Chapter 5: Concerned

1146 Words
Chapter 5: Concerned “Skye?”      Dumilat si Skye mula sa pagkakapikit habang naghihintay na magbukas ang clinic ni Dr. Tiwaquen. Katatapos lang niyang i-laboratory kaya lambot na lambot na siya. Napadiretso siya ng upo nang makita ang butihing doktor. “Kayo ho pala, Doc.”      “Nagpa-lab ka na?” bating tanong sa kaniya ng doktor nang makalapit ito sa kinaroroonan niya.      Tumango siya.      “Mukhang nanghihina ka. May kasama ka ba?”      Umiling siya.      Napamulagat ito. “Wala kang kasama?”      “Okay lang ako, Doc. Medyo nagugutom lang nang kaunti.”      “Halika, kumain ka. Sasamahan kita sa canteen.”      “Naku, huwag na ho, Doc. Keri pa ‘to.” Nahihiyang sagot niya. “Magpapahinga lang ho ako sandali.”      Umupo ito sa kaniyang tabi. Lalo siyang naalangan dahil fresh na fresh itong tingnan at ang bangu-bango. Samantalang siya, mistulang na-rape ng sampung kabayo sa hitsura niya. “Dapat may kasama ka lalung-lalo na kapag may fasting ka para sa laboratory examinations mo.”      “Wala naman po akong puwedeng isama eh. Si Ate Suzy, hindi puwedeng mag-absent sa supermarket. Si Troy naman, puyat ‘yon dahil boy ho iyon sa isang hotel pang-gabi ang kaniyang shift doon. No work, no pay kami sa trabaho kaya wala akong puwedeng karayin na kasamahin ko dito. Wala rin ho akong mahahatak na kapitbahay at kamag-anak.”      Tumangu-tango ito. “Magpahinga ka muna rito. Sandali lang at magpapabili ako ng pagkain sa canteen, Hep-hep! Huwag ka nang umangal pa, okay?”      “Nakakahiya ho, Doc.”      “Huwag mong intindihin iyon.” Inutusan nito si Apple na magpa-deliver ng sandwich at juice mula sa hospital canteen bago siya muling binalingan. “Kompleto na ba ang lab tests mo?”      “Iyong MRI na lang ho. ‘Tapos, ECG raw uli sa Wednesday.”      “Eh, di ilang araw ka nang absent niyan? No pay?” tanong nito.      Nagkibit-balikat si Skye at kapagkuwan ay napangiti. “Ang bait-bait n’yo, Doc. Ganito ho ba kayo sa lahat ng pasyente ninyo?”      “Hindi naman. Ikaw kasi, palagi kang nag-iisa. Sa kondisyon mong ‘yan, ang lakas ng loob mong lumakad nang walang kasama.”      “Sanay na ho, ako.”      “Huwag mo na akong hinu-‘ho.’ Hindi pa naman ako ganoon katanda.”      “Ilang taon na ho ba kayo?”      “Thirty-three.”      “Ah, bata pa nga. Hindi na ako mangungu-‘ho.’” Nahihiyang ngumiti siya. “May lahi ho ba kayo, Doc? Koreano?”      “Obvious ba?” Pagngisi nito ay nawala ang mga mata nito. “Pero Pinoy ang tatay ko kaya Filipino ang surname ko na Tiwaquen. Nanay ko ang Korean.”      “Talaga? Bakit dito ka nagtatrabaho?”      “Requirements ko ito. Bago ako makapag-practice sa US, kailangang makapag-serve muna ako sa isang third-world country. Dito ko napiling pumunta dahil dito ako lumaki.”      “Talaga?”      “Dito ako nag-grade school. Bumalik lang kami sa Korea noong mag-high school na ako. Isinama namin sa Korea ang lola kong Pinay, pati iyong yaya ko noong nandito pa kami sa Maynila.”      “Kaya pala ang galing mong mag-Tagalog eh.”      “I am very fond of your country. Kahit wala na rito ang mga magulang ko, I would always come for avisit. Sina Travis ang mga kaibigan ko rito. I’m staying in a hotel nearby. Pero balak kong lumipat ng condo na malapit dito dahil mukhang isang taon akong mamamalagi rito bago ko makumpleto ang requirements ko. Baka abutin ako rito nang dalawang taon o higit pa.”      Lihim siyang natuwa sa nalaman.      “Saan ka pala nagta-trabaho?” tanong nito.      “Sa isang pharmacy malapit lang sa amin, Doc.”      “Hindi ka naman nahihirapan? Minsan maraming costumers ah. Bawal sa ‘yo ang mapagod.”      “Cashier ako roon. May aircon naman sa puwesto ko.”      “Pero maghapon ka pa ring nakaupo. Tiyak na hindi naiiwasang makasinghot ka ng alikabok sa kalsada.”      “Mas mabuti na roon kaysa sa bahay namin.” Ikinuwento niya ang sitwasyon nilang magkakapatid. Marami-rami na rin siyang nai-chika rito nang i-deliver ng tauhan ng canteen ang tuna sandwich at pineapple juice na ipinabili nito.      “Para palang pang-MMK ang kuwento ng buhay mo,” komento nito habang pinapanood siyang kumain.      “Oo nga eh.” Nangingiting sagot niya rito. Medyo komportable na siya sa presenya ng doktor, hindi na siya nangingimi rito. Naisip niyang ang swerte masyado ng girlfriend nito dahil napakabait at mukhang maasikaso ito.      Sinaway niya ang kaniyang sarili dahil ang layo na ng kaniyang naisip. Pati girlfriend nitong walang kamalay-malay.      “Wala ba kayong balak na lumipat ng ibang bahay?” mayamaya ay tanong sa kaniya ni Dr. Tiwaquen.      “Naghahanap kami ng kaya ng budget naming tatlo. Wala nga lang kaming oras para sabay-sabay kaming maghanap.”      “Wala ka bang ibang malilipatang mas magaan na trabaho?”      “Naku, kung mayroon nga lang sana. Mahirap kasing maghanap, Doc. High school graduate lang ho ako, ‘tapos, may sakit pang ganito. Bagsak palagi sa medical pa lang.”      “Magtatanung-tanong ako. Baka magawan natin ng paraan ‘yang problema mo sa trabaho.”      “Naku, huwag na, Doc! Sobra-sobra na ang ibinibigay ninyong tulong sa akin. Iyon nga lang mga gamot na ibinigay ninyo, labis-labis na eh. Nag-iba ang timpla ng katawan ko sa mga iyon. Medyo sumigla ako at hindi na masyadong hirap huminga. Nakakatulog na ako nang diretso at hindi na gaanong humihingal kapag mainit.”      “Ang mga iyon ang tamang gamot para sa sakit mo. Nare-relax ng mga iyon ang puso mo nang hindi kailangang i-relax pati muscles mo. Mas mag-i-improve ka pa sa mga gamot na iyon basta ituloy-tuloy mo lang ang pag-ino ng mga ‘yon. Mas gaganahan ka ring kumain dahil sa mga vitamins mo, pero ingat sa kinakain ha, okay?”      “Yes, Doc.”      “Okay ka na ba?”      “Hindi na ako nahihilo. Hindi mo na ako kailangang samahan. Magpapahinga lang ako sandali at uuwi na rin ako.”      “Sige.” Tumayo ito pero nang tingnan siya ay tila bigla itong nag-alangang umalis. “Mas mabuti pa siguro’y bantayan na lang kita hanggang umayos ka na nang tuluyan. ‘Tapos, mag-taxi ka na pauwi.”      “Naku—”      “Better yet, ipapahatid na lang kita sa driver ko. Dito lang naman ako sa hospital eh.”      “Naku, huwag na, Doc!”      Pero hindi siya nito pinakinggan. Inilabas nito ang mamahalin nitong cell phone at saka may tinawagan roon. Hindi niya narinig ang pakikipag-usap nito dahil lumayo ito nang bahagya sa kaniya. “Halika na sa labas. Doon na natin hintayin ‘yong kotse ko,” sabi nito nang balikan siya.      Napailing siya. “Talagang nakakahiya na, Doc.” Aniya pero hinayaan na lang itong alalayan siya papunta sa exit ng hospital.               
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD