"TALKING TO MY SHADOW"
Kumusta ka na?
Okay ka na ba?
Ba't di ka sumagot?
Halos taon ka nang ganyan? Gano'n ba talaga kasakit kapag nawalan ng taong minamahal?
Ba't di ka pa mag-move on? Kailan ka ba huling ngumiti?
Halos wala ka nang mailuha, oh? Pero umiiyak ka pa rin...
Masarap mabuhay! Nasabi mo na ba 'yan sa sarili mo?
Kailangan ba talaga kapag namatayan ka, kapag namatay ang pinakamamahal mo, ituturing mo na ring patay ang sarili mo? Kailangan ba talaga itigil mo ang buhay mo?
Sa tingin mo naiisip ka pa niya? sa tingin mo kapag nagkulong ka lang dito sa kuwarto n'yo pupuntahan ka niya? Babalik ba siya? Mabubuhay? Hindi! Wala na nga siya, di ba?
Maging masaya ka naman, oh! May mga taong nagmamahal sa 'yo, mga taong hininhintay ka. May mundong handang tanggapin ka. Mundong hindi ka sinusukuan, kaya 'wag mong hayaang maiwan ka.
Pakiusap, mabuhay ka! 'Yon ang bilin niya sa 'yo, di ba? Tuloy lang ang buhay. 'Wag mong ihinto! 'Wag mong piliting ihinto! 'Wag kang tanga!
Mahalin mong buhay mo, pakiusap... Hindi pa katapusan ng lahat para sa 'yo...
Alam ko kung gaano ka nasasaktan. Alam ko kung gaano mo siya kamahal. Pero, kailangan mo ba talagang pahirapan ang sarili mo? kailangan ba talaga ganito? Hindi naman ata tama 'yon? Mag-isip ka nga!
...Ang daya nga niya, di ba? Iniwan ka niya – lumisan siya.
Sabi niya magsasama kayo habambuhay – pero di niya tinupad – sumuko siya – sinukuan ka niya. Kaya ba't kailangan mong parusahan ang sarili mo? Siya 'yong may kasalanan. Wala kang pagkakamali, kaya hindi ka dapat nahihirapan. Pero ano 'tong ginagawa mo? Ni hindi ka na masikatan ng araw. Hindi na masayaran ng pagkain o tubig man lang ang tiyan mo.
Inisip mo pang wakasan ang buhay mo. Buti napigilan kita. Baliw ka na...
Bata ka pa, may iba ka pang makikilala. May makikilala kang muling magpapasaya sa 'yo. Hindi ko naman sinasabing kalimutan mo na siya. Ang akin lang, 'wag mong itigil ang mundo mo. Baka talagang 'yon ang kapalaran n'yo? Hindi kayo para sa isa't isa, tanggapin mo 'yon.
May mga tao talagang magiging parte ng buhay mo, pero hindi mo makakasama sa lahat ng panahong gusto mo. Hindi ikaw ang masusunod sa tadhana mo. Maaring pinagtagpo kayo ng kapalaran, pero hindi siya ang nakatadhana sa 'yo. Isipin mo na lang na dumaan lang siya sa buhay mo.
Gawin mong lakas ang kahinaang 'to. Gawin mo 'tong inspirasyon. Muli kang sumubok. Maaring may makilala kang mas magpapasaya sa 'yo, mas magmamahal at hindi ka iiwan.
Maaring siya pa mismo ang gumawa ng paraan para makilala mo ang taong 'yon – ang babaeng tunay na nakatadhana para sa 'yo. Dahil alam kong ayaw niyang ganyan ka.
Maniwala ka, may ibang tao para sa 'yo. 'Wag mong pagdamutan ang sarili mo.
...
...
...
"Paano kung wala?"
Meron 'yan.
"Pa'no kung siya lang talaga? Sa bawat galaw ko, siya lang. Sa bawat salitang bigkasin ko, siya lang. Sa bawat paghinga ko, siya lang. Siya lang... Siya lang. Siya lang, siya lang, siya lang...
Ayaw ko ng iba. Wala nang iba pa..."
Umiiyak ka na naman.
"Ito na lang ang kaya kong gawin. Hindi ko siya kayang isuko."
Pero nauna na siyang sumuko.
"Pero nararamdaman ko pa rin siya. Nandito pa rin siya sa puso ko. Buhay pa rin ang mga alaala niya. Naririnig ko ang pagtawa niya. Sa pagpikit ko, naroon ang matamis niyang ngiti."
Bakit ba kapag nagmahal ka, kailangan talagang ibuhos mo lahat. Ba't di ka nagtira para sa sarili mo? Kundi man para sa sarili mo, sa ibang tao man lang na nagmamahal sa 'yo. Na nasasaktan din tulad mo. Hindi mo naman kailangang saluhin ang lahat. Hindi lang ikaw ang may mga matang may luha. Hindi lang ikaw ang may damdaming nasasaktan. Hindi lang ikaw ang takot mawalan. Takot silang mawala ka...
"Hindi ko kayang pilitin ang sarili kong maging okay. Dahil hindi ako okay. Sobrang hindi. Hindi ko talaga kaya... Ni hindi ko rin nga kilala ang sarili ko! Nagagalit na rin ako sa sarili ko! Ayaw ko na nitong sarili ko..."
...
...
...
Hanggang kailan ka ba talaga ganyan?
"Hindi ko alam? Hanggang nararamdaman ko? Hanggang tumitibok ang puso ko? Siguro hanggang do'n?"
...
...
...
Okay. Okay lang 'yan. Ayos lang 'yan. Sige, okay na. Sige, umiyak ka lang. Sumigaw ka. Humagulhol ka. Pagbibigyan kita. Ilabas mo ang galit mo – magalit ka sa mundo. Ilabas mo ang sakit, hanggang sa mawala – sana mawala. Basta ako, nandito lang para sa 'yo. Hinding-hindi kita iiwan. Pangako.
Nandito lang ako. Hangga't lugmok ka, lugmok din ako. Kapag tumayo ka, tatayo ako. Sa bawat galaw mo, nando'n ako. Sa dilim, di mo man ako makita, pero nandito lang ako – dito lang sa tabi mo.
Hihintayin ko ang liwanag at magkita tayo. Sana makita ko ang pagngiti mo. Sana, di ako mabigo. Aasa ako...
~ until then ~