Chapter 8: Sketches

1087 Words
Chapter 8: Sketches Hindi alam ni Skye kung naduduling siya o talagang ganoon karami ang zero sa pigura sa tsekeng inihatid sa kaniya ni Apple. Inutusan kasi ito ni Winston na ihatid iyon sa kaniya. Sinadya pa siya nito sa apartment building na tinutuluyan nilang magkakapatid. “Talaga bang ito ang tsekeng ibabayad niya sa akin?”      Nakangiting itong tumango sa kaniya. “Ipinapatanong din ni Doc kung may natapos ka nang layout para mai-set na niya ang appointment mo sa interior designer ng bahay niya.”      “Patapos na. Actually, tatlong sketches na lang ang kailangan kong i-lay out na kulang. Medyo natagalan ako dahil gusto kong maging maganda at presentable ito kapag ipinakita ko na sa kaniya. Gusto mong makita?”      “Sige.”      Niyaya niya ito sa kaniyang silid kung saan maghapon siyang nagbababad para matapos ang mga ipinapagawang lay out ni Winston sa kaniya.      “Mabuti at may aircon ka dito sa kuwarto mo. Hindi ka na rin lumalabas kaya hindi ka masyadong napapagod,” ani Apple.      Kamakailan lang ay napilitan na siyang mag-resign sa botika. Noong una ay ayaw pa nga siyang payagan ni Mrs. Vidanes pero dahil sinabi niyang kailangan niyang paghandaan ang kaniyang nalalapit na operasyon ay napapayag niya rin ito.      “Basta kapag kinailangan mo uling magtrabaho, huwag kang mahihiyang bumalik dito sa botika at tatanggapin ulit kita. Goodluck sa operation mo, hija.” Sabi pa nito sa kaniya noong magpaalam na siyang aalis na.      “Wala naman akong exercise,” baling niya kay Apple.      “Hayaan mo at magagawa mo rin iyon pagkatapos ng operasyon mo. Sa ngayon, bawal ma-stress ang puso mo.”      “Oo nga,” pagsang-ayon niya. “’Eto pala iyong sketches oh.” Iniabot niya rito ang clear book na pinaglagyan niya ng mga natapos na sketches.      Isa-isa nitong tiningnan ang mga iyon. “Talagang kaya mong gawin ang mga ito?” diskumpiyadong tanong nito, mahihinuhang wala itong bilib sa kaniya.      “Oo naman. Isinulat ko rin ang materials na gagamitin sa bawat isang decoration. Hindi ko nga maintindihan kung bakit nagpadala na naman ng bayad si Winston samantalang may advanced p*****t na siyang ipinadala sa driver niya noong isang linggo.”      “Hayaan mo na, tanggap lang nang tanggap. Ayaw mo ba n’on?” Bigla itong sumipol. “Wow! Ang gaganda nito! Type ko itong puno, Skye…” sa mga oras na iyon ay nasisiguro niyang bumilib na ito sa kaniya nang mabuklat na nito ang kaniyang mga ginawa sa clear book na iniabot niya rito.      “Ah, oo, maganda nga iyan. Sa balkonahe iyan ilalagay saka sa may visitor’s lounge.”      “Diyos ko! Kaya naman pala ang laki ng bayad ni Doc sa ‘yo eh, ang gaganda naman pala nito. Baka kulang pa ang dala kong bayad.”      “Hindi ‘no. Sobra-sobra pa nga ito.”      “Naku, sabihin mo iyan kapag natapos na ang mga ito. Drawing pa lang, mukhang mahal nang tingnan.” Ngumiti ito at saka siya tiningnan nang mataman. “Grabe, Skye, ang galing mo pala sa mga ganito. Napaka-talented mo! Pati pagdo-drawing, career na career mo.” Dagdag puri pa nito sa kaniya na ikinatuwa naman niya.      Matipid niya itong nginitian. “Salamat, Apple. Anyway, hindi ko alam kung tatanggapin ko itong tseke. Hindi ba nauubusan ng pera ang boss mo?”      “Naku, ano ka ba naman sis! Mayaman ‘yon… as in, super yaman ng pamilya ni Doc. Siya mismo, filthy rich din. Ang alam ko, ipinamana sa kaniya ng yumaong lolo niya iyong isang ospital ng mga Cheong sa Busan, Korea. Malaking ospital iyon. Seven years old pa lang siya nang ipamana sa kaniya iyon kaya lahat ng kinikita n’on ay diretso sa trust fund niya. So, you can imagine. May cash pang iniwan sa kaniya ang lolo niyang iyon, in US dollars at hindi lang basta Korean won ha. May mga properties din siya sa iba’t ibang panig ng Asia. Ang alam ko. Mayroon din si Doc na pag-aaring building sa New York.”      “Grabe pala…” Nanlumo siya sa napag-alaman. Talaga palang kaya ni Winston na literal na magtapon ng salapi. Naalangan siya lalo sa lalaki.      “O, bakit para kang nasunugan diyan?” usisa ni Apple.      “Wala naman,” nagkibit-balikat na sabi niya. “Naisip ko lang na kaya pala kaya niyang mag-opera nang libre. Hindi pala iyon kawalan sa kaniya.”      “Oo nga. Mabuti na lang at ang mga Pilipino ang napili niyang paglingkuran ng libre.”      “Oo nga,” pagsang-ayon na lang niya sa sinabi nito.      “Ay, oo nga pala. Muntik ko pang makalimutan. Pinasadya ako ni Doc dito para samahan ka kay Bobbie.”      “Bobbie?” Kumunot ang noo niya. “Sinong Bobbie?”      “Professional stylist and designer niya. Nagpa-appointment daw siya para sa ‘yo. Pinapuntahan ka niya sa akin para dalhin kita kay Bobbie. ‘Tapos, siya na ang bahala sa ‘yo.”      “Stylist ng ano? Designer ng ano?”      “Basta sumama ka na lang sa akin. Si Doc na ang magpapaliwanag kapag nagkita na kayo.”      Napatulala siya. Hindi na kami magkikita hanggang maiiwasan ko. Nakakahiya ang ginawa kong pananantsing sa kaniya. Mistulang nanunungkit ako ng bituin. At si Winston, siya ang pinakamakinang na tala sa kalangitan…      “Skye, hoy!”  untag ni Apple sa kaniya. “Ano? Magbihis ka na. Mukhang wala ka namang ibang gagawin.”      “Kailangan bang makipagkita ako kay Bobbie?”      “Hindi ako papupuntahin dito ni Doc kung hindi. Kaya dalian mo na, magbihis ka na.”      “S-sige, magbibihis lang ako.”      “Sige.” Lumabas na ito ng silis para bigyan siya ng privacy sa pagbibihis.      Pagbukas niya sa kaniyang closet ay napangiwi siya. Wala siyang matinong damit na hindi magiging alangan sa company ni Winston. Matagal na nang huling bumili siya ng bagong damit. Hindi naman kasi kasama ang pagbili ng damit sa mga priorities niya.      Napabuntung-hininga siya, sabay dampot sa pinakabago nang maong at T-shirt blouse niya. Pagkabihis ay nagmamadali siyang lumabas ng pinto. Hindi naman siguro kailangang maporma siya sa pupuntahan niya. Dadalhin na rin niya ang sketches ng layouts niya in case na kailanganin ni Bobbie na makita ang mga iyon.      “Tara na,” yakag niya kay Apple paglabas niya sa sala.      “Let’s go.”      Walang kamalay-malay sa mangyayari na nagpatianod siya rito patungo sa kotse nitong ipinarada nito sa harapan ng kanilang apartment. Tahimik siyang sumakay doon at saglit pa’y bumyahe na sila.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD