Chapter 23: Desisyon

1244 Words
Chapter 23: Desisyon Hindi alam ni Skye kung paano siya nakarating sa bahay nina Strell. Kasama niyang nagpunta roon si Vanessa. Dinaanan niya ito sa bahay nito kanina. At dahil wala na siyang workshop sa mga ito wala na silang pupuwestuhan doon kaya niyaya siya nito kina Strell.      Kung hindi pa sila kinahulan ng malaking asong alaga nina Strell sa bungad pa lang ng gate ng mga ito ay hindi siya magiging aware na nasa tarangkahan na pala siya ng bahay ng mga ito.      Mayamaya pa ay papalapit na ito sa gate para pagbuksan siya. Bahagya pang nagulat ito pagkakita sa kaniya. “Naligaw yata kayong dalawa?” anito. “Bakit ganyan ang hitsura mo, Ate Skye?”      Hindi siya tumugon.      “Ano ka ba, Strell. Hindi mo man lang ba kami patutuluyin muna ni Ate Skye sa loob?” untag ni Vanessa dito.      “Ay! Oo nga pala, sorry. Tuloy kayo, pasok.” Saka naman niluwangan nito ang pagkakabukas sa gate.      “Wala pang isang buwan mula nang huli tayong magkita-kita ah. Mabuti naman, Ate Skye, at tinanggal na ni Kuya Winston ang kadena riyan sa leeg mo.” Tumawa pa ito nang malakas na kaagad din namang maputol nang sikuhin ito ni Vanessa sa tagiliran. Nahalata siguro ng dalawa ang kalungkutan sa kaniyang mukha.      “Ate Skye, may problema ba?” ani Vanessa.      “M-meron.” Halos hindi iyon lumabasa sa kaniyang bibig.      Pumalatak si Strell. “Meron nga,” sabi nito. “Halikayo, doon tayo sa kuwarto ko mag-usap usap. Nanonood kasi ng TV ang kapatid ko sa sala.”      Pagpasok nila sa bungalow-type na bahay ng mga ito ay dumiretso sila sa maliit na kuwarto nito. Naupo sila ni Strell sa gilid ng kama nito paharap kay Vanessa na agad namang sumalampak ng higa sa sofa na naroon.      “Umpisahan mo na ang pagkukuwento, Ate, makikinig kami ni Van sa ‘yo,” amuki ni Strell sa kaniya. “Ano bang nangyari? Pinanenerbiyos mo naman kami eh.”      Pero sa halip na ibuka ang bibig para magsalita, malakas na hagulgol ang lumabas doon.      “Aba-aba! Ate Skye, huwag ka munang umiyak,” natatarantang sabi ni Vanessa na agad namang napabangon sa pagkakasalampak nito sa sofa at lumapit sa kaniya. “Magkuwento ka muna at baka himatayin ka niyan, Ate. Sure ka bang matibay na ang puso mo ngayon? Baka atakihin kang muli ha.” Nag-aalalang tanong nito sa kaniya.      Lalong lumakas ang kaniyang hagulgol. Isinubsob niya ang mukha sa balikat nito. Hinayaan naman siya ng mga itong umiyak. Ilang minuto pa ang nagdaan bago siya tuluyang nahimasmasan. Humupa na ang pag-iyak niya. Sumisinga na lang siya sa tissue paper na iniabot ni Strell sa kaniya.      “Bhe, pakikuha mo naman si Ate Skye ng tubig,” baling ni Vanessa kay Strell na agad namang tumalima. Saglit itong lumabas ng kuwarto nito para ikuha siya ng tubig na maiinom. “O ano, okay ka na ba, Ate Skye?” kapagkuwa’y tanong nito sa pinasisiglang tinig, bagaman mababakas ang luha sa pisngi nito dahil sa pakikiiyak sa kaniya.      Tumango siya. “Nagkita kami kanina ng mommy ni Winston sa Luciana’s,” panimula niya sa medyo namamaos na tinig. “At hindi alam ni Winston ang tungkol doon.”      “Bakit? Ano ang napag-usapan ninyo ng mommy ni Kuya Winston?”      Nang biglang pumasok si Strell iniabot nito ang isang basong tubig sa kaniya. Agad niyang nilagok ang lamang tubig ng basong iyon. Palibhasa’y pagkagaling niya sa Luciana’s ay hindi niya nagawang sayaran ng inumin ang lalamunan niya dala marahil ng kabiglaanan niya sa mga ipinakiusap sa kaniya ni Mrs. Tiwaquen kaya laking ginhawa nang makainom siya ngayon ng tubig. “Salamat, Strell.”      “So, ano nga ang napag-usapan ninyo ng mommy ni Kuya Winston, Ate Skye?” pag-uulit na tanong ni Vanessa.      She sighed deeply. Matagal bago niya nagawang tumugon. “Gusto niyang hiwalayan ko si Winston.”      “Ha? At bakit naman?!” Halos magkapanabayang tanong ng dalawa. Halata ang pagkayanig ng mga ito sa narinig.      “Hindi raw ako nababagay kay Winston. Masyadong mabigat ang responsibilidad niya sa pagma-manage ng mga pag-aari nilang hospitals here and abroad. Kailangan ko daw munang i-level ang aking sarili kay Winston. Ang tulad ko nga naman kasi ay galing lamang sa isang simpleng pamilya. Ni wala akong mayamang mga magulang na maipagmamalaki. Isa akong orphan.” Humikbi-hikbi na naman siya.      “Sinabi iyon ng mommy ni Kuya Winston?”      “Not in the exact words, pero iyon na rin ‘yon.”      Ikinuwento niya rito nang buung-buo ang napag-usapan nila ni Mrs. Tiwaquen.      “My goodness! Ganoon pala ang ugali ng mga Koreana! OMG, akala ko sa mga kdrama lang nangyayari ang ganoon. Pati pala sa totoong buhay.” Bulalas ni Vanessa pagkatapos niyang isalaysay sa mga ito ang naging pakikipag-usap niya kay Mrs. Tiwaquen.      “Grabe! Masyado siyang matapobre.” Ang sabi naman ni Strell.      Napakagat-labi siya saka nagpalipat-lipat ng tingin sa mga ito. “Guys, tulungan ninyo ako. Hindi ko alam ang gagawin ko.”      Lumarawan na rin ang pagkalito sa mukha ng mga ito. “Honestly, Ate, hindi ko rin alam kung ano ang ipapayo ko sa ‘yo. Are you sure hindi mo ito kayang isangguni sa Ate Suzy mo? Higit na siya ang makakapagpayo ng maganda para sa ‘yo dahil mas nakakatanda siya sa ating lahat. Palagay mo?”      “Oo nga, Ate Skye. Hindi natin alam kung dapat mo bang sundin ang sinabi ni Mrs. Tiwaquen o kung dapat mong ipaglaban ang pag-ibig mo kay Kuya Winston. Mas maigi pa ngang ihingi mo rin ng payo sa mga kapatid mo, lalo na kay Ate Suzy.”      Isang iling lang ang kaniyang itinugon sa mga ito. Hindi pa niya kayang mag-open up sa Ate Suzy niya dahil alam niyang may pinagdadaanan din ito sa love life nito.      “Sa isang banda ay may punto naman si Mrs. Tiwaquen, Ate Skye. Ganoong sinabi naman niya sa ‘yo na ‘pag nakatapos ka na ng pag-aaral mo ng Interior Designing at maging isa ka nang matagumpay na Interior Designer na natitiyak naman nating hindi malabong mangyari sa hinaharap, ay maaari pa rin naman ninyong ituloy ang inyong relasyon. Maghintay ka na lamang siguro.”      “Eh paano kung ipagkasundo na naman ni Kuya Winston sa iba? Gaya noon kay Jenny, ‘di ba?” sabad ni Strell.      Bago pa niya muling naibuka ang bibig upang sagutin ang sinabi ng mga kaharap ay tumunog ang kaniyang cell phone. May text message na naman si Winston.      Sweetheart, I can’t come to your house to fetch you. We will have a dinner with Mom and the delegates. Important board meeting about the hospital management, as usual.      Pagkabasa sa text message na iyon, pakiramdam niya ay muling namanhid ang buong katawan niya. Totoo nga ang sinabi ni Mrs. Tiwaquen sa kaniya.      Nanginginig ang kaniyang kamay habang unti-unting ibinababa sa kaniyang kandungan ang cell phone. Nag-ulap muli ang kaniyang mga mata. “Abala na nga si Winston sa pagma-manage ng kanilang pag-aaring mga hospital, Van, Strell,” halos paanas na sabi niya.      Isang mahabang katahimikan ang namayani sa kanilang tatlo.      “Ano ngayon ang balak mo, Ate Skye?” tanong ni Strell.      Kumurap-kurap siya, saka nagdesisyon. “Makikipaghiwalay ako kay Winston. You’re right, Van. May punto si Mrs. Tiwaquen.” Sabay tingin niyasa gawi ni Vanessa.      Napatitig ito sa mukha niya. “Sigurado ka sa desisyon mong ‘yan, Ate?”      Tumango siya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD