Sagip
GABI na nang magising ako. Pagsilip ko sa relo ay pasado alas otso y medya na pala nang gabi. Nadaanan ko ang kwarto nila Papa at nasilip kong nagkakasayahan silang lima sa panonood ng tv.
Pagbaba ko sa hapag ay nakatakip na roon ang hapunan ko. Mukhang hindi ako nagising nang tawagin ako ni Gio kanina. Wala akong gana pero kapag naabutan ni Mama Agnes na hindi ko kinain ang luto niya. Kung ano na naman ang iisipin no’n at isusumbong na naman ako sa ama ko.
Pilit kong inubos ang hapunan kahit wala akong gana. Pagkatapos kong maghugas ng pinggan ay lumabas ako ng bahay at nagtungo sa dalampasigan. Naglakad-lakad ako palayo sa bahay at nang mapagod ay ibinagsak ko ang sarili sa buhangin.
Bakit hindi ako?
Ayon ang tanong ko sa sarili habang nakatitig sa langit. Mabigat pa rin ang loob ko sa nangyari sa scholarship na inaasahan ko.
May paninibugho akong nararamdaman para kay Meredith. Mas matalino ako di hamak sa kanya. Mas magaling ako pero natalo ng pakikipagrelasyon niya sa anak ng mga Sy.
Malalim akong napabuntonghininga at naikuyom ang kamao. Maaari naman akong kumuha pa sa iba ng scholarship, sa gradong meron ako makakakuha naman ako, nga lang ay iba talaga ang scholarship grant na iyon.
Kung makakuha man ako ng scholarship malamang ay hindi ko pa rin makukuha ang kursong nais ko.
Naiinis na sumalop ako ng buhangin at galit na ibinato iyon. Napatingin ako sa dagat at kumunot ang noo ko nang may matanaw akong tila lumulutang doon.
Tumayo ako at naglakad papalapit doon. Ilang dipa mula sa pampang ay tuluyan kong nakumpirma na tao ang nakikita ko.
Patay na ba siya?
Nanigas ako sa kinatatayuan sa naisip pero nang maalala ko ang pangarap kong makapagsalba ng buhay ay walang pag-aatubiling lumusong ako sa dagat at nilangoy ang taong lumulutang.
Napatili ako nang pagdating ko sa pwesto ng lalaki ay nakadilat siya. Natutop ko ang bibig sa gulat nang makilala kung sino siya.
Walang iba kung hindi ang pangalawang anak ng mga Sy.
Tinaasan niya ako ng kilay at ibinagsak ang sarili sa dagat. Tumatawang sinulyapan niya ako. Namumula ang mga mata niya at naamoy ko ang pamilyar na alak sa kanya.
Hindi siya nalulunod o kung ano pa man. Napapahiyang iniwas ko ang tingin sa kanya at balak ko nang lumangoy pabalik sa pampang nang mamintig sa sakit ang binti ko.
Nailubog ko ang sarili at napahawak doon. Kinampay ko ang mga kamay ko pilit inaangat ang sarili dahil hindi ko maigalaw ang mga paa ko.
Hanggang sa naramdaman ko ang paghawak sa bewang ko at inangat ako. Uubo-ubo akong hindi makapagsalita dahil sa nainom kong tubig alat.
Sinulyapan ko si Arvie Ivan Sy na mabilis akong nadala sa pampang. May kumulbit sa puso ko nang mapatitig sa mukha niya.
Sa tanglaw ng buwan ay mas lalo akong napahanga sa kagwapuhan ni Arvie. Makapal ang kilay niya at mas mahaba pa yata ang pilikmata niya kumpara sa akin. Bilugan ang mga mata at matangos ang ilong niya na bumagay sa may kanipisan niyang labi.
Magkamukha sila ng panganay niyang kapatid na si Ashton ngunit para sa akin ay mas may dating siya.
Sa kanilang dalawa mas kilala si Arvie Ivan Sy dahil siya ang madalas makisalamuha sa mga kababayan namin. Ke mahirap o mayaman, kaibigan niya. Malapit siya sa mga taga-Isla dahil tuwing may medical mission sa amin ay lagi siyang kasama.
Pamoso silang magkapatid sa Isla del Fuego dahil sa angking kagwapuhan, talino, at yaman. Sabi nga nang marami ay swerte ang maiibigan ng magkapatid at wala na silang mahihiling pa.
Kaya hindi lang sila ang sikat sa Isla kung hindi maging ang mga kasintahan nila. Nga lang ay kabaliktaran kay Maria na girlfriend ni Arvie, hindi maganda ang pagtanggap nila kay Meredith.
Magkalayong-magkalayo daw kasi ang estado sa buhay nilang dalawa.
"Are you done checking me out?" pagtawa niya sa akin.
Kung sa ibang lalaki lang ay nakatikim na iyon ng pagsusungit ko ngunit kay Arvie ay tila napipi ako.
Agad kong iniwas ang tingin sa kanya at muling nasamid. Doon ko namalayang nakaangkla pala ang braso ko sa leeg niya kaya dali-dali kong inalis iyon.
Maingat niya akong inihiga sa buhangin at akmang tatayo na ako nang mapangiwi sa pagmanhid ng parehas kong binti.
"Akala mo ba patay na ako kaya ka lumangoy nang ganoon kabilis to the point na nagkaganito ang mga binti mo?" tanong niya sabay upo sa tabi ko. Napapitlag ako nang hawakan niya ang binti ko at masahehin iyon.
Balak ko sanang hilahin iyon ngunit napapikit ako sa ginhawa nang ginagawa niya.
"It's late, what are you doing here kid?"
Napadilat ako sa sinabi niya. "Kid? Hindi ako bata."
Mukha ba akong bata?
Tumawa siya. "I was just kidding. Ang liit at ang gaan mo kasi, parang bata."
Nainsulto ko sa sinabi niya pero ikinuyom ko lang ang kamao ko at tumayo na.
"Wait!"
Tila may sariling buhay naman ang mga paa kong huminto sa paghakbang sa pagpigil niya.
Niyakap ko ang sarili nang malakas na umihip ang hangin. Nangaligkig ako sa lamig at nabahing pa.
May naramdaman akong pumatong sa balikat ko at pagtingin ko ay meron nang makapal na tuwalya na naroroon.
Binalingan ko ang naglagay ngunit naglalakad na siya palayo sa akin. Nang humarap siya ay nakangiti siyang kumaway sa akin.
"Sorry if I offended you, Miss. Next time, huwag kang magtungo nang ganitong oras sa dagat. Delikado."
Muli siyang nagpatuloy sa pag-alis habang ako naman ay namalayang napapangiting niyakap ang nakabalabal na tuwalya sa akin.
Anong iningingiti mo, Alana? May girlfriend 'yang tao…aasa ka na naman sa wala.
Sa naisip ay ibinagsak ko ang tuwalya sa buhangin. Bakit nga ba panandaliang nawala sa isip ko na may kasintahan na siya.
Ang sikat na pinsan ni Meredith na si Maria ang kasintahan ng bunsong anak ng mag-asawang Sy.
Maswerte silang dalawa.
Iika-iikang muli akong naglakad ngunit napahinto at nilingon ang tuwalya.
Marahas akong napabuntonghininga at binalikan iyon. Tiyak kong mahal ang tuwalya, baka hanapin pa sa akin at kung sabihin kong nawala ay pabayaran pa.
Ayon ang isiniksik ko sa isipan ko habang ibinabalabal ang tuwalya sa basa kong katawan.
Paanong hahanapin sa 'yo eh hindi ka nga niya kilala?
"Anong nangyari sa 'yo? Dis-oras ng gabi naligo ka sa dagat?" ani Papa nang maabutan ko siyang umiinom ng tubig sa sala.
"Nainitan lang po."
Halata sa mukha niyang hindi naniniwala sa sagot ko kaya ibinaba niya ang baso at lumapit sa akin.
"Hon, ang tagal mo naman-oh, anong nangyari Alana at basang-sisiw ka diyan?"
"Kung nainitan ka, dapat naligo ka sa banyo. Madilim ang dagat, delikado ang ginawa mo Alana Kayleigh!" panenermon ng ama ko na sinegundahan pa ng madrasta kong bumaba na rin at lumapit sa amin.
Kunot-noong bumaba ang tingin niya sa tuwalyang nakabalabal sa akin. "Teka, kanino 'yan? Wala tayong ganyang tuwalya ah."
Napalunok ako sa sinabi ni Mama Agnes. Hindi ko na rin ipinagtakang mapapansin niya ang tuwalya dahil wala talaga kaming ganitong gamit.
"Kanino 'yan, Alana?" matigas ang boses na tanong ni Papa sa akin.
Hindi pa man ako sumasagot ay nakita ko na ang galit sa mga mata niya.
"Sa nobyo mo ba 'yan, Alana?" nakangising tanong ni Mama Agnes pero nang mapasulyap sa kanya si Papa ay agad nagbago ang hilatsa ng mukha niya.
"Nobyo? May nobyo ka na?!"
Ni hindi ako nagulat sa mabilis na paghusga sa akin ng Papa ko at napailing na lang.
"Bakit ang dali-dali sa inyong husgahan agad ako, Papa?"
Masama ang loob na saad ko at nilagpasan silang dalawa hindi pinansin ang galit niyang pagtawag sa pangalan ko.