Chapter 13: Pagsugod

1094 Words
Chapter 13: Pagsugod Nakaupo si Skye sa sofa sa sala nila. Isa iyon sa mga pambihirang araw na may luxury of time siya na magbabad lang sa bahay. Hawak-hawak niya ang kaniyang cell phone at kanina pa siya nakikipag-debate sa sarili kung tatawagan niya o hindi si Winston. Kanina pa rin siya nagtitipa ng mensahe niya sa chat para dito pero binubura niya rin kapagkuwan.      Pumikit siya at saka bumuo ng pasyang ipaglaban ang damdamin niya para sa lalaki. Nakahanda na siyang sumugal. Kung magdodoble man ang sakit na mararamdaman niya, so be it; kaysa naman hayaan na lang niyang mapunta ito sa ibang babae na ayon dito ay hindi naman nito mahal.      Dumilat siya at saka nag-dial sa kaniyang cell phone bago pa magbago ang isip niya.      “Hello?” anang boses ni Winston mula sa kabilang linya.      Waring lalabas mula sa bibig niya ang kaniyang puso nang marinig niya ang tinig nito. “H-hello, Winston?” kunwari ay paniniyak niya.      “Skye!” Biglang sumaya ang tinig nito kahit medyo magulo ang reception ng signal nila.      “Nasa labas ka ba? Naabala ba kita?”  tanong niya.      “Hindi mo ako naabala. Nasa apartment ka ba?” kapagkuwan ay balik-tanong nito sa kaniya.      “Oo.” Natahimik siya. Hindi niya alam kung ano ang sunod na sasabihin. Muntik pa siyang mapalundag nang biglang tumunog ang intercom.      “Hello? Natahimik ka yata.” Untag ni Winston sa kabilang linya.      “Wait lang, Winston. Huwag mong ibababa ang tawag. May gagawin lang ako saglit.” Maliksing tumayo si Skye at sinagot ang istorbong tawag mula sa reception area ng gusali na kinaroroonan ng apartment nila. Natitiyak niyang hindi titigil iyon hangga’t hindi niya sinasagot. “Hello?” humahangos na tanong niya.      “May bisita po kayo rito, Ma’am. Si Mrs. Vidanes daw ho kasama ang mga anak niya.”      Napakunot-noo siya nang marinig ang pangalan ng dati niyang employer. Maayos naman siyang pinayagan nito nang magpaalam siyang magresign sa botika nito kaya bakit bumibisita ito at kasama pa raw ang mga anak nito? Napadaan lang kaya ito para mangumusta? Napailing-iling siya.      Wrong timing naman. “Sige, paakyatin mo na,” bantulot na sabi niya. Ibinaba niya ang intercom at binalikan si Winston sa cell phone niya. “Uhm, kuwan… pasensiya ka na, Winston. May paakyat kasi akong bisita.”      “Bisita?”      “Oo eh, pero gusto ko sanang magkausap tayo.”      “Iyon din ang gusto kong mangyari.”      Lumapit siya sa pinto at hinintay na kumatok doon si Mrs. Vidanes.      “Hindi ko na rin yata mapapatagal ang pagtitikisan nating ito.” ani Winston.      “Oo nga,” wala sa loob na sabi niya, sabay kagat-labi habang ipinagdarasal na mamaya na umakyat ang kaniyang bisita. “Kailan ka ba libre? Magkita na lang tayo.”      Hindi pa nakakasagot si Winston ay eksakto namang may kumatok sa pinto. Pinihit niya ang doorknob. Hindi pa niya nahihila pabukas ang pinto niyon ay humampas na iyon sa mukha niya. Napatili siya, kasabay ng pagbalandra niya sa sahig. Parang nakakita siya ng mga bituin.      “Nasaan ang mga kapatid mong impakto?! Magtutuos tayo ngayon! Talagang tinik kayo sa dibdib ko! Mga peste kayong tatlo!”      Napatitig siya sa nagsalita. Ang madrasta niyang si Marites iyon at hindi si Mrs. Vidanes ang nakatayo at nakapamaywang sa harap niya. Sa likuran nito ay naroon ang mga anak nito.      “Halika nga rito, babae. Malaki ang atraso mo sa amin.” Nanggigigil na hinablot ni Dennis ang buhok niya at saka pasabunot na kinaladkad siya sa gitna ng sala.      Napaaringking siya sa sakit. “Bitawan mo ako! Hayup ka!” sigaw niya sa pagitan ng pagpupumiglas. “Saklolo! Tulungan n’yo ako! Saklolo!”      Pabagsak na sumara ang pinto ng unit, kasabay ng panlalabo ng kaniyang paningin.      Pakiramdam ni Skye ay lamog na lamog ang kaniyang katawan pagkatapos siyang bugbugin nina Marites at ng mga anak nito. Nang ibalibag siya ni Dennis ay humampas siya patagilid sa kanto ng coffee table. Ramdam niya ang tila dagling pamamaga ng kaniyang pigi na tumama roon.      Sa kabila ng paninikip ng dibdib ay pinilit niyang tumayo—para lamang mapaluhod dahil hindi kinaya ng kaniyang mga tuhod ang bigat niya. Hindi na niya matandaan ang iba pang pananakit na ginawa sa kaniya. Masakit ang ulo niya at naninikip ang dibdib niya. Natatakot siya na maging katapusan na niya iyon. Hindi pa siya naooperahan.      “Nasaan ang mga kapatid mo, ha?” tanong sa kaniya ng madrasta niya.      “Baka nasa kuwarto, Mama,” anang isang half brother niya.      “Eh ano pang itinatayu-tayo niyo riyan? Hanapin na ninyo!”      Ibabalibag sana uli siya ng kung sinong may hawak sa kaniya pero bago pa nito magawa iyon ay umigkas na ang isang paa niya. Sumipa siya patalikod at tinamaan ang crotch area nito. Nabitawan siya nito, kasabay ng pagsigaw.      Sinamantala niya ang sandaling paglaya niya. Nagulat din si Marites kaya hindi agad siya nito nahagip nang humakbang siya papunta sa pinto. Nakakadalawang hakbang pa lang siya ay nasabunutan uli siya nito, sabay suntok sa kaniyang tiyan.      “Tarantado ka ha!” Inginudngod siya nito sa sahig at saka siya tinadyakan nito sa bandang tagiliran niya. “Iyan ang bagay sa iyo, impaktita ka!”      Napaluhod si Skye, sabay yuko. Nagdidilim na ang kaniyang paningin at sa bibig na lang siya nagpupumilit na huminga.      “Hanapin n’yo ang dalawa pang kapatid ng demonyitang ito!”      Sinabunutan at hinatak siya ng mga kapatid niya sa ama mula sa pagkakahandusay niya sa sahig. Hinatak siya ng isa sa mga ito patungo sa kusina. Tinadyakan pa uli siya nito bago siya iniwan doon.      Narinig niya ang pagbukas-sara ng pinto ng mga silid doon. Narinig din niya nang pagkabasag ng mga gamit na pinagdiskitahan ng mga walanghiya. Gusto niyang umiyak pero hindi niya magawa. Nabuhayan siya ng pag-asa nang makarinig siya ng malalakas na katok mula sa labas ng unit. Narinig niya ang hysterical na sigaw ng Ate Suzy niya. Pagkatapos ay bumalik sa kusina ang mag-iina at doon nagdiskusyon.      “‘Ma, ano ang gagawin natin?”      “Teka at nag-iisip pa ako!”      “‘Tang inang mga impakta kasi ‘to, oo! Paano tayo lalabas dito ngayon?”      Habang patuloy sa pagsisinghalan at pagsisisihan ang mag-iina ay parang isda sa kati si Skye na sisinghap-singhap  sa isang sulok. Hirap na hirap na siyang huminga. Tila pasikip nang pasikip ang makipot ng air passage niya.      Nanatili siyang nakadilat. Halos hindi na siya makakilos. Tinanggap na niya ang kapalaran niya. Hindi na niya makikita ang bagong umaga.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD