Chapter 10: Confession and Heartache
Alam na ni Skye kung bakit sobra-sobrang gastos ang ginagawa ni Winston sa bahay na titirhan nito. Hindi lang siguro ito ang titira doon kundi pati ang future wife nito. Masama man ang loob niya, lalo pa niyang pinagbuti ang kaniyang trabaho para hindi iyon mapintasan ng future Mrs. Winston Tiwaquen.
Nagliliha siya ng mga patpat na gagamitin niya sa centerpiece nang tumunog ang intercom na nakakonekta sa reception sa lobby ng apartment building.
“Ma’am, may Doctor Winston Tiwaquen ho rito. Hinahanap daw ho niya si Skye Elizabeth Arellano.”
Nagulat siya sa pangalang narinig. Kinabahan siya. Bakit siya pinuntahan ni Bobek? Tama bang paakyatin niya ito sa unit nila? “S-sorry, Manong. Wala si Skye, hindi pa umuuwi. S-si Suzy ito, iyong kapatid niya.”
“Paano ho kaya ito? Paaakyatin ko ho ba itong bisita niya?”
“Matutulog na ako eh. Pakisabing bumalik na lang siya.”
“Sige po, Ma’am.”
Nanginginig ang kamay niya nang ibaba niya ang receiver. Napaupo siya sa sofa. Tama lang ang ginawa niya. May finaceé na si Winston at wala siyang tiwala sa sarili lalo pa’t labis siyang nangungulila rito. Baka hindi siya makapagpigil at kung anu-anong kabulastugan ang pumasok sa kukote niya.
Napapangiti si Skye habang tinitingnan niya ang patapos nang produktong ginagawa niya. Naroon siya sa inuupahang workroom niya.
“Kaunti na lang at dadalhin na kita kay Pat,” pagkausap niya sa hawak na papier-maché. Naramdaman niyang bumukas ang pinto ng silid. Inaasahan niyang si Vanessa iyon, ang dalagitang anak ng landlady niya na mahilig mag-usyoso sa kaniya pagkauwi nito sa bahay sa hapon mula sa eskuwelahan. “Ano sa tingin mo, Vanessa? Okay ba?” tanong niya na hindi tumitingin sa pinto.
“Maganda. Iyan ba ang ilalagay sa library?”
Muntik na niyang mabitawan ang hawak, sabay marahas na lumingon. Nagtama ang mga mata nila ni Winston.
Ikiniling nito ang ulo nito, ngumiti at saka nagsalitang muli. “Well?”
“O-oo… sa l-library.” Nauutal niyang sagot. Hindi niya inaasahan ang biglaang pagdating nito roon.
“Ganyang-ganyan ang na-imagine kong hitsura nang una kong makita ang sketches mo.” Lumapit ito at kinuha ang papier-maché mula sa kamay niya. “Maganda ang pagkakagawa, pulido at mukhang matibay,” komento nito habang sinisipat iyon nang mabuti.
“A-ayokong mapahiya sa ‘yo. Saka baka mapintasan iyan ng magiging misis mo at hindi niyo na ako kunin sa iba pang projects.”
Hindi ito sumagot. Sa halip ay tiningnan siya nito at maingat na ibinaba ang hawak sa mesitang kaharap nito. “Iyon ba ang dahilan kung bakit mo ako pinagtaguan kagabi?”
s**t! “Wala ako sa bahay, naririto ako,” mailap ang mga matang kaila niya. Hindi tuloy siya makatingin nang diretso dito.
“Sinundan ka ng driver ko rito pagkalabas mo ng apartment ninyo kaninang umaga kaya ko nalaman ang lugar na ito.”
Napasimangot siya. “Bakit mo ako pinapasundan? May kasalanan ba ako sa ‘yo?”
“Mayroon. Pinagtaguan mo ako kagabi.”
Hindi agad siya sumagot. Iniisip niya muna ang sasabihin. Umiiwas lang ako.”
“Sa ano?”
“Sa iyo. Alam mo naman kung bakit kaya huwag mo na akong tanungin.”
“Dahil kay Yoonah?”
Hindi siya tumugon.
“So, you already know.”
“Nasa clinic ako nang dumating siya at nagpakilala kay Dr. Calayan.” Saka pa lang uli siya tumingin dito. “So, ikakasal ka na pala.”
“Wala pa kaming pinag-uusapan tungkol doon.”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag.”
“Bakit? Sasabihin mo bang wala kang gusto sa akin kaya hindi mo kailangang marinig ang paliwanag ko?” magkasalubong ang mga kilay na tanong nito.
Huminga siya nang malalim. “Ano lang ba naman ako, Winston? Hindi ako bagay sa ‘yo,” sumusukong pahayag niya. “Hindi ako nakatuntong sa college. Kahera lang ako sa isang botika. Nakikiamot lang ako sa kabutihan mo para maoperahan ng libre. Wala akong planong makipagkumpitensiya kay Yoonah.”
“Bakit naman?” tila amused pang tanong nito.
“Para ano? Para pahirapan ang sarili ko?” Pagak na tumawa siya. “Walang saysay na gawin ko iyon dahil wala naman akong kalaban-laban.”
“Kung sinuman ang nagsabi niyan sa ‘yo, hindi ka dapat naniwala. Dito ka maniwala sa puso ko.” Hinawakan nito ang kamay niya at itinapat iyon sa puso nito. “Naririnig mo ba?”
Yumuko siya. Naiiyak na siya at ayaw niyang makita nito iyon.
“Hindi ko naging ugali na manukat ng tao, Skye. Kung nagkagusto man ako sa ‘yo, ikaw ang may kasalanan n’on.”
Napamaang siya. “At bakit ako?”
“Dahil ipinakita mo sa akin ang totoong ikaw. At nahulog ang loob ko sa ‘yo. Ngayon, masisisi mo ba ako?” Umiiling-iling ito. “Ah, Skye… Pagkakita ko pa lang noong iniabot mo iyong numero mo sa mag-ina sa ospital, I knew right away na hindi ka magiging simpleng pasyente lang. Lahat ng ginawa mo, lahat ng ipinakita mo, alam kong ikaw iyon. And they endeared you to me.”
“Anong ‘endeared’?
“Napamahal ka sa akin,” anitong pinatirik ang mga mata. “Alam kong naiintindihan mo ako.”
Pumait ang ekspresyon niya. “Sinasabi mo bang mahal mo ako?”
“That’s what I’m telling you.”
“Talaga ha? Paano iyong babaeng pakakasalan mo? Hindi mo iyon mahal dahil sa akin?”
“Arranged marriage ang sa amin ni Yoonah, Skye,” sagot nito.
Natigilan siya. “Ang ibig mong sabihin, ipinagkasundo lang kayo?”
“Tumango ito. “Closed friend at may-ari din ng ilang ospital sa Korea ang pamilya Park. It wouldn’t hurt the family to have breathing space against competitions in the industry.”
“Wala kang gusto sa kaniya?” diskumpiyadong tanong niya.
“Wala akong gusto kay Yoonah. I never agreed to my family’s marriage plans for me.”
“Pero kailangan mo siyang pakasalan?”
“For my family’s honor, yes.”
Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Aatakihin yata siya. “Kung ganoon, ano pa’ng ginagawa mo rito?” naiiyak na tanong niya.
Nagtagis ang mga bagang nito. Hindi ito nagsalita.
“H-hindi ka puwedeng umatras sa kasal na iyon?”
“Hindi.”
Bumangis ang anyo niya. “Kahit sinasabi mong ako ang mahal mo?”
Tiningnan siya nito nang matagal bago ito bumuntung-hininga at sumagot. “Yes.”
“Iyon naman pala eh!” Pinukpok niya ang mesitang. “Bakit nagpunta ka pa rito?”
“Dahil ayokong isipin mo na niloko kita. I like you, Skye. Gusto kong makasama ka, pero—”
“Pero hindi puwede,” mapaklang salo niya sa sasabihin nito.
“Ayokong paasahin ka sa isang bagay na hindi ko maibibigay sa iyo. I don’t want to keep you if I can’t marry you. That won’t be fair.”
“Kaya ilang linggong hindi ka nagparamadam sa akin?”
“Yes, I’m sorry.”
“Tama ang ginawa mo.” Kalmado na siya. Bumagsak ang mga balikat niya nang mahimasmasan. Narinig na niya ang katotohanan mula sa mismong bibig nito.
“But it doesn’t mean I will stop caring for you.”
Ngumiti siya nang mapakla. “Kapag ginawa mo iyan, hindi ba’t para mo na rin akong pinaasa?”
“I want to help you to have a better life.”
“Gusto mo rin akong pagandahin gaya ng lahat ng bagay na dumaraan sa buhay mo. Pagagandahin at gagastusan mo, pagkatapos ay iiwan din.”
“I will never stop caring for you,” ulit nito.
“Pagkalipas kaya ng tatlong taon, maaalala mo pa ang pangalan ko?”
“Skye…” Aabutin sana siya nito pero kusa na ring huminto at na-freeze sa ere ang kamay nito.
Hindi niya alam kung magagalit o magpapasalamat siya rito dahil hindi nito pinagsamantalahan ang kahinaan niya. Pinili niyang huwag na lang isipin alin man sa dalawang iyon. “M-matatapos ko na itong ginagawa ko. Titiyakin kong hindi ka mapapahiya kay Yoonah kapag nakita niya ito sa temporary home ninyong dalawa rito sa Pilipinas.”
“Please. There are no wedding plans yet,” saad nito sa mabigat na tinig.
“Pero doon din ang tuloy n’on.” Tumayo siya at binuksan ang pinto. “Umuwi ka na. Huwag mo na akong istorbohin at kailangang matapos ko ito.”
“Skye…”
“Umalis ka na para makapagtrabaho na uli ako, Winston.”
Tumayo na rin ito at nilapitan siya. Saglit na nagtitigan sila sa tapat ng nakabukas na pinto. Sa huli ay ito na ang sumuko. Bumuntung-hininga ito at saka tuluyang lumabas ng silid.
Nawalan na siya ng interes na ituloy ang ginagawa. Mas gusto niyang matulala na lang at tumitig sa kawalan.