SI KUYA ANG IDOL KO!

890 Words
SI KUYA ANG IDOL KO! Ni: XIUNOXKI Kakaiba ang Kuya ko, sabi ng iba. Pero tama sila, kakaiba nga si Kuya. Iba ang hitsura niya sa iba. Kakaiba rin siya kung mag-isip at magsalita. Maging ang pagkilos niya ay iba sa iba. Twenty-one years old na si Kuya, at seven years old naman ako - pero mas bata pa kung mag-isip sa akin si Kuya. May ilang taong nauunawaan ang kalagayan ni Kuya. Pero, mas marami ang kumukutya sa kanya. Kaya sa school, lagi akong napapaaway. Ayaw ko kasi na iniinsulto nila si Kuya. Dahil wala naman itong ginagawang masama sa kanila. Kaya bakit naman nila aawayin si Kuya? Naaawa ako kay Kuya pagnakikita kung may nang-aasar sa kanya - alam ko kasi na nasasaktan siya. Naluluha si Kuya kapag tinutukso siya, pero ngingiti na lang siya. Hindi siya lumalaban kahit mas malaki siya, kaya ako ang tagapagtanggol niya. Pero sabi ng Mama at Papa ko, kahit na nasasaktan na ako sa mga sinasabi ng ibang mga tao tungkol kay Kuya ay huwag akong makipag-away. Dahil masama makipag-away at wala itong mabuting maidudulot. Lalo lamang daw kaming aasarin ng mga classmate ko at ng ibang bata. Tiisin ko na lang daw ang mga sinasabi nila tungkol kay Kuya at ipaliwanag ang tunay na kalagayan ni Kuya. Kaya minsan kinakausap ko at ipinaliliwanag ko sa mga classmate ko at sa ibang bata na pinagtatawanan si Kuya ang tunay na kalagayan niya. Pumapasok sa school si Kuya, kung saan masaya niyang naibabahagi ang kanyang sarili at kakayahan niya. Pagdating sa bahay, ako ang teacher ni Kuya. Masaya akong tinuturuan si Kuya. Pero minsan ako na ang tinuturuan niya. Pangarap kasing maging teacher ni Kuya. Talented si Kuya, marami siyang alam na sayaw pambata. At kahit na hirap siyang bigkasin ang mga salita ay sinasabayan niya ito ng pagkanta. Hindi lang pambatang sayaw at kanta ang alam ni Kuya. Maging mga modernong sayaw sa ngayon ay kaya niyang sayawin. Talo niya pa nga ako sa paghataw niya. May mga love song din siyang kinakanta. At para daw iyon sa crush niyang babaeng artista na napakaganda. Hinahangaan ko ang lakas ng loob ni Kuya. Dati mahiyain ako at hindi palakibo, pero dahil kay Kuya naging malakas ang loob ko. Madalas magkasakit si Kuya. At nalulungot ako kapag nakikita ko siyang nahihirapan. Para din akong magkakasakit. Nami-miss ko kasi ang paglalaro namin ni Kuya at ang aming kuwentuhan. Na kung minsan sa aming kuwentuhan, napapakamot na lang ako ng ulo kasi hindi na kami magkaintindihan. Mahilig kaming manood ng cartoons ni Kuya. Tapos sabay kaming mangangarap na may powers kami at lumilipad. Ginagaya pa namin ang porma at kilos ng paborito naming bida at sabay kaming magtatawanan. Lalo na kapag ginagaya na namin ang boses ng ibang character sa palabas naming napanood. Pati sina Mama at Papa ay natatawa dahil sa kakulitan naming dalawa ni Kuya. Kung minsan nag-aaway kaming dalawa ni Kuya. Lalo na kapag mainit ang ulo niya. Minsan kasi nang-aagaw siya ng laruan at nagseselos siya kapag naglalambing ako kina Mama at Papa. Sensitibo at matampuhin kasi si Kuya. Sa tampuhan namin ni Kuya, to the rescue naman agad sina Mama at Papa. Kakausapin at pagsasabihan kami ni Kuya upang pagbatiin. Tapos magso-sorry na ako kay Kuya at ganoon din siya sa akin. Hindi namin tinuturing na iba si Kuya. Panganay na anak siya na dapat akong alagaan at nakababatang kapatid niya ako na dapat siyang igalang. At makikinig kami sa pangaral ng aming mga magulang. Mahal na mahal namin si Kuya. Siya ang anghel sa aming pamilya. Masayahin siya kaya lahat napapasaya niya. At lahat ng kamag-anak namin ay minamahal siya, dahil sa sobrang lambing niya. Kung minsan nga nagseselos na ako kay Kuya. Kasi mas marami ang nagbibigay ng regalo sa kanya. Pero mabait si Kuya, pinapahiram niya sa akin ang lahat ng laruan na meron siya. Tuwing Linggo, nagsisimba kaming buong pamilya. At pagkatapos ay mamamasyal na. Kapag may nakasasalubong kaming classmate ko na hindi kilala si Kuya ay pinapakilala ko siya. Hindi ko siya ikinahihiya, bagkus ipinagmamalaki ko pa. Dahil para sa akin si Kuya ay mahalaga at hindi naiiba. May mga taong pinagtitinginan si Kuya. At si Kuya, ngingitian at babatiin sila. Maging ako ay nakangiting babatiin sila. At ganoon din sina Mama at Papa, makikita sa mga mata nila na pinagmamalaki nila na maging anak kaming dalawa ni Kuya. Bago kumain ay nagdarasal kaming buong pamilya at si Kuya ang nangunguna. Puro masusustansiyang pagkain ang kinakain ni Kuya. Kailangan kasi iyon ng kanyang katawan. Upang lumakas siya at makaiwas sa sakit. Madali kasing magkasakit si Kuya dahil sa mahina ang kanyang katawan. Kay Kuya ako natutung kumain ng prutas at gulay. Kaya naman malusog at malakas ang aking pangangatawan. Bago matulog ay sabay kaming nagdarasal ni Kuya. At bago ko ipikit ang aking mga mata habang si Kuya ay tulog na. Ipinagdarasal ko sa Diyos na sana lagi niyang gabayan si Kuya at ang buo naming pamilya maging ang iba. Nagpapasalamat ako sa lahat ng biyayang ibinigay niya. At ang higit kung ipinagpapasalamat ay ang pagkakaroon ng kuyang tulad ni Kuya. At hindi ko siya ipagpapalit sa kahit kanino man na kuya. Dahil si Kuya ang nagturo sa akin upang maging mabait na bata. At alam ko na habang kasama ko si Kuya ay magiging mabuting tao ako - tulad ng Mama at Papa ko. Si Kuya ang idol ko! ~wakas~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD