeng buntis na puro pasa at ang damit ay hindi nagbabago, sa harap ng pintuan ng ika-pitong kuwarto at nakatitig ito sa kanya – at sa pagbalik niya mula sa trabaho ay muli niya itong makikita na nakatayo lang sa tapat ng ika-pitong kuwarto. Labis na takot at kaba ang dulot ng mga pangyayaring iyon sa kay Evelyn. Gustong-gusto niya nang magwala sa mga nangyayari, ngunit pinipigilan niya ang kanyang sarili dahil natatakot naman siya at baka kung anong gawin sa kanya ng mag-asawa sa ika-pitong kuwarto. At ang hindi niya lang lubos na maisip, ang mga nararamdaman niya at mga guni-guning nakikita niya. At madalas din siyang managinip na may humahabol sa kanyang babaeng buntis ngunit wala itong mukha – sa panaginip niya hinahabol siya nito ngunit humihingi ito ng tulong. Isang gabi, nagising siya sa kalagitnaan ng gabi na uhaw na uhaw at tila galing siya sa isang masamang panaginip. Pinagpapawisan siya ng malamig, agad siyang bumangon para uminom ng tubig. Pagkainom niya ng tubig nabitawan niya ang baso at nabasag ito sa sahig, nagkalat ang nabasag na piraso ng baso – tumambad kay Evelyn ang babaeng buntis sa ika-pitong kuwarto na labis niyang ikinatakot. Agad siyang lumabas ng kuwarto niya. At sa paglabas niya, papasok sa kuwarto niya ang tumambad sa kanya – muli siyang bumalik sa loob nito – tumambad sa kanya ang tinatakasang buntis na nakalutang sa hangin at duguan ang mga binti nito. Sigaw siya nang sigaw ng tulong ngunit tila walang nakakarinig sa kanya. Nagising na lamang siya, umaga na. Isang nakakatakot na panaginip lamang pala iyon na akala niya totoo na.     ~SI ELSA~  SA IKAANIM NA araw sa paupahan ni Evelyn, hindi na siya nagdalawang isip pa na pumunta na sa may ari ng paupahan upang isumbong ang mag-asawang laging nagsisigawan sa madaling-araw dahil sa nakakaistorbo na ito sa kanya at naaapektuhan na rin nito ang buhay niya – natatakot na siya sa mga nararanasan niya. Habang nila-lock niya ang pinto bago pumunta sa bahay ng land lady, tulad ng mga nakaraang araw ay muli niyang nakitang nakatayo ang babaeng buntis sa harap ng ika-pitong kuwarto at nakatitig ito sa kanya. At muli ay binale-wala niya ito ngunit laking gulat niya ng bigla itong magsalita. "Hanapin mo ang asawa ko..." usal ng babae. Sa unang pagkakataon ay kinausap siya ng babae. Nanlamig siya at nanginig. Ngunit hindi niya ito pinansin at tinalikuran na lamang ito. "Adik! Baliw ba siya? Ba't niya ipapahanap sa ‘kin ang asawa niya? Pa'no kung ako naman ang saktan no’n? May sira siguro sa tuktok ang babaeng ‘yon?!" nakakunot-noo at inis na sambit niya habang naglalakad patungo sa bahay ng may ari ng paupahan. "Nakakakilabot naman ang boses niya," dagdag pa niya nang nagtayuan ang kanyang mga balahibo.   "A-ANO PO? WALANG umuupa sa ika-pitong kuwarto?" gulat na gulat na tanong ni Evelyn nang sabihin ng land lady na walang umuupa sa kuwartong inirereklamo niya, kung saan niya naririnig ang sigawan ng mag-asawa – at kung saan niya nakikita na pumapasok ang babaeng buntis. "P-Pero may nakikita po akong babaeng buntis na pumapasok sa kuwartong ‘yon?" pagpupumilit niya. "Ano kamo, hija? Babaeng buntis?" gulat na tanong ng matandang may ari ng paupahan. "Opo. ‘Yong lalaki po ‘di ko pa nakikita. Pero gabi-gabi, ay hindi, sa madaling-araw, mga ala-una, nagigising ako dahil sa sigawan nila. Pinagbabantaan ng lalaki ang babae na papatayin niya. Paulit-ulit pa nga ang laman ng sigawan na naririnig ko sa kanila," naguguluhang sagot niya. "D-Diyos ko!" takot na sambit ng matanda. Saglit na iniwan siya ng matanda, at sa pagbalik nito may dala na itong litrato at ipinakita sa kanya. "Ito ba ang buntis na sinasabi mo?" tanong nito at itinuro ang babaeng buntis sa litrato. "O-Opo, siya po 'yan." "Sigurado ka ba?" "S-Sigurado po ako." "Diyos ko, hija, mag-iisang taon nang patay ang babaeng sinasabi mo." hindi makapaniwalang wika nito. "Ho? Nagbibiro po ba kayo? Nakikita ko po siya, buhay na buhay. At isa pa naririnig ko po ang pag-aaway nila ng asawa niya sa madaling-araw." "Hindi kaya kaluluwa na lamang ang nakikita mo? Dahil sigurado ako na patay na si Elsa, iyon ang pangalan niya." "P-Pero -" sandali siyang natigil bago muling nakapagsalita. Nanlaki ang mga mata niya at hindi makapaniwala sa natuklasan. Nanginig ang buo niyang katawan tindi ng kaba at takot. "Ano po ang ikinamatay niya?" tanong niya bagama't hindi pa rin lubusang naniniwala sa sinabi ng land lady. "Bugbog – tadtad ng saksak. Iyon ang ikinamatay niya. Pinatay siya ng kanyang kinakasama," nahahabag na sagot ng matanda. Gulong-gulo parin ang isip ni Evelyn. Hindi niya alam ang sasabihin. Gumugulo sa isip niya kung maniniwala ba siya o hindi? Kung posible ba’ng mangyari ang lahat na iyon? Guni-guni lang ba? Namamalik-mata lang ba siya? Pero bakit kamukha ng nasa litrato ang babaeng buntis na nakikita niya? "Puwede n’yo po ba’ng ikuwento sa ‘kin ang lahat ng alam niyo tungkol kay Elsa?" pakiusap niya. "Ayon sa mga naririnig ko, isang dating adik ang kanyang kinakasama. Ngunit ng makilala siya ay nagbago ito. Lalo na nang mabuntis si Elsa. Ngunit isang araw ay bigla na lamang bumalik sa bisyo ang lalaki. At gabi-gabi, lasing itong umuuwi. Minsan pa, lulong daw sa droga. At gabi-gabi, sinasaktan si Elsa at pinagbabantaang papatayin. Wala kaming magawa dahil takot kami sa lalaking iyon. Gustuhin man naming isumbong sa pulis ang gagong ‘yon, si Elsa mismo ang pumipigil sa ‘min dahil mahal na mahal niya ang kanyang asawa," kuwento nito. "Dahil po ba sa pagdududa ng asawa niya kaya siya sinasaktan? Kaya siya pinatay?" "Tama ka. Narinig mo ba 'yan sa pagtatalo nila?" Tumango lamang si Evelyn. "Ayon sa mga naririnig namin, isang araw ay nahuli si Elsa ng ka-live-in niya sa isang mall na may kayakap na lalaki. Pero sabi ni Elsa, pinsan niya lamang ‘yon na matagal niya rin na hindi nakita. Pero do’n na nagsimula ang pananakit ng lalaking ‘yon kay Elsa. Sinasabi rin ng lalaki na hindi niya anak ang dinadala ni Elsa. Kahit anong paliwanag ni Elsa ay hindi siya pinaniniwalaan ng kanyang kinakasama. Isang gabi, nagkaroon sila ng matinding pag-aaway. Gustong-gusto na naming mangialam no’n, ngunit natakot din kami. At kinabukasan, natagpuan na lang namin na patay na si Elsa. Naliligo ito sa sarili niyang dugo. Sising-sisi kami sa mga nangyari. Kung tumawag na sana kami ng tulong sa pulis ay buhay pa ang kawawang si Elsa, at ang kanyang magiging anak… At mula no’n hindi ko na pinaupahan pa ang ika-pitong kuwarto... Napakabait at napakalambing na bata ni Elsa. Hindi niya dapat dinanas ang bagay na ‘yon..." luhaang salaysay ng matanda. "Bago po ako umalis papunta rito, nakita ko po siya, si Elsa. At may sinabi po siya sa ‘kin. Hanapin ko raw po ang asawa niya. Nakakulong na po ba ang asawa niya?" "Matapos ang krimeng ‘yon, hindi na nagpakita pa ang Robert na ‘yon. Sigurado akong nagtatago na ang gagong ‘yon. Wanted na ‘yon at pinaghahanap ng mga pulis. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nahahanap ang lalaking ‘yon. Minsan dumadaan ako sa presinto upang makibalita kung nadakip na ang walang-pusong Robert na ‘yon, pero hindi pa rin. Marahil ay hindi matahimik ang kawawang si Elsa dahil hindi pa napaparusahan ang taong pumatay sa kanya. Kaya siguro siya nagpaparamdam at nagpapakita,” gulat na tinuran ng matanda. “Ang pinagtataka ko, ngunit bakit sa ‘yo, na walang alam sa mga nangyari?" Kinabahan si Evelyn nang marinig ang pangalan na binanggit ng land lady na pangalan ng lalaking pumatay kay Elsa na nagpapakita sa kanya. "Robert? Robert ang pangalan ng lalaking pumatay kay Elsa?" kinakabahang tanong niya. "Oo. Bakit, hija?" pagtataka ng land lady. "May picture po ba kayo ng lalaking tinutukoy n’yo?" "Ito siya hija." Itinuro ng matanda ang lalaking nakasombrero sa gilid ng litratong hawak niya, at tsaka niya lang napansin ang pamilyar na mukha ng lalaking nasa litrato. "Diyos ko, si Kuya Robert? Siya ang Robert na pumatay kay Elsa? Hindi ako puwedeng magkamali. S-siya nga ito..." laking gulat niya ng mamukhaan ang lalaki. "Kapatid mo si Robert?" gulat namang tanong ng matanda. "Hindi po. Asawa po siya ng Ate ko. Kakakasal lang po nila noong isang buwan. Hindi pa namin lubos na kilala si Kuya Robert, pero mahal na mahal siya ng kapatid ko kaya wala na kaming nagawa. At nakita naman namin na mabait siya at mahal na mahal niya rin si Ate, kaya pumayag na kaming makasal sila," sagot niya. "May iba pa po ba kayong picture ni Robert? ‘Yong di po nakasombrero, para talagang makasiguro ako," hiling niya sa land lady. Dahil kung isang Robert nga lang ang tinutukoy nila, maaring malagay rin sa panganib ang buhay ng kanyang kapatid. Kumuha ng iba pang litrato ang matanda at inabot inabot sa kanya. "S-Siya nga... Siya nga talaga!" pagkumpirma niya nang makita ang iba pang larawan ng lalaking pumatay kay Elsa na nagngangalang Robert, na siya rin na Robert na kilala niya na asawa ng kanyang kapatid sa probinsiya. "Hija, kailangan nating mapahuli ang lalaking 'yan. Mamamatay tao 'yan. Baka kung ano pa ang magawa niyan sa kapatid mo? Baka kaya sa ‘yo siya nagpapakita, dahil alam mo ang kinaroroonan ng kriminal na ‘yon at alam niyang matutulungan mo siyang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay at ng anak niya." At doon napagtanto ni Evelyn kung bakit niya naririnig ang sigawan sa madaling-araw. At kung bakit nagpapakita at naririnig niyang humuhingi ng tulong ang babaeng buntis. At kung bakit sinabi nitong hanapin ang kanyang asawa. Isang babala pala ito upang iligtas ang kanyang kapatid sa kamay ng mamamatay taong si Robert at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Elsa at ng anak nito sa sinapupunan.     ~ANG GABI NG KAMATAYAN NI ELSA~  DALI-DALING UMUWI si Evelyn. Naguguluhan pa rin siya at may mga katanungan pa rin sa isip niya. Nakatayo siya sa harap ng ika-pitong kuwarto, at pilit niyang nilalakasan ang kanyang loob. May kung anong puwersang tumutulak sa kanyang pasukin ang kuwarto. Alas-dos pa lang ng hapon at maliwanag pa kaya naman lumakas ang loob niyang pasukin ito. Huminga siya ng malalim at nagdasal. “Ano ba’ng iniisip ko?” ‘yon na lang ang nasambit niya dahil ‘di niya talaga alam kung bakit naroroon siya. Nanginginig ang kamay niya nang hawakan niya ang door knob – nanginginig niyang binuksan ito. Hindi na siya nagtaka kung bakit bukas iyon. Basta dahan-dahan niya na lang na binuksan ang pinto para makapasok. Medyo madilim sa loob, ngunit dahil sa liwanag ng araw na mula sa bintana kaya aninag pa rin ang kabuuan ng kuwarto. Nanginginig man at pinagpapawisan dahil sa takot, wala siyang alinlangang tumuloy sa kuwarto. Pagkapasok niya biglang nagsara ang pinto. Napasigaw siya. Nang buksan niya ang pinto hindi niya na ito mabuksan pa. Biglang naging gabi at nawala ang liwanag na nagmumula sa labas. Nilakasan niya ang kanyang loob. Biglang nagbukas ang ilaw sa kuwarto at nagkaroon ng mga gamit doon na parang may nakatira na. Biglang nagbukas ang TV na muli niya na namang ikinagulat. May narinig siyang naghihiwa – paglingon niya nakita niya si Elsa. Naghahanda ito ng lulutuin – matamlay ang mukha. Lumingon ito sa kanya. Napalunok-laway siya. Nagkatitig sila sa isa’t isa. Narinig niya ang paggalaw ng door knob. Napaatras siya nang magbukas ang pinto. Pumasok ang galit na lalaki, pamilyar ito sa kanya. “Kuya Robert?” mahinang nasabi niya. Nanlilisik ang mga mata nitong tiningnan siya. Bakas sa hitsura nito na lasing at tila wala sa katinuan. Ibang-iba ang hitsura nito sa Robert na kilala niya na asawa ng ate niya. Matalim ang tingin nito sa kanya na bakas ang galit. Napaatras siya hanggang sa tumama siya sa pader. Ibinaling ni Robert ang tingin kay Elsa. Nabitawan ni Elsa ang hawak na kutsilyo sa takot. “N-Nagu-gu-tom k-ka na ba?” nauutal na tanong ni Elsa sa asawa. “Naghahanda p-pa lang ako. M-Manood ka muna…” Bakas sa boses nito ang takot. Napagmasdan ni Evelyn si Elsa. May mga pasa na ito sa mukha at sa mga kamay. Marahil ilang beses na itong sinaktan, kaya naman takot na takot ito. Naupo si Robert at kinuha ang remote control ng TV. Itinuloy ni Elsa ang paghahanda ng pagkain. Nagulat siya at si Elsa nang biglang ihagis ni Robert ang remote control sa pader. Nasira ito sa lakas ng pagkakahagis. Tumayo si Robert at nilapitan si Elsa. Napaatras naman si Elsa, at itinutok ang hawak na kutsilyo kay Robert. “Papatayin mo ako? Para magsama na kayo ng lalaki mo!” sigaw ni Robert. “Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo! Wala akong lalaki!” Humakbang palapit si Robert. “Ilabas mo ang lalaki mo! Papatayin ko kayo!” “Subukan mong lumapit! Subukan mo lang!” nilakasan ni Elsa ang kanyang loob. Nanginginig man ang kamay, mas lalo nitong hinigpitan ang hawak sa kutsilyo. “Hayop ka!” dumampot si Robert ng baso sa mesa at ibinato sa mukha ni Elsa, sapul ito at nasugatan malapit sa mata. Nagulat naman si Evelyn – napahawak siya sa kanyang bibig upang hindi magdulot ng ingay. Dinampot ni Robert ang lahat na puwedeng madampot at pinagbabato ito sa kawawang si Elsa. Napapahiyaw si Elsa sa bawat pagtama ng mga bagay sa kanya. At ang mas ininda niya ay ang pagtama sa tiyan niya. “Tama na! tama na!” hiyaw niya. Nabitawan na niya ang hawak na kutsilyo. Napaupo si Elsa sa sahig hawak ang kanyang tiyan. “Ang baby ko! Ang baby ko! Tama naaaaa…” Iyak niya at muling pagmamakaawa. Lumapit si Robert at dinampot ang kutsilyo. Tuluyan na itong nawala sa katinuan. Hindi nito pinakikinggan ang pagmamakaawa ng asawa. Sinipa pa nito si Elsa – sinipa ng paulit-ulit. Dahil sa sobrang takot hindi makagalaw si Evelyn. Napaluha na lamang siya sa takot. Gusto niyang sumigaw ngunit natatakot siyang mabaling sa kanya ang tingin ni Robert. Gusto niyang lumabas ng kwarto ngunit ‘di niya makuhang humakbang. Sinabunutan ni Robert si Elsa. Pulit-ulit pa itong inuntog sa sahig. Wala ng masambit pang salita ang duguang si Elsa, tangin paghiyaw na lamang ang kaya nitong gawin at nakahandusay na ito sa sahig. “Tama na. tama na. tama na…tama na…” mahinang sambit ni Evelyn habang nakatakip pa rin ang mga kamay sa kanyang bibig. Lalong nanlumo ang pakiramdam niya ng mapatitig siya kay Elsa dahil nakatitig din ito sa kanya. Batid niya ang pagmamakaawa sa mga mata nito. “Tulong…” mahinang usal ni Elsa. Ngunit tanging pag-iling lamang nang paulit-ulit ang naging tugon ni Evelyn. Nanginginig niyang iniwas ang tingin niya kay Elsa at sa nangyayari dito. "Walang hiya kaaa! Manloloko kang babae ka! Malandi kaaa! Minahal kita. Binago ko ang sarili ko para sa ‘yo. Nagpakatino ako. Pero niloko mo akooo! Papatayin kitaaaa!" galit na galit na sigaw ni Robert habang sakal-sakal si Elsa. Napatingin muli si Evelyn kina Robert at Elsa. Pamilyar sa kanya ang sigaw na iyon ni Robert. ‘Yon ang parati niyang naririnig sa madaling-araw. Napatingin siya sa orasang nakasabit sa pader – saktong ala-una ang oras. Tuluyan na siyang napaiyak. “Diyos, ko!” hindi makapaniwalang dasal niya nang makitang nasa harapan niya na sina Robert at Elsa. Bigla na lamang siyang napunta sa tabi ng mga ito. Gusto niyang humakbang paatras ngunit ‘di niya magalaw ang kanyang katawan. "Huwag, maawa ka... hindi kita niloloko. Nagkakamali ka sa hinala mo. Wala akong ibang karelasyon. Ikaw lang ang mahal ko! Maniwala ka! Pakiusap, ‘wag mo akong sasaktan. Alang-alang sa magiging anak natin," umiiyak na pagmamakaawa ni Elsa nang tanggalin ni Robert ang pagkakasakal leeg nito. "Anak natin? O anak mo sa kalaguyo mo? Huwag mo na akong paikutin pa. Kitang-kita ng dalawa kung mga mata ang panloloko mo." naging malumanay ang boses ni Robert. At panay na lamang ang iyak ni Elsa. "Pakiusap, hindi kita niloloko. Maniwala ka... ikaw lang ang mahal ko. Anak natin ang dinadala ko, anak mo…” "Tumigil ka naaa! Papatayin kitaaa! Mamamatay ka naaaaa!" muling sumigaw sa galit si Robert at paulit-ulit nitong sinaksak si Elsa. Nagtalsikan ang mga dugo at nagkalat sa buong kuwarto. Napasigaw na lamang nang paulit-ulit si Evelyn habang tinatadtad ng saksak ni Robert ang kawawang si Elsa. At tumalsik ang mga dugo nito hanggang sa mukha niya. “Hindiiii! Hindiii!” ang paulit-ulit niyang hiyaw. At tuluyan nang binawian ng buhay si Elsa. Biglang ibinaling ni Robert ang tingin kay Evelyn. Nanlaki ang mga mata niya sa takot. Doon, nagalaw na niya ang kanyang katawan at nakahakbang siya paatras. Tumayo si Robert na nakatitig pa rin sa kanya at hawak pa rin nito ang kutsiyong kumital sa buhay ni Elsa. Itinutok nito ang kutsilyo kay Evelyn. Takot na takot siyang tumalikod at tumakbo patungong pinto para lumabas. Malapit lang ang pinto kaya agad niya itong narating. Ngunit hindi niya ito mabuksan. Naglalakad palapit sa kanya si Robert. Nasisisigaw na siya para humingi ng tulong. Tinutulak-tulak niya na rin ang pinto at hinahampas para mag-ingay. Biglang may humawak sa balikat ni Evelyn. Duguan ang kamay nito. Nilingon niya ito. Lalong lumakas ang sigaw niya nang makitang si Robert iyon at nakatutok sa kanya ang kutsilyo. Nang sasaksakin na siya nito ay bigla itong naglaho. Inikot niya ang tingin sa kabuuan ng kuwarto ngunit wala na talaga ito. Hangos na hangos na siya at naghahabol ng hininga. Hanggang sa makita niyang gumalaw si Elsa at unti-unti itong bumangon. Halos maligo ito sa sariling dugo. Muli niyang tinangkang buksan ang pinto ngunit hindi talaga ito mabuksan. Papalapit na sa kanya si Elsa. Nagmakaawa siya rito na wag siyang saktan. Nang makalapit ito sa kanya, hinawakan nito ang kanyang mukha. Parehas silang halos naligo na ng dugo. Patuloy pa rin siyang nagmakaawa. Pero wala itong imik. Hanggang sa sumigaw ito ng napakalakas na halos ikabingi niya. At bigla sumabog ang tiyan nito at bumulwak ang dugo sa buo niyang katawan. Muli siyang nagsisisigaw at tinangkang buksan ang pinto. Nabuksan niya ito sa pagkakataong iyon at mabilis siyang lumabas ng pinto ng ika-pitong kuwarto. Nagsisigaw pa rin siya pagkalabas niya. Duguan pa rin ang buo niyang katawan. Tumambad sa kanya ang ilang mga kapitbahay at inilibot niya ang tingin sa mga ito. “Hija, anong nangyari?” Nilingon niya ang nagsalita. Pamilyar ang boses na iyon sa kanya, ang matandang land lady. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala gayun din sa iba niyang mga kapitbahay. Napansin niyang maliwanag ang paligid. At nawala ang dugo sa mga kamay niya at buong katawan. Nilingon niya ang ika-pitong kuwarto. Nakabukas ang pinto nito at ang pagiging abandunado nito ang tumambad sa kanya. Nag-iiyak na lamang siya. Napaupo siya at sinalo siya ng matandang labis na nag-aalala. Nag-aalala ring nilapitan siya ng mga iba pang kapitbahay niya. Nakatingin pa rin siya sa ika-pitong kuwarto hanggang sa isara ito ng isang lalaki.     ~PAGHIHIGANTI NI ELSA~  AGAD UMUWI NG probinsiya nila si Evelyn upang ipahuli si Robert. Kasama niya ang mga pulis dala ang search warrant. Kasama rin ang land lady bilang testigo at para kilalanin ang suspek. Noong unang marinig niya ang kuwento ng matanda, may pag-aalangan pa rin siya. Ngunit nang maranasan niya at masaksihan ang karumaldumal na sinapit ni Elsa sa ika-pitong kuwarto ay lumakas ang loob niya. Natakot siyang baka danasin din ng kapatid niya ang dinanas ni Elsa. Pagdating nina Evelyn sa bahay kanyang kapatid, naaktuhan nilang sinasaktan ng lasing na si Robert ang ate niya. Kaya agad nang kumilos ang mga pulis upang dakipin ang suspek. Ngunit nanlaban ito at hinostage ang kapatid ni Evelyn hawak ang isang kutsilyo. At kahit anong pakiusap ng mga pulis ay hindi sumusuko si Robert. "Robert, pakiusap pakawalan mo ako. 'Wag mo akong sasaktan – buntis ako!" hagulhol na pagmamakaawa ng ate ni Evelyn habang mahigpit na hawak ng kriminal na asawa at nakatutok ang patalim sa leeg nito. Nanlaki ang mga mata ni Evelyn at nanlambot ang mga tuhod sa narinig na sinabi ng kanyang kapatid. "Diyos ko, 'wag niyo pong pababayaan ang ate ko," dasal niya. "Pakawalan mo ako…" isang pamilyar na boses ang narinig ni Robert. At nang tingnan niya ang hawak na hostage, nanlaki nang husto ang kanyang mga mata. "E-E-ELSA?!" napasigaw sa pagkabigla si Robert nang makita na ang mahigpit niyang hawak at tinututukan ng kutsilyo ay ang dating kinakasamang pinatay niya. Naitulak ni Robert ang kapatid ni Evelyn. Agad naman itong tumakbo palapit kay Evelyn na sinalubong niya ng mahigpit na yakap. Nagtaka ang lahat sa ikinilos ni Robert. Bigla na lamang nitong pinakawalan ang halos isang oras nang hostage na asawa at nagsisigaw. Sinisigaw nito ang pangalan ng dating karelasyong si Elsa. "Elsa, patawarin mo ako, Elsa! Patawad Elsaaaa! Patawad! 'Wag kang lalapit Elsa! Lumayo kaaaaa!" paulit-ulit na sigaw ni Robert na wari mo'y tinakasan na ng bait. “Magsasama na tayo ng anak mo, Robert. Mabubuo na ang pamilya natin.” Malambing na wika ng multong si Elsa. Ngunit biglang naging mala-halimaw ang anyo. Naging napakaputla na balot ng dugo ang buong katawan at nanlilisik ang puti lang na mga mata. "Elsa!'Waaaag!" sigaw ni Evelyn na pinagtakahan ng mga taong naroroon. At sa mga sumunod na pangyayari, nagtilian na lamang ang mga taong naroroon sa nakitang pagkitil ni Robert sa kanyang sarili. Gamit ang hawak na kutsilyo ay paulit-ulit nitong pinagsasaksak ang sarili at nilaslas ang leeg. Bumulwak ang dugo mula sa leeg nito at agad na lamang tumumba. Sa sobrang bilis ng mga pangyayari, wala nang nagawa ang mga pulis upang mapigilan at iligtas ang buhay ni Robert. At nang lapitan ito ng mga pulis, wala na itong buhay.   NALAMAN NI EVELYN na matagal nang gustong makipaghiwalay ng kanyang kapatid sa asawang si Robert. Dahil nga sa mga naririnig nitong masamang ugali ng asawa at sa mga bisyo nito tulad ng bawal na gamot, at dahil sa pagiging sadista nito. Ngunit pinagbabantaan ito ni Robert kaya naman hindi nito magawang iwan ang baliw na asawa. Bagama't masaya na ang ate niya dahil malaya na ito, nalulungkot pa rin ito dahil sa wala nang kikilalaning ama ang kanyang magiging anak. Sa pagkamatay ni Robert, kitang-kita ni Evelyn ang tunay na nangyari at tanging siya lamang ang may alam ng katotohanang iyon. Hawak ang kamay ni Robert na may patalim ay pinilit ni Elsa na magpakamatay ito. Paulit-ulit nitong itinurok ang patalim sa katawan ni Robert bago laslasin ang leeg nito at tuluyang bawian ng buhay. Marahil ay iyon ang paraan ni Elsa upang matahimik siya at ang kanyang anak sa kabilang buhay. Alam ni Evelyn na mali ang paraang iyon. Kaya naman nag-sisisi siya na wala siyang nagawa upang hindi na humantong pa sana sa ganoon ang lahat. Naiisip niya kasing hindi niya rin natulungan na matahimik si Elsa. Dahil naging kriminal din ito tulad ng halimaw nitong asawa. Batid niyang hindi solusyon ang isa pang kasalanan para mapagbayaran ang kasalanang nagawa. Sa pag-uwi sa probinsiya para ipahuli si Robert, hindi namalayan ni Evelyn na kasama nila sa biyahe noon si Elsa. Siya ang naging tulay upang matuntun ni Elsa si Robert at makapaghiganti.   NAGHANAP NG BAGONG mauupahan si Evelyn. May kalayuan man sa pinapasukang ospital ay tahimik naman ang kanyang kalooban. Hindi naman niya agad kinalimutan ang mga pangyayari. Gabi-gabi, ipinagdarasal niya na kung nasaan man ngayon si Elsa at ang anak nito, na matahimik ito at maging payapa. Pinagdarasal niya rin na kung sakaling magkakasama silang tatlo ay mapatawad nila ang isa't isa. Napayapa na nga ang kalooban niya at tahimik na ang bawat gabi niya. Pero si Elsa, tahimik na kaya? Si Robert lang kaya talaga ang sinisisi nito sa pagkamatay nila ng kanyang anak? Ito lang kaya talaga ang nais nitong paghigantihan? Wala na nga ba talaga ito sa IKA-PITONG KUWARTO?   ~wakas~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD