“A FATHER, A SON”
“Pwede ba manong tantanan mo na ako!” sigaw ko sa mamang kanina pa nakasunod sa’kin.
“Anak, gusto ko lang makasigurong ligtas kang makauwi.” Malungkot na saad niya na ikinairita ko.
“Papa!” masayang salubong sa’kin ng anim na taong gulang kong anak na si Marcus nang buksan ko ang gate. Yinakap ko siya at kinarga. “Sino po siya, papa?”
“Nanglilimos lang siya, anak.” nakangiting sagot ko sa anak ko. Nakita ko ang mugto sa mata ng mamang na nasa katandaan na.
“Siya na ba ang apo ko? Mabuti’t nakita ko siya ngayon. Anong pangalan niya?” Nakita ko ang saya sa mukha ng matanda. Hahawakan niya sana ang kamay ng anak ko pero pumasok na ako sa gate at pabagsak kong isinara.
“Mahal, lumipat na pala dyan sa katapat nating apartment ang tatay mo.”
“Wala akong tatay.” Madiing sagot ko sa asawa kong si Mercy. Nakita kong malungkot na napangiti na lamang siya. Alam ko kung ano ang nasa isip niya. Oo, tatay ko ang lalaking yun na halos ilang buwan nang nakasunod sa’kin. Tatay kong hindi naging ama sa’kin sa buong buhay ko. Taong kinamumuhian ko.
“Papasok kana sa trabaho, anak?” salubong sa’kin nang taong pinakaayaw kong makita. “Ang aga naman ng pasok mo. May dala akong lugaw, ako mismong nagluto nito. Di ba paborito mo ‘to sa almusal? Sinadya kong damihan ang nilagang itlog.” Napansin ko ang hawak niyang kaldero. Pero tiningnan ko lang siya ng walang emosyon at naglakad akong hindi siya pinansin.
“Lugaw na may dalawang itlog?” tanong sa’kin ng serbidora ng lugawan at tapsilogan kung saan regular costumer ako. Madalas akong kumain dito para mag-almusal bago pumasok sa tinuturuan kong paaralan na nilalakad ko nalang mula sa aming bahay.
“Tapsilog nalang.” Matipid kong sagot.
“Himala ata, sir?” saad nito. Bahagyang ngumiti nalang ako.
Marso na ngayon at patapos ng ang klase. Halos apat na buwan narin mula ng sundan-sunda niya ako. Bigla siyang sumulpot at ginulo ang buhay ko. Nakalimutan ko na siya. At akala ko nakalimutan ko narin ang galit ko sa kanya. Pero nang makita ko siya biglang namunbalik ang galit ko. Hindi ko pala siya napatawad. At hindi ko pala siya kayang mapatawad.
Iniwan niya kami noon ni nanay sa probinsya. Namuhay kami ni inay na halos mamalimos sa mga kamag-anak para lang may makain. Lahat ginawa ni inay mabuhay niya lang ako at mapalaki ng maayos. Wala siya sa mga paghihirap namin. Nalaman nalang namin na may iba na siyang pamilya. Nabalitaan namin na maayos ang buhay niya. Samantalang kami, may araw na wala man lang makain. Namatay si inay na di man lang siya nagpakita. Galit ako sa kanya pero umaasa akong darating siya noon dahil kailangan ko ng ama. Kailangan ko nang maiiyakan, pero hindi siya nagparamdam. Tapos ngayon makalipas ang maraming taon magpapakita siya at gusto niyang magpaka-ama. Kung kailan di ko na kailangan ang tulad niya. Nababaliw na ba siya? Nag-uulyanin na ba siya? Gago siya! Karma niya ang iwan siya ng asawa niya. At nabalitaan kong hindi niya pala tunay na mga anak ang itinuring niyang sariling anak nang maraming taon. Siguro hinanap niya lang ako para may mag-alalaga sa kanya kapag hindi niya na magawang kumilos pa.
“Bakit nandito ‘yan!?” galit na bungad ko pagdating ko ng bahay. Nadatnan kong nilalaro ng taong yun ang anak ko. Kanina sinundan nanaman niya ako habang pauwi ako kaya naman sumakay ako nag tricycle at pumanta sa kumpare ko at nakipag-inuman.
“Mahal, tatay mo siya. Gusto niya lang makilala ang apo niya.” di ko kinibo ang asawa ko. Tiningnan ko lang siya ng masama. Kinuha ko ang anak ko.
“Lumayas ka sa pamamahay ko!” galit na sigaw ko.
“Nandito ako dahil gusto kong malaman kung nakauwi ka ng ligtas.” Malumanay na sabi niya.
“Ano bang pakialam mo sa buhay ko? Sino ka ba sa akala mo?!”
“Anak,”
“Wala kang anak dito! Nasusuka ako ‘pag binabanggit mo ‘yan! Wala kang karapatan sa salitang ‘yan! Lumayas ka!” tinulak ko siya palabas ng pinto at pabagsak ko ‘tong isinara. “Wag na ‘wag mo siyang papasukin sa pamamhay na ‘to!” duro ko sa asawa ko habang yakap niya ang umiiyak naming anak.
“Bakit ba hindi mo siya mapatawad? Diyos ko naman, Manuel. Matanda na ang tatay mo.” hindi ko pinansin ang asawa ko. Kinuha ko si Marcus.
“Di ba sabi ko sa’yo ‘wag kang lalapit sa taong ‘yon!” sigaw ko sa anak ko habang hawak ko siya sa magkabilang-balikat. Iyak lang siya nang iyak.
“Yan ba ang gusto mong ituro sa anak natin? Ang magkimkim ng galit? Ang hindi magpatawad?”
“Wala kang alam sa nararamdaman ko!” iniwan ko ang mag-ina ko at galit akong pumunta ng kusina at nagbasag ng ilang gamit. Hindi ako ‘to. Pero dahil sa pagpapakita ng taong ‘yon, napuno ng galit ang dibdib ko.
“Kumain kana. May dala siyang ulam. Alam niya ang paborito mo. Siya mismo daw ang nagluto niyan.” Malumanay na sabi ni Mercy habang pinupulot ang mga piraso ng mga platong nabasag ko. Nagpantig ang tainga ko. Bakit ba hindi niya ako maunawaan at tumanggap pa siya ng galing sa matandang ‘yon. “Saan ka pupunta?” tanong niya nang lumabas ako ng bahay bitbit ang lalagyan na may adobong manok.
Malakas akong kumatok sa pinto ng kwartong inuupahan ng matandang ‘yon.
“Anak?” bungad niya sa’kin. Pero ang pagtapon ko sa sahig ng hawak kong may adobong manok ang naging sagot ko at kumalat ito.
“Ano bang gusto mong mangyari! Bakit ba nagpakita ka pa? Para guluhin ang buhay ko? Nananahimik na ako! Wala kang karapatang manghimasok sa buhay ko!” at dinuro-duro ko siya. Pumatak ang luha sa mga mata niya at nararamdaman ko ang takot niya. “Nakikiusap ako sa’yo, lubayan mo na ako! Ipapu-pulis kita kapag lumapit ka pa sa pamilya ko!” banta ko sa kanya.
“Gusto ko lang tawagin mo akong ‘tatay’. Gusto ko lang mayakap ka, anak.” may pagmamakaawa sa mga mata niya. At nararamdaman kong labis na nasasaktan siya.
“Nanay ko lang ang tatay ko. Nanay ko lang ang magulang ko.” Madiing sambit ko.
“Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo si tatay.” Iyak niya. Lumapit siya sa’kin para sana yakapin ako pero malakas ko siyang itinulak. Bumagsak siya sa sahig. Nakita kong nasaktan siya at nahirapang tumayo. Alam kong kailangan niya ng tulong, pero tinalikuran ko siya at umuwi ako ng bahay.
Tumuloy ako sa banyo at nagkulong. Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng mga luha ko. Nanginginig ang buong katawan ko. Nasasaktan ako. May kirot sa puso ko. Pero hindi ko ‘to dapat maramdaman. Galit lang dapat ang meron ako.
Lumipas ang ilang araw at ang ilang buwan na di na siya lumapit sa pamilya ko. Pero nakatira parin siya sa kabilang kalsada. Araw-araw parin niya akong binabantayan pauwi. Nasa malayo lang siya’t nakamasid sa’kin. Hindi ko alam kung bakit niya ‘yon ginagawa? Marahil naiisip niya na noong bata pa ako hindi man lang niya ako nahatid at sinundo sa eskwelahan. Para sa’kin hindi na siya nabubuhay. Hindi ko talaga makuhang kausapin siya. Iniisip kong magsasawa rin siya at lalayo nalang siya ng kusa. Ang mag-ina ko alam kong nasasaktan sila. Pero hindi ko talaga magawang magpatawad. Kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. Nabuhay akong mag-isa at nakaya ko. Hindi ko kailangan ng ama.
“Maligayang kaarawan, Manuel, anak.” hangos niyang bati sa’kin. Naaalala niya parin pala ang araw ng kaarawan ko ngayong buwan ng Oktubre. Kanina paglabas ko ng paaralan sumakay ako ng tricycle para sana iwasan siya. Dahil ayaw ko siyang makita sa araw ng kaarawan ko. Dahil nagpapaalala sa’kin ang araw na ‘to na may ama ako kaya nabuo ako sa mundong ‘to. At siya ‘yon, ang amang di ko matanggap. Inabot niya sa’kin ang laruang kotse. Hindi ko napigilang maluha. Bago siya umalis at tuluyan kaming iwan ni inay, ang sabi niya babalik siya at may dala siyang kotse-kotsehan sa birthday ko. Pero hindi siya bumalik.
Galit akong kinuha ang laruan at hinagas ko ito sa kalsada. Sa sobrang galit ko inapak-apakan ko pa ‘to. “Wala kang anak!” nanginginig na bagang kong sambit sa kanya bago ako pumasok ng gate. Anong tingin niya sa’kin, ‘yong batang Manuel parin na pwede niyang mauto?
Disyembre na at malapit na mag-Pasko. Lahat nagbibilang ng araw para sa araw na ‘yon. Muling nanumbalik sa’kin ang di pagpansin sa araw na ‘yon. Ang araw ng Pasko rin ang kaarawan niya. Naaalala ko noon, pangkaraniwang araw lang sa’kin ang araw ng Pasko dahil siya ang naaalala ko. ‘Yong sakit ng pag-abanduna niya sa’min ng nanay ko ang nakatatak sa isip ko dahil dun. At Disyembre rin noong nakaraang taon nang muling magkrus ang landas namin.
Paglabas ko ng gate ng paaralan di ko siya nakita sa kanto kung saan siya laging nakaabang sa’kin para bantayan ako sa pag-uwi.
Pagdating ko ng bahay may inabot na sulat sa’kin si Mercy. Kinabahan ako sa sulat na ‘yon dahil may luha sa mga mata niya.
‘Anak, Manuel, mahal na mahal ka ni tatay. Masaya na akong mawawala dahil kahit papaano alam ni tatay na maayos ang buhay mo. Naging titser ka gaya nang pangarap mo noong maliit ka pa. May maganda ka at mabait na asawa. May gwapong anak na kamukha mo at kasing kulit mo rin noong bata ka pa. Patawarin mo si tatay. Alam kong nagkamali ako sa’yo, anak. Sana lagi kang mag-iingat. Mahalin mo ang mag-ina mo. Patawarin mo si tatay kung nagpakita pa ako sa’yo. Gusto lang kasi ni tatay na mayakap ka at marinig ang pagtawag mo sa’kin ng tatay. Mahal na mahal kita boboy Manuel ko.’
May luhang pumatak sa mukha ko. May haplos akong naramdaman sa puso ko. Pero galit parin ang nangibabaw sa dibdib ko. Nilikot ko ang sulat at tinapon ito. Papasok na sana ako sa kwarto ng pigilan ako ng asawa ko.
“Hindi mo ba talaga mapapatawad ang ama mo? Mawawala na siya. Hindi mo ba talaga naaalala ang araw na ‘yon?”
“Ano bang sinasabi mo?” tanong ko.
“Ang araw na dapat ay patay kana.”
Ikwenento sa’kin ni Mercy ang araw na ‘yon mag-iisang taon na ang nakakaraan. Ayaw kong paniwalaan. Isang malaking kalokohan. Ang alam ko, may holdaper na riding tandem ang humarang sa’kin noong pauwi na ako. Nanlaban ako at tumakbo. Pagliko ko ay nabangga ako kotse. Nagising akong nasa ospital na ako.
“Nakita ko kung paano ipinagpalit ng tatay mo ang buhay niya para lang mailigtas ka. Nakipagkasundo siya kay Kamatayan. Binigyan nalang siya ng isang taon para mabuhay pa. Ayaw niyang ipaalam sa’yo ‘yon. Nakiusap siya sa’kin na ilihim ‘yon. Ayaw niyang malaman mong ang kinamumuhian mong tao ang nagligtas sa buhay mo.”
“Kalokohan!” sigaw ko.
“Sa natitirang isang taon na ibinigay sa kanya para mabuhay, isa lang ang gusto niyang mangyari. Ang mapatawad mo siya. Ang makasama ka at tawagin siyang ‘itay’. Ang mayakap ka. Pero pinagkait mo ‘yon sa kanya, Manuel. Araw-araw ka niyang binabantayan pauwi at bago ka pumasok sa trabaho mo dahil ayaw niyang muling mapahamak ka. Dahil wala na siyang buhay na ipagpapalit pa. Ayaw niyang mawala ka dahil ayaw niyang maranasan mo na magalit sa’yo ang anak mo sa maaga mong pag-iwan sa kanya.”
Napaluhod nalang ako sa panlulumo. Napatulala nalang ako at tuloy-tuloy na dumaloy ang mga luha ko. Ang taong ‘yon. Ang matandang ‘yon. Ibinigay niya ang buhay niya para sa’kin. Para mabuhay ako at maging mabuting ama sa anak ko na di niya nagawa.
Nahanap ko siya. Kasama ang mag-ina ko pinuntahan namin siya. Umiwi siya sa probinsya namin at gustong makasama si inay sa natitirang isang buwan ng buhay niya. Nakita ko siyang nakatayo sa tapat ng puntod ni inay. Lumapit ako at nagsindi ng kandila sa puntod.
“Anak, magmano ka sa lolo mo.” at nagmano ang anak ko. “Siya ang asawa ko, si Mercy.” Pagpapakilala ko sa asawa ko. “Tay,” nakita ko ang pagtatak ng luha niya. At ako di ko na napigilan ang umiyak. Paulit-ulit ko nalang tinawag siya. “Tatay, tatay, tatay ko… Tatay ko, tatay ko. Sorry, tatay ko.” At niyakap ko siya ng mahigpit.
~~~wakas~~~