Chapter 1: Sitwasyon
Chapter 1: Sitwasyon
Mag-isang kumakain ng hapunan si Skye gaya ng kaniyang nakasanayan. Bumili siya ng ulam nilang magkakapatid sa kaniyang nadaanang karinderya nang siya ay pauwi kanina galing sa kanyang trabaho.
Pangalawa siya sa kanilang tatlong magkakapatid. Siya ang pinakang sakitin sa kanilang tatlo. Mayroon siyang congenital disease. Muntik pa nga raw siyang hindi mabuhay dahil nang siya ay ipinanganak ay nangingitim na daw siya at mahina pa ang kaniyang heartbeat. May butas ang kaniyang puso kaya hirap iyong mag-process at magdistribute ng oxygen sa kaniyang buong katawan. Abnormal ang pag-ikot ng kaniyang dugo sa katawan dahil hindi nabibigyan ng sapat na hangin ang kaniyang baga kung kaya’t madalas na nagkukulay-ube ang kaniyang mga kuko sa kaniyang mga paa at kamay.
Bawal sa kaniya ang mabibigat na trabaho pero hindi niya matiis ang kaniyang mga kapatid kaya tumutulong pa rin siya sa gawaing-bahay sa abot ng kaniyang makakaya. Ultimo sa mga gastusin ay nag-aabot rin siya sa mga ito. Sa kabila ng kaniyang maselang sakit ay nagtatrabaho pa rin siya bilang cashier sa isang botika na pagmamay-ari ng isang kaibigan ng kanilang yumaong ina-si Mrs. Vidanes.
Regular ang working hours niya sa MV Pharmacy—ang botikang kaniyang pinagtatrabahuhan. Libre ang kaniyang lunch doon kaya nagbabaon na lang siya ng almusal niya dahil pang-umaga ang oras ng shift niya. Bahay at trabaho lang ang mundo niya. Ang tanging libangan niya ay pagpipinta na kaniyang idini-display niya sa bahay nila.
Minsan ay pinagkakakitaan din niya ang kaniyang mga ginawang canvass. Mayroon kasing malapit na boutique sa botikang pinagtatrabahuhan niya at doon ay ibinebenta niya ang ibang obra niya. Ilang taon na rin niya itong ginagawa.
Maaga siyang kumain ng hapunan dahil may tinatapos siyang ipinta, order ito sa kaniya ng may-ari ng boutique na si Jenilyn. Nag-advance p*****t na ito para doon kaya kailangan na niya itong tapusin dahil may iba pang naka-line up na sa kaniya ay magpagawa. Ipang-reregalo raw kasi nito sa kapatid nito pagbalik sa Dubai. Excited siya sa kaalamang makakarating ng ibang bansa ang kaniyang obra.
Hinugasan niya ang kaniyang pinagkainan saka siya pumunta sa sala ng bahay na minana pa nila sa kanilang yumaong lola. Sila na lamang magkakapatid ang nakatira doon dahil maliliit pa lamang sila ay inabandona na sila ng tatay nila. Ang Lola Milagros nila ang siyang nagpalaki sa kanila dahil ang kanilang ina ay namayapa na noong ipanganak ang kanilang bunso. Matagal na silang walang komunikasyon sa kanilang ama.
Pagka-graduate ng high school ay maagang nakapagtrabaho ang kanilang panganay na si Ate Suzy. Ito ang unang naging kahera noon sa botika ni Mrs. Vidanes. Mabait maging amo ito kaya ngayon ay sa isa nilang supermarket na nagtatrabaho si Ate Suzy.
Ang bunso naman nila na si Troy ay nagtatrabaho bilang boy sa isang hotel sa Mandaluyong. Okay naman ito roon at maganda ang pasahod sa kanila.
Simula nang umalis si Ate Suzy sa botika ay siya naman ang inalok ni Mrs. Vidanes na maging kahera nito sa botika nito. Pumayag naman siya dahil hindi naman mabigat ang trabaho roon. Maghapon lang siyang nakaupo sa isang panig ng botika kaya hindi siya masyadong stressed out. Mula noon ay hindi na sila umalis na magkakapatid sa kani-kanilang trabaho.
Nitong mga nakaraang taon ay bihira na siyang sumpungin ng kaniyang karamdaman. Napakarami niyang iniinom na gamot para sa maintenance ng kaniyang heart condition. Tinutulungan siya ng kaniyang mga kapatid na mabili ang mga iyon dahil hindi sasapat ang kaniyang suweldo para doon. Buti na lamang at sa botika siya nagtatrabaho kaniya nakakadiscount siya sa pagbili ng kaniyang mga kailangang gamot.
Tatlong taon na ang nakakalipas mula nang mamatay ang kanilang Lola Milagros. Dinibdib niya iyong nang husto. Mula noon ay naging madalas na ang pag-atake ng kaniyang sakit. Regular siyang nagpapatingin sa isang cardiologist—si Dr. Valdez.
“Lumalala ang sakit mo, Skye. Maaaring bigla ka nalang atakihin kapag hindi nakayanan ng iyong puso ang abuso ng araw-araw na pagkilos mo, and you’re done,” palaging paalala nito sa kaniya.
Nang dahil sa sinabi nito ay lubos na ikinabahala iyon ng kaniyang mga kapatid. Simula noon ay halos patayin na ng mga ito ang mga sarili sa pag-oovertime para may maipandagdag sa panggastos at pambili ng kaniyang gamot. Siya ang dahilan ng mga ito kaya mistulang kayod-kalabaw sa pagtatrabaho ang dalawa niyang kapatid.
Umupo siya sa sofa na naroon upang makapagpahinga saglit. Mayamaya pa ay pumasok na siya sa kaniyang kuwarto na kaniya na ring studio. Doon siya nagpipinta ng kaniyang mga obra. Pilit niyang inabala ang kaniyang sarili upang ilayo na rin ang kaniyang isip sa pamomroblema sa heart condition niya. Dati ay umaasa pa siyang mahahabag sa kanilang magkakapatid ang Maykapal at aambunan sila ng kaunting grasya at mangyaring maoperahan siya. Pero dahil na rin sa naging matagal na kaniyang paghihintay, iniisip niyang imposible nang mangyari iyon.
Napakalaking halaga ang kakailanganin para siya ay maoperahan. Aabot ng milyon ang halaga ng operasyon na kailangang isagawa sa kaniya. Sakali mang makalibre siya sa doctor, magbabayad pa rin sila sa ospital. Paano pa kaya ang mga gamot niya na kailangang inumin? Sa kalkula niya ay daang libo rin ang aabutin ng mga iyon. Kaya naman nawawalan na rin siya ng pag-asa, sana naman ay maintindihan siya ng Diyos dahil doon. Napapagod na rin siyang talaga.
Inaayos niya ang canvass at mga paint brushes na kaniyang gagamitin nang marinig niya ang malalakas na katok sa kalawanging gate nila. Nagtatakang tumayo siya mula sa kaniyang pagkakaupo at lumabas nang kwarto para silipin kung sino man iyon. Wala siyang inaasahang bisita at mamaya pa ang uwi ni Ate Suzy.
“Sino ‘yan?”
Nang walang sumagot ay naiinis niyang binuksan ang gate. Pero hindi pa niya nabubuksan iyon ay may tumulak na ng malakas roon. Hindi siya nakaiwas kaya humampas ang dibdib niya sa gate, dahilan para halos tumilapon siya paatras. Napahawak siya sa kanyang dibdib, kasabay ng panlalaki ng mga mata. Pumasok ang madrasta niyang si Marites, kasunod ang mga kapatid niya sa ama na pawing mga lalaki.
“A-anong ginagawa niyo rito?” nahihirapan man ay nagawa pa ring itanong iyon ni Skye.
“Iyan ang isa sa mga umagaw ng bahay na ito. Ilabas niyo na iyan!” anang bruhang madrasta niya.
Nagulat na lang siya nang bigla siyang hablutin ng isang anak nito. Pagkatapos ay halos kaladkarin siya palabas ng gate.
“Nasaan ang mga kapatid mo?” tanong ng madrasta niya nang nasa siwang na siya ng kanilang gate.
“Bakit ko sasabihin sa’yo?” pagtatapang-tapangan niya. Dakma parin siya ng kaniyang half brother niyang si Dennis sa kaniyang braso. Napangiwi siya nang maramdaman niya ang pagdiin ng pagkakahawak nito sa kaniya.
Sinampal siya ni Marites. “Kapag kinakausap kita, sumagot ka ng maayos! Kung ayaw mong masaktan, ipakukulong kita!” sigaw pa nito sa kaniya.
“Subukan mo!” galit na bulyaw niya rito, sabay sapo sa kaniyang dibdib. Naramdaman niyang tila pangangapusan siya ng hininga. Parang may pumipiga roon. Bumilis ang heart beat niya.
“Namumutla ka na,” ani Marites, sabay ngisi nito sa kaniya. “Kundangan kasi’t hindi ka pa mamatay-matay! Dapat sa inyong magkakapatid, sabay-sabay na mawala sa mundo!”
“U-umalis na kayo rito. I-isusumbong ko kayo sa mga pulis,” nahahapong sabi niya.
“Gaga!” Humalakhak pa ito saka siya pinanlisikan ng mga mata. “May mga pulis at barangay tanod na akong mga kasama oh! Kukunin ko na kung ano ang para sa akin at sa mga anak ko. Hindi ko nga maintindihan si Nestor kung bakit hindi niya kinuha ang bahay na ito noon pa. Nakikinabang kayo samantalang wala naman kayong mga silbi! Mula ngayon tapos na ang kalokohan niyo. Dito na kami titira ng mga anak ko at kayong tatlo, sa kalye kayo magsitulog kung saan kayo mas nababagay!” Bulyaw nito at saka tumawa nang malakas bago tinanguan ang anak nitong si Dennis na may hawak sa kaniya.
“Halika na!” Kinaladkad siya ni Dennis at saka siya itinulak palabas ng gate. Pagkatapos ay pinagsarhan na siya ng mga ito.
Makailang sandali pa ay tuluyan nang pinagdimlan ng paningin si Skye. Hindi na niya alam ang mga sumunod na pangyayari pagkatapos niyang humandusay sa labas ng kanilang gate matapos siyang atakihin.