Chapter 26: Muling Pagkikita
“Ano na naman ang problema at nakipaghiwalay ka kay Winston?” ang lalim ng pagkakakunot ng noo ng Ate Suzy ni Skye habang nakatingin ito sa kaniya. Noong mga nakaraang buwan ay natutunan na nilang usisain ang bawat isa lalo na kung may problema. Ngayon niya nahiling na sana ay gaya na lang sila noong hindi pa siya pinapakialaman nito kapag nagkakaproblema sila ni Winston. Ayaw niyang malaman ng mga kapatid ang totoong dahilan ng kaniyang pakikipaghiwalay sa kaniyang nobyo.
Umiwas siya nang tingin. “Please, Ate, ayoko munang pag-usapan ang bagay na iyan.”
“Kailangan ko ring malaman, Skye! Ano ba ang nangyari at bigla-bigla kang nakipaghiwalay sa kaniya?”
Humugot siya ng isang malalim sa hininga. “H-hindi ko na siya m-mahal…”
“Sinungaling ka! Imposible ang sinasabi mo, Skye!”
Tumayo siya mula sa kinauupuang sofa. “Hindi ka pala naniniwala, eh di huwag na nating pag-usapan pa ito!”
“Skye Elizabeth!”
Nakikiusap ang kaniyang mukha nang muling harapin ito. “Ate, ayoko na munang pag-usapan ang tungkol sa amin ni Winston, please? Basta ang masasabi ko lang, tapos na ang relasyon namin. Period na!” She sounded hysterical, as though she was trying to convince not her sister but her self.
Siya namang paglapit ni Troy sa kanila. “Dahil ba doon sa Philip na iyon, Ate Skye, kaya ka nakipaghiwalay kay Doctor Winston?”
Naumid ang kaniyang dila.
Nanlaki ang mga mata ng Ate Suzy niya. “What?Ano naman ang kinalaman dito ni Philip ha, Skye?”
“N-nahuhulog ang loob ko sa kaniya, Ate.” Iyon na lang ang sinabi niya. Sorry, Philip, I am so unfair and I’m really sorry.
Kunot na kunot pa rin ang noo nito. “Akala ko ba ay huminto na siya sa panliligaw sa ‘yo mula nang maging boyfriend mo si Doc?”
“N-naging close kami lately lalo na noong nasa Korea pa si Winston,” patuloy na pagsisinungaling niya.
“Hindi mo naman gusto si Philip, ‘di ba? Dahil sinabi mo nga noon, ayaw mo sa mga baluga. Mahilig ka sa tisoy at Koreano.”
Muli ay iniiwas niya ang tingin dito. “G-gusto ko na siya ngayon eh. At feeling ko naman ay may feelings pa rin siya sa akin.”
“Skye!”
“Ate Skye!”
Magksabayan pang bulalas ng kaniyang Ate Suzy at bunsong kapatid na si Troy.
Hindi na siya tumugon pa. Tumalikod na siya sa mga ito. “May gagawin pa pala akong mga decors na orders sa akin.”
“Skye, hindi pa tayo tapos mag-usap!” pahabol sa kaniya ng Ate Suzy niya.
Pero nagbingi-bingihan siya. Nang makapasaok na siya sa loob ng kaniyang kuwarto, saka pa lang siya napahikbi na nauwi sa hagulgol.
Hindi alam ni Skye kung paano dumaan ang mga araw sa buhay niya. Inaabala na lang niya ang sarili sa paggawa ng mga decors na orders sa kaniya subalit parang nawawalan siya ng drive dahil sa mga pinagdadaanan niya. Para siyang zombie mula nang maghiwalay sila ni Winston. Ilang gabi na rin siyang palihim na umiiyak dahil sa sinapit ng kanilang relasyon. Mabuti na lang at nagsimula na rin ang klase nila sa paaralan kaya’t bukod sa paggawa niya ng mga handicrafts ay may iba pa siyang napaglilibangan at pansumandaling nakakalimutan ang tungkol sa kanila ni Winston.
Sumapit ang araw ng Pasko. Kung noon ay napaka-excited niyang pinaplano ang mga sorpresa sana niya para kay binata sa araw na iyon, halos hindi niya namalayan na dumaan iyon. Naiinggit siya sa kaniyang mga kapatid dahil nagkaayos nang muli ang kaniyang Ate Suzy at si Travis, gayon din si Troy at ang bago nitong girlfriend.
Nagkulong lang si Skye sa kaniyang kuwarto. Pagsapit din ng Bagong Taon ay ganoon pa rin ang naramdaman niya. Nang sumapit ang alas-dose at magsilabasan ang kaniyang mga kapatid kasama ng mga kapareha ng mga ito para magdiwang, siya ay nasa bintana lang ng kaniyang kuwarto, nakatanaw sa labas. Mistulang baliw siya sa pagkakatingala sa kalangitan habang pinapanood ang mga fireworks, na hindi naman rumehistro sa kaniyang isipan.
Pinagsisisihan na niya ang pagkaduwag niya. But now it was too late. Wala na siyang mukhang maihaharap kay Winston. Kahit nasa abroad na si Philip at obvious namang walang nangyari sa ‘pag-ibig’ niya rito.
Dumating ang araw ng kaniyang another follow up check up mula ng maoperahan ni Doctor Winston ang puso niya may isang taon na ang nakakalipas. Every six months ay kailangan niyang bumalik para magpatingin sa ospital kung saan ito nagta-trabaho. Hiling niya na hindi ito ang doktor na titingin sa kaniya ngayon.
Naisipan niyang magpasama kay Strell dahil may ibang lakad si Vanessa. Gusto nga sana niyang lumipat ng ibang clinic para doon magpatingin. Kung hindi pa dahil sa pamimilit ni Strell sa kaniya ay hindi na lang siya magpapa-check up. “You have to confront your ghost para makawala ka na riyan. Huwag kang tago nang tago, Ate Skye,” sabi nito. “Remember, choice mo na iyan. Wala kang ibang dapat sisihin kundi ang sarili mo.”
Wala siyang maisip na isagot dito.
“Isa pa, gaya nga ng sabi mo hindi mo sigurado kung si Doc Winston ba ang titingin sayo pagdating natin doon sa clinic. At hindi rin natin alam kung nandito pa ngayon sa Pilipinas si Doc.”
Dahil sa sinabing iyon ni Strell ay nabuhayan siya ng loob. Kalahati ng puso niya ay umaasam rin na makita ang binata, ang kalahati ay nagnanais naman na huwag magtagpo ang landas nila.
Nang makarating sila ng clinic nito ay agad siyang binati ni Apple na sekretarya nito. Dahil afford na niya ang magpa-check up ngayon doon ay hindi na siya pumila pa gaya ng sa mga indigent patients ni Doc tuwing Friday.
Biglang sumalit sa isip niya ang nakaraan.
Alas-sais y medya pa lang ng umaga ay nakaupo na si Skye sa waiting area ng kilinikang iyon ni Dr. Tiwaquen. Hindi siya nahirapang hanapin ang klinikang iyon sapagkat iyon lang ang bukod tanging silid na may mahabang pila nang ganoon kaaga.
Nang hindi na niya makayanan ang inip ay napagpasyahan niyang lumabas na muna ng klinika para magpahangin. Natawag ang kaniyang pansin nang may makita siyang babaeng iyak ng iyak sa baba ng hagdanan. Nakita niya itong itinataboy ng security guard na naroroon habang panay ang pakiusap rito ng babae.
“Guard, pakiusap po, pakisali niyo ang anak ko sa bilang.”
Parang piniga ang puso ni Skye pagkakita sa batang lalaking kalong ng ale. Malaki na ang ulo ng paslit, tanda iyon na hydrocephalic ito. Halos buto’t balat na ito at talagang nagkukulay-ube na ang buong katawan. Halos hindi na nga ito kumikilos. Humihinga man at mistulang sa isang bangkay na ang mga mata ng bata.
“Ale, ilang taon na ho siya?” hindi na siya nakapagpigil at inurirat niya ang medyo marusing na ina ng bata.
“T-tatlo, Miss.”
Napatitig siya sa bata. Animo isang taong gulang lang ang laki nito.
“Palakad lang kami kung magpunta rito. Ilang lingo na kaming pabalik-balik dahil sa hindi kami nakakaabot ng numero. Makakamatayan na yata ito ng anak ko…” Umiiyak na lahad sa kaniya ng babae.
Naaawa niyang tiningnan ang batang kalung-kalong nito, sabay suksok ng kamay sa bulsang kinapapalooban ng laminated cardboard na may number 1. Nakasulat doon ang pangalan ng sponsor na foundation at pirmado rin ni Dr. Tiwaquen. Mahigpit niyang hinawakan ang numero habang nakatingin siya sa paslit na animo ay bangkay na.
Siguro ay pwede pa rin naman siyang pumila na lang ulit sa susunod kung hind man ngayon. Sasabihin na lang niya sa Ate Suzy niya na ito na lang ang magpaliwanag kay Mr. Guevarra kapag tinanong ito kung bakit hindi siya nakasipot sa clinic ni Dr. Tiwaquen. Babalik na lang siya roon sa susunod na Biyernes kahit alas-singko pa ng umaga. Makakapaghintay pa naman siya, pero ang batang ito…
Napakunot-noo siya habang nakatingin sa mag-inang patuloy na itinataboy ng guard na naroon.
Paano kung hindi na ako muling magkaroon ng pagkakataong gaya nito. Napabuntong-hininga siya. Bahala na, sabi niya sa kaniyang sarili, nag-iisip pa rin. Mas hindi kaya ng kaniyang konsensiya na pabayaan ang mag-ina sa ganoon kalagayan.
Inilabas niya ang laminated cardboard mula sa kaniyang bulsa at saka iniabot sa babae. “Ale, eto ho. Pumila na kayo roon at malapit ng mag-alas-otso. Number one ho kayo. Saka, eto ho…” Dumukot siyang muli sa kaniyang bulsa. May nabunot siyang singkwenta pesos roon. “Pamasahe man lang ho ninyo. Pagpasensyahan niyo nap o ito at wala rin ho kasi akong pera.”
“Numero mo ito?” hindi makapaniwalang sambit ng babae.
“Oho. Nakalista po ang pangalan ko pero sabihin niyo na lang po na ibinigay ko sa inyo ‘yan.”
“Sigurado ka ba, Miss?”
Tumango siya. “Umakyat na po kayo at mahaba nap o ang pila.”
“Diyos ko po… Salamat, Miss. Pagpalain ka nawa ng Maykapal…” Lumuluha pa ang babae dala ng pag-iyak nang tumayo ito, inayos ang kargang bata at saka nagmamadaling pumasok sa building.
Sinundan niya ito ng tanaw. Bumuntung-hininga siya bago tuluyang tumalikod at wala sa sariling naglakad. Nang biglang mabangga siya sa matipunong lalaki. “Ano ba!” sambit niya, sabay tingala sa lalaking lampas ng anim na talampakan ang taas, OMG! Ang guwapo! Sa loob-loob niya. Para itong bida sa kdrama na paborito niyang panoorin. Kamukha ito ni Lee Dong Wook, iyong Korean actor na paborito niya. Ano ang ginagawa ni Lee Dong Wook sa Pilipinas nang ganoon kaaga?
“Bakit mo ibinigay ang number?” tanong nito sa kaniya.
Napangiwi siya. “Sorry, binangga mo ako, ha?” sarkastikong sabi niya rito. Parang hindi niya narinig ang sinabi nito.
“Bakit kako ibinigay mo ang numero mo?” ulit nito sa tanong nito kanina.
Saka pa lang rumehistro sa isip niya ang sinabi nito. Mukha talaga itong foreigner, pero nagulat siya dahil matatas itong magsalita ng Tagalog. May kaunting twang, pero slightly recognizable iyon. “Nakita mo ba ang hitsura n’ong bata? Higit na kailangan niya ang tulong ni Doctor Tiwaquen kaysa sa akin.”
“Oo, nakita ko. Kahit naman wala sila sa listahan, titingnan ko pa rin talaga ‘yong bata. Pero ibinigay mo sa kaniya ang pagkakataon mo.”
“Mas kailangan niya iyon.” Napatungo siya saka bumuntong-hininga. “Babalik na lang ako sa susunod na Biyernes. Baka suwertihin na ako.”
“Huwag kang umalis.” Tatapusin ko ang mga nakalista at ikaw na ang ihuhuli ko. Hindi ka pa naman mukhang patawirin, e.” Hinawakan siya nito sa braso saka siya inakay pabalik sa clinic.
Napanganga siya. “Don’t tell me…”
“Na ako si Doctor Tiwaquen?” Tumawa ito. “Hindi ba obvious?”
Nakanganga pa rin siya at hindi na muling magawang magsalita dahil sa matinding pagkabigla. Ang imahe ni Dr. Winston Tiwaquen na nabuo sa kaniyang imahinasyon ay isang matandang lalaki na kamukha ni Eddie Garcia.
“Ate Skye,” untag sa kaniya ni Strell na nagpanumbalik ng kaniyang alaala. Saglit na naglakbay ang kaniyang isip sa panahong una niyang makilala si Winston sa harapan ng clinic na ito. “May itinatanong sa ‘yo si Miss Apple,” sabay nguso nito sa babae.
“A-ah oo, ano nga ulit ‘yun, Apple?” natatarantang sabi niya.
“Hmm… sabi ko, kung nakakaranas ka ba ulit ng paninikip ng dibdib mo? Any unusual feelings simula ng maoperahan ka?” ani Apple.
Ngalingaling sabihin niya dito, Oo pinaninikipan ako ng dibdib lately kasi hindi ko na kaya ang sakit! Nang maalala niyang iba nga pala ang itinatanong nito, masyadong personal ang nasa isip niya. Tahimik niyang sinaway ang kaniyang sarili saka niya sinagot ito.
“Wala naman, Apple. Okay na okay na ang puso ko simula nang maoperahan ako.” At nagsisisi yata ako kung bakit naging matibay ang puso ko sana himatayin na lang ako kaysa danasin ang ganitong kasakit. Hirit pang drama niya sa sarili.
Natapos ang pansumadaling routine interview sa kaniya ni Apple ay pinaghintay ulit sila nito dahil may kausap pa raw si Doc Tiwaquen sa loob.
Akala niya ay pasyente din iyon. Kaya laking gulat niya nang tawagan nito si Apple at sabihing papasukin na sila sa loob gayong hindi pa naman nalabas ang pasyente galing sa loob. Kinakabahan siyang humakbang papasok doon habang kasunod niya si Strell. Naramdaman yata nito na napahigpit ang kaniyang paghawak sa braso nito. Saglit siyang nilingon ni Strell saka sinabing, “Kaya mo iyan, Ate Skye.” sabay muwestra sa kaniya ng nakatikom nitong kamao bilang pagbibigay assurance sa kaniya.
Humugot pa siya ng isa pang malalim na hininga bago pinihit ang doorknob at saka sila pumasok sa silid kung saan naroroon si Doctor Winston Tiwaquen.