Chapter 3: Unang Pagkikita

2026 Words
Chapter 3: Unang Pagkikita ALAS-ONSE na ng umaga kung kaya wala masyadong bumibili sa MV Pharmacy ng mga oras na iyon. Sinamantala iyon ni Skye para kuwentahin ang kinita ng botika. Ibinubukod niya iyon kasama ng kikitain pa mamaya pagkapananghali at saka niya itatakbo sa malapit na bangko para ideposito. Ganoon ang ginagawa nila para hindi naiipon ang benta sa botika. Iwas-hold up din ang ganoong set-up.      “Skye, phone call. Dr. Tiwaquen raw,” anunsiyo ni Lotty isa sa mga pharmacist assistant nila roon. “Heart surgeon mo raw.”      “Sa akin? Wala naman akong surgeon, ah.” Naisip niya si Dr. Valdez. Pero hindi naman iyon surgeon. At hindi pa nangyaring tumawag iyon sa kaniya.      “Kausapin mo na at tiyak na tungkol sa sakit mo ang pakay niya.” Sabay abot nito sa kaniya ng wireless phone.      Nilagyan muna niya ng packing tape ang paper bag ng pera at saka niya kinuha ang awditibo kay Lotty. “Salamat” pabulong na sabi niya rito bago ito tumalikod sa kaniya. “Hello?”      “Good morning. Si Skye Elizabeth Arellano na po ba ito?” sabi ng boses-babae sa kabilang linya.      “Opo, ako na nga po ito,” sagot niya.      “Sa clinic ho ito ni Doctor Winston Tiwaquen, Miss Arellano. Nai-refer ho kasi sa kaniya ang kaso mo. ‘Di ba may congenital disease ka?”      “Opo, meron nga.”      “Ayon sa impormasyon naming natanggap, twenty-five years old ka na?”      “Opo.”      “At kahit minsan ay hindi ka pa sumasailalim sa kahit anong operasyon pero naka-survive ka for twenty-five years?”      “Ganoon na nga ho. Para saan po ba ito?” nagtatakang tanong niya sa kausap sa kabilang linya.      “Actually, tumatanggap po si Doctor Tiwaquen ng mga pasyenteng may malubhang kaso ng sakit sa puso. Medyo unique itong kaso mo kaya interesado siyang makausap ka.”      “Ay, may doctor na po ako. Si Dr. Valdez.”      “Kapag na-evaluate ka ni Doctor Tiwaquen at na-qualify ka sa mga cases na hinahawakan niya ay posibleng maoperahan ka niya ng libre. Lahat ng gastos mo ay sasagutin ng isang foundation.”      Natigilan siya dahil sa kaniyang narinig. Libre. Parang nag-echo ang salitang iyon at ang iba pang sinabi nito sa pandinig niya. Agad din siyang nakabawi. “Hoy, talipandas! Kung trip mong mang-good time sorry ka na lang. Hindi mo ako maloloko, atakihin ka sana sa puso. Wala kang mahihita sa akin.” Pagkasabi niyon ay napatingin tuloy siya sa mga kasama dahil pinagtitinginan na pala siya ng mga ito nang mapalakas ang kaniyang boses.      “Miss Arellano, si Mr. Travis Guevarra ang nag-refer sayo kay Doctor Tiwaquen. Kilala mo ba si Mr. Guevarra?”      Natigilan siya nang banggitin nito ang boss ng kaniyang Ate Suzy. “Siya ba ang nagbigay ng pangalan ko kay Doctor Tiwaquen?” paniniguro niya sa kausap.      “Oo. Siya rin ang nagbigay ng contact number mo. So, interesado ka bang magpa-evaluate kay Doctor Tiwaquen?”      Nakaramdam siya ng pag-asa sa puso niya. Hindi tuloy niya napigilan ang ngumiti. “Oo naman.”      “Okay, good. May day off ka naman ba?”      “This Friday,” sagot niya.      “Good. Come by on Friday. Since ni-refer ka ni Mr. Guevarra, isasama na kita sa priority list ng mga pasyente ni Doctor Tiwaquen. But make sure exactly eight in the morning ay naririto ka na, okay?”      “Kung gusto mo, eight P.M. pa lang ng Thursday ay nandiyan na ako.” Biro niya sa kausap para kalmahin ang excitement na kanyang nararamdaman ng mga sandaling iyon.      “Naku, huwag naman Miss Arellano,” sabi nito at saka humagikgik. Ibinigay nito sa kanya ang address kung saan matatagpuan ang clinic ni Dr. Tiwaquen. “So, iko-confirm ko nang pupunta ka sa Friday?”      “Oo. Miss. Ano ngang pangalan mo?” tanong niya rito.      “I’m Apple. I’ll see you on Friday.”      “Okay. Thank you so much, Miss Apple.” Hindi siya magkandatuto sa pagpapasalamat rito hanggang sa maibaba niya ang awditibo. Abot-tainga ang kaniyang ngiti at medyo natutulala pa siya sa napakagandang balitang iyon. Nang katukin ni Lotty ang mesa niya. “Ano?”      “Maooperahan ka na ba?” usisa nito.      “Hindi. I-evaluate pa lang daw ako,” sagot niya.      “Okay, good. Suklian mo na muna ito.” Abot nito sa kaniya ng perang binayad ng costumer nila.      “Eto na, oh.” Saka niya ibinigay rito ang sukli.      “Salamat.”   ALAS-SAIS Y MEDYA pa lang ng umaga ay nakaupo na si Skye sa waiting area ng kilinikang iyon ni Dr. Tiwaquen. Hindi siya nahirapang hanapin ang klinikang iyon sapagkat iyon lang ang bukod tanging silid na may mahabang pila nang ganoon kaaga.      “Pumipili ng sampung indigent patients lang si Dr. Tiwaquen kada Linggo,” paliwanag ng nakausap niya roon na lola ng isang batang pasyente. “Biyernes ang screening at ang hindi masuwerteng makuha ngayon ay maaaring pabalikin sa susunod na Linggo. ‘Pag Miyerkules kasi iyong mga may-kaya naman sa buhay ang ina-accommodate ni Doc. Kalahati ang bayad sa ganoon. Hindi na nakapagtataka na di-hamak na mas mahaba ang pila kapag Biyernes kaysa Miyerkules.”      “Wala pa akong isang oras na nakaupo rito pero pakiramdam ko, nanlalambot na ako. Gusto ko nang panghinaan ng loob,” pabuntung-hiningang sabi niya.      “Hala! Bakit naman?”      “Tingnan nyo naman po ‘yong iba, oh. Mukhang mga patawirin na pong talaga. Mayroong halos buong kamay at mukha nila nagkukulay-ube na. ‘Tapos, tingnan nyo po yung mga bata, gaya niyang apo niyo. Nine years old na po ‘ika ninyo pero parang limang taon lang po kung titignan.”           Napahawak ito sa baba nito saka tumangu-tango. “Sabagay. Alam mo ba ‘yung iba rito ay mga alas kuwatro pa lang daw ay mga nakapila na. Mayroon ngang mga galing pa sa sa Bicol at Quezon Province daw. Ang swerte mo nga, dahil ikaw ang may hawak ng stub na number one dahil nauna kang nagpalista.”      Makailang saglit pa ay hindi na niya nakayanan ang inip kaya napagpasyahan niyang lumabas na muna ng klinika para magpahangin. Natawag ang kaniyang pansin nang may makita siyang babaeng iyak ng iyak sa baba ng hagdanan. Nakita niya itong itinataboy ng security guard na naroroon habang panay ang pakiusap rito ng babae.      “Guard, pakiusap po, pakisali niyo ang anak ko sa bilang.”      Parang piniga ang puso ni Skye pagkakita sa batang lalaking kalong ng ale. Malaki na ang ulo ng paslit, tanda iyon na hydrocephalic ito. Halos buto’t balat na ito at talagang nagkukulay-ube na ang buong katawan. Halos hindi na nga ito kumikilos. Humihinga man at mistulang sa isang bangkay na ang mga mata ng bata.      “Ale, ilang taon na ho siya?” hindi na siya nakapagpigil at inurirat niya ang medyo marusing na ina ng bata.      “T-tatlo, Miss.”      Napatitig siya sa bata. Animo isang taong gulang lang ang laki nito.      “Palakad lang kami kung magpunta rito. Ilang lingo na kaming pabalik-balik dahil sa hindi kami nakakaabot ng numero. Makakamatayan na yata ito ng anak ko…” Umiiyak na lahad sa kaniya ng babae.      Naaawa niyang tiningnan ang batang kalung-kalong nito, sabay suksok ng kamay sa bulsang kinapapalooban ng laminated cardboard na may number 1. Nakasulat doon ang pangalan ng sponsor na foundation at pirmado rin ni Dr. Tiwaquen. Mahigpit niyang hinawakan ang numero habang nakatingin siya sa paslit na animo ay bangkay na.      Siguro ay pwede pa rin naman siyang pumila na lang ulit sa susunod kung hind man ngayon. Sasabihin na lang niya sa Ate Suzy niya na ito na lang ang magpaliwanag kay Mr. Guevarra kapag tinanong ito kung bakit hindi siya nakasipot sa clinic ni Dr. Tiwaquen. Babalik na lang siya roon sa susunod na Biyernes kahit alas-singko pa ng umaga. Makakapaghintay pa naman siya, pero ang batang ito…      Napakunot-noo siya habang nakatingin sa mag-inang patuloy na itinataboy ng guard na naroon.      Paano kung hindi na ako muling magkaroon ng pagkakataong gaya nito. Napabuntong-hininga siya. Bahala na, sabi niya sa kaniyang sarili, nag-iisip pa rin. Mas hindi kaya ng kaniyang konsensiya na pabayaan ang mag-ina sa ganoon kalagayan.      Inilabas niya ang laminated cardboard mula sa kaniyang bulsa at saka iniabot sa babae. “Ale, eto ho. Pumila na kayo roon at malapit ng mag-alas-otso. Number one ho kayo. Saka, eto ho…” Dumukot siyang muli sa kaniyang bulsa. May nabunot siyang singkwenta pesos roon. “Pamasahe man lang ho ninyo. Pagpasensyahan niyo nap o ito at wala rin ho kasi akong pera.”      “Numero mo ito?” hindi makapaniwalang sambit ng babae.      “Oho. Nakalista po ang pangalan ko pero sabihin niyo na lang po na ibinigay ko sa inyo ‘yan.”      “Sigurado ka ba, Miss?”      Tumango siya. “Umakyat na po kayo at mahaba nap o ang pila.”      “Diyos ko po… Salamat, Miss. Pagpalain ka nawa ng Maykapal…” Lumuluha pa ang babae dala ng pag-iyak nang tumayo ito, inayos ang kargang bata at saka nagmamadaling pumasok sa building.      Sinundan niya ito ng tanaw. Bumuntung-hininga siya bago tuluyang tumalikod at wala sa sariling naglakad. Nang biglang mabangga siya sa matipunong lalaki. “Ano ba!” sambit niya, sabay tingala sa lalaking lampas ng anim na talampakan ang taas, OMG! Ang guwapo! Sa loob-loob niya. Para itong bida sa kdrama na paborito niyang panoorin. Kamukha ito ni Lee Dong Wook, iyong Korean actor na paborito niya. Ano ang ginagawa ni Lee Dong Wook sa Pilipinas nang ganoon kaaga?      “Bakit mo ibinigay ang number?” tanong nito sa kaniya.      Napangiwi siya. “Sorry, binangga mo ako, ha?” sarkastikong sabi niya rito. Parang hindi niya narinig ang sinabi nito.      “Bakit kako ibinigay mo ang numero mo?” ulit nito sa tanong nito kanina.      Saka pa lang rumehistro sa isip niya ang sinabi nito. Mukha talaga itong foreigner, pero nagulat siya dahil matatas itong magsalita ng Tagalog. May kaunting twang, pero slightly recognizable iyon. “Nakita mo ba ang hitsura n’ong bata? Higit na kailangan niya ang tulong ni Doctor Tiwaquen kaysa sa akin.”      “Oo, nakita ko. Kahit naman wala sila sa listahan, titingnan ko pa rin talaga ‘yong bata. Pero ibinigay mo sa kaniya ang pagkakataon mo.”      “Mas kailangan niya iyon.” Napatungo siya saka bumuntong-hininga. “Babalik na lang ako sa susunod na Biyernes. Baka suwertihin na ako.”      “Huwag kang umalis.” Tatapusin ko ang mga nakalista at ikaw na ang ihuhuli ko. Hindi ka pa naman mukhang patawirin, e.” Hinawakan siya nito sa braso saka siya inakay pabalik sa clinic.      Napanganga siya. “Don’t tell me…”      “Na ako si Doctor Tiwaquen?” Tumawa ito. “Hindi ba obvious?”      Nakanganga pa rin siya at hindi na muling magawang magsalita dahil sa matinding pagkabigla. Ang imahe ni Dr. Winston Tiwaquen na nabuo sa kaniyang imahinasyon ay isang matandang lalaki na kamukha ni Eddie Garcia.      “Mamaya ka na mamangha. Isara mo muna iyang bibig mo at baka mapasukan ng langaw.” Natatawa pa rin ito saka siya inakay sa paglalakad. Dumiretso sila sa klinika nito at nang kumatok ay mabilis itong pinagbuksan ng nurse na nasa loob. “Good morning, Apple. Paupuin mo muna ang binibining kasama ko. I will attend to my first patient. Ipanghuli mo na lang siya.” Sabay turo nito sa gawi niya.      “Pero, Doc--”      “The patients are waiting.”      “Okay, Doc.” Binalingan siya ni Apple at niyayang maupo sa pwesto nito nang pumasok ang guwapong doctor sa consultation room. “You are…?”      “Skye Elizabeth Arellano,” aniya.      “Oh. Ikaw pala ‘yon. Anong nangyari sa number mo?”      “Long story.”      Nagkibit-balikat na lang ito.      “Akala ko’y Koreano ‘yon,” sabi niya, sabay sulyap sa pinto ng consultation room. “Maruong siyang mag-Tagalog?”      Tumawa ito. “May sakit ka lang sa puso pero hindi ka naman bingi, di ba?”      Itinikom na niya ang kanina pa nakabukang mga bibig niya.                        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD