Chapter 2: Pamilya
Tumingala si Skye sa yerong bubong ng barung-barong na tinutulyan nila habang pinapaypayan ang sarili. Wala iyong kisame kaya tinapalan nina Ate Suzy at Troy ng mga piniping karton para hindi direktang tumagos ang init sa loob ng bahay. Hindi niya sigurado kung nakatulong iyon pero para pa ring impyerno ang init doon. Tatlong araw pa lamang siyang nakakalabas sa ospital mula nang isugod siya roon ng mga kapatid niya matapos silang palayasin ni Marites sa bahay nila.
Weekend noon kaya nasa bahay ang kaniyang mga kapatid. Tiningnan niya si Ate Suzy na natutulog sa sahig. Basang-basa ito ng pawis pero mahimbing pa rin ang tulog nito. Naiinggit tuloy siya rito. Hindi niya maranasan ang ganoong kalalim na tulog. Tulog-manok kasi siya. Gusto sana niyang punasan kahit man lang ang pawis nito sa noo nito subalit nagdalawang isip siya dahil baka magising niya ito.
Mariin siyang pumikit saka umusal ng panalangin.
“Diyos ko, huwag Niyo na po sanang patagalin ang paghihirap ng aking mga kapatid nang dahil sa akin. May karapatan din po silang magkaroon ng kani-kaniyang mga buhay at tuparin ang kanilang mga pangarap para sa sarili nila.”
Nang biglang may umihip ng malakas na hangin sa nakabukas na bintana ng kanilang barung-barong. Napadilat siya. Nawala ang hangin at muling napalitan iyon ng init. Pinagtiyagaan na lang niya ang hanging iyon kahit pa amoy-estero iyon. Isang patay na ilog kasi ang nasa likod ng kinapupuwestuhan ng barung-barong nilang iyon.
Hinintay niyang muling umihip ang hangin subalit hindi na muling nangyari iyon.
“MABUTI naman at nakauwi ka na Ate Suzy. Akala ko’y gagabihin ka na naman nang husto. Panay ang overtime niyo ni Troy, e.” Salubong ni Skye sa kaniyang nakatatandang kapatid. Sumunod siya rito nang lampasan siya nito sa pintuan. “Mukhang pagod na pagod ka yata. Para kang hinahabol ng delubyo. Bakit ba?”
“Wala, gusto ko ng magpahinga.” Tipid lang na sagot nito sa kaniya.
Nagkibit-balikat siya. “Hindi na ako nagluto, ate. Bumili na lang ako ng pritong manok sa labas. Nag-uwi ako ng pansit nabili ko sa nadaanan ko kanina bago ako umuwi galing sa botika. Initin na lang natin para sa almusal bukas.”
“Busog ako. Kumain na ako.”
“Ha? Di ba, wala ka ng pera?” nakabale na kasi ito sa pinagtatrabahuhan nito na siyang pinambayad sa pagpapagamot sa kaniya noong nakaraang linggo. “Huwag mong sabihin na idinaan mo na naman ang gutom mo sa pagkain ng fishball?”
“Hindi ah!”
Nang biglang may kumatok sa pinto nila na yari sa plywood.
“Baka iyong anak ni Aling Vicky ‘yan,” aniya. Lumapit siya sa pinto para pagbuksan ang kung sinumang kumakatok na iyon.
“Hello, good evening. Dito ba nakatira si Suzane?”
“Opo. Dito nga ho,” sagot niya. Napapakunot-noo siya habang nakatingin sa guwapong lalaki. Ito ang nabungaran niya pagkabukas ng pinto.
Bago pa muling makapagsalita ang lalaki ay parang kidlat sa bilis na nakalapit na agad sa kaniya ang kaniyang Ate Suzy. Nahalata niya ang pagkataranta nito pagkakita sa di inaasahang panauhin nito.
“Sir! Naku… ano po yon?”
“Ah, nakalimutan ko kasi…” Iniabot ng lalaki ang bitbit nitong dalawang paper bag na nahihinuha niyang pagkain ang laman dahil sa logo nito. “Binili ko ito para sa inyo ng mga kapatid mo. Naiwan mo kasi sa kotse.”
“Ho? Naku, sir, wag na ho. Ibig kong sabihin—” ang natatarantang sagot ni Ate Suzy.
“Hindi mo man lang ba ako patutuluyin?”
Namagitan na si Skye sa dalawa. “Pasensiya na po kayo, nataranta na po itong si Ate,” natatawang sabi niya sa lalaki. “Tuloy po kayo, Mister—”
“Travis. Travis Guevarra.”
Nabigla siya nang marinig ang pangalang iyon. Kung ganoon, ito ang may-ari ng Alta Mart. At ito ang boss ng Ate Suzy niya. “Naku, Mr. Guevarra! Kayo ho pala ‘yan! Jusko naman…” Umatras siya para mabigyan ito ng madaraanan. “Pasensiya na ho kayo. Pasok ho. Pasensiya na ho kayo at napakaliit nitong bahay naming. Ako nga po pala si Skye Elizabeth o Skye. Ako ho ang gitna sa aming tatlong magkakapatid.”
“Oh, I see. Ikaw yung may sakit?”
“Ah…” Naidaldal na pala agad siya ng kaniyang ate kay Mr. Guevarra. “Ako nga ho iyon, Mr. Guevarra,” sabi niya nang balingan ang lalaki.
“I’m pleased to meet you, Skye.”
Nagulat siya nang kamayan siya ni Mr. Guevarra. “Likewise po,” paismarteng sagot na lang niya rito.
“Hindi lang pala kayo magkamukhang-magkamukha ni Suzy sa hitsura. Both of you seem smart.”
“Hindi naman po,” natutuwang sagot niya rito habang napipi na yata ang kaniyang Ate Suzy.
“In a way, dapat kitang pasalamatan, Skye. Isang beses, inatake yung driver ko. Si Suzy ang sumaklolo kay Mang Bert. Hindi siya nag-panic dahil alam niya ang gagawin sa ganoong sitwasyon. Kung ako lang ang naroroon, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Baka natuluyan na si Mang Bert. Pero dahil may alam si Suzy dahil nga may heart condition daw ang kapatid niya. At ikaw pala iyon.”
“Oho,” matipid na sagot niya.
“So, may utang na loob na rin ako sayo.”
“Ay naku, hindi naman ho. Kayo naman—”
“Iyan bang pangingitim ng dulo ng mga daliri mo, dahil ba iyan sa sakit mo, Skye?”
Susme, pati ba naman kuko ko napansin pa niya. “Oho.”
“Well, hindi naman iyan naging kabawasan sa iyo. I think you’re as beautiful as your sister. Sigurado gwapo din yung bunso niyo kahit hindi ko pa siya nami-meet.”
Ngumiti siya. Nakakatuwa na masabihan na maganda ng isang mayaman at guwapong lalaki tulad ni Travis Guevarra.
“Well, inihatid ko lang itong mga pagkain. Sana’y magustuhan mo iyan, Skye. Sayang at hindi ko nakilala ang bunso niyo. I’m sure he’s as smart as the two of you.”
“Ganoon na nga ho,” bumungisngis na sabi niya. “Thank you po rito sa mga foods. Mukhang masarap po. Supot pa lang ay ulam na.”
“You’re welcome. Huwag mong kakainin ang supot,” biro naman nito, sabay baling kay Suzy. “Aalis na ako, Suzy. Thanks for the wonderful evening.”
“Ah… oho, Sir. Salamat din po sa napakasarap na hapunan. Ingat po kayo sa pag-uwi.”
“Huwag ka ng lumabas ng bahay. Kaya ko nang bumalik sa kotse,” sabi ni Travis nang akmang susunod ang kaniyang Ate Suzy rito para ihatid ito sa labas.
“Diyos ko, Ate! Siya ba ang ka-date mo?” pukaw niya sa kaniyang Ate na natulala na yata. Mistulang natuklaw ito ng ahas dahil kanina pa ito tameme mula ng dumating ang boss nito.
“Hindi date ‘yon, gaga. Makikipag-date ba sa akin ‘yon?” mulagat na sabi ni Ate Suzy sa kaniya habang pinanlalakihan siya nito ng mga mata.
“Bakit naman hindi?” Napasimangot siya sa tinuran nito pero dagli ring bumalik ang kislap sa kaniyang mga mata. “Kung hindi kayo nag-date, bakit kasama mo siyang kumain? Uy, ate ha? At ang sosyalin pa yata ng kinainan niyo. Tingnan mo naman itong supot. Ito pa lang e, katakam-takam na.”
“Ano ka ba? Balat lang ng puno ‘yan.” Tukoy nito sa paper bag na pinaglalagyan ng pagkaing dala ni Travis kanina. Umupo ito sa papag at hinubad ang mga medyas nito. “Haayy… Nakakapagod ang mga pangyayari sa supermart. Inilibre ako ni Sir ng dinner. Mamaya ko ikukuwento sa’yo kung bakit kami nag-celebrate.”
“Saan kayo kumain? Sosyal ba?”
“Oo, grabe! Ang ganda nong lugar, Skye. Nasa loob siya ng hotel, ‘yong restaurant, tapos ang laki-laki nong steak na sinerve sa akin.”
“Bubulatlatin ko na itong laman ng paper bag habang nagkukuwento ka ng mga nangyari sa trabaho mo.” Inabala niya ang sarili sa pagbuklat sa mga hawak na supot habang nagkukuwento ang kaniyang Ate. “Tatlong order pala ito, Ate. Talagang tig-iisa tayo,” kapagkuwan ay sabi niya. “Okay ito sa tsismisan. Magkuwento ka pa, Ate, dali.”
Sumapit na ang hating-gabi ay nagkukuwentuhan pa rin silang magkapatid habang kinakain niya ang steak na dala ni Travis. Masarap ito pati ang mixed vegetables na kasama nito ay nilantakan din niya habang nakikinig siya sa patuloy na pagkukuwento ng kaniyang Ate Suzy.
Ayon sa kapatid, nakilala ito ni Travis mula nang tulungan nitong isugod ang driver ng binata na inatake sa puso. Siguro ay na-good karma si Ate Suzy. Nalaman pati ng binata ang mga anomalyang pinaggagawa ng isang manager sa Alta Mart at ipinalit nito sa pwesto ang kaniyang Ate Suzy ngunit probational pa ito. Kung papasa ang performance ng ate niya, tuluyan na itong magiging manager doon.
“Hayaan mo, kapag nagdilang-anghel ka, talagang gagawa ako ng paraan para maihanap ka ng ibang trabaho. Pero pagkatapos na siguro ng operasyon mo.”
“Kailan pa kaya iyon?”
“Ewan ko,” napapangiwing sagot ng kaniyang ate. “Pero malay mo, gaya nga ng sinabi sa akin ni Sir Travis… Baka malapit na.”
“Sana nga.”