BEST FRIEND NEVER DIE

3166 Words
BEST FRIEND NEVER DIE By: Xiunoxki GENRE: Horror               “Liz, halika. Samahan mo ako. Magpakamatay ka rin gaya ko."             Napaatras ako sa paghakbang, papalapit sa ‘kin ang matalik kong kaibigan na si Megan. Inaalok niya akong tumalon mula sa rooftop ng school building namin na may apat na palapag, kung nasaan kami ngayon. Inaabot niya sa ‘kin ang puting rosas.             “Ang sabi mo, bff tayo. ‘Di ba, sabi mo, hindi tayo maghihiwalay at walang mag-iisa sa ‘ting dalawa.”             Pagdaloy ng luha mula sa mga mata at takot ang naging tugon ko. Hindi na siya si Megan. Hindi na siya ang best friend ko. Isa na lamang siyang multo na hindi ako nilulubayan. Sa patuloy kong pag-iwas, nanlisik ang mga mata niya. Nabiyak ang ulo niya at bumulwak ang dugo mula rito. Halos mabalot ng dugo ang suot niyang school uniform – anyo niya nang bumagsak siya mula sa rooftop. Tumalon siya. Nagpakamatay. Winakasan niya ang sarili niyang buhay upang takasan ang mapait na mundo. Ako ang dapat sisihin. Ako ang nagtulak sa kanya para gawin ‘yon. Pinatay ko siya – pinatay ko ang matalik kong kaibigan. Biglang napunta sa harap ko si Megan. Nanginginig na napapikit na lamang ako at hindi na nakakilos. Ni ‘di ko magawang sumigaw upang humingi ng tulong.               Sa pagdilat ko, luhaan ang mga mata ko at tumambad sa ‘kin ang puting rosas na hawak ko.             “Anak, ayos ka lang ba?” tanong ni mama, nakaupo siya sa tabi ko. Nilingon ko siya saglit. At sa muling pagbaling ko ng aking mga mata sa rosas – wala na ito sa kamay ko. Hindi ko na napigilan ang maiyak. Niyakap ako ni mama. Naiintindihan niya ako, alam niya ang nararamdaman ko. “Tahan na. Tumayo ka na. Sasakay na tayo ng barko,” sabi ni mama. Nasa Tabaco port ka. Nakatulog akong nakaupo sa paghihintay ng pagpapasakay ng barko patungong isla ng Catanduanes, ang probinsiya namin na bahagi ng Bicol. Tumango ako na may malungkot na ngiti at inayos ko ang aking sarili. Sa Bicol na muna ako mamamalagi at sasamahan ako ni mama hanggang sa matanggap at makalimutan ko na ang hindi magandang pangyayari sa high school life ko. Graduation day na namin sa isang linggo pero ‘di na ako aakyat ng stage para tanggapin ang diploma ko. Mula nang mamatay si Megan, hindi na nawala ang masasamang panaginip ko. Minsan hindi ko na alam kung panaginip nga lang ba o totoo na. Minsan kasi nakikita ko siya kahit dilat ang aking mga mata. Madalas kong maramdamang nasa tabi ko lang siya – binabantayan niya ako.             Nakaramdam ako ng kaba ng matitigan ko ang barko. Pag-apak ko pa lang sa rampa ng barkong nasa apat na raang pasahero ang kapasidad na kaya at mga anim na pampasaherong bus, mas lalong umatake ang labis na kaba sa dibdib ko. Malulain ako sa biyahe, parang hinahalukay ang tiyan ko at umiikot ang paningin ko. Nakangiting hinaplos ni mama ang likod ko at inalok sa ‘kin ang tableta ng gamot na pangontra sa hilo. Napuna niya siguro ang pagkabahala sa mukha ko. Tinatakasan ko ang madilim kong nakaraan kaya narito ako, pero tila walang lugar sa mundo na puwede kong puntahan para makatakas. Hindi nawawala ang takot ko – nananatili ang pakiramdam na may katabi ako  Kalmado ang dagat, pero sa bawat paghakbang ko sa loob ng barko ay parang itutumba ako nito. Sa muling paghakbang ko, napahinto ako – isang puting rosas ang nasa paanan ko. Binalewala ko ang bulaklak at nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang makaupo sa bakanteng upuan. “Ayos ka lang, ‘nak?” tanong ni mama nang tumunog ang bosena ng barko na hudyat nang pag-alis nito. Nakangiting tumango ako bilang tugon. Nagpasya akong matulog para ‘di maramdaman ang hilo. Inisip kong sa paggising ko, nasa pier na kami ng Catanduanes. Marami ang pasahero kaya hindi puwedeng makahiga sa pahabang mga upuan. Inihilig ko ang ulo ko sa balikat ni mama at ipinikit ko ang aking mga mata. “Isipin mo lang, anak, ang mga magagandang bagay,” sabi ni mama at naramdaman kong mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko. “Um,” mahinang tugon ko. Binuo ko sa imahinasyon ko ang mga ngiti ng buo kong pamilya – sina mama, papa at ang bunso kong kapatid. Gumuhit rin ako ng magandang hardin sa isipan ko na may mga nagliliparang iba’t ibang kulay ng mga paruparo at nagtatakbuhang iba’t ibang uri ng mga hayop. At pilit ko mang iwasan, ang mga pulang rosas ay unti-unting naging kulay puti.   Madilim ang paligid, naririnig ko ang isang pamilyar na kanta. Awiting tungkol sa dalawang magkaibigang nangakong dadamayan ang isa’t isa sa lungkot at saya, at hindi maghihiwalay. Theme song ng friendship namin ni Megan na kapwa naming paborito. Idinilat ko ang aking mga mata, natagpuan ko ang aking sariling nakahiga na sa upuan at wala na si mama sa tabi ko. Wala akong ibang marinig kundi ang kanta. Nabalot ako ng kaba nang ilibot ko ang aking paningin – walang ibang tao maliban sa ‘kin. Paatras akong napatayo. Hindi ako nananaginip. Gising ang diwa ko. Gising ako! Naglakad ako para alamin ang nangyayari at hanapin kung nasaan ang mga tao. Nasa gitna pa rin kami ng karagatan at umaandar pa rin ang barko. Nanlaki ang mga mata ko nang mahagip ng paningin ko ang dagat – may mga nakalutang na katawan ng tao. Tumakbo ako sa dulo ng barko upang tanawin ang mga naiwang lumulutang na bangkay. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko – bata, matanda, babae, lalaki, lahat sila wala nang buhay. At lahat ay may hawak na puting rosas sa kanilang kamay. Natatandaan ko pa ang ilan sa kanila, pasahero sila ng barko kasama namin. Dumaloy ang luha ko sa mga mata. Napatakip ako ng bibig na umiiyak. Hinanap ko sa mga bangkay si mama pero hindi ko siya makita. At nakalayo na ang barko kaya hindi ko na nasiguro pa. “Ano’ng nangyayari? Diyos, ko. Ano ba’ng nangyayari?” iyak ko at hinarap ko ang loob ng barko. Naglakad ako’t mahinang tinatawag si mama. Pinakiramdaman ko ang paligid. Patuloy na naka-play ang kanta. Pumasok sa isip ko si Megan. Pero imposible? Wala na siya at hindi niya magagawa ang ganitong bagay. Patakbo akong bumaba ng hagdan patungo sa kung saan nakaparada ang mga pampasaherong bus para tingnan sa baba kung may mga natitira pang tao. Tahimik na paligid ang bumungad sa ‘kin at mahina ko na lang na naririnig ang kanta. “Ma? Mama! Ma?” paulit-ulit kong sigaw pero walang tugon akong narinig. Nakita ko sa gitna ng iba pang mga bus ang bus na sinakyan namin papuntang pier ng Tabaco kung nasaan pa ang ilang gamit namin. May nakita akong gumagalaw na tao sa loob ng bus. Patagilid akong lumusot sa masikip na daan papunta sa bus. Pinagdarasal kong naroon si mama at ligtas. May naramdaman akong may mga humahawak sa mga paa ko kaya binilisan ko ang paglalakad at mabilis akong pumasok sa bus. Patakbo pa akong umakyat, pero huminto ako’t napaatras nang makita ko ang tumambad sa ‘kin sa loob – mga putol na paa na magkakapares. Napanganga na lamang ako sa takot. Nakatayo ang mga paa sa gitna at nakaharap sa ‘kin. Tinungo ko ang pinto ngunit kusa itong nagsara. Hindi gumagalaw ang mga paa, pero pakiramdam ko kumikilos ang mga ito papalapit sa ‘kin. Hindi ko mabuksan ang pinto kahit kinalampag ko na ito’t ginamitan ng puwersa. Pero mga ilang segundo lang, kusa na lamang itong bumukas at mabilis akong bumaba. Tila sinadya ako nitong pakawalan. Napasinghap ako nang makita kong may dugo sa mga paa ko at may mga bakas ng kamay na humawak dito. Humahagulhol akong humakbang paakyat ng hagdan pabalik sa taas ng barko. Pinilit kong lakasan ang aking loob. Naririnig ko na naman ang kanta. Nagiging tila awit sa patay ang naririrnig ko. Para akong hinihila sa dilim. Para ako nitong unti-unting kinikitilan ng buhay. Balot ako ng takot na nililibot ang paningin ko sa iba’t ibang direksiyon. Nang mapatingala ako, naisip kong may nagmamaneho pa rin ng barko kung kaya’t umaandar ito. Tinungo ko ang hagdan paakyat upang puntahan ang kuwarto ng kapitan ng barko, pero wala akong nakitang tao nang sumilip ako sa salaming bintana ng kuwarto. Muli akong bumaba at nilibot ang barko. Nagpabalik-balik ako – pataas, pababa. Pero wala akong nakitang ibang tao. Ako na lang talaga mag-isa rito sa barko. Nang mapatapat ako sa banyo na para sa mga babae, may narinig akong mahinang boses na mula sa loob at tinatawag ako. “Liza? Liza?” tawag sa pangalan ko ng boses. Nabuhayan ako ng loob. Kilala ko ang boses – boses ni mama. Hinawakan ko ang door knob ng banyo, pang-isahan lang ang CR at naisip kong nakapagtago si mama roon. Napalunok ako nang may dugong tumagas mula sa baba ng pintuan na gumapang sa paa ko. At nang buksan ko ang pinto, gumulong ang mga pugot na ulo mula sa loob na animo’y isang pagbulwak kasabay ng malapot na dugo na mula sa mga ito. Napaupo ako sa sahig nang halos matabunan na ako ng mga nasa trentang pugot na ulo at halos naligo na ako malansang dugo. May pumasok pa sa bibig ko na nalasahan ko at nasuka ako. Babae ang mga ulo, mahaba halos lahat ng buhok. Napansin ko ang pamilyar na mukha na nakatingala. Halos kulay pula na ito dahil sa bumalot na dugo. Kilala ko ang ulo – si mama. Lumuhod ako at nanginginig kong inangat ang mga kamay ko para damputin ang ulo ni mama para makasiguro ako. Halos hindi ako makahinga nang mahawakan ko ito, umiiyak ako na walang lumalabas na boses sa aking bibig. Parang gusto ko na ring tapusin ang buhay ko nang hawak ko na ang ulo at makompirmang si mama nga. Napa-igtad ako at nabitiwan ko ang ulo ni mama nang may ulong dahan-dahang gumalaw at humarap sa ‘kin. “M-Meg? M-Megan?” nausal ko. Hindi ako puwedeng magkamali. Kilala ko ang aking namayapang matalik na kaibigan – alam kong siya ang kaharap ko. Matamis na ngumiti sa ‘kin ang pugot na ulo ni Megan. Napatayo ako at napagmasdan ang iba pang mga pugot na ulong nakapalibot sa ‘kin. Iniisip kong tumakbo pero hindi ko maigalaw ang mga paa ko. May narinig akong yapak na papalapit. May tila mahigpit na pumisil sa pulso ko nang makita ko ang dumating – ang pugot na katawan ni Megan, may haway bulaklak na puting rosas. Nakilala ko ito sa suot nitong uniporme. Yumuko ang katawan at dinampot ang ulo at inilagay sa leeg nito. Pag-iyak na lang ang tanging nagawa ko. Nakangiti pa rin sa ‘kin si Megan na para kaming nasa pangkaraniwang araw lang noong nabubuhay pa siya. “Megan, patawarin mo ako. Pakiusap, lubayan mo na ako. Tigilan mo na ako, Meg, please,” umiiyak na pagmamakaawa ko. Sumama ang tingin sa ‘kin ni Megan. “Inaano ba kita?” tanong niya. “Gusto lang naman kitang makasama. ‘Di ba, promise natin ‘yon sa isa’t isa na bff tayo hanggang sa pagtanda maging hanggang kamataya, tulad sa kantang ‘yan.” Nakangiti’t nakapikit siyang bahagyang tumingala at dinama ang kanta at sinabayan ito. “You and I, friends forever, until the end of time. We will always be together, always happy ending…” Para akong pinapatay ng konsensiya ko nang marinig ko ang pag-awit niya. Kung sana hindi ko na lang nasabi ang bagay na ‘yon. Kung sana naging mas matatag ako at ‘di nagpadaig sa emosyon ko. Sana buhay pa siya. Sana magkasama pa kaming dalawa – hindi sa ganitong tagpo. Kapwa kami may mabigat na problema no’ng araw na ‘yon. Nakatambay kami sa rooftop ng school building kung saan labasan namin ng sama ng loob sa mundo; ako, baka ‘di na muna maka-pasok sa college dahil sa dami ng gastos sa pagpapagamot sa bunso kong kapatid na may sakit. Si Megan, problema rin dahil sa pamilya niya. At kapwa kami outcast at laging napagtitripan ng mga kaklase namin. Kami na halos ang pinakamalungkot sa school. Sinabi kong magpakamatay na lang kami dahil parang wala ng happiness na nangyayari sa buhay namin. “Sa burol ko, gusto ko, walang magsusugal at tahimik lang,” saad ni Megan nang sabihin kong mag-suicide na lang kaming dalawa para matapos na ang lahat. “Ikaw, Liz? Ano ang gusto mo sa burol mo?” “Gusto ko, maraming puting rosas,” sagot ko. Pero biro ko lang naman ‘yon – pero sineryoso niya. Akala ko nagbibiro lang siya nang sabihin niyang sabay kaming tatalon. Tumanggi ako. Tapos sabi niya, mauuna siya, at sumunod ako. Hindi ko inakalang tototohanin niya. Tumalon siya at agad binawian ng buhay. Winakasan niya ang buhay niya mismo sa harapan ko. Nalaman ko na lang sa mama niya na sinasaktan siya ng step-father niya at minomolestiya. Hindi ko alam ang bagay na ‘yon. Itinago niya sa ‘kin ang mabigat at masaklap na pinagdaraanan niyang ‘yon. “Ba’t ‘di mo ako sabayan, Liz? Kanta natin ‘yan, ‘di ba?” Umiling ako sa hiling ni Megan. “Ayoko. Tama na, Meg. Please, itigil mo na ‘to. Patay ka na… Hindi na tayo puwede pang magsama,” muling pakiusap ko. Nanlisik ang mga mata niya. Nabiyak ang ulo niya at naririrnig ko pa ang unti-unting pagkapunit ng balat niya at pagkabasag ng bungo niya – pinsalang natamo niya nang bumagsak siya mula sa rooftop. At unti-unti siyang naaagnas, umalingasaw ang amoy ng nabubulok na laman. Sumigaw siya ng nakabibinging hinagpis. Naging magalaw ang barko at may tunog na tila nabasag at kalabog, at nawala ang kanta. Mabilis na hininga ko, andar ng barko at ingay ng dagat ang naririnig ko, maging ang mabilis na t***k ng puso ko dulot ng takot. “Ang sabi mo, bff tayo. ‘Di ba, sabi mo ‘di tayo maghihiwalay at walang mag-iisa sa ‘ting dalawa,” galit na sabi ni Megan at humakbang siya palapit sa ‘kin. Pinilit kong makahakbang at tumakbo ako palayo. Pero nadulas ako at bumagsak sa sahig sa ilang hakbang pa lamang na nagagawa ko. Nilakasan ko ang aking loob at tumayo ako, pero hindi na ako nakalayo. Muling sumigaw ng malakas si Megan. Humaba ang buhok niya hanggang sahig, nagdugtong ang buhok niya at ang buhok ng mga pugot na ulo kabilang na si mama. Lumutang ang mga ulong nakabaliktad na kadugtong na ng buhok ni Megan. Nakatayo ako at nagawa kong makahakbang paatras. Pinilit kong makalayo, pero bigla na lang nasa harapan ko na si Megan. At ang mga pugot na ulo, nakadilat na’t nakatingin sa ‘kin. Muli kong tinangkang makalayo na hindi alam ang pupuntahan, basta matakasan ko lamang si Megan. Hindi na siya ang kaibigan ko. Tinungo ko ang hagdan pababa. Binilisan ko ang aking paghakbang – naririnig ko ang paghabol, dinig ko ang ungol ng mga ulong pugot na nakakabit sa kanya. “Aaaaaahhhh!” sigaw ko. Naramdaman ko ang kirot at hapdi mula sa mga paa ko. Nakayapak na lamang ako. Natusok ng mga tinik ang paa ko – napapalibutan ako ng maraming puting rosas, ramdam ko sa paa ko ang tusok ng mga tinik mula sa tangkay ng mga bulaklak. Pinilit kong humakbang pabalik ng hagdan. Sa bawat hakbang ko, bumabaon ang mga tinik na tumatama sa paa. Napapaiyak na lamang ako. Ilang hakbang pa lamang nang marating ko ang hagdan, nasa harapan ko na si Megan. Hindi na ako nakakilos pa. Hindi na sumusunod sa utak ko ang katawan ko. “Bakit mo ba ginagawa sa ‘kin ‘to, Liz? Bakit mo ako iniiwan sa ere? Ano’ng klaseng kaibigan ka? Bakit ka lumalayo sa ‘kin? Bakit mo ako sinasaktan? Alam mong ikaw lang ang meron ako, pero nagawa mong talikuran ako!” umiiyak na panunumbat ni Megan. Pagluha at pag-iling ang naging tugon ko. Parang dinudurog ang puso ko sa narinig ko. Pero hindi naman ‘yon totoo. Alam ng Diyos kung gaano ko siya kamahal bilang kaibigan. Hindi ko siya iniwan. Minsan ko na ring tinangkang tapusin ang buhay ko nang mawala siya, pero nanaig sa isip ko na may pamilya pa akong nagmamahal sa ‘kin. Sinakal niya ako gamit ang buhok na may ulo, inangat ako at hinagis pataas. Bulagta akong bumagsak sa gilid ng barko. Pinilit ko pa ring bumangon. Hindi pa man ako tuluyang nakakatayo, nasa harap ko siya. Lumuhod siya at hinaplos ng duguan niyang kamay ang mukha ko. Umiiyak na pumikit na lamang ako. Iniisip kong hindi totoo ang lahat ng ito. Nag-isip ako ng magagandang bagay tulad ng laging sinasabi sa ‘kin ni mama. Sa pagdilat ko, masayahin at magandang mukha ni Megan ang bumungad sa ‘kin. Wala ang sugat at bumabalot na dugo sa kanyang mukha at katawan. Wala na rin ang mga dugo at pugot na ulo sa sahig. Itinayo ako ni Megan hawak ang kamay ko at iniabot niya sa akin ang magandang puting rosas. Nagugulahan man, tinanggap ko ang bulaklak. Ginabayan ako ni Megan maglakad paakyat ng hagdan patungo sa roof deck ng barko. Inaawit niya ang theme song namin at sinabayan ko siya. “You and I, friends forever, until the end of time. We will always be together, always happy ending…” Pinasampa niya ako sa handrail ng barko pagdating namin sa taas. Nakatulala na lang ako at ibinibigkas pa rin ang lyrics ng kanta. Pinagmasdan ko ang baba ng barko kung saan nakaparada ang mga bus. Nasa ikatlong palapag ako ng barko malapit sa kuwarto ng kapitan. Nilingon ko si Megan, nasa harap ko siya at nakalutang sa hangin. Napakatamis ng ngiti niya. “Liz, halika. Samahan mo ako,” nakangiting sabi niya. Tumango ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang malakas na hangin sa huling pagkakataon. Hinakbang ko ang aking mga paa at pinakawalan ang sarili ko sa hangin. Naging madilim ang paligid – isang kadilimang tila walang hangganan at nakakabingi ang katahimikan.   Sa pagliwanag, magkahawak-kamay na kami ni Megan. Nasa harapan namin ang duguan at wala nang buhay kong katawan. Dumating si mama at niyakap niya ang aking bangkay na may hawak na puting rosas. Umiiyak siya sa hinagpis at tinatawag ang pangalan ko. Nilibot ko ang paningin ko. Nakatingin kay mama ang mga pasahero na may mukha na hindi makapaniwala. Napanganga at napaluha na lamang ako. Maging ako ay hindi makapaniwala sa nagawa ko – pinatay ko ang sarili ko. Nilingon ko si Megan na hawak pa rin nang mahigpit ang aking kamay. “Magkasama na tayo, Liz,” nakangiting sabi niya. ~wakas~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD