“MY SMILING SUMMER BOY”
“MY SMILING SUMMER BOY”
By: Xiunoxki
“HOY, MAY-MAY! DALAWANG ARAW NA LANG! KITAKITS TAYO D’YAN! ‘WAG KANG MASYADONG EXCITED MAKITA ANG NGITI KO, HA! HEHE!”
Napangisi ako nang mabasa ko ang text ni Francis, at talagang caps lock pa? Ang nakakairita, nakakainis, pero cute na si Francis. At nagpangiti sa ‘kin last summer. ‘Kikoy’ ang nickname niya na bagay sa makulit niyang personality. At siya lang ang tumatawag sa ‘kin ng ‘May-may’, na sa una, kinainisan ko talaga. Pero kinalaunan, kinatuwa ko at parang may kuryenteng dumadaloy sa buong katawan ko kapag tinatawag niya ako sa pangalang ‘yon.
Nakilala ko siya last year, May 20, 2015. Hindi ko makakalimutan ang araw na ‘yon. Summer no’n. First time ko no’n makarating ng Bikol. Pinayagan akong magbakasyon nina mama at papa sa bahay nina tito Lance na kapatid ni mama, sa barangay ng Igang sa lalawigan ng Catanduanes na isang isla, nang ako ang maging valedictorian sa ‘min sa high school. Pagkarating ko pa lang, kinahapunan, niyaya na ako ni Aileen, pinsan ko na halos kasing edad ko at matagal kong hindi nakita, na sumakay kami ng bangka dahil eksaktong low tide at pantay ang dagat. Na-excite ako no’n dahil first time ko ‘yon. Dahil wala ang dalawa kong pinsan na lalaking sina kuya Alvin at kuya Allan, nangahas na kami ni Aileen.
~~~
HABANG MASAYA KAMING nagsasagwan, nararamdaman ko at nilalanghap ang sariwang hangin na mula sa dagat ng Pasipiko. Malamig ang hangin na tumatama sa balat ko na nagpapatayo sa mga balahibo ko at nililipad-lipad ang mahabang buhok ko. Huminto kami sa gitna ng laot para pagmasdan ang ganda ng tanawin. Ipinakilala sa ‘kin ni Aileen ang lugar nila. Nagkuwento siya nang nagkuwento. Hindi ko na nga minsan maintindihan no’n ang sinasabi niya dahil busy ang aking mga mata sa ganda ng paligid. May mga bangkang umaandar sa karagatan, may mga maiingay na naliligo, mga batang naglalaro, mga sumisigaw na nangingisda, ang mga sumasayaw na dahon ng niyog sa tabing-dagat at ang hindi nakakasawang pagmasdan na mga kabundukan sa isla.
“Ella, nakikinig ka ba?” simangot na tanong sa ‘kin ni Aileen. Nakangiting tumango lang ako.
Mayamaya, natigilan ako nang may nakita akong gumagalaw sa ilalim ng tubig. Lumapit ito sa bangka namin at pumasok sa katig. Napatayo ako sa gulat na muntik pa akong mahulog sa pag-uga ng bangka nang bigla itong lumusong mula sa ilalim ng dagat.
“Ay! Manyak!” sigaw ko. Natawa lang si Aileen sa reaksiyon ko. Pati ‘yong siraulong lalaking biglang lumutang na ikinagulat ko, tawang-tawa rin. Parang gusto kong ihampas sa kanya ang hawak kong sagwan.
“Manyak agad?” nakangiting sabi ng binatang may hawak na pana at nakasuot ng goggles. Lalaking-lalaki ang boses niya at ang ganda ng ngiti niya. Ang puti ng mga ngipin niya na pantay-pantay. ‘Yon nga lang ang itim niya. Totoo nga ang sinabi nina mama sa ‘kin, ‘wag daw akong masyadong maligo sa dagat lalo na kapag tirik ang araw dahil paniguradong iitim ako at sayang lang ang gamit ko ng mga whitening soap at whitening lotion.
Sinamaan ko lang ng tingin ‘yong lalaki na siguro matanda lang ng isa o dalawang taon sa ‘kin. Pero patabingi lang siyang ngumisi. Si Aileen, nagpigil lang ng tawa nang sinamaan ko rin ng tingin.
“Tayo na nga Aileen! Ang daming bad vibes dito!” pagtataray ko. Hindi naman talaga ako likas na mataray. Kaso ginulat niya ako at napahiya ako, kaya ‘yon ang naging reaksiyon ko. Tsaka hindi ko naman siya kilala, feeling close siya!
“Ikaw ba ‘yong taga-Maynila?” tanong no’ng lalaki habang nagmamaneobra kami ni Aileen na iliko ang bangka papunta sa pampang.
“Wala kang paki!” sigaw ko.
“Ang friendly mo naman,” nakangiti pa ring sabi niya.
“Tse!” sagot ko lang. Si Aileen, mukhang tuwang-tuwa pa na pinagtitripan ako ng kung sinong lalaking ‘to na mukhang siyokoy!
“Kailangan mo ng tulong?” tanong uli ng lalaki. Para kasi kaming ‘di makausad.
Binalewala ko na lang na para akong walang narinig at binilisan ko ang pagsagwan para makalayo na sa malas!
“Taray naman neto!” pakantiyaw na sigaw pa no’ng siyokoy nang umaandar na kami. Si Aileen naman, pasimple pa ring pinagtatawanan ako.
“Sina ba ‘yon?” iritang tanong ko kay Aileen nang makalayo na kami.
“Sino ka raw, sabi ng pinsan ko?” pasigaw na tanong ni Aileen. Sa bandang likuran ko siya nakatingin.
Pagtingin ko sa likuran ko, nakasunod pala sa ‘min ang papansin na siyokoy.
“Ako si Francis! Pero puwede mo akong tawaging Kikoy! ‘Yon ang tawag nila sa ‘kin!” pagpapakilala ng nakakainis na lalaki. Sa isip ko, Wala akong paki! Siyokoy ka nga!
Mas binilisan ko pa ang pagsagwan kasabay ng paglaki ng mga butas ng ilong ko sa pagkairita ko sa ekstrangherong nagpipiling close na lalaking ‘yon!
“Ikaw, anong pangalan mo?!” narinig kong sigaw ng lalaki na naiwan na namin. Nagbingi-bingihan ako. Kaso mukhang nahawaan ng pagkaepal ng lalaking ‘yon ang pinsan ko!
“Ella Mae! Siya si Ella Mae!” sigaw ni Aileen. Sagot niya sa lalaking ‘yon! Pinandilatan ko siya ng mga mata, pero tinawanan lang ako.
“May-may?!” muling sigaw ng lalaki na paniniguro sa sagot sa kanya ni Aileen.
~~~
‘YON ANG ARAW na nakilala ko siya, si Kikoy. Hindi ko makakalimutan ang araw na ‘yon. At ‘yon ang unang beses kong marinig ang pagsambit niya ng pangalang ‘May-may’ na ako ang pinatutungkulan. Nabingi na yata siya sa kakasisid niya?
~~~
KINAGABIHAN, PUMUNTA KAMI sa plasa ni Aileen para manood ng championship game ng basketball na liga sa barangay. Kasali ang mga kuya kong pinsan at kami ni Aileen ang tagasigaw nila kasama ang ilang kaibigan ni Aileen na pinakilala niya na rin sa ‘kin. Ang nakakainis lang, ka-team nina kuya Alvin at kuya Allan ang siyokoy! Matangkad pala siya at maganda ang pangangatawan. Kitang banat sa trabaho at…at guwapo siya sa pataas na ayos ng buhok niya. Magaling siya maglaro, ilan lang ang mintis niya sa pag-tira niya sa three-point shot. Madalas din siyang makaagaw ng bola at magaling magdala ng bola. Siya ang halos tinitilian ng kababaehan at paulit-ulit na isinisigaw ang pangalan niya. Malamang, bolero siya? Mukhang sanay na sanay na siyang mambola. Napangiwi na lang ako. Ewan, basta ang yabang ng tingin ko sa kanya! At nakakainis ang mga pasimple niyang tingin sa ‘kin na may pangisi-ngisi pa! Piling niya tinitingnan ko rin siya at ngingitian ko siya?! Lakas maka-assume?! Gano’n?!
“Kikoy! Kikoy! Kikoy!” malakas na tilian ng mga dalagitang kasing edad ko at ‘yong iba, mas bata pa ata sa ‘kin. Okay naman, dahil ka-team sila ng mga pinsan ko at marami sila supporters. Pero, Diyos ko, kung ako ang titili ng gano’ng kalakas, kay Daniel Padilla na o kay James Reid. Hindi sa… okay, guwapo, pero siyokoy pa rin siya!
Umepal din si Aileen. Siniko niya ako at binulong sa ‘kin na kahit ‘di ko naman tinatanong na si Kikoy raw ang star player at naging MVP last year. At sinundot pa ako sa tagiliran sabay tuya na parang sinasabi niya sa ‘kin na kinikilig ako kahit ‘di naman. Pero ewan? Sa totoo lang napapatitig ako sa Kikoy na ‘yon. Cute siya at ‘di naman pala siya gano’n kaitim, ‘yong tipong morenong medyo sumobra lang. Siguro alam niya sa sarili niyang may hitsura siya kaya masyado siyang feller at nasinghot na niya lahat yata ang hangin mula sa dagat Pasipiko kaya nasobrahan na ang kayabangan niya. Sa tuwing makaka-shot siya, nagsisigawan ang kababaehan at nagtataas siya ng kamay niya na parang pinapangalandakang ‘ang galing ko!’ Ang nakakainis pa, tumitingin siya sa ‘kin at kinakawayan ako sabay kindat pa. At nakakainis din ang pinsan kong si Aileen nang muling bumulong siya sa ‘kin.
“Walang gf ‘yan,” kilig na bulong niya. Para niya akong pinamimigay! Kinirot ko nga! Pero pinagtawanan lang ako.
NANALO ANG TEAM ng mga pinsan ko at si Kikoy ang tinanghal na MVP. Parang mas lalo siyang naging ma-ere. Buti na lang wala ng speech, kung nagkataon baka puro kahambugan lang ang lalabas sa bibig no’n.
Sumabay sa ‘min nina Aileen ang mayabang na siyokoy umuwi dahil tapat lang pala ng bahay nina tito ang bahay nila. Nagkaroon ng tuksuhan. Ewan ko ba kung bakit parang pinu-push ng mga tao ang love team namin kuno ng Kikoy-siyokoy na ‘yon? At pinahawakan pa sa ‘kin ng siyokoy ang trophy niya bilang MVP. Tuwang-tuwa siyang pagtripan ako, at pati na ang mga pinsan ko kahit alam nilang pikon ako. Nag-walk-out nga ako.
DESPERAS NG PIYESTA, maaga pa lang naririnig ko na ang iyak ng mga kinakatay na baboy. May isang baboy na kinatay sina tito Lance at nakinood ako kung paanong gawin ‘yon. Kaso katulong ng tito at mga pinsan ko ang epal at nagpatimpla pa ng kape sa ‘kin. Kundi nga lang dahil kay tito Lance ‘di ako susunod. At talagang sumama pa sa ‘kin ‘yong siyokoy sa pagtimpla ko ng kape niya sa kusina.
“Ba’t parang galit na galit ka sa ‘kin?” nakangiting tanong ni Kikoy, komento niya sa pagtahimik ko at ‘di pagpansin sa kanya habang pinagtitimpla ko siya ng kape. “Grabe, parang diring-diri ka sa ‘kin. Wala akong nakakahawang sakit, miss. Promise,” nakangiti pa ring sabi niya nang ‘di ako matinag sa ‘di pagpansin sa kanya.
Tinalikuran ko lang siya at narinig ko ang ngisi niya. Sa loob ko, gusto ko na rin tumawa. Pikon ako, pero palakaibigan naman ako. Pero ewan ko ba, kung bakit parang may tupak akong kaibiganin siya.
Naramdaman kong may pumigil sa ‘kin hawak ang kaliwang kamay ko, kaya napalingon ako sa likuran ko. Nakita ko ang matamis na ngiti niya. Parang huminto ang oras at napatitig ako sa kanya. Parang biglang lumiwanag ang paligid. Na sinabayan ng unti-unting pagbilis ng pintig ng puso ko.
“Gusto ko lang makipagkaibigan,” sabi niya. Hindi ako nakaimik. Natameme ako sa isang probinsiyano. Napatingin ako sa kamay niya hawak ang kamay ko. Malamig ang kamay niya na gumapang ang lamig sa buong katawan ko – pero bigla rin uminit ang ulo ko na parang gustong umusok ng mga butas ng ilong ko sa inis! May dugo ang kamay niya! Dugo ng baboy na kinatay nila nina tito, at hinawak niya sa kamay ko?!
“Nakakainis ka talaga!” sigaw ko at sinamaan ko siya ng tingin. Nagsilapitan sina Aileen, kuya Allan, kuya Alvin at tito Lance para alamin ang nagyayari sa ‘min sa kusina.
“Sorry,” nakangiti pa ring paghingi niya ng paumanhin. Hindi ko alam kung sincere siya o pinagtitripan pa rin ako? Tumalikod na lang ako at mabilis na tinungo ang gripo. Narinig kong sinabi ni tito kay Kikoy-siyokoy habang naghuhugas ako ng kamay na ‘wag akong pagtripan. Pero sumagot lang si ungas na ‘di niya ako pinagtitripan, na seryoso siyang gusto niya akong maging kaibigan. Pero naririnig ko naman na tumatawa siya.
Habang paulit-ulit kong kinukusot ang kamay ko ng sabon, lumapit na naman si epal!
“Sorry talaga, May-may,” sabi niya.
“Hindi ‘May-may’ ang pangalan ko!” inis na sagot ko.
“Bagay sa ‘yo ang ‘May-may’,” pagpipilit niya pa. Hindi na lang ako sumagot. “Puwede ba kitang yayain sa sayawan mamayang gabi sa plasa?” nakangiting tanong niya.
Akala niya yata lahat ng babae mahuhulog sa ngiti niya kaya lagi siyang nakangiti? Puwes ibahin niya ako! Marami kayang mas cute pa sa kanya sa Maynila. ‘Di ko siya pinansin.
“Oops, sorry,” sabi ko nang matapon ko sa tiyan niya ang hawak kong tubig. Pero sinadya ko naman na kunwari nasagi ko siya na ‘di sinasadya habang paalis ako.
“Pinapatawad na kita!” natatawang sagot niya nang makalayo na ako sa kanya. Palihim akong napangiti.
DINIG NA ANG malakas na tugtog ng sound system sa plasa na nagyayaya sa mga taong tunguhin na ang plasa para magsayawan at ipagdiwang ang piyesta. Invited ang mga kalapit na barangay kaya maraming tao. Paglabas namin ng bahay ni Aileen, bumungad sa ‘min si Kikoy-na-hindi-mukhang-siyokoy. Nakangiti na naman siya. Nang yayain niya ako kanina, natawa ako sa isip ko nang maisip ko kung ano kaya ang isusuot niya? Akala ko makakakita ako ng baduy na binata. Pero nagkamali ako. Katulad din sa mga taga-Maynila ang porma niya na mas bumagay pa nga sa kanya dahil matangkad siya at maganda ang pangangatawan. Mas lalong lumutang ang kaguwapuhan niya. At talagang napatingin ako sa kanya, mula ulo hanggang paa. Simpleng black t-shirt lang naman ang suot niya na may tatak ng pangalan ng paborito niya yatang banda, skinny jeans ang pants niya at high cut shoes na kulay grey at blue.
“Parang naka-couple shirts pa tayo, ah?” sabi niya nang makita ang suot ko. Nakaitim din kasi ako at naka-skinny jeans din, at high cut din ang sapatos ko. “Mukhang ginaya mo ang ang porma ko, ah?” nakakainis na komento niya pa nang tingnan ang kabuuang porma ko. Nakakairita talaga ang kapreskohan niya!
“Sobrang yabang mo talaga!” sabi ko lang at hinila ko na si Aileen na pinagtatawanan ako.
Hinabol kami ni Kikoy kasama na sina kuya Allan at kuya Alvin. “Ba’t ba allergic ka sa ‘kin?” tanong niya.
“Nagtanong ka pa? Eh, ang yabang mo kaya!” singhal ko.
Ngumiti lang siya. “Kailan ako nagyabang? Kailan kita yinabangan?” tanong niya. Wala akong nasagot, tuloy lang ako sa paglalakad. Basta ang alam ko, nayayabangan ako sa kanya. Pero kailan nga ba siya nagyabang at ba’t ko nasabing mayabang siya? Ah, ewan!
Nang marating namin ang plasa, sobrang saya ko. Unang beses kong makipagsayawan sa isang baryo. At dahil first time ko, ‘di ako nagpabebe. Talagang humataw ako ng sayaw dahil halos lahat naman hataw. Hindi ko mapigilang sulyapan ang moves no’ng Kikoy na ‘yon. Mukhang mahilig siya sa rock music tulad ko dahil mas ganado siya kapag rock ang tugtog. Napapaiwas na lang ako ng tingin kapag napapatingin siya sa ‘kin. May taga-ibang baryong pilit nakikipagsayaw sa ‘kin sa dance floor habang hataw ang lahat, pero humaharang si Kikoy-na-hindi-na-siyokoy-sa-paningin-ko. Dahil siguro napapansin niya na naiilang ako at umiiwas sa mga boys na nakikipagsayaw sa ‘kin. Pasimple siyang sasayaw-sayaw sa harap ko para ‘di makasingit ang ibang binatang lumalapit sa ‘kin. Mabilis ang tugtog pero parang bumagal ito, nakatingin ako sa nakangiting binatang kasayaw ko – si-Kikoy-na-kinaiinisan-ko-na-parang-ngayon-ayaw-ko-nang-umalis-sa-harap-ko-at-gusto-kong-isayaw-niya-ako-hanggang-sumikat-ang-araw. In instant, parang nakatagpo ako ng prinsipeng handa akong ipagtanggol ano mang oras. Kaya nang yayain niya akong makipagsayaw sa kanya ng sweet sa saliw ng love song, ‘di na ako tumanggi. Para akong kinuryente nang hawakan niya ang mga kamay ko at ipatong niya sa magkabilang-balikat niya. Masuyo siyang yumuko, idinikit niya ang noo niya sa noo ko. Para akong sasabog sa bilis ng t***k ng puso ko. Huminto ang oras at parang nawala ang lahat. Siya at ako na lang ang nakikita ko sa gitna ng plasa – sa napakaganda at perpektong gabing ito ng desperas ng piyesta.
~~~
NAPAKA-MAGICAL NG GABING ‘yon. Parang panaginip. Na pag-aari namin ang gabing ‘yon. Doon nagsimula ang pagkakaibigan namin. Nawala na ang inis ko sa kanya. Pero minsan, naiinis pa rin ako dahil mayabang ngang talaga siya. Pero kayabangan na makukyutan ka.
Dahil dalawang linggo lang naman ang itatagal ko sa Bikol, sinabi ni Kikoy na sulitin namin ang mga araw na nando’n ako. Kaya pinasyal niya ako at nagsilbi siyang tour guide ko. Nagbangka kami at isinama niya ako sa pangingisda, namundok at kumuha ng buko, nagmotor papuntang bayan kahit walang bibilhin, at pumunta sa beach resort na nasa barangay rin ng Igang. Naging nakapasaya ng summer ko na ‘yon, na naging mas lalong masaya dahil sa mga ngiti niya.
Pagbalik ko ng Maynila, hinatid niya pa ako sa pier. Nangako kami sa isa’t isa na sa susunod na summer, muli kaming magkikita. Kung hindi man ako makapunta ng Bikol, siya ang luluwas ng Maynila at ako naman ang magiging tour guide niya. Isang malalim na pagkakaibigan lang ang namagitan sa ‘min ni Kikoy. Walang ligawang naganap o pagpapahayag ng pagkagusto sa isa’t isa bilang higit pa sa magkaibigan. Pero sa totoo lang, hindi lang isang simpleng kaibigan ang turing ko na sa kanya – mukhang higit pa. Pero hindi puwede, dahil hindi ‘yon ang priority ko. Gusto ko munang makapagtapos ng pag-aaral at tuparin ang pangako ko kina mama at papa. At isa pa, bata pa ako sa tingin ko para ma-in love.
Nami-miss ko ang mga ngiti niya. Mga ngiti niyang sa una’y kinainisan ko, pero ikinasasaya ko nang makita at ngayo’y hinahanap-hanap ko.
Summer na, at tutuparin namin ni Kikoy ang usapan naming magkikita kami. Dahil hindi ako puwedeng pumunta ng Bikol, siya ang luluwas ng Maynila. Pero hindi lang ako ang dahilan nang pagluwas niya. Pupunta siya rito, para makita ang girlfriend niya – si Gemma, na best friend ko.
Oo. Matalik kong kaibigan ang nobya ngayon ni Kikoy. At ako pa mismo ang dahilan para magkakilala sila.
Humingi sa ‘kin ng text-mate si Kikoy. Para raw kasing ayaw ko siyang ka-text. Kaya nagtatampo raw siya sa ‘kin. Minsan kasi hindi ako nagre-reply sa mga text niya kahit may load ako. Ayaw ko talaga kasing tuluyang ma-fall sa kanya. Tingin ko rin kasi, simpleng kaibigan lang ang tingin niya sa ‘kin – ayaw kong masaktan sa bandang huli.
Ayaw ko sanang bigyan siya ng number ng iba dahil parang nagseselos akong may ka-text siyang iba. Pero dahil ayaw kong mas lumalim pa ang nararamdaman ko sa kanya, kaya ibinigay ko ang number ng kaibigan kong si Gemma na noo’y kaka-break pa lang sa nobyo niya. Naging malapit sila… at ako… nabalewala.
Kilig na kilig si Gemma makalipas ang anim buwan nang ibalita niya sa ‘kin na sila na ni Kikoy. Nagpasalamat siya sa ‘kin. At may sinabi siyang nagpaluha sa ‘kin pagtalikod niya. Gusto ako ni Kikoy higit pa sa isang kaibigan. Pero natatakot siyang masira ang pagkakaibigan namin at mukhang kaibigan lang daw ang turing ko sa kanya kaya ‘di niya itinuloy ang panliligaw niya sa ‘kin. Pero ngayon naka-move on na raw siya sa feelings niya para sa ‘kin at si Gemma na nga ang mahal niya.
Ang lalaking akala ko kaibigan lang ang turing sa ‘kin na unti-unti kong nagugustuhan, ay gusto pala ako. Gusto ako ni Kikoy. Si-Kikoy-na-mayabang-at-kinaiinisan-ko-na-minahal-ko… na minamahal ko. Si Kikoy na ngiti ng last summer ko, na siya ngayong heartache ng summer ko.