Chapter 25: Break Up
Nagkukuwentuhan sina Skye at Philip sa may salas nang may kumatok sa pintuan. Alam niyang si Winston na iyon. Sa kanila talaga ito dumidiretso pagkagaling nito sa ospital matapos ang duty nito. Mamayang gabi pa kasi ang uwi nang dalawang kapatid niya kaya nasisiguro niyang ang fiancé niya ang kumakatok na iyon.
Akala ni Skye ay relaxed na siya, pero parang sasabog ang dibdib niya sa kaba habang patungo siya sa pintuan para pagbuksan ang nasisiguro niyang ang nobyo na kumakatok doon. Hindi nga siya nagkamali, si Winston ang bumungad doon nang buksan niya ang pinto.
Napalunok siya.
Bakas ang pagkagulat sa mukha nito nang makita nito si Philip na nakaupo sa may salas nila nang mga oras na iyon. Halata sa mukha nito ang pagkalito at ang tinitimping galit, bagaman may pilit na ngiti sa mga labi.
“Hi,” malamyang bati niya kay Winston.
Tumango ito at hinalikan ang kaniyang mga labi. Smack lang iyon, pero puno ng damdamin. “May bisita ka pala,” anito sa kaniya nang ilayo na nito ang mukha.
“H-ha? Oo, si Philip.”
“Bakit?” mahinang tanong nito. “I mean, anong ginagawa niya rito?”
“Ano?” Kumunot ang noo niya.
“Bakit binibisita ka niya?” diretsahang tanong nito. Kunwari ay hindi siya makahagilap ng itutugon. Iniba na lang niya ang sasabihin. “Halika, pasok ka muna sa loob.”
Umiling ito. “Mamayang gabi na lang ako babalik dito. By the way, magdinner na lang tayo sa labas. Susunduin kita mamayang alas-siyete.”
“Ha?”
Napatingin ito nang mataman sa kaniyang mukha. “Ayaw mo?”
“W-well…” Nang mga sandaling iyon ay nais nang bumigay ng kaniyang mga tuhod. “M-marami pa kasi akong decors na gagawin. Pero sige, dinner tayo sa labas.”
“I’ll pick you up at seven sharp.”
“O-okay.”
Kumaway na lang ito sa dako ni Philip bilang pagbati, saka ito tuluyang tumalikod na at umalis.
Hanggang sa mawala na ito sa kaniyang paningin ay nananatili pa rin siyang nakatayo sa may pintuan at nakatingin sa pasilyong kanina ay dinaanan nito. Saka niya naramdaman ang pagkirot ng kaniyang puso. Napahawak siya sa hamba ng pinto. Pakiramdam niya ay para siyang mauupos na kandila nang mga sandaling iyon.
Umalalay naman kaagad sa kaniya si Philip na hindi niya namalayang nakalapit na pala. “Skye, okay ka lang?”
Tumango siya. “H-halika muna sa loob. Parang bigla akong nauhaw.”
Nakagayak na si Skye nang dumating si Winston sa bahay nila. Naabutan pa nitong nasa salas ang Ate Suzy niya na halos kadarating lang din mula sa trabaho.
“Hello, Winston. Good evening,” bati dito ng kaniyang ate.
“Good evening, Suzy.” Sagot ni Winston saka tinanguan ang ate niya.
“Saan ang lakad niyo ni Skye?” tanong pa ng ate niya. Suot pa rin nito ang uniporme nito sa bagong trabaho nito.
“Kakain lang kami sa labas nitong si Skye. Hiramin ko muna siya ha.”
“Sige, ikain n’yo na lang ako.”
Mayamaya lang ay sakay na sila ni Winston sa kotse nito.
Humantong sila sa Amor’s Cuisine. Isang fine-dining restaurant iyon na paborito nilang kainan.
Nag-order muna sila ng pagkain. Habang hinihintay ang pagdating ng kanilang order, nag-usisa kaagad si Winston tungkol kay Philip. Seryosung-seryoso ang guwapong mukha nito.
“Kailan pa ba siya nag-umpisang dumalaw uli sa ‘yo? Kung hindi ko pa kasi nakita kaninang hapon, hindi ko malalaman ang tungkol sa pagdalaw niya sa ‘yo,” anito na may hinanakit sa tinig.
“Kanina lang uli siya dumalaw,” kaswal na tugon niya.
“Why?”
Nagkibit-balikat siya. “I don’t know. Hindi ko naman siya puwedeng ipagtabuyan, ‘di ba?”
“Sinabi mo na sana sa kaniya na malapit ka nang ikasal. Ganoon lang kasimple iyon.”
She sighed deeply. “May pinagsabihan ka na ba sa mga kapamilya mo tungkol sa engagement natin?”
“Yes, of course. Naibida ko na kay Mommy. Speaking of Mommy, tinatanong niya pala kung kailan ka niya puwede ma-meet? Habang nandito pa nga naman siya sa ‘Pinas.”
“And?”
“And what?”
“Anong sabi ng Mommy mo nang ipaalam mo na sa kaniya na engaged na tayong dalawa.” Hindi niya pinansin ang huling sinabi nito na gusto siya ma-meet ng Mommy nito. Hayy… Kung alam mo lang, Winston…
“Nabigla siya but of course inaasahan na rin naman niya ‘yun. Noong nasa Korea pa ako ay nabanggit ko na ‘yun sa kanila, remember? Noong hindi natuloy ang kasal namin ni Jenny. So and so. You know, tipikal na reaksiyon ng isang ina kapag nalamang mag-aasawa na ang kanilang anak. This time kasi totoo na. Hindi na arranged marriage. Pero alam ko naman na papayag din siya.”
Kaya? ngalingaling sabihin niya rito. Magkaibang tao yata ang pinag-uusapan nila.
“Pero hindi siyempre papayag iyon na dito lang tayo sa Pilipinas magpapakasal. Kailangan sa Korea din. Inaasahan din niya na sa Korea tayo titira since ako na nga ang magma-manage ng bagong hospital namin doon.” Biglang napangisi ito na parang may nakakatawa. “My father made a wise decision when he married my mom. She’s the perfect wife for him dahil nag-boom lahat ng negosyo namin lalo na at dumami ang branches ng mga hospital namin here and abroad.”
The words cut through her like an icy wind. Ipinaalala niyon sa kaniya ang isang nakakalungkot na bagay—that she would be a liability to Winston should ever vie for managing their hospitals here and abroad.
Humugot siya ng isang malalim na hininga. “Hindi mo pa nasabi sa daddy mo?”
“Walang kaso ‘yun kay Daddy. It’s just that busy siya masyado lately. Ayoko namang ipaalam sa kaniya through a phone call lang since nasa Korea pa siya ngayon. Baka sunduin niya dito si Mommy next month. After that, kapag okay na, saka ko na sasabihin sa ‘yo iyon araw ng pamamanhikan namin.”
Magsasalita pa sana siya nang dumating na ang waiter dala ang kanilang pagkain.
Habang kumakain sila ay nagsalita uli si Winston tungkol kay Philip. “Last night, sinabi mo sa akin na nakikipag-chat ka kay Philip,” Saka ito matamang napatitig sa kaniyang mata. “Bakit ine-entertain mo pa siya, Skye?”
Nag-iwas siya ng tingin. “Philip is a goog friend of mine, alam mo iyon, Winston. Kahit bago pa man siya manligaw sa akin noon, kaibigan ko na siya. Silang tatlo ng kapatid niya at si Vanessa. Kaya, walang masama kung makipag-chat ako sa kaniya, ‘di ba?”
“Para sa akin, may masama kasi dati mo siyang manliligaw. Nagkakaroon iyon ng kulay. And I hate to say this, pero nagseselos ako.”
Tumingin siya rito. Kitang-kita niya sa mga mata nito ang panibugho.
“Alam mo ba kung bakit nagseselos ako sa kaniya, Skye? Dahil ngayon ko lang nakita na nagkaroon ka ng time sa ibang lalaki. At ‘yon ay kay Philip.”
Hindi siya kumibo.
Humugot ito ng malalim na hininga. “Kung kailan naman binabalak na nating mag-settle down, saka naman nangyayari ang ganito.”
Hindi pa rin siya kumibo.
Binitawan na nito ang kutsara, saka hinagilap at bahagyang pinisil ang kaniyang kamay. “Tell me, sweetheart, seryoso ka ba sa pagtanggap sa alok kong kasal, Skye?”
Kumibut-kibot ang kaniyang mga labi. I’m very much serious, Winston! Ikaw lang ang gusto kong makasama habang-buhay. If not you, mas gusto kong magpakatandang dalaga na lang. Pero kailangan kitang hiwalayan. Tama ang Mommy mo, I don’t belong to your world…
Dahan-dahang binitiwan nito ang kamay niya. Lumarawan ang lungkot sa mukha nito. “I know the answer.”
Napatungo siya. “W-Winston, ngayon ko lang kasi na-realize na parang hindi pa talaga ako handa. Wala pa akong mapapatunayan sa ‘yo. Bago pa lang nagsisimula ang munti kong negosyo, isa pa mag-aaral pa ako. Naaalangan ako dahil magkaiba ang mundo nating dalawa.”
Ito naman ang hindi nakaimik.
Nag-angat siya ng mukha at pilit na hinagilap ang mga mata nito. “I-I’m sorry, Winston. Pero gusto kong… gusto kong maghiwalay na muna tayo.”
Nanlaki ang mga mata nito. “What?!” bulalas nito.
Napalunok siya at pilit na pinalakas ang loob. “The truth is, ilang araw ko na ring pinag-iisipan ang tungkol sa bagay na ito. I’m having second thoughts, Winston. And what do they say about getting married? When in doubt, don’t. At nakapagdesisyon na talaga ako na makipaghiwalay na muna sa ‘yo. We both need space, Winston…”
Larawan ng pait at kirot ang mukha nito nang mga sandaling iyon. “Dahil kay Philip?”
Hindi siya nagsalita.
“Hindi mo na ba ako mahal, Skye?”
Hindi pa rin siya nagsalita.
Isang nakabibinging katahimikan ang namagitan sa kanila pagkatapos.
Ito na ang bumasag niyon. “Obviously, may pagtingin ka nga kay Philip. At nawala na agad ang pag-ibig mo sa akin. Ganoon kadali,” mapaklang turan nito. “O baka naman inakala mo lang na mahal mo ako dahil ako ang nag-opera sa ‘yo at tanawin mo lang na utang na loob iyon sa ‘kin? Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Skye?” puno ng hinanakit na sabi pa nito.
“I-I’m sorry, Winston,” halos pabulong na sambit niya. Ganoon din siya kaya nagyaya na lang siyang umuwi.
Wala silang kibuan hanggang sa iparada nito ang kotse sa tapat ng bahay nila.
Akmang bubuksan na niya ang pinto ng kotse sa gawi niya nang pigilan nito ang kaniyang braso. Napipilitang hinarap niya ito.
“Baka nabigla ka lang sa sinabi mo kanina, Skye. Tell me that you love me. Okay lang naman sa aki kahit hindi muna matuloy ang pagpapakasal natin eh. Basta tayo pa ring dalawa. After all, you’re right. Napag-isip-isip ko, we’re doing it a little bit too fast. There’s really no rush, all right. It’s just that… I can’t wait to spend my life with you, sweetheart.”
Napailing siya at tinibayan ang dibdib nang magsalita upang huwag pumiyok ang kaniyang tinig. “I’m sorry, Winston. Pero mas mabuting maghiwalay na muna tayong dalawa.”
Napaawang ang mga labi nito, tigagal sa narinig.
Hinila niya ang kaniyang kamay at nagmamadaling umibis na ng sasakyan bago pa tuluyang maantig ang kaniyang damdamin at yakapin ito nang mahigpit.