Kabanata 7

1969 Words
Pananakot “SINO kailangan mo, Miss?” bungad sa akin ng guard nang magkalakas-loob akong mag-doorbell. Lumunok ako at ilang segundo pa ang lumipas bago ko nagawang ibuka ang bibig ko at sabihin ang pangalan ng taong pakay ko. “S-Si Arvie ho?” “Ay si Sir Arvie? Wala siya dito. Nagpunta ng Maynila, baka matagalan pa ang uwi no’n.” “H-ho? Sino pong tao diyan? Si Ashton po?” “Nasa taas pero ang kabilin-bilinan ni Don Miguel ay huwag magpapasok ng bisita. Umuwi ka na lang, hija.” Ngumiwi siya at minasdan ako mula ulo hanggang paa. “Mukhang kakagaling mo lang ata sa aksidente eh.” Tangkang isasara niya na ang gate nang hawakan ko iyon. “P-please po, baka pwedeng makausap ko si Ashton. Mahalagang-mahalaga lang ho ang sasabihin ko.” “Nako, hindi talaga pwede–” “Boy, aalis daw si Don Miguel, buksan mo na iyong gate.” “Kuya please,” “Sige, diyan ka lang muna at itatanong ko kay Don Miguel. Anong pangalan mo?” “Alana po. P-pakisabi kaklase ako ni Meredith.” Natigilan ang guard at saglit pa akong pinagmasdan bago iiling-iling na tinalikuran ako. “Ahh,” daing ko nang malasahan ang dugo sa labi ko nang mapadiin ang pagkakakagat ko doon dahil sa matinding kaba na nararamdaman. Nang tuluyang bumukas ang malaking gate at lumabas doon ang magarang sasakyan ay gumilid ako para hindi ako matamaan no’n. Akala ko’y aalis na iyon ngunit huminto iyon sa harap ko. Bumaba ang bintana no’n at nagtagpo ang paningin namin ni Don Miguel. Nakasanayan kong makita ang malawak niyang ngiti na naninibago ako sa malamig niyang tingin sa akin. Itinaas niya ang kamay at iminuwestrang lumapit ako sa kanya. “Get in.” “P-po?” “Bingi ka ba? Ang sabi ko pumasok ka dito sa sasakyan.” Hindi malaman ang gagawin na napatitig ako sa walang kaemo-emosyon niyang mga mata. Hanggang sa bumaba ang lalaki na tauhan niya at igiya ako papasok sa loob ng magarang kotse. “S-saan ho tayo pupunta, Don Miguel?” “Ihahatid ka sa bahay mo ineng. Sa tingin mo ba may ibang lugar pang pwedeng puntahan sa islang ito?” puno ng sarkasmong tugon niya sa akin. “P-pero kailangan ko pong makausap si Ashton,” nakayuko kong sagot. Huminto ang kotse sa gilid ng kalsada halos isang minuto pa lang ang tinatakbo namin at bumaba ang driver nila. “Bakit? Anong kailangan mo kay Ashton?” “M-may sasabihin po ako–” “Anong sasabihin mo sa anak ko?” Mariin akong pumikit at malalim na bumuntonghininga bago buong tapang na binalingan ng tingin si Don Miguel. “Iyong totoo pong nangyari k-kina Meredith at Arvie. W-wala po talagang nangyari sa kanila.” Inasahan kong makikitaan ko ng gulat ang mga mata niya pero nanatiling blanko iyon. “Anong katibayan mo sa sinasabi mong ‘yan?” “Po?” “Pruweba hija, na totoong walang nangyari kay Arvie at sa Agustin na ‘yon.” Saglit akong natigilan at nahihiyang napayuko. “A-ako ho ang magiging pruweba dahil nang gabing ‘yon a-ako po ang b-babaeng nakat-t…” hindi ko matapos-tapos ang sasabihin ko at nakakaramdam ng pag-iinit ng buo kong mukha. Pagak na tumawa si Don Miguel kaya napatingin ako sa kanya. “Ikaw ang nakasiping ng anak kong si Arvie tama? Ikaw din ang nagdala sa kaklase mo sa kwarto niya para palabasin na silang dalawa ang nagtalik ng gabing ‘yon?” “P-paano n’yo po nalaman?” Ngumisi siya. “Marami akong mga mata sa pamamahay ko hija, mga hindi nakikita ng mga gaya n’yo.” “K-kung ganoon po bakit hindi n’yo po sinabi kina Ashton ang totoo–” “Dahil hindi na nila kailangan pang malaman. You know I wanted to praise you for doing that, if only my wife didn’t die.” Kumabog ang puso ko nang makita ang pagtalim ng mga mata niya sa akin. “H-hindi ko po alam na aabot sa ganoon–” “Ginawa mo ‘yon para saan?” Nangatal ang labi ko at naalala ang napakababaw na dahilan. “S-scholarship. G-ginawa ko ‘yon para sa scholarship na ibibigay ng pamilya n’yo kay Meredith.” Umismid siya. “Ganoon ba? Then you’ll get what you want. Ora mismo ay sasabihin ko sa principal na ikaw ang magiging recipient ng scholarship ngayong taon.” Kulang ang sabihing nagulat ako sa sinabi ni Don Miguel. “Bakit n’yo po gagawin ‘yon? Nagkasala ako sa pamilya n’yo. S-sinira ko ho ang relasyon ng mga anak n’yo.” “Pero nagawa mong dispatsahin ang Agustin na ‘yon at gawing marumi sa paningin ng anak ko. Kung hindi nga lang talaga namatay si Almira baka higit pa sa scholarship ang ibigay ko sa ‘yo.” Umiling-iling ako hindi nasiyahan sa sinabi niya. Wala ni katiting na saya ang naramdaman ko sa scholarship na minimithi ko. Dahil hindi nararapat sa akin ang bagay na ‘yon dahil sa malaking kasalanan na nagawa ko. Marami silang nagdusa dahil sa akin. Huli man ay alam kong may oras pa para kahit paano’y maayos ko ang nagawa kong pagkakasala. “Anong ibig sabihin ng pag-iling na ‘yan?” “Hindi ko ho matatanggap ang scholarship na ‘yon. Kakausapin ko pa din ho ang mga anak n’yo at haharapin ko ang parusang ibibigay nila sa akin sa kasalanang nagawa ko–” Natigil ako sa pagsasalita at napahawak sa namanhid kong pisngi na naging resulta nang malakas na pagsampal sa akin ni Don Miguel. “Parusa? Ako ang magbibigay ng parusa sa ‘yo na hindi mo makakalimutan kung itutuloy mong sabihin sa kanila ang totoong nangyari ng gabing ‘yon. Wala kang sasabihin kahit kanino! Huli na ang lahat para magpakain ka sa konsensya mo, Miss Jimenez. Sira na ang relasyon ng mga anak ko at wala na rin ang mga babaeng kinababaliwan nila. What I want you to do is to f*cking grab that scholarship and stay away from our family!” “D-Don Miguel…” natatakot kong anas at napaurong sa kinauupuan sa nakikitang panlilisik ng mga mata niya sa akin. Binuksan ko ang pinto pero hindi ko iyon magawang buksan. Naramdaman ko ang panginginig ng buo kong katawan nang may kunin siya sa lagayan sa harap ng kotse. “Kita mo ‘to?” Nanlamig ako nang itutok niya ang baril sa noo ko. “Hindi lang diyan sa ulo mo puputok ang baril na ‘to maging sa mga ulo ng pamilya mo. Ang ama at mga kapatid mo, uubusin ko at wala akong ititira. Ngayon, sasabihin mo pa ba ang totoong nangyari sa mga anak ko?” “Sagot!” sigaw niya dahilan para mapapitlag ako at matutop ang bibig ko sa labis na takot. Umiling-iling ako. “H-hindi p-po. Wala po akong pagsasabihan ng nangyari.” Ibinaba niya ang hawak at pabatong iniitsa ‘yon sa harapan ng sasakyan. “Kung gusto mong matahimik ang buhay n’yo dito sa Isla. Panindigan mo ang sinabi mong ‘yan.” Naiiyak ako pero ni walang isang patak ng luhang kumawala sa mga mata ko. Tulala ako nang palabasin ako ng driver. Pinanood ko ang pag-alis ng sasakyan at nanghihina ang tuhod na bumagsak ako sa lupa. Kahit nang maramdaman ko ang pagpatak ng ulan sa ulo ko ay nanatili akong walang kagalaw-galaw sa pwesto ko. Kasabay ng pagbuhos nang malakas na ulan ang pagtangis ko. Pinaghalong pagsisisi, kaba, at takot ang namamayani sa pagkatao ko. Wala akong magagawa. Patawarin n’yo ako…Mali–hindi ako kailanman hihingi ng tawad sa mga nagawa ko dahil wala ‘tong kapatawaran. *** “ALANA, anak!” Natigil ako sa pagtulong sa kapatid kong gumawa ng proyekto niya nang humahangos na dumating ang ama ko galing sa trabaho. “May dumating na sulat sa tindahan mula doon sa University na sinasabi mong balak mong pasukan sa maynila! Natanggap ka! Magiging doktor na ang anak ko.” “Napaka-OA mo Amil, first year college pa lang ‘yang panganay mo. Malayo pa lalakbayin niyan,” masungit na saad ng madrasta ko na naghahanda na ng hapunan namin. Lumapit ako sa ama ko at kinuha ang sulat na sinasabi niya. “Parang hindi ka naman masaya Ate?” anang kapatid ko sa akin na si Gio. Pilit akong ngumiti sa kanya at nilawakan iyon nang magtagpo ang tingin namin ng ama ko. “Siyempre masaya ho. Pa, wala na din kayong poproblemahin sa mga gastos. K-kahapon ho, kinausap na ako ni Ma’am Cora, ako raw ho ang tatanggap ng scholarship ng mga Sy.” “Talaga ba, anak? Napakagandang balita niyan! Bukas na bukas ay pupunta tayong La Paz at mag-ce-celebrate. Tamang-tama at wala ka pang isusuot na damit sa graduation mo sa lunes. Pansin kong luma na ang uniform mo, pwede naman kayong mag-dress hindi ba? Mamimili tayo bukas pati sapatos.” “Aba Amil, gastos lang ‘yan. Pwede naman na iyong uniform na lang ni Alana ang isuot niya–” “Sus, minsan lang naman. Ipapamili ko na rin kayo ng mga bata? Hindi ba kamo at may gusto kang bag na nakita sa mall ng La Paz? Bilhin na natin bukas.” “Ay sige na nga nang makapamasyal din.” Kitang-kita ko ang galak sa mga mata ng ama ko na naramdaman ko ang pangingilid ng mga luha ko. Magiging lubos ang kasiyahan sa puso ko kung nakuha ko ang mga bagay na ‘to na wala akong natapakan na tao. “Ate, bakit ka malungkot?” kalabit ng bunso kong kapatid na si Benjie sa akin. Lumuhod ako sa harap niya at pilit na tumawa habang pinupunasan ang mga mata. “Hindi ah. Halika na kumain na tayo.” “Sinigang ang ulam, ayaw mo no’n hindi ba? Eto talagang si Mama,” bulong sa akin ni Vina na nginitian ko lang. “Masarap naman ‘yon.” Ayoko sa maasim na mga pagkain kaya hindi ko maunawaan ang sarili nang tila magustuhan ko ang nilutong sinigang ng madrasta ko. Halos ilang buwan na rin akong walang ganang kumain at ngayon ay nakadalawang sandok pa ako ng kanin gustong-gusto ang asim ng sampalok na siyang inihahalo roon ni Mama Agnes. “Aba, himala’t magana ka yatang kumain ngayon, Alana?” saad niya sa akin. Natigilan ako sa pagsubo at nginitian siya. “Masarap ho ang luto n’yo sa sinigang, Mama.” Kumunot ang noo niya pero hindi na nagsalita at binalingan na ang kapatid kong si Vina na sinasabi ang panibagong singing contest na sasalihan niya. Muli akong nagpatuloy sa pagkain hindi napansin ang mapagmatyag na tingin sa akin ng madrasta ko. Kinagabihan ay kumatok si Vina para manghingi ng napkin. Dali-dali kong binuksan ang drawer ko at napalunok nang makita ang dalawang pack doon na hindi ko pa nabubuksan. Binundol ng kaba ang puso ko nang may mapagtanto. Hindi pa ako dinadatnan. “Ate? Ang tagal mo naman,” lapit sa akin ni Vina. “Ayon, akala ko wala ka na eh. Magagalit na naman ‘yon si Mama dahil noong nakaraan lang ay nag-grocery kami tas hindi pa ako nagpabili. Pero ba’t ang dami pa niyan. Hindi ka pa ba dinadatnan?” “Huh?” Kumunot ang noo ng kapatid ko. “Ayos ka lang ba, Ate? Namumutla ka.” Tumango ako at pilit na ngumiti. “Oo, ayos lang. Sige na, matutulog na ako eh. Maaga daw tayo bukas sabi ni Papa.” “Yes! Excited na ako! May papabili ako kay Papa eh. Buti na lang good mood siya dahil sa ‘yo.” Nang makalabas ng kwarto ko si Vina ay nanghihina akong napaupo sa kama. Umiling-iling ako sa pumasok sa isip ko. Hindi pwede…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD