Chapter 4: Check Up
“Sorry, Miss Skye. Natagalan ka sa paghihintay. I hope you understand. Malala talaga ang ibang kasong inilalapit dito kaya mas inuuna ko sila,” sabi sa kaniya ni Dr. Tiwaquen nang sa wakas ay papasukin siya ni Apple sa loob ng consultation room nito.
Nanlambot siya nang muli silang magkaharap ng doctor surgeon. Halos makalimutan niya ang dahilan kung bakit naroroon siya. Napakaguwapo naman kasing talaga ni Dr. Tiwaquen.
“Are you all right? You look rather pale,” nakakunot ang noong puna nito.
Pinilit niyang ngumiti. “Okay lang po ako, Doc. Kung sa halip na pale ay purple ako, doon ako hindi all right,” pabirong sagot niya. “Paano mo natatagalan na tingnan ang mga iyon?” kapagkuwan ay pag-uusisa niya.
“You get used to it after a while.” Nakangiting umiling ito. “Dapat pala, lumabas ka muna. It must have been a shock for you na makita mo ang mga pasyenteng dumaan muna kay Apple bago pumasok dito.”
“Kompara sa akin, shocking sila.” Hindi maiwasang sambulat ni Skye ng obserbasyon niya kanina pa habang sunod sunod ang pasyenteng nagpapacheck up dito kanina.
“Ah, don’t be fooled by their looks. Ang totoo, mas seryoso pa ang sakit mo kaysa sa iba sa kanila. Masuwerte ka lang talaga at naalagaan kang mabuti at nabibigyan ng tamang nutrisyon kaya mas maayos kang tingnan kompara sa iba sa kanila.” Nagsuot ito ng salamin at binasa ang information card na isinulat ni Apple habang ini-interview siya ng babae kanina tungkol sa medical history niya. Naka-attach doon ang mga xerox copy ng maraming tests na nagawa na sa kaniya. “Hmm… So almost two weeks ago lang pala nang huling atakihin ka?” Kapagkuwan ay tanong nito sa kaniya saglit siyang binalingan nito saka muling ibinalik ang tingin nito sa binabasa nitong medical records niya.
“Opo,” sagot ni Skye.
Kumunot ang noo nito, “Inconclusive ang results ng mga tests mong ito. Ano ang ibinigay na gamot sa iyo?”
Sinabi niya ang mga prescriptions ni Dr. Valdez.
“Babaguhin ko ang prescriptions mo base sa initial findings ko rito sa ECG at X-ray mo. Teka… wala ka pang MRI?”
“W-wala po. Mahal po kasi iyon eh.” Kiming sagot niya, nahihiya siyang aminin na wala siyang pangtustos para sa MRI na iyon.
“Ii-schedule kita for a series of tests. Bibigyan ka ni Apple ng card. Iyon ang ipapakita mo sa cashier. ‘Tapos, bibigyan ka nila ng papel bago ka pumunta sa mga laboratory room. Wala kang babayaran doon kahit piso. Iyong mga gamot na ibibigay ko sa ‘yo, kasama ito sa card mo. Ipakita mo lang sa pharmacy at bibigyan ka na nila ng papel. Iyon naman ang ibibigay mo sa cashier kasama iyong card mo.”
“Iyong card na ho ba ang sasagot sa lahat ng g-gastos ko?” nananantiyang tanong niya sa doktor na kaharap.
“Actually, ang card na iyon ay funded ng iba’t ibang foundations na tumutulong sa mga may sakit na tulad mo. Binubuo iyon ng mga korporasyon, private individuals, foreign aid… Lahat ng puwedeng hingan ng steady donations.” Tiningnan siya nito. “Come to think of it, ikaw pa lang yata ang nagtanong ng ganiyan sa lahat ng pasyente ko. They all just presume it’s all part of the charity given to them.” Napahawak pa ito sa baba nito habang sinasabi iyon sa kaniya saka mataman siyang pinagmasdan nito.
“Pasensiya na, Doc. Ngayon lang kasi ako nakarinig na may mga libre palang ganito. Mula pagkabata, kahit sa public hospital ay malaki ang nagagastos namin.” Pagkukuwento ni Skye dito, palibahasa’y hindi pa rin siya makapaniwala hanggang ngayon na makakalibre na siya bukod sa kaniyang operasyon ay pati na rin sa mga series of lab tests niya saka sa mga gamot. Nais niyang kurutin ang sarili para malaman kung ito ba’y panaginip lamang.
“Special program ito na ginawa ko dahil gusto kong makatulong and at the same time ay natutulungan din ako. It works both ways kaya walang nagrereklamo,” nakangiting paliwanag nito. “Papalitan natin ang mga gamot mo, ha? Bukas ay magpa-laboratory ka na. Ipapaliwanag na lang ni Apple sa ‘yo ang proseso and we’ll take it from there.”
“Ooperahan mo na ako?”
“Pag-aaralan pa namin ang kaso mo. Kapag pumasa ka sa evaluation, then by all means, isasama ka sa program.”
Napangiwi siya na tila inaaral ang mga salitang dapat sabihin. “We have very few rejections here. Sana ay hindi ka mapasama roon.” Dagdag pang sabi ni Dr. Tiwaquen.
“Eh kuwan ho… Hindi naman sa nangungulit ho ako, Doc, pero… ano ho ang tingin n’yo?”
“Kailangan ang mga lab results mo para malaman ko.” Tiningnan siya nito nang mabuti saka may naalala. “Well, you seem very concerned na mapasama ka sa program. Yet just a couple of hours ago, you seemed so comfortable in letting go of your opportunity.”
“Naawa ho kasi ako doon sa bata at sa nanay niya. Parang mali na ako na mas malakas ang mabibigyan ng pagkakataon samantalang ang batang iyon, eh parang bibigay na po talaga.” Bigla ay nakaramdam siyang muli ng awa para sa batang kanina ay na-encounter niya at yaon nga napilitan siyang ibigay ang kaniyang numero dito para ito ang maunang ma-check up kanina ni Dr. Tiwaquen.
Ngumiti ito. “Gaya ng sinabi ko, kaunti lang ang hindi natatanggap sa programang ito. At iyong kaunting iyon ay ipinapasa pa sa partly paid cases. Pero lahat ay naooperahan. Kadalasan, ang katayuan sa buhay ang nagiging problema dahil may maibabayad naman ang mga nare-reject. As far as I know, willing ang Guevarra Foundation na saluhin ang lahat ng gastos sa operasyon mo.”
Nagulat siya sa narinig. “Talaga, ho?”
“Iyon ang alam ko. Anyway, paano ka nga pala nakilala ni Travis?”
“Hindi ho ako ang kakilala niya mismo. Actually, iyong Ate Suzane ko ho ang talagang kakilala niya. Empleyado ni Mr. Guevarra si Ate Suzy. Naikuwento ho yata ni Ate sa kaniya ang tungkol sa sakit ko kaya ni-refer niya ako sa inyo.”
“So may kapatid ka pa?” Binalikan nito ang kaniyang case record. “At ikaw lang ang nagkaroon ng komplikasyon sa puso?”
Tumango siya.
“Karaniwan itong kaso mo. But since kaunti ang records sa health history nang kagaya mo ay nakaka-survive tulad mo, hindi conclusive ang data tungkol sa komplikasyon na tulad nito. Anyway, we’ll take into consideration the fact that you’re still alive.” Ngumiti ito sa kaniya. “Sayang naman ang kagandahan mo kung hindi ka magkakaroon ng normal na buhay.”
“Kahit ano po, gagawin ko, Doc. Operahan n’yo lang po ako.” Tila nanikip ang dibdib niya sa matinding antisipasyon.
“Of course. Now, calm down,” sabi nito. “Mabuti pang puntahan mo na si Apple at kunin mo na sa kaniya ang card mo. Sasabihin niya sa ‘yo ang lahat ng impormasyon para ma-schedule ka na sa laboratory.” Sumulyap ito sa suot nitong wrist watch. “Eleven thirty na rin pala. Tingin ko ay babalik ka pa mamayang hapon para mapa-schedule ang lahat ng tests na kailangan mo sa mga susunod na araw.”
“S-salamat po.”
“Huwag ka munang magpasalamat. Iyong mga bagong gamot mo, inumin mo agad ang mga iyon. Huwag mong hintaying maubos muna iyong iniinom mo ngayon. Okay?”
Tumango siya. “Klarado po, Doc.”
“Well, ‘nice meeting you, Skye.” Nakipagkamay ito sa kaniya.
"Nice meeting you rin po, Doctor Tiwaquen.”