WHEN SHE FALL IN LOVE
By: XIUNOXKI
(ANG KUWENTO ITO AY KATHANG ISIP LAMANG… O, HINDI?)
“‘Yong feeling ng ma-in love? Matamis? Nakakakilig? At iyan ‘yong, ayaw mo siyang mawala sa paningin mo. Gusto mo sa ‘yo lang siya. Gusto mo, ikaw lang ang tinitingnan niya. At ayaw mong pahawakan siya sa iba, kahit dulo ng daliri niya, o kahit dulo ng kuko niya…”
Ganyan ma-in love si Krisabel. Pero wala pa siyang naging nobyo. Pero in love siya, matagal na.
Isang tricycle ang huminto sa tapat ng tindahan ni Krisabel. Bumaba ang binata na nagpahinto sa oras niya na feeling niya nasa romantic movie siya at napakabilis ng t***k ng puso niya. “Hi, Bel!” matamis ang ngiting bati ng binata. Iyan ang kinalolokohan niya, si Jose. Isang tricycle driver, binata, guwapo, matipuno, mukhang mabango kahit pawisan, at ang pinakahinangaan niya rito ay ang dalawa nitong dimples sa magkabilang-pisngi.
“Hi, Jose!” kilig na tugon ni Krisabel na may pagguhit pa ng puso sa hangin.
“Pautang naman, kahit isang bote ng long neck lang. Nagkayayaan kasi ang tropa,” sweet na hiling ni Jose.
Pa-sweet din ang ikinilos ni Krisabel pero mabilis pa sa kisapmata. Agad niyang inabutan ng dalawang bote ng alak si Jose. “Dalawahin mo na. Baka mabitin kayo ng tropa mo,” malambing na sabi niya.
Sinadyang mahawakan ni Jose ang kamay ni Krisabel nang kunin nito ang mga bote ng long neck na nakalagay na sa plastik. “Salamat, Bel,” pasasalamat ng binata na may kasamang kindat at pagpapalalim ng mga dimples sa mukha bago ito umalis sakay ng tricycle.
Hindi naman magkamayaw sa kilig si Krisabel na parang gusto nang maihi. Patalon-talon pa siya sa loob ng maliit niyang tindahan. Kung nililista niya lang ang mga nakuha ni Jose sa tindahan niya, isang notebook na ang nakonsumo niya. Ulila na si Krisabel, at mag-isa na sa buhay dahil wala naman siyang kapatid. Sampung taong gulang siya nang mamatay ang kanyang ina, at noong isang taon naman namatay ang kanyang ama. Malayo sa mga kabahayan ang bahay nila na may mataas na bakod. Pero hindi naman siya nalulungkot sa buhay niya kahit mag-isa lang siya at ni kaibigan wala. Para sa kanya kasi, kasama niya lang lagi ang mga magulang niya at binabantayan siya. At may Jose siya na inspirasyon niya para magpatuloy sa buhay at maiisipang huminga paggising sa umaga.
Bago pa lang sa baryo nila si Jose. Galing itong Maynila at ngayon nakatira sa lola nito. Ulila na rin si Jose at wala ring kapatid. Nang unang makita pa lang ni Krisabel ang binata ay humanga na siya rito. Nasakay siya nito sa minamaneho nitong tricycle nang galing siya sa bayan at namili ng paninda. Hinangaan niya ang lakas nito nang buhatin nito ang mga bigas na pinamili niya. At nang malaman niya ang kuwento ng buhay nito sa pagiging ulila rin nito, naisip niyang itinadhana silang magkakilala at magsama. Halos isang taon at kalahati na niya ring minamahal ang binata. Na ewan kung lihim dahil mukhang inuuto na siya nito at ginagamit ang charm nito para mapautang niya.
“Akin ka lang, Jose,” usal ni Krisabel. Lumabas pa talaga siya ng tindahan niya para tanawin ang binata. At nagdisesyon siyang maagang magsara ng tindahan.
Naligo si Krisabel na todo kuskos sa katawan at tatlong beses pa nagsabon at nag-shampoo. At kanina, limang beses siyang nagsipilyo. Nakangiti siyang pumasok sa kuwarto niya para magbihis. Makikita sa kuwarto niya ang mga koleksiyon niya ng mga pictures ni Jose na nakadikit sa mga dingding na palihim niyang kinunan. Mga kuha sa kung saan-saang lugar. Pina-print niya ang mga pictures na may iba’t ibang sukat. Ang pinakamalaking picture ay nilagay niya pa sa frame. Ang pinakapaborito niya sa mga litrato ay ang kuha ni Jose habang mahimbing na natutulog sa bahay nito. Pina-print pa niya ang isang litrato kung saan mahimbing na natutulog si Jose sa punda ng unan niya na lagi niyang yakap kapag matutulog na siya, hahalikan niya ito bago pumikit at hahalikan muli pagkagising niya sa umaga.
MASAYANG nakikipag-inuman si Jose sa dalawang tropa niya sa likod ng kanilang bahay, nagkakantahan sila na may gitara. Ang hindi alam ni Jose, may mga matang nakamasid sa kanya.
“Nauto mo na naman pala ‘yon? Astig ka talaga, boy!” natatawang papuri kay Jose ng isa niyang kaibigan at nakipag-apir pa ito sa kanya.
“Ako, pa!” pagmamalaki sa sarili niyang komento.
“Sayang ang babaeng ‘yon. May hitsura pa naman,” tawa rin ng isa niya pang kaibigan.
“Kaso parang may sayad?” muling tawa ng isa.
“Talagang may sayad!” natatawang komento din ni Jose at sumenyas pa ng paikot sa sentido.
Napakuyom ng mga kamao ang taong kanina pa nakabantay sa kanila na nagtatago sa kakahuyan.
NATAPOS ang inuman nina Jose at nagpasya nang umuwi ang mga kainuman niya. Bago siya pumasok sa bahay, pinuntahan niya muna ang tricycle niya para kunin ang susi nitong nakakabit pa sa motor nito. May nakita siyang nakaupong taong nakamaskara sa loob ng tricycle na ikinagulat niya. Nakaitim na jacket ang taong tumambad kay Jose at may hawak na tubo, at agad siyang nawalan ng malay nang hampasin nito ang tubo sa ulo niya.
NAGISING si Jose na hilo pa rin dahil sa tama ng alak at sa pagkakapalo sa ulo niya. Nandilat ang mga mata niya sa tumambad sa kanya. Nasa maliit siyang kuwarto na walang gamit at katabi niya ang dalawang bangkay ng kaibigan niyang kanina’y kainuman niya pa lamang. Laslas ang leeg ng mga ito at nagkalat ang dugo sa sahig na pumahid na rin sa katawan niya. Gustuhin mang sumigaw ni Jose ay hindi niya magawa dahil naka-duck tape ang bibig niya. At gustuhin niya mang bumangon ay hindi niya rin magawa dahil nakatali ang mga kamay at paa niya. Pag-iyak na lang at pagsigaw sa isip ang nagawa niya. Sa isang sulok, nakita niya si Krisabel na may takip din ang bibig at nakatali rin tulad niya. Makikita rin sa mukha ni Krisabel ang labis na takot.
Nilakasan ni Jose ang loob niya. Dahil abot naman ng nakatali niyang mga kamay ang bibig niya, inalis niya ang tape sa kanyang bibig. Gamit ang ngipin niya, inalis niya ang pagkakabuhol ng tali sa kanyang kamay. Nagtagumpay siyang maalis ang tali at sinunod niya ang tali sa kanyang paa. Nakiramdam muna si Jose sa paligid at pinakiramdaman ang labas ng kuwarto kung sakaling pumasok ang taong may gawa nito sa kanila bago nilapitan si Krisabel at pinakawalan ito. Agad niyang nakalas ang nakatali kay Krisabel dahil hindi ito mahigpit, ‘di tulad ng pagkakatali sa kanya.
Isang mahigpit na yakap ang isinukli ni Krisabel sa ginawa ni Jose. Pinakawalan niya ang matagal na niyang pananabik sa binata na mayakap ito at madama ang init ng katawan nito. Idinampi niya pa ang kanyang labi sa pawisang leeg nito at nilanghap ang amoy nito. Isang pangarap ang natupad para kay Krisabel, isang panaginip na ayaw na niyang magising. Pero walang forever, itinulak siya ng binata palayo.
“Ano ba’ng ginagawa mo? Kailangan na nating makaalis dito,” sabi ni Jose at tinungo ang pinto para buksan ngunit naka-lock ito.
Nilapitan ni Krisabel si Jose at hinaplos ito sa mukha na may nangungusap na mga mata. “Mahal mo rin ako, ‘di ba? Kaya mo ako pinakawalan dahil gusto mo rin ako, tama?” masuyong tanong niya at pilit nilalapit ang labi niya sa labi ni Jose.
“Ano ba’ng pinagsasabi mo?” muling itinulak ni Jose si Krisabel. “Ang dapat nating gawin ang makatakas dito. Hindi ako papayag na mamatay ako tulad nila.” Itunuro nito ang mga kaibigang wala nang buhay na nakahandusay sa sahig. Hindi pa rin ito makapaniwala sa mga nakikita at napahawak ito sa ulo nang muling makaramdam ng pagkahilo.
“Walang tatakas. Dito na tayo titira! Magsasama na tayo sa bahay ko!” sigaw ni Krisabel.
Napaatras si Jose. “A-Ano’ng sinasabi mo?” naguguluhang tanong nito.
“Ikaw at ako. Tayong dalawa. Magsasama na tayo. Akin ka na, Jose,” makapanindig balahibong rebelasyon ni Krisabel at humakbang siya palapit sa binata. Abot tainga ang ngiti niya at nanlilisik ang mga matang nakatingin kay Jose na animo’y pagtitig ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Na may halong pagnanasa na hinuhubaran na sa isip niya ang binata.
“I-Ikaw ang – ?”
“Oo! Ako!” sagot ni Krisabel sa naguguluhang binata. May binunot siyang baril sa likod niya at itinutok kay Jose. “At hindi na ako papayag na makaalis ka pa!” ipinutok ni Krisabel ang baril at tinamaan si Jose sa binti na nagpatumba rito.
Napasigaw sa sakit si Jose hawak ang napinsalang binti at pinilit bumangon, at nagmakaawa. “Pakiusap, Krisabel, ‘wag mong gawin ‘to. ‘Wag mo akong papatayin. Pakawalan mo ako,” iyak nito.
“Sshhh, ‘wag kang umiyak,” pagdamay ni Krisabel sa binata at pinahid ang luha nito sa mukha.
“Ano ba’ng kasalanan ko sa ‘yo?”
“Wala kang kasalanan, mahal ko. Minahal lang kita.” Tumayo si Krisabel. “Kaya akin ka na!” sigaw niya at pinukpok ang ulo ni Jose gamit ang baril na nagpawala sa malay-tao nito.
MATAMIS na pinagmamasdan ni Krisabel ang maamong mukha ni Jose. Tulog ang binata na nakatali ang mga kamay at paa sa magkabilang-dulo ng kama. Nasa kuwarto na sila ni Krisabel kung saan naroon ang mga koleksiyon ng larawan ni Jose. Nahiga si Krisabel sa tabi ng mahimbing na natutulog na binata. Iginuhit niya ang daliri niya sa gitna ng mukha nito, mula noo, pinatawid sa ilong hanggang sa mapupulang labi nito. Hindi na nakatiis si Krisabel at hinalikan niya ang labi ni Jose. Para siyang kinukuryente sa kilig, isang pangarap na namang natupad.
Unti-unting dumilat si Jose dama ang sakit ng mga natamong pinsala sa katawan. Nalalanghap niya ang ‘di kaaya-ayang amoy, amoy ng nabubulok na bangkay.
“Hi, love. Ang guwapo mo talaga,” matamis na bati ni Krisabel. Iba na ang suot ni Jose, naka-amerikana na ito at nakasuot ng itim na sapatos na balat. Iba na rin ang bihis ni Krisabel, bulaklaking bistida at naka-make up na siya ng makapal at lipstick na pula. Mapang-akit siyang lumapit kay Jose na ipinapakita pa ang mapuputi niyang hita at isinusuklay ang daliri sa mahaba niyang buhok. “Oops, ‘wag muna. Later na lang. Mag-dinner muna tayo,” saway niya nang maupo siya sa tabi ng binata. Nasa isip niya na marahil ay sabik na sabik na si Jose sa kanya. Pero ang katotohanan, ay takot na takot si Jose at baliw na halimaw ang tingin nito sa kanya.
“Bakit mo ba ‘to ginagawa?” iyak ni Jose habang kinakalas ni Krisabel ang tali nito sa kamay at sinuutan ito ng posas.
“Dahil love kita. Ang sabi ng paborito kong author na si ‘Xiunoxki’ nang maka-chat ko siya sa f*******:, ‘ang love ay ‘di mo makukuha sa pa-cute lang, kailangan may aksiyon!’ Kaya ito, umaksiyon na ako. Gusto mo naman ako, ‘di ba? Nararamdaman ko ‘yon. Kaya nga ang bait mo sa ‘kin, ‘di ba? Kaya nga araw-araw kang dumadalaw sa tindahan ko? Kaya lagi kang umuutang, dahil ayaw mong makalimutan kita. Iyon ‘yon, tama? Kundi mo ako gusto, sana hindi ka naging malapit sa ‘kin.”
Napahagulhol na lang si Jose. “Baliw ka na. Baliw ka!”
“Tama. Baliw na baliw ako sa ‘yo, Jose...” matamis na tugon ni Krisabel at hinalikan sa labi ang binata na nagdarasal sa isip nito na sana’y masamang panaginip lamang ang lahat.
Pinatayo ni Krisabel si Jose nang matanggal niya na rin ang tali nito sa paa at inutusan itong maglakad palabas ng pinto ng kuwarto. Hawak niya ang baril at nakatutok ito sa binata kaya wala itong magawa kundi ang sundin siya kahit pa hindi ito makalakad ng maayos dahil sa sugat nito sa binti.
Nang marating nila ang sala, muling napaiyak si Jose sa nakitang mga bangkay na nakaupo sa sofa at halos mapaupo ito sa panghihinang umatake rito – ang lola nitong nakabalot ng plastik ang ulo at si Ruby na pinopormahan nito na tindera sa palengke na wasak na ang mukha, at ang aso nitong si Spot na wala naman talagang spot dahil kulay brown lang na hiwalay na ang ulo sa katawan.
Hinila na ni Krisabel si Jose at pinaupo sa nakahandang table for two sa kusina. May nakasinding kandilang nakapatong sa puwet ng tasa sa mesa at pagkaing binili ni Krisabel sa malapit na karenderya kanina habang wala pang malay si Jose, at may mga bulaklak pa ng rosas na nakalagay sa baso na pinitas lang niya sa tanim ng kapitbahay. “Pasensiya na kung medyo mabaho, ah. Si Ruby kasi, dalawang araw na siyang ganyan. Napansin ko kasing ang sweet mo sa kanya, kaya tinodas ko na. ‘Yong aso mo naman noong isang linggo pa ‘yan. Ang lambing mo kasi d’yan at lagi mong hinihimas ang ulo, kaya pinugutan ko. Sorry nga pala kung nagsinungaling ako nang tanungin mo ako kung nakita ko ‘yan. Ang lola mo naman, kanina lang ‘yan. Naisip ko kasing baka ma-miss mo kaya dinala ko na rito,” may ngiti sa mukha ni Krisabel matapos niyang magpaliwanag, at inalok nang kumain si Jose na napapailing na lang sa pag-iyak at ‘di pa rin makapaniwala sa mga nangyayari. “Sorry na talaga sa amoy. Masasanay ka rin. Ako noong isang taon, nang patayin ko si papa, ilang araw ko ring tiniis ang amoy niya. Gano’n din nang patayin ni papa si mama noong bata pa ako. Halos mailabas ko na no’n ang bituka ko sa kakasuka dahil sa baho.” May lungkot sa mukha ni Krisabel. Ngayon lang may nakaalam ng bagay na ‘yon. Pero hindi pa ‘yon ang buong katotohanan.
Ang dahilan kaya pinatay ng kanyang ama ang kanyang ina ay dahil gusto nang makipaghiwalay ng kanyang ina sa may sayad niyang ama. Nagkaroon ng ibang lalaki ang kanyang ina at gusto na sila nitong iwan, pero dahil din ‘yon sa pananakit ng kanyang ama. Noon pa man, takot na si Krisabel sa kanyang ama, nakita niya kung paano nito saktan ang kanyang ina at maging siya napagbubuhatan din nito ng kamay. At nang makita niya mismo ang pagkitil ng kanyang ama sa kanyang ina, mas lalo siyang nabalot ng takot. Takot na naging galit at pagkasuklam sa paglaki niya. Gusto nang kalimutan ni Krisabel ang mapait niyang kahapon, pero patuloy pa rin siyang tinutugis nito. Pero dinadaan niya na lang ‘yon sa isang masayang imahinasyon na kasama niya pa ang kanyang ina at masaya ang buo nilang pamilya. At sa mahabang panahon na kalungkutan niya, si Jose ang unang nagpangiti sa kanya sa pagpapakita nito ng kabaitan, dahil hindi pa no’n alam ng binata ang pagkatao niya na ilag sa kanya ang mga tao sa baryo nila. Napansin ng binata ang paghanga niya, kaya naman sinamantala siya nito at inuto-uto. Pero iba ang naging kahulugan no’n sa kanya, inakala niyang gusto rin siya ni Jose. Sinaktan siya ng kanyang ama ng malaman nitong in love na siya sa binata, nakita nito ang ilang pictures ni Jose na tago niya sa ilalim ng unan niya. Ikinumpara siya ng kanyang ama sa kanyang ina. At sa pagtutol ng kanyang ama sa pagmamahal niya kay Jose, iyon ang nagtulak sa kanya para patayin ito.
Pinahid ni Krisabel ang kanyang luha sa mga naalala niya at pinilit niyang ngumiti. “Promise, bukas ililibing ko na sila. Feeling ko kasi, naaamoy na rin sila ng iba nating kababaryo kaya wala ng bumibili sa tindahan ko,” nakangiting sabi niya. Pero ang totoo niyan, wala naman talagang halos bumibili sa tindahan nila mula nang hilingin niya sa kanyang ama na magbukas sila ng tindahan, wala pa no’n si Jose sa baryo nila. Pinagtawanan nga sila no’n ng mga kababaryo nila kung bakit nila naisipang magbukas ng tindahan. At sa ngayon, si Jose na lang talaga ang rason kung bakit siya patuloy na nagtitinda, at nasasayang lang ang ipong naiwan ng papa niya.
Tumayo si Krisabel at ini-on ang VCD player at nag-play ng pirated CD niyang nabili sa palengke, makikita ang kilig sa kanyang matamis na ngiti. ‘Forevermore’ ang kanta, dahil sa tingin niya ay may forever para sa kanila ni Jose. Nang bumalik siya sa kanyang kinauupuan, nawala ang ngiti sa kanyang mukha at hinampas ang mesa dahil ‘di pa rin kumakain si Jose. Pero alalay lang ang paghampas niya sa mesa dahil naisip niyang baka masira ang set up na ginawa niya. “Kumain ka na!” madiing utos niya sa binata.
“Paano ako kakain kung nakaposas ang mga kamay ko,” sa wakas ay naging kalmado ang boses ni Jose bagamat may konti pa ring panginginig. Pinilit nitong iguhit ang ngiti sa kanyang labi at itinaas ang kamay na may posas para ipakita kay Krisabel.
“Akala ko hindi ko na makikita ang matamis na ngiti mo, Jose. Mas bagay ang dimples mo kapag nakangiti ka,” nakangiting komento niya pero bigla rin pumait ang kanyang mukha. “Sa tingin mo maloloko mo ako? Kapag inalis ko ang posas, tatakas ka!” naglakad siya palapit kay Jose at sinabunutan ito patingala sabay nginudngod ito sa pagkaing nasa harapan nito. “Hayan, kumain kaaaaaaaaa!”
Kahit halos magdikit na ang buong mukha ni Jose sa platong may menudo at kanin, hindi pa rin ito lumulunok ng pagkain. Ayaw nitong kumain ni gapiranggot ng pagkain dahil naiisip nito na baka may lason ito at bumula na lang ang kanyang bibig. Pero may paraan pa rin si Krisabel para pakainin ito. Muli niyang ipinatingala si Jose at sinubuan ng pagkain gamit ang kutsara, at sa pagpilit niyang ibuka ng binata ang bibig nito, dumugo na ang gilagid nito sa pagtama ng metal na kutsara. “Nguyaaaaaaaa!” madiing sigaw ni Krisabel kay Jose na may kasama pang malakas na sampal sa mukha ng binata nang maisubo niya ang pagkain. Noong bata pa siya, ganyan ang naalalang ginagawa sa kanya ng kanyang ama nang mawalan siya ng ganang kumain ng ilang araw dahil sa pagkamatay ng kanyang ina.
Nagdilim na ang paningin ni Jose. Kahit papaano nakaipon na ito ng lakas at handa nang labanan si Krisabel kahit pa nakaposas ang mga kamay para lang mailigtas ang sarili. Nagbabaga ang galit sa loob nito at naglalaro sa isip nito ang kagustuhang tadtarin siya ng pino. Patay kung patay! Galit na tumayo si Jose kasabay ng malakas na pagtulak kay Krisabel. Nagulat si Krisabel sa nangyari, at isang malakas pang sipa sa dibdib ang natanggap niya mula sa galit na binata na ikinabagsak niya sa sahig. At sa bilis ng kilos nito hindi na niya nagawang makabangon para makaiwas sa paghampas nito sa kanya ng dinampot nitong upuan – sa likod siya tinamaan dahil nagawa niya pa rin namang kumilos. Sa pangalawang tangkang pagpalo sa kanya ni Jose ng upuan, naunahan niya ito sa pagtutok ng baril. Natigilan si Jose, humakbang ito paatras at ibinato kay Krisabel ang upuan sabay takbo, at nagsisigaw ng paghingi ng tulong.
Parang wala lang na bumangon si Krisabel, dahil alam niyang walang matatakbuhan si Jose. Dalawang palapag ang kanilang bahay na may mga rehas ang bintana at sigurado siyang nakakandado lahat ng pinto na puwede nitong daanan, at sa pagsigaw ng binata, nilakasan niya ang volume ng speaker para walang makarinig sa paghingi nito ng tulong. Sa mga makakarinig ng malakas na patugtog niya, iisipin lang ng mga kababaryo nila na umaatake na naman ang sira ng ulo niya. Normal siyang naglakad at tinungo kung saan tumakbo si Jose, pinipilit nitong buksan ang pinto sa likod ng bahay sa may kusina.
Halos warakin na ni Jose ang pinto pero hindi nito mabuksan, pinagsisipa na ito ngunit wala pa rin. Sigaw nang sigaw pa rin ang binata ng paghingi ng tulong ngunit natatabunan ang boses nito ng malakas na tunog ng speaker, ni hindi na nito marinig ang sariling sigaw. Natigilan ang binata nang maramdaman ang malamig na dulo ng baril na tumutok sa leeg nito. Natigilan si Jose at muling gumapang ang takot sa buong katawan. “Sa’n punta mo?” narinig nitong tanong ni Krisabel.
Dahan-dahang humarap si Jose. Nakangisi si Krisabel habang nakatingin sa takot na binata, at itinutok niya sa noo nito ang baril. “Tulad ka rin ba ng papa ko na nananakit ng babae?” galit na tanong niya.
Masama siyang tiningnan ni Jose. “Oo! Gano’n ako! Kapag naging tayo, sasaktan kita!”
“Bakit?” napapailing siya sa narinig.
“Bakit hindi?! Tingnan mo ang sarili mo! Tingnan mo ang mga ginawa mo! Napakasama mo!” Hinawakan ni Jose ang baril na nakatutok sa kanyang noo. “Sige na! Patayin mo na rin ako tulad nila! Sige, gawin moooooo!”
“Mahal kita.”
“Mahalin mong mukha mo! Hindi pagmamahal ang ginagawa mo!”
“Masama bang magmahal?”
“Hindi masama ang magmahal. Pero masama ka kung magmahal!”
Tumahimik si Krisabel at pinagmasdan lang si Jose. Sa takbo ng pag-iisip niya, hindi niya makuha kung ano ang masama sa ginagawa niya. Isa lang ang malinaw sa kanya, na hindi siya gusto ni Jose, na wala itong pagmamahal sa kanya, na mali ang akala niyang pareho sila ng nararamdaman sa isa’t isa. “Bakit naging malapit ka sa ‘kin? Bakit malambing ang pagtawag mo sa pangalan ko? Bakit ka ngumingiti sa ‘kin? Bakiiiiiiit?!” tahimik lang si Jose at walang naging sagot – malikot ang mga mata nito, tila inuusig ng mga ginawa nito, kung bakit ginawa nito ang mga tanong niya. “Inuto mo lang ba ako? Pinaglaruan?” muling tanong niya at pinandilatan ng mga mata ang binata at idinidiin sa noo nito ang baril. “Para makautang?! Para sa mga naibibigay ko sa ‘yo?! Para ba sa mga bagay na ‘yon?! Para do’n baaaaaaaaaaa?!”
“Oo!” sigaw na sagot ni Jose, na nagpabingi kay Krisabel. Dumagundong ang boses nito na natapatan ang ingay ng speaker. Parang sampal kay Krisabel ang narinig niya kung paanong parang sampal rin sa binata ang mga sinabi niya.
“Ngayon sino sa ‘tin ang masama?!” gigil na tanong ni Krisabel kasabay ng dalawang beses na pagpukpok niya gamit ang baril sa bibig ni Jose na ikinatumba nito sa sahig. Nalagasan ng dalawang ngipin si Jose sa harap at pumutok ang labi. Nabalot ng dugo ang bunganga nito. Napangisi lang si Krisabel habang pinagmamasdan ang dumadaing sa sakit na binata. Sino nga ba ang masama sa kanilang dalawa? Sino ang nagsimula? Sino ang dapat sisihin sa mga nangyari? Sino ang dahilan kung bakit humantong ang lahat sa ganito?
“Hayop ka! Demonyo ka! Patayin mo na lang akooooo!” hagulhol ni Jose.
Isang tunog ng sirena ang nakikisabay sa tunog ng speaker ang narinig ni Krisabel, hindi na bago sa kanya ang tunog na ‘yon, ilang beses na niyang narinig ‘yon sa tapat ng bakuran nila. Naisip niya agad kung sino ‘yon, si Mang Oscar, ang punong-tanod sa kanilang barangay, at alam niyang ang pagpapatugtog niya ng malakas ang pakay nito. Nagsimulang magsalita ang tao sa labas gamit ang megaphone at tinatawag siya nito. Mahina niya lang itong naririnig dahil na rin sa tugtog sa loob ng bahay. Narinig din iyon ni Jose. Sumigaw ang binata at humingin ng tulong. Isang malakas na sipa sa tiyan ang binigay niya sa binata para tumahimik ito. Kinuha niya ang duck tape na nakapatong lang sa mesa sa kusina, pinaikutan niya ang bibig ni Jose at kinaladkad niya ito papasok ng banyo para ikulong, at ni-lock ang pinto.
“s**t!” impit niya. Nawala sa isip niya na sira ang door knob ng pinto ng banyo kaya hindi ito ma-lock. Muli siyang pumasok sa banyo at pinagbantaan si Jose. “Huwag kang magulo, kung ayaw mong tudasin na talaga kita pagbalik ko,” banta niya rito.
Dinaanan lang ni Krisabel ang speaker kahit alam na niyang ‘yon ang rason kung bakit may tao ngayon sa labas ng bakuran nila, diretso lang siyang lumabas ng bahay para puntahan ang lalaking tumawag sa kanya, hawak niya ang baril na itinatago niya sa kanyang likod.
“Ano na naman, ‘to, Krisabel? Ilang beses ko bang sasabihin sa ‘yo na hindi lang ikaw ang tao sa baryong ‘to? Kahit pa malayo ang bahay mo sa iba, nakakabulahaw pa rin ang lakas ng tugtog mo sa kalapit na mga kabahayan,” bungad sa kanya ng tanod na si Mang Oscar, at hindi nga siya nagkamali kung sino ito at kung ano ang pakay nito. Matagal na siyang irita sa matangdang tanod na may kalakihan ang tiyan, dahil nga sa ilang beses na nitong pagbasag ng trip niya at hindi niya gusto kung paano siya nito tinggnan. “Kung nalulungkot ka, puwede kitang samahan?” nakangising tanong pa nito.
“Puwede po?” malambing na tugon niya na ikinagulat ng matanda. Kapag kasi gano’n na ang tono ng tanod, tumatakbo na siya sa loob ng bahay. Pero ngayon, nagtanong siya kung puwede at bahagyang binuksan ang kalawangin ng gate tanda ng paanyaya.
Napalunok ang tanod nang umatras siya papasok at iniwang bukas ang gate. Sinundan siya ng tanod papasok sa bahay, nasa harap na niya ang baril. Naamoy nito ang ‘di kaaya-ayang amoy na nagmumula sa loob ng bahay. “Ano’ng amoy ‘yon?” tanong nito na nakatakip na ang ilong.
Hinarap niya ang matandang lalaki. “Bangkay,” sagot niya. Itinutok niya ang baril sa ulo nito sabay kalabit ng gatilyo. Bumagsak sa lupa ang wala nang buhay na matanda. Hinila niya ang bangkay nito papasok ng bahay.
Binalikan ni Krisabel si Jose sa banyo – napaatras siya – wala na roon ang binata.
Huli na para malaman ni Krisabel ang balak ng nagtagong si Jose. Napanganga na lamang siya sa pagbaon ng kutsilyo sa bandang leeg niya – buti’t tumama sa buto niya at hindi gano’n kadiin ang puwersang naibigay ng binata dahil na rin sa mga pinsala nito kaya hindi tuluyang bumaon ang kutsilyo at nagawa niyang makabig ito. Sumigaw sa sakit si Krisabel at itinutok sa napaatras na binata ang baril na muntik na niyang mabitawan kanina, hawak pa rin nito ang kutsilyo at nakaamba ring umatake sa kanya. Nanlilisik niyang tiningnan ang binata, tingin na animo’y binabalatan na ito ng buhay – nararamdaman niya ang hapdi ng saksak sa kanya at ang hilo dahil sa pagkabagok niya sa sahig, at ang pagpalo nito sa likod niya gamit ang upuan, hindi niya matanggap ang mga bagay na ‘yon lalo pa’t isinumpa na niya sa kanyang sarili na hindi na siya masasaktan pa ng sino mang lalaki. At dumagsa sa utak niya kung bakit nga ba niya nagawang pumatay para kay Jose. Inakala niyang si Jose ang tipo ng lalaking hindi siya sasaktan at igagalang siya. Inangkin niya ang binata, lihim niyang naging pagmamay-ari ito, na kahit langaw ayaw niyang may dumapo rito dahil nagseselos siya. Pero sinampal siya ng katotohanang hindi niya ‘to pagmamay-ari at nasasaktan siya sa katotohanang iyon. At nalaman pa niyang inuuto lang siya ng binata – ideyang pilit niyang tinalikuran at isinuka sa utak niya. Ideyang una nang naisip ng ama niya na laging isinusumbat at ipinapaalala sa kanya, na uutuin lang siya ng mga lalaki at walang lalaking mamahalin siya, at si Jose ay hindi iba sa mga ‘yon. Nagpatangay siya sa kanyang illusyon at nagpalunod sa kanyang nararamdaman, hanggang sa humantong ang lahat sa ganito, dahil hindi niya matanggap na tinalukuran siya ng pangarap niyang mundo at ng tadhanang binubuo niya. Pumatak ang luha mula sa kanyang mga mata.
Patuloy ang paghakbang paatras ni Jose habang nakatutok ang kutsilyo kay Krisabel. Si Krisabel ay napatulala na lamang, tila pagod na sa mga nangyayari. Hinayaan niyang makalayo ang binata at lupaypay na ibinaba ang kamay na may hawak na baril. Tinungo ng binata ang harap na pinto. Pero sinuguro ni Krisabel na nakakandado ito at hindi mabubuksan kung wala ang susi na nasa bulsa ng bulaklaking bistida niya. Nakayukong naglakad siya para puntahan ang binatang pilit binubuksan ang pinto. Nasa isip niyang kailangan na niyang tapusin ang lahat. Si Jose naman sa mga sandaling iyon ay lupaypay na napaluhod tanda ng kawalan nito ng pag-asang makatakas pa sa impyernong bahay na iyon, mahinang pagpukpok ng nakakadenang mga kamay na lamang nito na may hawak na kutsilyo ang nagawa nito. Tahimik itong tumayo habang papalapit na si Krisabel. Huminto si Krisabel at nagkaharap sila ng binata. Sa muling paghakbang niya, tumakbo pasugod sa kanya si Jose, hawak ng mahigpit ang kutsilyo. Dalawang hakbang bago ito makalapit sa kanya, naiputok niya ang baril at tinaman ang binata sa dibdib diretso sa puso nito – sa puso nitong gusto niyang maangkin.
Nagtuloy-tuloy ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ni Krisabel, nasaksihan niya kung paanong bawian ng buhay ang lalaking mahal niya. Bumagsak ito sa sahig kasabay ng pagdaloy ng dugo sa dibdib nito at pagbulwak ng dugo mula sa bibig nito. Huling salita nitong narinig niya ay ‘HAYOP KA’. Nagsisisigaw siya. Hindi niya gustong mamatay ang mahal niya. Sa unang pagkakataon, naranasan ni Krisabel ang heartache – ang ma-broken hearted. Naka-play pa rin ang kantang Forevermore na naka-repeat mode kaya nagpaulit-ulit lang kanina pa. Nainis siya sa kanta kaya hinagis niya ang mga speaker at nadamay pati ang VCD player na nakakabit dito. Naging tahimik ang bahay at tanging sama ng loob niya ang kanyang naririnig. Tila nakikiramay sa kanya ang langit sa pagbuhos ng malakas na ulan sa labas. Nilapitan niya ang bangkay ni Jose at nagmakaawang huminga ito at bigyan siya ng matamis na ngiti.
“Gumising ka. Gusto kong makita ang ngiti mo. Gusto kong makita ang cute na dimples mo, Jose,” iyak niya. Naagaw ang pansin niya ng kutsilyong may dugo, kinuha niya ito at tinusok sa magkabilang-pisngi ng binata. Paraang naisip niya para muling makita ang dimples nito. Gamit ang mga hinututuro niya, pinangiti niya ang labi nito. Ngiting nagbigay rin ng ngiti sa kanya.
Nahiga siya sa tabi ng binata at hinawakan ang kamay nito, at ang isang kamay niya, hawak ang baril na may dalawa na lamang na bala at itinutok sa sentido niya. Napalunok siya at ipinikit ang mga mata. Susundan niya si Jose – susundan niya ang mahal niya. Pero bigla siyang dumilat at tumayo makaraan ang ilang segundo. Naalala niya ang sinabi ng paboritong author niya na nagpaulit-ulit sa utak niya na animo’y personal na naririnig ang tinig ng lalaking manunulat na hinahangaan niya; Ang first love wala ‘yan, ‘di talaga ‘yan nagtatagal. Kaya nga may second love, third love at marami pang love…
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi.
MAKALIPAS ANG LIMANG ARAW.
Nasa Maynila na si Krisabel. Naisip niyang hanapin ang author na nagbigay sa kanya ng pangalawang buhay. Naisip niyang tadhana kung bakit sila nagkakilala sa f*******:. Niyaya niya itong makipagkita, at pumayag naman ang misteryosong manunulat na kilala niya lang sa tawag na Xiunoxki. Ngayon, magkasama sila, at kapwa sila bigo sa una nilang pag-ibig.
~WAKAS~