Chapter 19: I love you, Goodbye

1007 Words
Chapter 19: I love you, Goodbye “Mahal mo si Kuya Winston at sabi mo eh, nararamdaman mong mahal ka rin niya. Wala akong makitang rason, Ate, para hindi kayo ang magkatuluyan kahit pa sabihin mong bagay na bagay sila nong si Jenny. Dapat mong ipaglaban ang pag-ibig mo, Ate Skye. Ano ka ba?” Inalog pa siya ni Vanessa habang panay ang pahid niya ng mga luha. Kamasa niya ito ngayon sa kaniyang workshop. Hindi siya makaiyak sa bahay nilang magkakapatid kaya pagkagaling niya sa bahay ni Winston ay dumiretso siya sa workshop niya. Siguro nga ay nasa dugo nilang magkakapatid ang paglilihim sa isa’t isa tungkol sa kani-kaniyang love life. Hindi rin siya komportableng mag-confide ng sama ng loob sa dalawa niyang kapatid. Siguro ay dahil na rin sa saksi siya kung paano kinikimkim ng mga ito ang sariling mga damdamin noong ang mga ito ang nagluluksa sa pag-ibig. Kaya hayun siya, si Vanessa ang nasulingan niya para hingan ng pagdamay. Napangiti siyang tumingin rito. “Napakabata mo pa, Van, para sa mga ganyang speech. Hintayin mo ang unang heartache mo, ewan ko  lang kung hindi ka maglupasay sa semento. Para sagutin ang tanong mo, wala akong duda sa nararamdaman ko para kay Winston. Napakarami niyang nagawa at naisakripisyo para sa akin. Binigyan niya ako ng pagkakataong makapagnegosyo at malinang ang talento ko, ang craftmanship ko. Binigyan niya ako ng bagong mundo na hindi ko in-expect na nag-e-exist pala. At higit sa lahat, utang ko kay Wilson ang akin second life.” “A rosy world,” nakangising sabi nito. “Noon, sabi ko sa sarili ko, dapat kong ipaglaban ang pag-ibig ko para sa kaniya. Ginawa ko naman iyon, pero ngayong nakilala at nakasama ko kahit sandali si Jenny, na-realize kong hindi ako ang tamang babae para kay Winston. Hindi lang letseng pag-ibig ang magpapatakbo sa buhay niya, Van. Isa siyang respetadong tao. Magkaiba kami ng mundo. Langit siya at lupa ako. Nababaliw ako kung hindi ko isasaalang-alang ang mga bagay na iyon.” “Ano ka ba naman, Ate Skye…” “Isipin mo nga, Van. Ano ang mahihita ni Winston sa akin? High school graduate lang ako. Kung hindi pa niya ako tinulungan ay naghihikahos pa rin ako ngayon at kahera pa rin sa isang maliit na botika. Isang heart patient na kung hindi pa sa tulong ng iba ay hindi makakalibre sa surgery. Ayokong pagtawanan si Winston ng ibang tao. Samantalang kung si Jenny ang mapapangasawa niya, lalong tataas ang tingin sa kaniya ng mga tao. Graduate si Jenny sa isang prestigous university sa Korea, maganda ang breeding, mayaman at higit sa lahat, closed friends ang family nila. Si Jenny din ang tumutulong para patakbuhin ang ospital na itinayo ng pamilya ni Winston sa Korea. Ano naman ang laban ko sa kaniya, di ba?” Nagbuga ng hangin si Vanessa. “Medyo mahirap ‘yan, Ate Skye. Pero bakit si David, natalo niya si Goliath?” “Iba noon. Hindi pa bagsak ang ekonomiya noon,” papilosopong sagot niya. Ngumiti siya nang irapan siya nito. Pinisil niya ang tungki ng ilong nito. “Maraming salamat sa pagdamay mo sa akin, Van. Ngayong nakapagmuni-muni na ako, medyo okay na ako. Hindi ko na rin masisisi si Winston sa paglilihim niya sa akin ng tungkol sa pagpapakasal nila ni Jenny. Mahal niya ako, alam ko iyon. Ayaw siguro niyang masaktan ako. Iyon na lang siguro ang gusto kong isipin para huwag akong masyadong masaktan.” “Hay, mukhang buo na ang desisyon mo, Ate Skye. Si Doctor Tiwaquen pa rin ang ikino-consider mo. Mahal na mahal mo nga siya. Sayang ang pag-iibigan ninyo.” Napapabuntung-hiningang sabi pa ni Van. Hindi na siya tumugon. Dumukot siya ng pera mula sa wallet niya at iniabot iyon sa dalaga. “O, etong pambili ng merienda. Bumili ka ng burger, fries at milk tea diyan sa may kanto, share tayo. Nagutom ako ng bongga sa dramahan nating ito.” Nakangiti na siya nang sabihin iyon. Ngumisi ito at mabilis nang lumabas ng silid. Halos kasasara pa lang nito ng pinto nang tumunog ang kaniyang cell phone na nakapatong sa lamesitang naroon. Inabot niya iyon. Si Winston ang nakita niyang caller noon. Pumikit siya nang mariin at saka huminga nang malalim bago tinanggap ang tawag. “Yeobo,” wika nito sa masiglang tinig. “Kamusta ang araw mo? Ang sabi ni Troy pagtawag ko sa bahay niyo, lumabas ka raw kasama ni Pat?” “Oo. Galing kami sa bahay mo kanina. Nandoon si Jenny. Ako ang gagawa ng decorations sa pre-wedding party ninyo,” kaswal na sabi niya. “What?!” gulat na sambit nito. “Magiging busy na ako. Kailangan ko na rin kasing tapusin iyong mga samples para sa kompanya ninyo. Tatawagan nga sana kita. Malapit ka nang ikasal kaya dapat na siguro nating tapusin ito. Ngayon na.” Kinagat niya ang ibabang labi. Binati niya ang sarili niya dahil hindi siya nautal sa pagsasalita. “Hey, wait! Anong tatapusin mo? Bakit? Dahil ikakasal na ako?” “Oo. Iyon naman ang tama, ‘di ba?” “But—” “Mabait, matalino, mayaman at maganda si Jenny, Winston. Siya ang bagay sa ‘yo. Kahihiyan lang ang idudulot ko sa iyo at sa pamilya mo. Isa pa, huwag kang masyadong mangamba dahil alam ko namang darating ang araw na ito. Napaghandaan ko na ito. Minabuti kong bago ka bumalik dito ay masabi ko na ito sa ‘yo.” “Skye—” “Gusto kong magpasalamat sa ‘yo para sa lahat ng nagawa mo sa akin, Winston. Ayokong makasakit ng ibang babae. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin.” “Look, Skye. If you allow me to explain—” “There’s no use, Winston. Hindi rin kita pakikinggan. Thank you for everything, Winston Tiwaquen. Annyeong.” “Wait—” Pinindot na niya ang End call button ng cell phone. Nang tumunog uli iyon ay nanggigigil na in-off niya iyon. Pagkatapos ay saka siya napahagulgol ng iyak.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD