Chapter 16: Parting Ways

1280 Words
Chapter 16: Parting Ways Hindi napansin ni Skye ang mabilis na paglipas ng mga buwan. Paglabas niya ng hospital ay naging busy siya sa paglalakas. Naging abala rin siya kay Winston. Mag-lilimang buwan na ang nakalipas mula nang maoperahan siya. Bantulot man ay pinayagan siya ng binata na balikan ang mga naudlot niyang proyekto para sa bahay nito. Ang katwiran niya ay hindi naman stressful ang trabahong iyon, bagkus ay malilibang pa siyang gawin ang mga iyon.      Tapos na ito sa mga operasyong nakatoka rito. Naipasa na nito sa mga kasamahang doktor ang follow up check sa mga pasyenteng hinawakan nito kaya mas marami na silang oras na magkasama, gaya nang gabing iyon.                “Anong meron? Parang napakaespesyal yata ng gabing ito at kailangan ko pang magbihis ng bonggang-bongga para sa dinner natin,” aniya.      “It is very special. This marks the eighth month since I first saw in front of my clinic.”      Napamulagat siya bago ngumiti. “Naaalala mo pa iyon?”      “Of course.” Bumukas ang elevator ng tinutuluyang hotel nito habang hindi pa maaaring lipatan ang inuupahang bahay nito sa West Triangle.      Pagpasok nila sa hotel room ay natigilan siya sa nakita. Batbat ng red rose petals ang buong silid. Sa gitna niyon ay may two-seater dining table. Pumapailanlang din sa silid ang isang Korean love song na paboritong kantahin nito sa kaniya; hindi pa rin niya alam kung ano ang ibig sabihin ng mga lyrics niyon.      “How romantic!” hindi napigilang bulalas niya. “Anong pumasok sa kukote mo at naisipan mo ang pakulong ito?”      Inakbayan siya nito. “Would you spend the night with me, my jagiya?”      Napangisi siya. “Ang arte ko naman kung tatanggi pa ako, eh ilang beses na akong nag-spend the night with you sa lugar na ito? And I must say I enjoyed every one of it.”      “Thank you.” Inalalayan siya nito sa pag-upo sa isang silya.      Ilang sandali pa ay dumating na ang room service ng in-order nitong mga pagkain. Nang nagde-dessert na sila ay katabi na niya ito sa mesa. Panay ang yakap at halik nito sa kaniya hanggang tuluyan siyang yayain nito na magkape sa balkonahe ng silid nito.      “Pumasok na tayo at baka mahamugan ka pa ay magkasakit ka pa rito,” sabi nito pagkalipas ng kalahating oras na pamamalagi roon. Pasado alas-onse na ng gabi.      “Sige. Maliligo na ako para makapagpahinga na tayo.”      Pilyong ngumiti ito at pinakawalan na siya.      Napangiti siya pagpasok niya sa banyo. May pulang satin night gown na naghihintay sa kaniya roon. Hindi niya alam kung kailan iyon inilagay ni Winston doon dahil ilang beses siyang nag-CR kanina pero wala pa iyon doon. Pagkatapos niyang maligo ay excited na isinuot niya ang nightgown. Nakaupo si Winston sa iniwan nilang dining table paglabas niya ng kuwarto. Ngumiti ito nang makita siya. Lumapit siya rito at saka nag-pose na parang modelo.      “Puwede ko na bang kompetensiyahin si Ate Suzy?”      “Hmm… mas mataba ka kay Suzy,” nakangising tudyo nito, sabay halakhak nang sumimangot siya. “You fill the nightgown in all the right places, jagiya.” Tumayo ito at niyakap siya. Hinawakan nito ang mga kamay sa likuran niya at saka siya isinayaw sa saliw ng redundant Korean song na iyon. “I love you… and I will always remember you this way,” punong-puno ng emosyon ang tinig na sabi nito bago ibinaon ang mukha sa kaniyang leeg.      May di-mawaring nerbiyos na gumuhit sa kaniyang dibdib. Napilitan siyang kumalas dito at umurong nang bahagya para matingala ang mukha nito. “Winston, okay ka lang ba?”      May lungkot sa mga mata nito na kanina ay hindi niya nabanaag doon. “It has been a long day, Skye. I think it’s time to go to bed. Magsa-shower lang ako saglit.” Hinalikan siya nito sa mga labi bago ito pumasok sa banyo.      Habang naririnig niya ang paglagaslas ng tubig sa shower ay nakakunot ang noong umupo siya sa gilid ng kama. Nakakaramdam talaga siya ng kaba ng mga sandaling iyon at hindi niya maintindihan kung bakit.      Nilingon niya si Winston nang lumabas ito mula sa banyo. Nakasuot na ito ng white T-shirt at navy blue na boxer shorts—ang ternong pantulog nito. “Ang akala ko pa nama’y naka-silk robe ka with nothing underneath. Kuntodo satin pa ako, naka-shirt at shorts ka lang pala.”      Ngumiti ito at nilapitan siya. Pinisil nito ang baba niya. “I just wanted to see how you look like in that kind of dress. Halika, matulog na tayo.” Nagpatiuna na ito sa paghiga, pagkatapos ay hinila at niyakap siya nito.      Hindi na siya nagprotesta. Matagal na silang nakahiga pero isip pa rin siya nang isip. “Winston?      “Hmm?”      “Ano ‘yon?”      “Ang ano?” inaantok na balik-tanong nito.      “Ano iyong hindi mo masabi-sabi sa akin kanina?”      Namayani ang sandaling katahimikan.      “Winston?”      “I’m leaving for Korea this Sunday.”      Siya naman ang hindi nakaimik. Pagkalipas ng ilang minuto ay bumangon siya at naupo para mapagmasdan nang maigi  ang mukha nito. Hindi nakatiis na bumangon din ito. Magkatapat sila sa kama at parehong tahimik habang nagtititigan.      Sa wakas ay naapuhap niya ang kaniyang tinig. “Uuwi ka na?”      “Kailangan eh. First, magre-renew ako ng visa. Second, my family is demanding that I go home to Korea after this first series of surgeries. Hindi ako makatanggi dahil iyon ang usapan namin bago ako nagpunta rito. May mga obligasyon ako sa family business namin.”      Napalunok siya. Alam niyang may katuturan ang paliwanag nito. Hindi rin siya puwedeng kumontra sa mga bagay na napagdesisyunan na bago pa man siya dumating sa buhay nito. Wala rin naman siyang nakikitang masama kung babalik ito sa Korea.      Or was there?      “S-sa Sunday ka uuwi?”      “Gusto mo bang sumama?”      Napangiti siya sa alok nito. “Hindi puwede. May trabaho pa ako rito. Pumayag na uli iyong kompanya niyo sa Korea na magpadala ako ng mga samples ko kahit daw abutin ng dalawang buwan ang production.”      “Puwede namang doon mo gawin iyon ah.”      “Ikaw na lang ang lumipad mag-isa. Iyon naman ang inaasahan nila eh.”      “I’ll be back in a few months.”      Pinilit niyang pagtakpan ng ngiti ang nadaramang disappointment. “Mami-miss kita nang sobra.”      “Ako rin.” Niyakap siya nito. “I’ll miss you double.”      Hindi siya sumagot. Biglang pumasok sa isip niya si Jenny. Uuwi rin ba sa Korea ang babae kapag naroroon na si Winston? Baka magpapakasal na ang mga ito at hindi lang sinasabi sa kaniya ni Winston?      Napapikit siya. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa amin, hindi ako dapat magduda sa kaniya, pagkumbinsi niya sa sarili.                              “I will come back, Skye. I will come back for you,” sabi nito habang hinahagod ang kaniyang likod.      “Hihintayin kita,” ganting sabi niya. Pinilit niyang sawatahin ang panic na umaahon sa kaniyang dibdib. Hindi maalis ang imahe ni Jenny sa isip niya. Halos hindi na niya naunawaan ang ipinaliwanag sa kaniya ni Winston na diumano ay mga dapat nitong asikasuhin pagdating nito sa Korea.      Naging mailap ang antok sa kaniya nang gabing iyon. May nararamdaman siyang takot sa kaniyang puso. May kutob siya na may mangyayaring hindi maganda sa paghihiwalay nilang iyon. Noong isang buwan ay tuluyan na nitong binili ang bahay sa Alabang. Iniisip na lang niya na hindi naman siguro nito bibilhin iyon kung wala na itong planong bumalik sa Pilipinas.      Isiniksik niya ang sarili sa katawan nito. Hindi ko kayang mawala ka, Winston.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD