Kabanata 6

1706 Words
Nagmamakaawa “NENG, sasakay ka ba?” “Kuya, ako na lang muna. Tulala si Nene, baka may hinihintay pa.” “O siya sige, sakay.” Naririnig ko sila ngunit nanatili akong walang kagalaw-galaw sa kinauupuan ko. Pagod ako at masama pa din ang pakiramdam pero parang hindi ko pa gustong bumalik ng Isla del Fuego dahil magpahanggang ngayon usap-usapan pa rin ang eskandalong kinasangkutan nila Meredith. Isang eskandalo na ako talaga ang dapat sisihin. Walang iba. “Alana, ayos ka lang ba?” Umiling ako sa naging tanong sa akin ni Aling Cedes, ang tindera na simula nang nag-aral ako ay hindi na nawala sa terminal. “Gusto mo bang ikwento ang problema mo? Baka makatulong ako.” Sinulyapan ko siya at nangatal ang labi ko. Bumukas-sara iyon at ngali-ngaling sabihin ko kung anong problemang meron ako ngayon. “P-paano po kapag alam n’yo naman iyong tamang gawin pero h-hindi n’yo magawang gawin? P-paano kung nagkamali kayo pero huli na para itama?” magkasunod kong tanong sa kanya. “Bakit hindi mo magawa? Natatakot ka ba?” Dahan-dahan akong tumango at napatingin sa dagat. Tila gusto ko na lang tumalon at magpaagos sa alon. “Natatakot po akong magalit sa akin iyong t-taong gusto ko. Natatakot akong h-hindi ko na matupad iyong pangako ko sa isa ko pang mahal. Hindi ko din ho kayang biguin i-iyong Papa ko.” “Hija, minsan kailangan nating magpadaig sa takot na meron tayo at itama ang kung anumang maling nagawa natin. Hindi lang para sa mga taong nagawan natin nang masama kung hindi para na rin sa sarili natin. Kasi makatakas ka man ngayon, hindi ka patatahimikin ng konsensya mo at pagdating ng araw baka mas malaking parusa ang singilin sa ‘yo ng tadhana.” “Aling Cedes, isang yosi nga!” “Oh siya, maiwan na kita. Pag-isipan mo ang mga sinabi ko ah.” Tumayo ako ngunit imbes na sumakay sa kadarating lang na bangka ay napagpasyahan kong magtutungo ako sa La Paz para dalawin ang puntod ng ina ko. Habang naglalakad patungong terminal ng jeep ay iniisip ko ang sinabi ni Aling Cedes sa akin. “Let me go, Arvie!” “P-please babe, d-don’t leave me.” Natigilan ako sa dalawang taong nagsisigawan ilang dipa ang layo sa akin. Tulad ko’y may mangilan-ngilang tao na huminto na dahil sa paghihilahan nilang dalawa. “Bitiw na sabi, ano ba!” sigaw ni Maria na malakas na sinampal si Arvie at tinulak. Bumagsak ang huli. Akala ko ay tatayo siya pero natutop ko ang bibig nang lumuhod siya sa harap ni Maria. “Patawarin mo na ako. N-nawala na sa akin si Mommy, galit sa akin si Kuya–” “You deserved that! Hindi deserve ni Tita ang mamatay but you deserve na mawala sila sa tabi mo, Arvie. After what you’ve done, nakakadiri ka.” “Maria, I-I was drunk–” “You’re drunk? Ayan lang ba ang masasabi mo after f*cking my cousin? You’re drunk?! Eh bakit ka ba naglasing nang ganoon? How many times did I tell you na h-huwag kang uminom dahil hindi sa tiyan mo dumidiretso ang alak kung hindi diyan sa utak mo? Pero hindi ka nakinig! You slept with my cousin of all people! Then, you expect me to stay? Anong tingin mo sa akin, ganoon na kabaliw sa ‘yo? Na hahayaan at kakalimutan ko na lang ang nangyari? Tapos ano pagdating ng panahon, kapag nag-away na naman tayo. Iinom ka t-tapos makikipag-s*x sa iba? I don’t deserve that kind of man.” Humagulgol si Maria at sinapo ang mukha niya. “T-tapos na tayo, Arvie. Hindi mo na maibabalik pa ang nagawa mo. You and Meredith ruined everything. Our dreams, Ashton’s plan for them and mostly the life of your mother. Wala na ang lahat ng ‘yon. Kaya tigilan mo na ‘to, walang mangyayari sa pagmamakaawa mo.” “Maria, please…” “Hindi mo na maibabalik ang tiwala ko, what’s the point of staying with you?” walang ekspresyon sa mukhang saad ni Maria at nanikip ang dibdib ko nang hubarin niya ang singsing na suot at ibato iyon kay Arvie. Tumakbo si Maria at sumakay sa kotse. Si Arvie ay naiwang nakaluhod sa kalsada pinapanood ang pag-alis ng babaeng mahal niya. Sasabihin ko ang totoo. Nasa katinuan ako ng gabing ‘yon pero hinayaan ko lang siya. Makikiusap ako kay Maria. Humakbang ako para makalapit kay Arvie ngunit narinig ko ang sigawan ng mga tao. Pagpaling ko sa kanan ay nanlaki ang mga mata ko nang makita ang tricycle na papalapit sa akin. Sa sobrang lapit ay hindi ko na nagawang makaiwas at nabunggo na ako no’n. Naramdaman ko ang pagbagsak ko sa sementadong lupa kasabay nang matinding sakit sa ulo at katawan ko partikular sa braso ko. Nanlalabo ang mga mata na napatingin ako sa pwesto ni Arvie. “Iyong estudyante nasagasaan!” “Tulungan n’yo!” Nagtagpo ang mga mata namin at nakita ko ang pagtayo niya papalapit sa akin. Lumuhod siya sa harap ko at may mga sinasabi sa akin ngunit wala ni isa sa mga salita niya ang pumapasok sa pandinig ko. Nandidilim ang paningin ko sa labis na sakit na nararamdaman ko. “Don’t close your eyes! Hey miss!” Naramdaman ko ang pag-angat ko sa ere kasabay nang tuluyang pagkawala ko ng malay. *** NANG magising ako ay nabungaran ko ang ama ko na may kausap na doktor. Inikot ko ang tingin sa paligid at natantong nasa hospital ako. Napangiwi ako sa sakit na naramdaman ko sa katawan. Pagtingin ko sa braso ay may kung anong nakabalot doon pababa sa kamay ko. Mabigat iyon. Doon ko lang naalala ang nangyari sa akin kanina. May kahungkagan akong naramdaman sa puso nang ilibot ko muli ang tingin sa paligid at hindi ko makita si Arvie na natatandaan kong bumuhat sa akin para dalhin ako sa lugar na ‘to. Sino ka ba para manatili siya dito? “Alana, salamat at gising ka na!” paglapit sa akin ng ama ko. “P-Pa, a-ano pong nangyari sa braso ko?” “Cast daw ang tawag diyan anak. Kailangan gawin dahil malala ang naging tama mo diyan pero mabuti naman at ayan lang ang inabot mo. Bakit ba kasi hindi ka nag-iingat? Ang sabi no’ng driver at mga nakakita’y bigla ka na lang daw tumawid.” “S-sorry po.” “Oh siya sige, aayusin ko lang ang magiging kwarto mo. Kailangan daw kahit isa o dalawang araw ay i-admit ka dito.” “Po? Hindi po ba ako pwedeng umuwi na lang. Ayos naman na ako–” “Anong uuwi? Dito ka muna para makapahinga ka bago ka itawid sa Isla.” Pinanood kong umalis ang ama ko at kagat-labing napatingin sa braso ko. Higit pa dapat ang nakuha ko dito. Maigi siguro kung namatay na lang ako sa aksidenteng ‘yon… Sa pagpikit ko ay parang pelikulang lumitaw ang imahe nila Maria at Arvie kanina. Sariwa pa rin sa isip ko ang mga binitiwan nilang salita sa isa’t-isa. Ang pakikiusap ni Arvie na bigyan pa siya ng isa pang pagkakataon. Napadilat ako at napabangon. “Ahhh!” ungol ko nang maramdaman ang sakit sa katawan sa biglang pagbangon. Kaya hindi ako hinayaang mamatay ay dahil hindi iyon magiging sapat na kabayaran sa nagawa ko. Kailangan kong sabihin ang totoo sa kanila. Bababa na sana ako sa kama nang may pumigil na nurse sa akin. “Saan ang punta mo? Naiihi ka ba? Hintayin mo muna ang bantay mo.” “P-po? Ano kasi gusto ko nang…” “Gustong ano?” Napabuntonghininga ako at napailing na lang. Tiyak kong malabong makalabas ako ng hospital. “Sandali lang Nurse,” tawag ko sa kanya na nagtatakang tiningnan ako at tinalikuran. “Ano ‘yon?” “Iyong nagdala sa akin dito. Nakita mo ba?” kinukumpirmang tama ang isip kong si Arvie ang nagdala sa akin sa hospital. “Ah, iyong bunsong anak ng mga Sy. Hinintay niya lang na dumating ang Papa mo at umalis na din.” Napapikit ako at mas inusig ng konsensya. Nagawa niya akong dalhin dito at iligtas? Kung alam niya lang ang nagawa ko tiyak kong pagsisisihan niya ang pagtulong sa akin. Hindi ko nagawang kumbinsihin ang ama ko at nanatili ako ng dalawang araw sa hospital. Pagdating ko sa bahay ay nakasimangot agad ang asawa ng ama ko. Tiyak kong iniisip niya ang naging gastos ng ama ko sa hospital para sa akin. Agad siyang ngumiti nang pumasok na rin ang ama ko mula sa labas. “Andito ka na pala, Alana. Kumusta na ang pakiramdam mo? Pasensya ka na’t hindi na ako nakapunta sa hospital. Wala kasing titingin sa mga kapatid mo. Nag-aalala nga ako sa ‘yo. Ikaw naman kasi hindi ka nag-iingat. Ilang araw ka tuloy naliban sa klase, paano kung mawala ang honor mo.” “A-ayos lang po, Mama. Salamat po sa pag-aalala.” “Hon, hindi ‘yon mawawala kay Alana. Napakatalino ng anak natin, kaya niyang habulin ang mga na-miss niya sa klase,” pag-akbay naman sa akin ng ama ko. Hilaw na ngiti ang binigay lang sa amin ni Mama. “Oh siya, nagluto ako ng sinigang, Alana. Hindi ba paborito mo ‘yon? Halina’t kumain na tayo.” Hindi ko paborito ang sinigang… Matapos makapananghalian ay agad akong nagpaalam sa ama ko na manghihiram ng notebook sa kaklase ko na malapit sa amin. “Siya, huwag kang magtatagal at bumalik ka kaagad.” Tumango ako at pinakatitigan ang ama ko. Alam kong sa gagawin ko ay galit ang aanihin ko mula sa kanya pero kailangan kong gawin ‘to. Huli man ang lahat. Kailangan kong aminin ang totoo sa mga Sy. Sa una ay mabilis ang paglalakad ko patungo sa mga mansyon ng Sy ngunit bumagal iyon nang matanaw ko ang bahay ng mga Sy hanggang sa napahinto ako. Anong sasabihin ko? Kaya ko ba ‘to? Kagat ang labing napaatras ako pero nang mapapikit at maalala si Arvie ay isang malalim buntonghininga ang pinakawalan ko at humakbang na patungo sa mansyon para hindi man maitama ang pagkakamaling nagawa ay masabi ko ang tunay na nangyari ng gabing iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD