Chapter 24: Plano
Nang sakay na si Skye ng taxi pauwi sa kanilang bahay, saka naman parang tukso na muling bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng mga sinabi ni Mrs. Tiwaquen.
Bagaman may katotohanan ang lahat ng mga sinabi nito, masakit pa rin iyong tanggapin lalo pa at ang nagsabi ay mismong ina ng lalaking pinakamamahal niya—ng lalaking handa na niyang pakasalan at makasama habang-buhay.
Napakagat-labi siya, saka tinanaw ang malinis na kalsada na dinadaanan ng sasakyan. Masisisi ba siya kung ganoon ang sinapit ng kaniyang mga magulang? Hindi nila kasalanan ang maging mahirap. Lalo’t higit wala siyang kasalanan kung paano siya nagkasakit at eventually ay naoperahan ni Winston.
“Skye…” salubong sa kaniya ng Ate Suzy niya pagdating niya sa bahay. “O, bakit ganyan ang hitsura mo? Para kang pinagsakluban ng langit at lupa.”
“M-masakit lang ang ulo ko, Ate Suzy. Magpapahinga na ako sa kuwarto ko. Excuse me.” Nilampasan niya ito. Nang masigurong hindi na siya makikita ng kaniyang ate ay saka lamang niya pinakawalan ang nag-uumalpas na luha.
Mrs. Tiwaquen had all the right to be protective of her son—and their business and wealth as well. Pagkatapos limiin ang mga bagay-bagay, saka pa lang lubusang natanggap ni Skye na hindi nga siya karapat-dapat kay Winston.
Nagkulong agad si Skye sa kaniyang kuwarto pagdating niya sa kanilang bahay. Mayamaya lang ay tumunog ang cell phone niya. Si Vanessa ang tumatawag.
“O, Van?” sagot niya sa tawag.
“Safe ka bang nakauwi sa bahay ninyo, Ate Skye?” tanong agad nito nang marinig ang boses niya.
“Oo, salamat nga pala sa inyo ni Strell ha.”
“Wala iyon , Ate. Eh sure ka na ba talaga sa desisyon mo?”
“Y-yes, Van.”
Bumuntung-hininga ito. “So, itutuloy mo talaga ang planong pakikipaghiwalay kay Doctor Tiwaquen? At si Kuya Philip ang gagamitin mo para mangyari iyon?”
“Oo. Sinabi ko naman na sa inyo kanina, buo na ang desisyon ko. Tayo lang ang nakakaalam ng bagay na ito ha, Van. Tayong tatlo at si Philip.”
Napalatak ito sa kabilang linya. “Naloloka ka na, Ate.”
“Kailangan kong gawin ito, Van.”
Humugot ito ng malalim na hininga. “Botong boto na pa naman ako kay Kuya Winston. Kawawa naman siya.”
Napakagat-labi siya. “Makakalimutan na niya ako lalo pa’t patapos na iyong bagong hospital nila sa Korea, baka doon na siya mag-base. I’m sure of that. ‘Tapos mamaya pa, may bago na siyang girlfriend or fianceé. Ang alam ko kasi inirereto din sa kaniya iyong nakababatang kapatid naman ni Jenny.” Napalunok siya at nangilid ang luha. Upang ibaling palayo roon ang isipan ay naisip niyang tawagan ang ina ni Winston. “Tatawagan ko na si Mrs. Tiwaquen para ipaalam ang desisyon ko.”
Hindi dalawin ng antok si Skye nang gabing iyon. Laman pa rin ng isip niya ang malaking problema na kinakaharap niya na may kinalaman sa kanila ni Winston.
Mag-aalas-onse ng gabi nang tumunog ang cell phone niya. Tumatawag si Winston. Napatitig lang siya sa aparatong patuloy lamang sa pagtunog. Hindi niya sasagutin iyon. Hahayaan niyang isipin nito na abala siya sa ibang bagay nang mga sandaling iyon.
Siyam na Missed Calls ang rumehistro sa kaniyang cell phone bago niya tuluyang sinagot iyon.
Bakas ang iritasyon sa tinig ng nasa kabilang linya. “What are you doing?”
Kahit pa may halong iritasyon, maganda pa rin ang tinig ni Winston sa kaniyang pandinig. Malambing ang baritonong tinig nito kahit nagtataas na ito ng boses. “I-I’m sorry, Winston… pagtapos ko kasing gumawa ng mga decors kanina ay naging abala ako pagpe-face book. May naka-chat ako.”
“What? Kailan ka pa nawili sa chat-chat na iyan?”
Ninenerbiyos siya pero pinatatag niya ang kaniyang sarili. “H-hindi ko ba nabanggit sa ‘yo na may Internet na dito sa bahay two weeks ago pa? Kailangan ko rin kasi para sa mga research namin sa school. Kaya nandito sa kuwarto ko ‘yung desktop siyang gamit ko.” Pagdadahilan niya.
“At sino naman ang ka-chat mo nang dibdiban at hindi mo marinig ang ring ng cell phone mo?”
“A… a friend,” aniya na kunwari ay nag-aatubili siya sa pagsagot.
“Friend? Friend who?”
“S-si Philip. ‘Yong kuya ni Strell na kaibigan ni Vanessa.”
Saglit na natahimik ito. “Ine-entertain mo siya? Hindi ba’t dati mo siyang manliligaw?” Mababa at mahinahon ang tinig nito. Ngunit alam ni Pamela na mas nakakatakot si Winston kapag ganoon ang tonong ginagamit nito. At natitiyak siyang pagod pa ito sa trabaho nito sa ospital. Nakailang operasyon din yata ito ngayong araw.
Hindi siya tumugon.
Napaungol ito. “Look, I’m tired. Mabuti pa sigurong bukas na lang tayo mag-usap. Goodnight, Skye.”
Napakagat-labi siya nang maputol ang linya.
Kinabukasan, inabala ni Skye ang sarili sa paggagawa ng mga orders sa kaniyang mga decors. Maghapon niyang hindi binubuksan ang kaniyang cell phone. Ang plano niya pag malapit nang umuwi si Winston galing hospital ay saka niya papupuntahin dito sa bahay si Philip. Alam kasi niya na didiretso ito sa bahay nila. Gusto niyang masaksihan ni Winston ang pagbisita kuno ni Philip sa kaniya mamaya.
It was part of her plan.
Napakamot sa ulo si Philip habang inilalahad niya ang kaniyang plano sa harap nito kasama sina Vanessa at ang kapatid nitong si Strell.
“Nakakahiya yata kay Doctor Tiwaquen, Skye,” naiiling na sabi nito. “Alam mo na, nirerespeto ko naman ‘yong tao. Lalaki rin ako—”
“Huwag ka nang umurong, Kuya,” putol ni Strell sa sinasabi nito. “Pumayag ka na kahapon.”
Patuloy ito sa pagkamot. "Paanong hindi ako papayag, hysterical na si Skye. Sa takot kong baka atakihin siya, napilitan tuloy ako. Nakalimutan kong, naoperahan na nga pala ang puso niya at matibay na ito sa ngayon. Sorry, Skye.”
Hindi siya nakaimik. Naunawaan niya ang saloobin ng binata. Delikado rin ang susuungin nito—si Doctor Tiwaquen who was something to reckon with.
“Hindi ka naman na magtatagal dito sa ‘Pinas, ‘di ba, Kuya?” sabi ni Strell. “In less than two months, which is saglit na lang naman at lilipad ka na.”
Panay ang hitit ni Philip sa vape nito dala ng tensiyon. “Paano naman kung maisipan ni Winston na balikan ako? Hindi malayo iyon. Paano naman ang mga pangarap ko? ‘Langya, puwede bang siya lang ang may sariling destiny na ipu-fulfill! Pambihira namang life ito, oo!”
“Huwag kang mag-alala, Kuya Philip, hindi naman mukhang bayolenteng tao si Doctor Winston eh,” ani Vanessa na nakisabad na sa usapan nila. “Hindi naman siya ganoong klase ng tao, ‘di ba, Ate Skye? Relax ka lang, Kuya Philip. Saka one time lang naman ito. Kailangan lang may ebidensiya si Skye na, you know. Alangan naman basta siya mag-imbento. Saka sa palagay mo ba, walang ka-pride-pride iyong tao para patulan ang isang pangit na tulad mo?” Humagikgik pa ito. “Peaceyow, Kuya!”
“Pagbubuhulin ko kayo eh!” sikmat ni Philip.
“Ako na ang bahala kay Winston pagkatapos ng palabas natin mamayang gabi, Philip. Pasensiya ka na at nasangkot ka pa sa gulo ko. Pagpunta mo naman sa Saudi, magtatagal ka na don, ‘di ba?”
Atubiling tumango ito.
“Please naman, Philip, tulungan mo ako. Just this once. Kakapalan ko na talaga ang mukha ko.”
“Susmaryosep, Skye! Kailangan mo pa talagang magmatured muna. ‘Yan na lang ang iisipin ko para maging bukal sa kalooban ko ang pagtulong sa ‘yo. Hindi ka pa nga dapat mag-asawa. Bakit kasi atat na atat si Winston na pakasalan ka na? Baka naman may inireretong uli ang pamilya niya? Hindi ka lang madiretso ‘nong nanay niya. Or buntis ba siya?”
Napangiti siya sa huling tinuran nito. “Kung buntis man siya, I’m sure hindi akin ang dinadala niya,” aniya na tuluyan nang napabungisngis. “Nag-condom ako.”
Nagtawanan silang apat. Halata namang natuwa ang dalawa niyang kaibigan sa biglaang paggaan ng mood niya.
“Kuya, mamayang hapon ka lang naman sasabak. Sasamahan mo lang si Ate Skye sa workshop niya. Mag-i-stay ka lang ng kaunti kung kinakailangan, hanggang makita kayo ni Kuya Winston. That’s all.” Litanyang sabi ni Strell sa kuya nito.
Nagkamot uli sa batok si Philip. “Oo na, oo na,” anito na napapailing. “Kung bakit naman kasi si Winston pa ang sinagot mo noon eh. Kung ako na lang sana, eh di wala kang ganyang problema.”
Pinandilatan niya ito. “Magpaputi ka muna at magpasingkit ng mga mata,” pagbibiro niya, sabay tawa.
Napasimangot ito. “Nagsabi ang hindi baluga.”
“Kaya nga mahilig ako sa tisoy dahil negrita na ako.”
“Kung pumuti ako, eh di hindi sana ako tall, dark and handsome. Hindi ako kahuhumalingan ng aking mga fans.”
Nagkatawanan na sila nang tuluyan.
Malaking load sa dibdib ni Skye ang natanggal nang mga sandaling iyon.